Pag-asa ng Israel
Pangulong Russel M. Nelson: Hindi sapat ang mga salita para ipahayag ang aming pasasalamat sa seminary choir. Ang galing ninyong kumanta. Salamat. Maraming salamat. Habang tinitingnan ko ang Conference Center na ito na puno ng magagandang mga Banal sa mga Huling Araw, para bang nasa akin na rin sa wakas ang malaking pamilyang pangarap ko. Kayo’y 22,000 dito ngayong gabi at libu-libo pa ang kasama natin sa pamamagitan ng brodkast na ito.
Masayang-masaya kami ni Sister Nelson na makasama kayo sa gabing ito. Gustung-gusto naming kasama kayo, na mga kabataan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—at ang inyong mga guro at mga magulang.
Sana’y marinig namin ang mga karanasan ng bawat isa sa paghahanda ninyo sa pandaigdigang pagtitipon na ito, sa araw-araw ninyong pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagdarasal upang marinig ang nais ng Diyos na ituro sa inyo.
Muli, salamat sa madamdaming pagkanta ng seminary choir sa ating pambungad na awit. Ang himnong iyon—“Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta”—ay laging ibinabaling ang ating puso kay Propetang Joseph Smith. Napakalaki ng utang-na-loob natin sa kanya! Siya ang propeta ng huling dispensasyong ito! Isipin ninyo iyan! Kaedad ninyo siya nang nabigyan siya ng inspirasyon ng mga salita ni Apostol Santiago: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios.”1
Ang mga salitang ito ang nagtulak sa batang si Joseph na pumunta sa kakahuyan, kung saan ibinuhos niya ang nilalaman ng kanyang puso sa Diyos.
Bumukas ang kalangitan! Nakita ni Joseph ang Ama at ang Anak at nalaman niya kung saan pupunta para sa sagot sa kanyang mga tanong.
Ngayon ay nakikiusap ako na gawin ng bawat isa sa inyo ang ginawa ng tinedyer na si Joseph. Magtanong kayo nang direkta sa inyong Ama sa Langit sa panalangin. Makiusap sa Kanya, sa pangalan ni Jesucristo, na gabayan kayo. Malalaman ninyo mismo—sa edad ninyo ngayon—kung paano makatanggap ng personal na paghahayag. At wala nang gagawa ng mas malaking epekto sa buhay ninyo kaysa dito!
Ipinapangako ko sa inyo—hindi sa taong katabi ninyo, kundi sa inyo—na, nasaan man kayo sa mundo, nasaan man kayo sa landas ng tipan—kahit na sa sandaling ito, hindi kayo nakasentro sa landas—ipinapangako ko sa inyo na kung taos-puso at matiyaga ninyong gagawin ang espirituwal na gawaing kailangan upang malinang ang mahalaga at espirituwal na abilidad ng pakikinig sa bulong ng Espiritu, mapapasainyo ang lahat ng gabay na kailangan ninyo sa buhay. Ibibigay ng Panginoon ang mga sagot sa inyong mga tanong sa Kanyang sariling paraan at panahon. At huwag kalimutan ang payo ng inyong mga magulang at mga lider ng Simbahan. Naghahangad din sila ng paghahayag para sa inyo.
Kapag alam ninyo na ginagabayan ng Diyos ang buhay ninyo, makadarama kayo ng kaligayahan at kapayapaan anuman ang dumating na mga hamon at kabiguan.
Ngayon, nais naming kausapin kayo tungkol sa pinakamalaking hamon, na pinakamagiting na layunin, at ang pinakadakilang gawain sa mundo. At inaanyayahan namin kayo na maging bahagi nito!
Hiniling ko kay Sister Wendy Nelson na magbigay ng kaunting konteksto sa mahalagang mensaheng iyon. Sige na, Sister Nelson.
Sister Wendy W. Nelson : Mahal kong mga kapatid, na mahal at pinaniniwalaan namin, nais kong mag-umpisa sa pagsasabi sa inyo ng nakita namin ng asawa ko isang araw habang nakasakay kami sa isang all-terrain vehicle sa mga burol ng Utah.
Isang napakagandang araw iyon ng taglagas. Gustung-gusto naming makita ang mga punong ginintuan at maririkit, matataas at tuwid, na nakaturo lahat sa langit.
Pagkatapos ay lumiko kami sa isang kanto at nakita ko ang isang punong nagpaalala sa akin ng sarili ko at sa madalas kong madama sa maraming pagkakataon.
Alam ba ninyo ang pakiramdam na iyon? Titingin ka sa paligid at lahat ay mataas at matuwid at nakaturo sa langit.
