2021
Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay
Marso 2021


Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay

“[Sambahin] ang Ama sa kanyang pangalan, nang may pusong dalisay at malilinis na kamay” (2 Nephi 25:16).

mom and daughter sitting on bed as sun rises outside window

“Gising na, Lydia,” sabi ni Mama. “Huwebes ng Paglilinis ngayon!” Sa Russia, kung saan nakatira si Lydia, ang Huwebes ng Paglilinis ay isang espesyal na araw para paghandaan ang Pasko ng Pagkabuhay.

Gumulong si Lydia at dumungaw sa kanyang bintana. Madilim pa rin sa labas.

“Mama, pagod na pagod pa po ako,” sabi ni Lydia. “Maaari po ba akong matulog pa nang kaunti at mamaya na magtrabaho?”

Ngumiti si Mama at naupo sa kama. “May dahilan kaya tayo gumigising nang maaga ngayon. Alam mo ba kung ano iyon?”

Nag-isip nang mabuti si Lydia, pero hindi niya alam ang sagot.

“Nagsisikap tayong gawing malinis ang ating tahanan ngayon para ating maalala ang paghugas ni Jesus sa mga paa ng Kanyang mga disipulo. Minahal at pinaglingkuran Niya ang iba, at gusto nating maglingkod na tulad ni Jesus sa ating tahanan. Ngayon ang araw para alalahanin si Jesus!” sabi ni Mama.

Gusto ni Lydia na maglingkod na katulad ni Jesus, kung kaya’t tumalon siya mula sa kama. Sa buong maghapon, nagsikap siya nang husto. Nilinis niya ang sahig, naglaba ng mga damit, at tumulong na magluto ng pagkain. Pagkatapos ng maghapon, nasiyahan siya. Lahat ay nangingintab sa linis.

Kinabukasan ay Biyernes Santo. Gumawa sina Lydia, Mama, at Papa ng mga Easter egg. Gumawa sila ng maliliit na butas sa mga balat ng itlog at pinatulo ang lahat ng laman ng itlog. Gumuhit sila ng mga pattern sa balat ng itlog at binuhusan ng wax ang bawat pattern. Pagkatapos ay isinawsaw nila ang mga balat ng itlog sa matingkad na pula, lila, at luntiang tina. Gustung-gusto nina Lydia kung gaano kaganda ang mga umiikot na pattern.

Nang natuyo na ang mga balat ng itlog, nagbilot si Lydia ng maliliit na larawan ng kanyang pamilya at naglagay ng isa nito sa bawat itlog. Ang Biyernes na ito ay isang araw para magkasama-sama at magunita ang sakripisyo ni Jesus. Ito ay araw ng linggo kung kailan si Jesus ay pumanaw. Ipinaalala ng mga itlog kay Lydia ang libingan kung saan nakahimlay si Jesus. Ginawa ng pamilya ni Lydia ang lahat para alalahanin Siya.

Sa araw ng Sabado de Gloria, gumawa si Mama ng kulich (tinapay ng Pasko ng Pagkabuhay). Ang paggawa ng kulich ay mahalagang tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay sa Russia. Ang mga tao ay palaging nagsisikap na maging mapitagan habang niluluto ang kulich. Inisip ni Lydia ang kanyang pamilya, ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, at ang mga bagay na pinasasalamatan niya. Mas madaling isipin ang mga espirituwal na bagay nang maging malinis at payapa ang kanyang bahay.

Sa wakas ay Pasko ng Pagkabuhay na! Sabik na sabik si Lydia. Bumisita ang mga pinsan niya. Kinain nilang lahat ang masarap na pagkain na tumulong siyang lutuin. May mga pie, kulich, mga sausage, at mga keso. Habang kumakain sila, nagbahagi sila ng kanilang mga patotoo at pinag-usapan ang mga bagay na pinasasalamatan nila.

Pagkatapos ng hapunan ay naglaro sila ng espesyal na laro. Bawat tao ay may hawak na isang ginayakang itlog at ipinukpok ito nang bahagya sa isa pang itlog. Ang taong unang mabasagan ng itlog ang talo. Nanginig ang mga braso ni Lydia nang ipukpok niya ang kanyang itlog sa itlog ng kanyang pinsan. “Sige na, itlog!” sigaw niya. Ang kanyang matingkad na lilang itlog ay nabasag. Nasa nabasag na itlog na iyon ang larawan ng kanyang pamilya.

Ngumiti si Lydia habang nakatingin siya sa larawan. Hindi niya inisip na natalo siya sa laro. Napuspos ng mainit at masayang damdamin ang kanyang puso. Nagsikap siyang mabuti para maghanda sa Pasko ng Pagkabuhay na ito sa pamamagitan ng pagtulong at pagmamahal sa kanyang pamilya. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, lahat sila ay mabubuhay na muli!

Product Shot from March 2021 Friend Magazine

Mga paglalarawan ni Sofia Cardoso