Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Augusto Lim
Unang General Authority mula sa Pilipinas
Patuloy na iniisip ni Augusto ang tanong ng kanyang anak na babae.
Isang napakagandang araw iyon ng Linggo. Naupo si Augusto sa kanyang balkonahe para masiyahan sa sikat ng araw. Ang anak niyang si Mylene ay naupo sa kanyang kandungan.
“Tatay,” sabi niya, “bakit hindi tayo nagsisimba tulad ng mga kaibigan ko?”
Hindi sigurado si Augusto kung ano ang sasabihin.
“Ang totoo,” nasabi niya rin sa wakas, “sa magkaibang simbahan kami nagsisimba ng nanay mo bago kami ikinasal. Pero pagkatapos ay huminto kami. Pero naniniwala pa rin kami sa Diyos at pinag-aaralan namin ang Biblia.”
Tumango si Mylene. Ngunit patuloy na iniisip ni Augusto ang tanong na ito. Siguro kailangan nga niyang dalhin sa simbahan ang kanyang pamilya.
Nagdesisyon si Augusto na magdasal. “Kung gusto po Ninyo akong maglingkod sa isang simbahan o gawin ang anuman para sa Inyo, ipaalam lang po Ninyo sa akin,” sabi niya sa Ama sa Langit.
Makalipas ang ilang araw, may kumatok sa pintuan. Dalawang binatang may suot na puting polo at may mga itim na nametag. Sinabi nilang sila ay mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Maraming tanong sa kanila si Augusto. Sa loob ng siyam na buwan, nakinig siya sa kanilang pagtuturo. Sa wakas, nagpasiya siyang magpabinyag. Nangako siya sa Diyos na lagi niyang gagawin ang lahat para makasunod at makatulong sa iba. Ang asawa niyang si Myrna ay nabinyagan pagkaraan ng isang buwan. At ang batang si Mylene ay masayang nagsimba!
Tinulungan ni Augusto at ng kanyang pamilya na lumago ang Simbahan. Tumulong sila sa pagtatayo ng unang kapilya ng Simbahan sa Pilipinas. Ilang beses ding naglingkod si Augusto bilang branch president. Kahit mahirap, inalala ni Augusto ang pangakong ginawa niya sa kanyang binyag na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya.
Lumipas ang mga taon. Lumaki ang pamilya ni Augusto, at gayundin ang Simbahan. Nang inorganisa ang unang stake sa Pilipinas, si Augusto ang naging stake president. Lumaki si Mylene at ikinasal sa templo. Gayundin ang iba pang mga anak ni Augusto. Ang ilan ay nagmisyon din.
Kalaunan, tinawag si Augusto na maging mission president sa Pilipinas. Tinulungan niya ang mga missionary na manampalataya at ibahagi ang ebanghelyo, tulad ng mga missionary na nagturo sa kanya.
Isang araw, tumanggap ng tawag sa telepono si Augusto mula sa propeta. Hiniling niya kay Augusto na maglingkod bilang isang General Authority. Ibig sabihin nito ay magtuturo si Augusto sa iba pang mga lider sa Simbahan. Ibig sabihin din nito ay magbibigay siya ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya!
Nang siya na ang nagsalita, nagpunta sa pulpito si Augusto. Huminga siya nang malalim. Ikinuwento niya ang tungkol sa matatapat na miyembro sa Pilipinas. Binanggit niya ang mga missionary doon na nagsikap nang husto. At ibinahagi niya ang kanyang patotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos.
Pag-upo niya, nakadama ng kaligayahan si Augusto. Alam niya na tinulungan siya ng Ama sa Langit na sundin ang pangakong ginawa niya sa binyag. At anuman ang mangyari, alam ni Augusto na tutuparin niya ang pangakong iyon habambuhay.