Napaghandaan nila ang lahat. Nagsusuot sila ng perpektong damit, laging tamang bagay lang ang sinasabi, walang mga problema, at perpekto sa pagsunod—at tila walang nagawang mali sa buhay nila.
At pagkatapos, makikita natin ang sarili natin!
Mahal kong mga kapatid, oras na para tigilan ang pagkukumpara natin ng ating sarili sa iba. Oras na para alisin ang mga maling pagtingin sa ating sarili at sa iba. Ang totoo ay hindi naman walang pag-asang maalis ang ating mga kapintasan na tulad ng iniisip natin, at hindi naman perpekto ang iba na tulad ng ipinakikita nila—lahat, maliban siyempre pa sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang tanging mahalaga ay ginagawa natin ang ipinangako nating gawin—ang tinipan—natin sa Ama sa Langit bago tayo isinilang na gagawin natin habang nandito tayo sa lupa.
Kaya tatanungin ko kayo: Ano ang dapat ninyong gawin?
Gusto ko sanang mapanood ninyo sa YouTube ang kahit 10 minutong video ng buhay ninyo bago kayo isilang.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na kung makakatitig kayo sa langit sa loob ng limang minuto, mas matututo pa kayo tungkol sa isang bagay kaysa kung pag-aaralan ninyo ito ng buong buhay ninyo.2 Kaya isipin ninyo kung makikita ninyo ang 10 minuto ng inyong buhay bago kayo ipinanganak!
Siyempre alam natin na mahusay na naglagay ang Panginoon ng tabing sa mga alaalang iyon. Pero, kahit sandali, isipin ninyo ang epekto sa buhay ninyo kung papayagan kayong makita ang 10 minuto ng buhay ninyo bago kayo isinilang.
Naniniwala ako na kung makikita ninyo ang inyong sarili kasama ang inyong mga Magulang sa Langit at si Jesucristo; kung maoobserbahan ninyo ang ginawa ninyo bago kayo isinilang at makikita ang inyong sariling gumawa ng mga pangako—mga tipan—sa ibang tao, kabilang ang inyong mga mentor at guro; kung makikita ninyo ang inyong sarili na matapang na rumeresponde sa mga pag-atake sa katotohanan at magiting na naninindigan para kay Jesucristo, naniniwala ako na ang bawat isa sa inyo ay magkakaroon ng dagdag na lakas, tapat na pangako, at walang hanggang pananaw na tutulong sa inyong malaman ang lahat ng mga pagkalito, pagdududa, hamon, at problema. Lahat ng ito!
Naniniwala ako na kung maaalala ninyo ang taong sinabi ninyong tutulungan ninyo habang nandito kayo sa mundo, o ang mga mahihirap na karanasan na pumayag kayong pagdaanan, na anumang mahirap na sitwasyon ang hinaharap ninyo—o haharapin ninyo—sasabihin ninyong, “Ah, naaalala ko na. Nauunawaan ko na ngayon. Naiintindihan ko na ang sitwasyon na ito. Sa tulong ng Panginoon, magagawa ko ito!”
Ngayon, may isa pang bagay na gusto kong isipin ninyo. Gusto kong iniisip na bawat isa sa atin ay pumarito sa lupa na may nakakabit na scroll sa ating mga espiritu na tinatawag na “Mga Bagay na Gagawin Habang nasa Lupa.”
Pag-usapan natin kung ano ang maaaring nakasulat sa scroll na iyon. Pag-usapan natin ang limang bagay na siguradong nakasulat sa scroll ninyo ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Una, dumating ka upang tumanggap ng mortal na katawan. Iyan, mga kaibigan ko, ay talagang napakahalaga.
Pangalawa, naparito ka upang dumaan sa pagsubok.
Oo nga pala, napansin ba ninyong ang mga pagsubok natin ay kadalasang may kinalaman sa pagkontrol ng mga pita at pagkahumaling ng ating katawan, na maaaring mawalan ng kontrol kung minsan? Kung kasalukuyan kayong nakikibaka sa natirang epekto ng anumang uri ng adiksyon o ng malaking pagkakasala, hinihikayat ko kayo na kausapin ang bishop ninyo—ngayon. Hawak niya ang mga susi ng priesthood na makakatulong sa inyo.
Pangatlong bagay na dapat gawin sa lupa: piliing sundin si Jesucristo at manindigan para sa Kanya, tulad ng ginawa ninyo bago kayo isinilang.
