Kapag pinaglilingkuran natin ang mga anak ng Ama sa Langit, tinutulungan natin silang maniwala sa Diyos. “Sinabi ni Ammon sa kanya: Hindi, kundi magiging tagapagsilbi ninyo ako. Anupa’t si Ammon ay naging tagapagsilbi ni haring Lamoni. … Ngayon, nang makita ito ni Ammon ay tumaba ang kanyang puso sa kagalakan, sapagkat sinabi niya, ipakikita ko ang aking kapangyarihan sa kanila na kapwa ko mga tagapagsilbi, o ang kapangyarihan na nasa akin, sa pagpapanumbalik ng mga kawang ito sa hari, … nang maakay ko silang maniwala” (Alma 17:25, 29).
Kapag pinaglilingkuran natin ang iba, ipinapakita rin natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod nang may mapagmahal na kabaitan na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Maglingkod sa Kanyang pangalan sa bawat tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mamuhay bilang halimbawa ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagtupad ng tipan sa Diyos, at pagtitiis hanggang wakas.
Tulad ng mga teaching missionary, ang mga service missionary ay naglilingkod nang hanggang 18 buwan (mga babae na edad 19–29) at hanggang 24 na buwan (mga lalaki na edad 18–25). Nakatira sila sa kanilang tahanan at naglilingkod sa kanilang lugar. Naglilingkod sila nang halos full-time ayon sa kanilang kakayahan at situwasyon. Bawat service missionary ay binibigyan ng isang customized na karanasan sa misyon na iniakma sa kanyang mga talento, kasanayan, at kaloob. Sa kanilang mission, karaniwan sa mga service missionary na maglingkod sa iba’t ibang assignment, kabilang na sa mga inaprubahang organisasyon sa komunidad at pangkawanggawa, mga operasyon ng Simbahan, at mga pagkakataong maglingkod na ibinigay ng stake. Sa buong panahon ng kanilang misyon, ang mga service missionary ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng mission president, na sinusuportahan ng mga service mission leader. Ang stake president at bishop ay nagbibigay ng suporta sa mga bagay na pang-eklesiyastikal tulad ng pagiging karapat-dapat at temple recommend.
Ang mga karapat-dapat na lalaki (edad 18 hanggang 25) at mga babae (edad 19 hanggang 29) na ang kalagayan ay pinakaangkop sa isang service mission ay maaaring italaga bilang mga service missionary.
Ang mga teaching missionary na umuwi nang maaga dahil sa aksidente, karamdaman, o iba pang problema sa kalusugan at may hangaring ipagpatuloy ang kanilang paglilingkod ay maaaring i-reassign sa service mission kung inirekomenda ng mga priesthood leader at inaprubahan ng Korum ng Labindalawa. Kapag nalutas na ang mga problema nila sa kalusugan, maaari silang bumalik sa kanilang orihinal na teaching assignment.
Ang mga service missionary ay tinatawag sa paraang katulad ng sa mga teaching missionary. Ang mga kabataang lalaki at babae na ang kalagayan ay pinakaangkop sa service mission ay maaaring italaga na maging mga service missionary. Ang assignment na ito ay ginawa sa oras ng pagproseso ng missionary recommendation o pagkatapos maglingkod ang isang indibiduwal sa isang bahagi ng teaching mission at umuwi bago ang inaasahang petsa ng pagtatapos ng misyon. Ang isang service missionary ay tinatawag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta para maglingkod sa isang lugar na iniangkop sa kanyang mga talento, kasanayan, at kaloob.