Ang Pinakamabuting Pen Pal Kailanman
Ang awtor ay naninirahan sa West Midlands, England.
Ayaw ni Jane na maging isang pen pal. Gusto lang niyang umuwi na si Inay.
Mahal kong Inay, isinulat ni Jane.
Tumigil siya at itinuktok ang kanyang bolpen sa mesa. Tumingin siya sa refrigerator, kung saan nakadikit ang pinakabagong larawan niya at ni Inay. Pareho ang baba nila, parehong maitim ang buhok nila, at pareho ang ngiti nila.
Ano ang puwede niyang sabihin? Gusto ni Jane na maging tila masaya at malakas para kay Inay, ngunit walang pumasok sa isipan niya. Sobrang masama ang loob niya kaya mahirap magsulat ng kahit ano.
Bumalik sina Jane, Itay, at ang kanyang mga kapatid mula sa pagbisita kay Inay dalawang linggo na ang nakararaan. Nasa bilangguan si Inay kaya kinailangan nilang magmaneho nang halos buong araw para makita ito. Dahil sa matagal na biyahe, hindi nila siya madalas makita. Mahigit isang taon nang nakabilanggo si Inay, at dalawang beses pa lang nila itong nakikita.
Sa pagkakataong ito, nang bumisita si Jane, iminungkahi ni Inay na maging mag-pen pal sila. Pero ayaw ni Jane na maging isang pen pal. Gusto lang niyang umuwi na si Inay.
Ang unang sulat ni Inay kay Jane ay dumating kahapon, na maayos na isinulat gamit ang lapis. Sa ilalim, gumawa ito ng drowing nilang dalawa na magkasamang nagpa-party kapag nakauwi na siya.
Sumulat si Jane ng ilang linya, pagkatapos ay nilamukos ang papel. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa mesa at mariing ipinikit ang kanyang mga mata, sinisikap na pigilan ang mga luha.
Pumasok si Itay dala ang mga groseri. “Jane, OK ka lang?”
Nagkibit-balikat si Jane.
Tinabihan ni Itay sa upuan si Jane at niyakap siya. Humilig si Jane sa dibdib ni Itay.
“Gaano pa katagal?” tanong niya.
“Ang alin?”
“Gaano pa po katagal bago maaaring umuwi si Inay?”
Napakatagal na nanatiling tahimik ni Itay. Pagkatapos ay sinabi nito, “Malamang na hindi bababa sa tatlong taon pa, Jane.”
Akala ni Jane ay sasabog ang puso niya. Tatlong taon! Ang huling taon ay napakatagal at napakahirap. Paano siya mabubuhay ng tatlong taon pa nang wala si Inay?
“Araw-araw, hinihiling kong sana narito ang Inay mo,” sabi ni Itay. “Talagang napakahirap na wala siya, ‘di ba?”
Tumango si Jane.
“OK lang na malungkot,” sabi ni Itay. “Kung minsan tinutulungan ako nitong ipaalala sa sarili ko ang ipinagpapasalamat ko.”
Suminghot nang kaunti si Jane. “Tulad po ng ano?”
Napangiti si Itay. “Tulad ng kung paano natin nagagawang tawagan si Inay bawat linggo. At kaya nating ipadala sa kanya ang mga suplay na kailangan niya—at mga sulat.” Tinapik-tapik ni Itay ang pad ng papel sa mesa. “At … ?”
“At …” pinag-isipan ito ni Jane. “Napakarami kong naging mga titser at kaibigan na makakausap ko. At isinama ako ng nanay ni Ashley sa isang aktibidad para sa Araw ng mga Ina. At natuto akong maging mas mabuting kaibigan at tumulong sa iba.”
“Oo, nagawa mo nga,” sabi ni Itay. “E kung magdasal kaya tayo, at patuloy mo lang isipin kung ano ang gusto mong isulat?”
Humalukipkip si Jane. Pinasalamatan niya ang Ama sa Langit na nakita niya si Inay at ligtas silang nakauwi sa bahay. Pagkatapos ay hiniling niya sa Kanya na tulungan siyang malaman ang dapat isulat.
Naupo siya sa mesa, at nag-isip nang nag-isip. Pagkatapos ay nagsimula siyang magsulat ng isang bagay na hindi niya inaasahan: isang listahan ng mga bagay na pinasasalamatan niya. Inilista niya ang lahat ng bagay na tinalakay niya kay Itay, at ang ilang iba pa, tulad ng kanyang mga kapatid at kanyang tinitirhan.
Nang matapos siya, nagdrowing si Jane ng larawan niya at ng kanyang ina na naglalaro ng mga board game. Medyo masama pa rin ang loob niya, ngunit may isang bagay siyang inaasam—sa susunod na tatlong taon, siya ang magiging pinakamabuting pen pal kailanman!