Pang-apat, piliing magsisi araw-araw at tumanggap ng sakramento linggu-linggo. Sa paggawa nito, mapapagaling ang iyong espiritu, mapalalakas at madaragdagan ang kakayahan mo, at sa huli ay mapababanal at mapadadakila sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ngayon, ito ang panglima sa listahan ninyo: hanapin at tuparin ang inyong mortal na misyon. Mahal kong mga kaibigan, bago tayo ipinanganak, ikaw at ako ay binigyan ng kahanga-hangang mga misyon na gagampanan habang nasa mundong ito.
May mga oportunidad tayo na gampanan ang ating mga mortal na misyon, ngunit hindi natin ito kailangang gawin. Walang pipilit sa atin. Mayroon tayong agency na piliin kung paano natin gagamitin ang ating oras at enerhiya, mga talento at resources natin. Sa totoo lang, ang pinipili nating gawin ay bahagi ng ating pagsubok.
Ang pagpili ay nasa iyo at sa akin. Pipiliin ba nating gawin ang kahit ano upang matupad ang mga kahanga-hangang misyon na dapat nating gawin sa lupa?
Habang iniisip ninyo ang tanong na iyan, lumipat tayo at pag-usapan kung bakit tayo narito sa mundo—sa partikular na oras na ito, na talagang kakaibang panahon sa kasaysayan ng mundo.
Bakit kayo narito sa mundo ngayon?
Bakit hindi kayo ipinanganak noong mga 1800? o 30 taon mula ngayon?
Hayaan ninyong magbahagi ako ng karanasan na nagturo sa akin sa makasaysayang panahon kung kailan tayo nabubuhay.
Madalas ay pinag-uusapan natin ang pamumuhay sa mga huling araw. Sapagka’t tayo ay mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit ang mga araw na ito ay maaaring mas “huli” pa kaysa naiisip natin.
Ang katotohanang ito ay naging katunayan sa akin dahil sa naranasan ko sa loob ng 24 oras na nagsimula noong Hunyo 15, 2013 Nasa Moscow, Russia kami noon ng asawa ko.
Habang nakikipagmiting si Pangulong Nelson sa mga lider sa priesthood, nagkaroon ako ng pribilehiyo na makilala ang halos 100 sa ating mga kapatid na babae. Mahal ko ang ating mga kapatid na babae sa Russia. Napakahusay nila!
Nang tumayo ako sa pulpito upang magsalita, nahuli ko ang sarili kong nagsabi ng mga bagay na hindi ko inasahan, Sabi ko sa kababaihan: “Nais ko kayong makilala ayon sa inyong mga angkan. Mangyaring tumayo kayo kapag nabanggit ang tribo ng Israel na nabanggit sa inyong patriarchal blessing.”
“Benjamin?” May ilang babaeng tumayo.
“Dan?” May ilan pa.
“Ruben?” May ilan pang tumayo.
“Naphtali?” Marami pang tumayo.
Habang tinatawag ang pangalan ng labindalawang tribo ng Israel—mula sa Asher hanggang sa Zebulun—at habang tumatayo ang kababaihan, lahat kami ay nagulat sa nakikita, nararamdaman, at natututunan namin.
Ilan sa tingin ninyo sa labindalawang tribo ng Israel ang kumatawan sa maliit na pagtitipon ng kulang-kulang 100 babae noong Sabadong iyon sa Moscow?
Labing-isa! Labing-isa sa labindalawang tribo ng Israel ang kinatawan sa silid na iyon! Ang nawawalang tribo lamang ay sa Levi. Nagulat ako. Sagrado ang sandaling iyon para sa akin.
Pagkatapos ng mga pagtitipong iyon, dumiretso ako at ang asawa ko sa Yerevan, Armenia. Ang unang mga taong nakita namin pagbaba namin ng eroplano ay ang mission president at ang kanyang asawa. Narinig ng asawa ng mission president ang nangyari sa Moscow, at maligaya niyang sinabi, “Nakuha ko ang Levi!”
Isipin ninyo ang kagalakan naming mag-asawa nang makilala namin ang mga missionary nang sumunod na araw, kabilang ang isang elder mula sa Gilbert, Arizona, na nanggaling sa tribo ni Levi.
Ngayon, noong bata pa ako at dumadalo sa Primary sa Raymond, Alberta, Canada, nalaman ko na sa mga huling araw—bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas—titipunin ang labindalawang tribo ng Israel. Lubos na nakatutuwa ang katotohanang ito sa akin, at medyo mahirap paniwalaan. Kaya isipin ninyo ang pakiramdam ko na makasama ang mga miyembro ng lahat ng labindalawang tribo sa loob ng 24 oras!
