Ibinahagi ni Anna ang Kanyang Patotoo
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
Tahimik na nakaupo si Anna sa kanyang klase sa Primary. Tiningnan niya ang larawan ni Jesus na hawak ni Sister Albo.
“Alam ba ninyo kung ano ang patotoo?” tanong ni Sister Albo.
Itinaas ni Anna ang kanyang kamay. “Sinasabi nito sa atin na alam nating totoo ang Simbahan”
“Isang bahagi iyan.” Ngumiti si Sister Albo. “Kapag ibinabahagi natin ang ating patotoo, ibinabahagi natin ang nalalaman o pinaniniwalaan natin tungkol kay Jesucristo at sa Simbahan. Ano ang alam mong totoo, Anna?”
Pinag-isipan ito ni Anna. “Alam kong mahal ako ni Jesus!”
“Oo, mahal Niya ako. May patotoo ka na mahal ka ni Jesus.”
Pagkatapos magsimba, itinanong ni Inay, “Ano ang natutuhan mo sa Primary ngayon, Anna?”
“Natutuhan ko po kung ano ang patotoo. Kailan po ako maaaring magbahagi ng aking patotoo?”
“Anumang oras na gusto mo!” sabi ni Itay. “Maaari tayong magkaroon ng sariling pulong-patotoo sa home evening.”
Gusto ni Anna ang ideyang iyon. “Puwede pa tayong magsuot ng damit-pangsimba!”
Nang oras na para sa home evening, isinuot ni Anna ang paborito niyang damit.
“Welcome sa ating pulong-patotoo,” sabi ni Itay.
Ang kapatid ni Anna, si Ethan, ang nauna. “Alam ko na ang ebanghelyo ay totoo. Alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta. Alam ko na si Russell M. Nelson ang ating propeta ngayon. Alam kong buhay si Jesucristo.”
Pagkatapos ay sumunod naman si Anna. Tumayo siya. “Mahal na mahal ko si Jesus. Alam kong mahal Niya ako. Nagmamalasakit siya sa akin at pinapasaya ako. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Masigla ang pakiramdam niya.
Niyakap siya ni Inay. “Salamat, Anna. Naramdaman ko kung gaano mo kamahal si Jesus.”
Ngumiti si Anna. “Ang pagpapatotoo ay nagpapasaya sa akin.”