Mga Lihim at Sorpresa
Ang awtor ay naninirahan sa Iowa, USA
Tama bang itago ang lihim ni Kate?
“Ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama” (Moroni 7:16).
“Uy, tingnan mo!” Dinampot ni Kate ang lukot na papel na manika mula sa sahig ng tindahan. “Heto, ilagay mo sa iyong bulsa.”
“Gusto mong kunin ko ito?” tanong ni Maddy.
“Hindi na rin naman ito maipagbibili ng tindahan,” sabi ni Kate. “Itatapon lang nila ito sa basurahan. Mayroon tayong mahalagang misyon. Kailangan nating iligtas ang manikang ito!”
Nginitian ni Kate si Maddy. Nginitian din siya ni Maddy.
“Sige.” Inilagay ni Maddy ang papel na manika sa kanyang bulsa. Espesyal ang pakiramdam na makasali sa isang mahalagang misyon!
Gayunpaman, habang palabas sila sa tindahan, pakiramdam niya ay parang mabigat na bato ang papel na manika sa kanyang bulsa. Ganoon ba dapat ang maramdaman sa isang mahalagang misyon?
Pagdating nila sa bahay ni Maddy, maingat na idinikit at iniunat ni Kate ang papel na manika sa abot ng makakaya niya.
“Anong uri ng mga damit ang dapat kong gawin para sa kanya?” tanong niya, habang kumukuha ng krayola. “Kung magandang bestida kaya?”
Tuwang-tuwang tumango si Maddy. “Pagkatapos ay pwede nating ipakita sa aking inay!”
“Huwag! Hindi natin pwedeng sabihin ito kahit kanino,” sabi ni Kate. “Hindi kailanman. Lihim natin ito, OK?? Mangako ka sa akin na hindi mo sasabihin.”
“Ah … Sige. Nangangako ako,” sabi ni Maddy. “Pero bakit hindi natin maaaring sabihin?”
“Kung sasabihin mo, magagalit ang nanay mo, at baka hindi na siya pumayag na maglaro tayo nang magkasama.”
“Bakit siya magagalit?” tanong ni Maddy. Parang nababahala at kinakabahan siya.
Ibinaba ni Kate ang kanyang krayola. “Kung hindi mo sasabihin, papayag ako na ikaw ang magtago ng manika at ng lahat ng damit na gagawin ko para sa kanya.”
Ngayon ay alam na ni Maddy kung bakit parang kinakabahan siya. “Ninakaw natin ito … tama ba?” bulong niya.
“Uy, ikaw ang naglagay nito sa bulsa mo at kumuha sa tindahan.”
“Kasi sinabi mo sa akin!”
“Hindi kaya!” sabi ni Kate. “Uuwi na nga ako bago mo pa ako idamay sa kasalanan mo.” Tumayo siya at tumakbo palabas ng pinto.
Pagkatapos ay pumasok si Inay sa silid. “Bakit nagmamadaling umalis si Kate?” Nakita niya ang papel na manika sa mga kamay ni Maddy. “At saan naman nanggaling iyan?”
Napakagat-labi si Maddy. Hindi maganda ang pakiramdam niya tungkol sa pagtatago ng lihim kay Inay. Pero paano kung tama si Kate at magalit si Inay?
Ang kabang nararamdaman niya ay hindi mawala-wala. Huminga siya nang malalim at inamin niya kung ano ang nangyari.
“Sinabihan po ako ni Kate na mangakong itago ang lihim na ito,” sabi niya. “Pero pakiramdam ko po ay mali ito.”
Umupo si Inay sa tabi niya sa kama. “Karamihan sa mga lihim ay mali. Lalo na kung sinabihan ka na huwag itong sabihin kahit kanino kailanman. Sa kabilang banda, ang isang sorpresa, tulad ng isang regalo o pagdiriwang, ay maaaring maging isang magandang bagay. Layon nitong mapasaya ang lahat.”
Tumango si Maddy. “Salamat po at hindi kayo nagalit sa akin,” sabi niya. “Sabi po kasi ni Kate magagalit daw kayo.”
Niyakap siya ni Inay nang mahigpit. “Talagang ipinagmamalaki kita sa pakikinig mo sa Espiritu Santo at pagsasabi mo sa akin ng katotohanan.”
“Pwede po ba ninyo akong ihatid pabalik sa tindahan para maisauli ko ang manika?” tanong ni Maddy.
“Siyempre naman!” Ngumiti si Inay. “At pagbalik natin, maaari mo akong tulungan na gumawa ng cake upang masorpresa si Itay.”
Tumawa si Maddy. “Maganda po ang pakiramdam ko tungkol diyan!”