Simula noon ay natutunan ko na hindi ko siguro dapat tinanong ang kababaihang iyon na magpakilala ayon sa kanilang mga angkan dahil banal ang mga patriarchal blessing at personal ang mga angkan na nakapaloob dito. Gayunman, nagpapasalamat ako sa pribilehiyong makita ang resulta ng pagtitipon ng Israel sa sarili kong mga mata. Hindi nawala ang epekto ng karanasang ito sa aking puso o isipan.
Mga kapatid, tunay na ngayon ay mga huling araw! Wala pang panahong tulad nito sa kasaysayan ng mundo. Kailanman! Bago kayo isinilang, nangako kayo at ako na gawin ang isang dakilang gawain habang narito tayo sa lupa. At sa tulong ng Panginoon, magagawa natin ito! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
President Nelson: Salamat, Wendy. Mahal kita! Hindi ba’t kahanga-hanga siya?
Mga kapatid kong kabataan, ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito. Maaari kayong maging bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!
Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa parehong panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa.
Ang mga taong nagmula sa iba’t ibang tribo ng Israel ang mga taong malamang ay babaling ang mga puso sa Panginoon. Sabi Niya, “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.”3 Ang mga kabilang sa sambahayan ni Israel ay pinakamadaling makikilala ang Panginoong Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas at nanaising makasama sa Kanyang kawan. Gugustuhin nilang maging miyembro ng Kanyang Simbahan, makipagtipan sa Kanya at sa Ama sa Langit, at tanggapin ang mga kailangang ordenansa.
Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ngayon, ibig sabihin ay sa panahon natin, ang ikalabing-isang oras at ang huling pagkakataon na magtatawag Siya ng mga tagagawa sa Kanyang ubasan para matipon ang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.4
Ang tanong ko ngayong gabi sa bawat isa sa inyo, mula edad 12 hanggang 18 ay ito: Nais ba ninyong maging malaking bahagi ng pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo ngayon?
Nais ba ninyong tumulong sa pagtipon ng Israel sa mahalagang mga huling araw na ito? Kayo ba, na mga hinirang, ay pumapayag na hanapin ang mga hinirang na hindi pa nakarinig sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo? Nais ba ninyong maging “maliliksing sugo” na binanggit ni propetang Isaias?5
Ngayon, sa paglahok sa pagtipon ng Israel ay kakailanganin ang kaunting sakripisyo. Maaari nga na kailangan ninyong baguhin ang inyong buhay. Tiyak na kukunin nito ang ilan sa oras ninyo at lakas at mga talentong bigay ng Diyos sa inyo. Interesado ba kayo?
Isipin ninyo na lang ang kagalakan at kahalagahan nito: bawat propeta simula kay Adan ay nakita ang panahon natin. At bawat propeta ay nagsalita tungkol sa panahon natin, kung kailan matitipon ang Israel at ang mundo ay magiging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Isipin ninyo ito! Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa mundo natin, tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito. Talagang nakatutuwa ito!
Inireserba ng Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na mga anak—masasabi kong, ang pinakamahusay na pangkat— para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na mga espiritu—ang pinakamahuhusay na manlalaro—ay kayo!
Pinatototohanan ko na ang pagtitipon ay ngayon na, at ito ay totoo. Noong ipinanganak ako, ang kabuuang bilang ng mga miyembro sa Simbahan ay di pa aabot ng 600,000, at walang miyembro sa South America. Ngayon ay may 16 na milyong mga miyembro sa buong mundo, na may halos 3 milyon sa South America.
Hayaan ninyong ikuwento ko ang naging karanasan ko noong 1979. Ako ang General President ng Sunday School noon. Naanyayahan akong dumalo sa isang miting ng mga pinuno ng Simbahan kung saan nagsalita ang Pangulo ng Simbahan, si Pangulong Spencer W. Kimball. Inatasan niya ang bawat isa sa amin na magdasal na mabuksan ang pinto ng lahat ng mga bansa upang madala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng tao. Binanggit niya ang China at hiniling na ipagdasal namin ang mga tao sa China. Sinabi rin niya, “Kailangan nating paglingkuran ang mga Intsik. Kailangan nating matutuhan ang kanilang wika. Kailangan natin silang ipagdasal at tulungan.”
Umuwi ako sa asawa kong si Dantzel (na namayapa mahigit 13 taon na ang nakalipas), at sinabi sa kanyang, “Hiniling ni Pangulong Kimball sa miting na iyon na mag-aral kami ng Chinese! At hindi ko narinig na sinabi niyang, ‘Lahat maliban kay Brother Nelson!’ Gusto mo bang mag-aral ng Mandarin Chinese kasama ko?” Siyempre, pumayag siya at nagpaturo kami ng Mandarin.
Anim na linggo matapos ang kahilingan ni Pangulong Kimball, dumalo ako sa taunang miting ng American Association for Thoracic Surgery. Ginanap ito noon sa Boston, Massachusetts. Nang umagang iyon, nagdasal ako sa hotel room ko para sa mga tao sa China, tulad ng hiniling ni Pangulong Kimball. Dumalo ako sa unang miting para sa araw na iyon at umupo sa kadalasang inuupuan ko—sa harapan ng silid. Gayunman, sa pagpapatuloy ng miting, hindi ako naging komportable sa aking upuan. Nang pinatay ang mga ilaw para sa isang powerpoint presentation, umalis ako sa upuan ko at umupo sa likod—sa lugar na hindi ako madalas umupo. Nang bumukas muli ang ilaw, nakita kong ang katabi ko ay isang Intsik na doktor. Nagpakilala siya bilang si Professor Wu Ying-Kai mula sa Beijing, China!
Matapos ang masayang pakikipag-usap sa kanya, inanyayahan ko siyang bumisita sa Salt lake City at magbigay ng lecture sa University of Utah Medical School. Tinanggap niya ang paanyaya at mahusay na nagleksiyon. Pagkatapos ay bumalik siya sa China.
Di nagtagal, inanyayahan niya akong maging visiting professor ng surgery sa Shandong Medical University sa Jinan, China. Na naging daan para maanyayahan akong pumunta bilang visiting professor sa dalawa pang unibersidad sa China.
Ang nakatutuwang mga propesyonal na karanasan na ito—bago ako tinawag sa Labindalawa—ay dumating sa rurok nang hiniling sa akin ng mga Intsik na surgeon na magsagawa ng open-heart operation upang iligtas ang buhay ng kanilang pinakasikat na opera star. Ginawa ko ito, at naging matagumpay ang operasyon. Ito rin ang pinakahuling operasyon sa aking propesyonal na buhay.
Halos 40 taon na, lagi ko pa ring ipinagdarasal ang mga tao sa China. Nagagalak ako sa aking pakikisama sa mga katrabaho sa medisina at iba pang mahal na mga kaibigan sa China. Natutuwa ako na opisiyal na italagang “matagal na panahong kaibigan ng China.”
May patotoo ako na kung gagawin natin ang anumang hilingin sa atin ng propeta ng Diyos, mabubuksan ang daan at mababago ang mga buhay.
Ngayon, sana tinatanong ninyo ang sarili ninyo, “Ano ang magagawa ko, bilang tinedyer, upang makatulong na tipunin ang Israel?” Iyan din ang tanong ko at ni Sister Nelson, at ng ilan pa, sa isang grupo ng kabataang edad 12 hanggang 18, na karamihan ay narito ngayong gabi.
Una naming itinanong, “Ano ang pagtitipon ng Israel? At ano ang kahulugan nito sa inyo?” Iba-iba ang kanilang mga sagot, ngunit karamihan ay nagsabing hindi nila ito alam. Ngayong gabi, gusto naming malaman ninyo na ang pagtitipon ng Israel ay nangangahulugan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na hindi pa nakagagawa ng mga importanteng tipan sa Diyos o natatanggap ang mahahalagang ordenansa.
Bawat anak ng ating Ama sa Langit ay nararapat na magkaroon ng pagkakataon na piliing sundin si Jesucristo, na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo kasama ang lahat ng biyaya nito—oo, lahat ng mga biyayang ipinangako ng Diyos sa angkan ni Abraham, Isaac, at Jacob, na kinikilala ring Israel.
Mga mahal kong mahuhusay na kabataan, ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga.
Ang pagtitipon na ito ay dapat maging napakahalaga sa inyo. Ito ang misyon ninyo dito sa lupa.
Kaya ang tanong ko sa inyo ay “Handa ba kayong maging bahagi ng hukbo ng kabataan ng Panginoon upang tumulong na tipunin ang Israel?” Pag-isipan ninyo muna ito. Huwag muna kayong sumagot.
Balikan natin ang iba pang itinanong namin ni Sister Nelson sa mga kabataan naming kaibigan. Itinanong namin, “Kung inanyayahan ng propeta ang lahat ng 12 hanggang 18 taong gulang sa Simbahan na maging bahagi sa pagtipon ng Israel, ano ang handa ninyong gawin?”
Sumagot ang mga kabataan ng nagbibigay insiprasyong mga komentaryo tulad ng, “Kung inanyayahan kami ng propeta na makibahagi sa pagtipon ng Israel, sigurado akong gugustuhin kong makilahok.” Sagot ng isa pa, “Ititigil ko lahat ng ginagawa ko at tutulong!” At isa pa: “Gagawin ko anuman ang hilingin niyang gawin ko, dahil ang propeta ay mangangaral mula sa Diyos.”
Kabilang din sa mga sagot nila ang: “Mas masasabik akong gumawa ng family history. Magiging mas bukas ako at daragdagan ang pagsisikap ko na kausapin ang iba tungkol sa ebanghelyo. Magiging mabuting halimbawa ako ng pagpapakita ng ugaling tulad kay Cristo. Mas gagawin ko ang binyag para sa mga patay, babaguhin ang ilang aspeto ng buhay ko at mga desisyong ginagawa ko, pumunta saanman niya ako papuntahin, mag-aaral ng bagong wika, magkakaroon ng mga bagong kakilala, ipahihiram ang kopya ko ng Aklat ni Mormon sa mga hindi pa nakakabasa nito. At magiging napakabait ko.”
Tinanong din namin ang mga kabataan kung ano ang handa nilang isakripisyo upang makatulong sa pagtitipon ng Israel. Muli, pinahanga kami ng mga kabataan. Sumagot sila: “Babawasan ko ang paglalaro ng sports para makatulong ako sa taong nangangailangan ng katotohanan. Isasakripisyo ko ang pagsama sa mga kaibigan ko at sa halip ay iimbitahan silang pumunta sa templo. Babawasan ko ang oras sa cellphone ko. Babawasan ko ang panonood. Isasakripisyo ko rin ang pagtulog sa hapon pag Linggo!”
Nagtanong kami, “Kung gusto ninyong maging bahagi sa pagtipon sa Israel, ano ang gusto ninyong simulan o itigil na mga gawain?” Ang sagot nila ay, “Mas magbabasa ako ng mga scripture, at mas may kahulugan, para masagot ko ang mga tanong na maaaring itanong sa akin. Babawasan ko ang oras ko sa social media; mas gagawa ako ng mga simpleng member-missionary work, kabilang ang pagbibigay serbisyo araw-araw. Babawasan ko ang oras ko sa cellphone, at kapag gumagamit ako nito, magpo-post ako ng mga scripture at iba pang espirituwal na mensahe sa social media. Pag-aaralan ko ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya dahil napakahalaga ng mga ito. Kakain ako ng wastong pagkain para maging malakas ako. Titigilan ko ang pag-iisip na lahat ng bagay ay tungkol sa akin.” Salamat, mga kapatid, sa inyong mga sagot sa aming mga tanong.
Minamahal kong mga batang kapatid, ngayon ay naghahanda ako sa araw na mag-uulat ako kay Propetang Joseph Smith, kay Pangulong Brigham Young, at sa iba pa—at sa Diyos—tungkol sa paglilingkod ko bilang propeta ng Diyos ngayon sa mundo. Ayokong matanong na, “Brother Nelson, bakit hindi mo nilinaw sa mga kabataan ang bahagi nila sa pagtitipon ng Israel? Bakit hindi ka naging mas matapang sa pag-anyaya sa kanila na makilahok?”
Kaya ngayon, iniimbitahan ko ang bawat young woman at bawat young man sa pagitan ng edad 12 hanggang 18 ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na makibahagi sa batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon upang tumulong sa pagtipon ng Israel.
Ano ang tutulong sa inyo? Sa araw-araw na pagbabasa ninyo ng Aklat ni Mormon, matututunan ninyo ang doktrina ng pagtitipon,6 mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, Kanyang Pagbabayad sala, at ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo na hindi makikita sa Biblia. Ang Aklat ni Mormon ay sentro sa pagtitipon ng Israel.7 Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap.
At ngayon, iniimbitahan ko kayo na ihanda ang inyong sarili sa paggawa ng lima pang bagay—limang bagay na babago sa inyo at tutulungan kayong baguhin ang mundo.
Una, iniimbitahan ko kayo na kumalas sa palagiang paggamit ng social media, upang mabawasan ang makamundong impluwensya nito sa inyo.
Hayaan ninyong magkuwento ako ng isang batang lalaking kaedad ninyo, ang apo ng isa sa mga kaibigan ko. Sikat siya sa kanyang mga kaibigan at isang lider sa kanyang high school. Kamakailan, nakakita ang kanyang mga magulang ng mga bagay sa cellphone niya na hindi nararapat sa isang alagad ni Jesucristo. Pinilit nila siyang huwag munang gumamit ng social media. Pinalitan nila ang kanyang smartphone ng isang flip phone, at nagpanik siya. Paano siya mananatiling nakakonekta sa kanyang mga kaibigan?
Sa umpisa, nagalit siya sa mga magulang niya. Ngunit matapos ang ilang araw, nagpasalamat siya sa pagtanggal nila sa smartphone niya. Sinabi niya, “Ngayon dama kong talagang mas malaya ako kaysa dati.” Ngayon, tinatawagan niya ang mga kaibigan niya sa flip phone niya para kumonekta sa kanila. Sa halip na mag-text, mas kinakausap na niya ang mga kaibigan niya!
Ano pa ang mga pagbabago sa buhay ng kabataang ito? Ngayon sinasabi na niyang gusto niyang malaya siya mula sa hindi totoong buhay na nililikha ng social media. Mas aktibo na siya sa buhay niya kaysa palaging ginagamit ang kanyang cellphone. Lumalahok siya sa mga outdoor recreational activity kaysa maglaro ng mga video game. Mas positibo at matulungin na siya sa bahay. Naghahanap na siya ng mga pagkakataon na maglingkod. Mas nakikinig na siya sa Simbahan, mas maaliwalas ang kanyang mukha, mas masaya, at aktibong naghahanda para sa kanyang misyon! Lahat ng ito ay nangyari dahil sa nagpahinga siya mula sa negatibong epekto ng social media.
Kaya ang unang paanyaya ko sa inyo ngayon ay kumalas sa palagiang paggamit ng social media sa pamamagitan ng pagtigil sa paggamit nito sa loob ng pitong araw. Alam ko na may mga positibong bagay mula sa social media. Ngunit kung mas binibigyan ninyo ng atensyon ang mga feed ninyo sa social media kaysa sa mga bulong ng Espiritu, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa espirituwal na kapahamakan—gayundin ang kapahamakan ng pagdanas ng matinding pag-iisa at depresyon. Alam nating pare-pareho ang mga kabataang naimpluwensyahan ng social media na gumawa at nagsabi ng mga salitang hindi nila gagawin o sasabihin sa totoong buhay. Isang halimbawa ang pangbu-bully.
Isa pang hindi magandang epekto ng social media ay gumagawa ito ng di makatotohanang realidad. Ipino-post ng lahat ang kanilang pinakamasaya, pinakapambihira, at pinaka-nakatutuwang mga larawan na nagbibigay ng maling impresyon na ang lahat maliban sa inyo at may masaya, pambihira, at nakatutuwang buhay. Marami sa lumalabas sa inyong mga social media feed ay hindi tumpak, kung hindi peke. Kaya bigyan ang inyong sarili ng pitong araw na break mula sa peke!
Mamili ng pitong magkakasunod na araw at gawin ito! Tingnan ninyo kung may pagkakaiba sa nararamdaman at iniisip ninyo, at pati na kung paano kayo mag-isip, sa loob ng pitong araw na iyon. Matapos ang pitong araw, tingnan ninyo kung may mga bagay kayong nais itigil at mga bagay na nais ninyong simulan.
Ang pag-aayuno mula sa social media na ito ay maaaring sa pagitan lamang ninyo at ng Panginoon. Ito ang inyong sagisag sa Kanya na handa kayong lumayo mula sa mundo upang maging bahagi ng Kanyang batalyon o hukbo ng kabataan.
Ang pangalawang paanyaya ko ay gumawa ng lingguhang sakripisyo ng oras sa Panginoon, sa loob ng tatlong linggo, upang malaman Niya na nais ninyong maging bahagi ng Kanyang batalyon o hukbo ng kabataan—higit pa sa ibang nais ninyo. Sa loob ng tatlong linggo, tigilan ang paggawa ng isang bagay na gusto ninyong gawin at gamitin ang oras na ito upang tumulong na tipunin ang Israel.
Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.
Sa pagdarasal ninyo sa sakripisyo na ito ng oras, magagabayan kayong malaman ang bagay na tatalikuran ninyo at ang magagawa ninyo upang makatulong na tipunin ang Israel. Halimbawa, ang isang batang golfer ay maaaring bawasan ng isang round ang kanyang paglalaro at gamitin ang oras na ito sa bautismuhan sa templo.
Ang aking pangatlong paanyaya ay na gumawa ng masinsinang pagtatasa ng inyong buhay sa Panginoon, at malamang kasama ang inyong mga magulang at bishop, upang masiguro na ang mga paa ninyo ay lubos na nakatindig sa daan ng tipan. Kung napalayo na kayo, o kung may mga bagay na kailangan ninyong talikuran upang tulungan ang isip at puso ninyo na maging mas dalisay, ngayong araw ang perpektong oras para magbago.
Kung hindi kayo sigurado kung paano magsisi, kausapin ang inyong bishop o mga magulang o pareho. Tutulungan nila kayong maintindihan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tutulungan nila kayong maranasan ang kaligayahan na laging dala ng tunay na pagsisisi.
Huwag na kayong magpatuloy sa lihis na daan nang isa pang minuto. Bumalik na kayo sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi, ngayon na. Kailangang makasama namin kayo sa batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon. May pagkakaiba kung wala kayo!
Ang pang-apat na paanyaya ko ay na ipagdasal ninyo araw-araw na matanggap ng lahat ng mga anak ng Diyos ang mga biyaya ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ikaw at ako ay nabubuhay upang makita, at patuloy na makikita, ang Israel na natipon nang may pambihirang kapangyarihan. At maaari kang maging bahagi ng lakas sa likod ng pagtitipon na iyon!
Ang panlimang paanyaya ko ay na kayo ay mamukod tangi at maging kaiba sa mundo. Alam natin na dapat kayong maging liwanag sa mundo. Kaya, kailangan kayo ng Panginoon na magmukha, magsalitang tulad, kumilos na tulad, at manamit na tulad ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo. Oo, kayo ay nabubuhay sa mundo, ngunit mayroon kayong kaibang pamantayan sa mundo upang tulungan kayong maiwasan ang mantsa ng mundo.
Kasama ang Espiritu Santo bilang kompanyon ninyo, makikita ninyo ang celebrity culture na umuusig sa lipunan natin. Maaari kayong maging mas matalino sa mga naunang henerasyon. At kung minsan ay tawagin kayong “weird,” isuot ninyo ito bilang badge of honor at maging masaya na ang ilaw ninyo ay maliwanag na nagniningning sa dumidilim na mundo ngayon!
Magtakda ng pamantayan para sa mundo! Tanggapin ang pagiging kakaiba! Ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan ang dapat na maging inyong pamantayan. Ito ang pamantayan na inaasahan ng Panginoon na paninindigan ng lahat ng Kanyang kabataan. Ngayon, bilang Kanyang abang propeta, nakikiusap ako na pag-aralan ninyong muli ang buklet na ito. Mapanalanging pag-aralan ito na para bang hindi pa ninyo ito nagawa. Markahan ninyo ito. Pag-usapan ito. Kausapin ang inyong mga kaibigan tungkol sa mga pamantayang ito. Magpasiya kung paano ninyo ipamumuhay ang mga pamantayang ito, ang inyong mga pamantayan, nang mas lubusan.
May sariling kopya na kayo nito. Kaya ngayong gabi, sa pagtatapos ng miting na ito, kung pipiliin ninyong makibahagi, kumuha ng kopya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan at ibigay ang bagong kopyang ito sa isang kaibigan na maaaring hindi alam ang pamantayang ito o hindi ito ipinapamuhay.
Ipagdasal kung sino ang nangangailangan ng buklet na ito. Gagabayan kayo. At magiging nakatutuwa ito.
Ngayon, hayaan ninyong magbuod ako sa pagrebyu ng aking limang imbitasyon sa inyo upang makibahagi sa batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon upang tipunin ang Israel.
-
Mag-ayuno nang pitong araw mula sa social media.
-
Magsakripisyo ng oras linggu-linggo para sa Panginoon sa loob ng tatlong linggo.
-
Manatili sa landas ng tipan. Kung wala kayo rito, magsisi at bumalik.
-
Ipagdasal araw-araw na matanggap ng lahat ng anak ng Diyos ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Mamukod-tangi. Maging kaiba. Maging liwanag. Magbigay sa isang kaibigan ng kopya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Minamahal kong mga batang kapatid, kayo ay kabilang sa mga pinakamahusay na ipinadala ng Panginoon sa mundong ito. Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at magkaroon ng epekto sa mundo kaysa naunang mga henerasyon!
Sa aking pagtatapos, iniimbitahan ko kayo na tumayo kasama ang iba pang mga kabataan mula sa ibang panig ng mundo at maranasan ang kagalakan ng pagiging bahagi ng batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon sa “hukbo ng Sion” sa pagkanta ng pangwakas na awitin, “Pag-asa ng Israel,” dahil tungkol sa inyo ang himnong ito.
Mula sa kaibuturan ng puso ko, pinatototohanan ko na ito ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Siya ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik upang gawin ang banal na tadhana nito, kabilang ang ipinangakong pagtitipon ng Israel.
Kayo ang pag-asa ng Israel, “mga anak ng ipinangakong araw!”8 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.