Kaibigan sa Kaibigan
Kapayapaan sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Priesthood
Mula sa isang interbyu kasama si Lucy Stevenson Ewell.
Noong lumalaki ako, nahirapan ang katawan ko dahil sa gamma globulin anemia. Hirap akong labanan ang mikrobyo, kaya lagi akong nagkakasakit.
Isang gabi nagising ako dahil sa pananakit ng aking mga tainga. Matindi ang sakit nito na sa pakiwari ko ay parang sasabog na ang aking ulo! Naaalala ko na pumasok sa aking kuwarto ang nanay at tatay ko. Naupo ang nanay ko sa gilid ng kama at niyakap ako. Pagkatapos ay ipinatong ng tatay ko ang kanyang mga kamay sa aking ulo at binigyan ako ng basbas ng priesthood. Sa basbas na iyon, sinabi niya sa akin na kilala ako ng aking Ama sa Langit. Alam Niya ang nararamdaman kong sakit. Babasbasan Niya ako na makatulog sa buong magdamag.
Hindi naglaon ay naginhawahan ako, nakatulog sa buong magdamag at tanghali na ako nagising. Paggising ko, hindi na masakit ang mga tainga ko. Ngunit ilang taon rin bago ako lubusang gumaling mula sa aking karamdaman.
Nang sumunod na ilang taon, patuloy akong binigyan ng tatay ko ng mga basbas ng priesthood para bigyan ako ng lakas. Itinuro niya sa akin na ang mga basbas na iyon ay mga pagkakataon para mangusap sa akin ang Ama sa Langit. Ang karamdaman ko ang naging daan para matulungan ako ng Ama sa Langit na mapalakas ang aking pananampalataya.
Ang mga basbas ng priesthood ay matatamo ninyo at ng lahat ng anak ng Ama sa Langit. Magkakaiba ang mga hamon sa atin. Tayo ay nakatira sa magkakaibang lugar at magkakaiba ang ating mga pamilya. Ang ilan sa inyo ay maaaring walang tatay na makapagbibigay sa inyo ng mga basbas ng priesthood. Maaari kayong lumapit sa inyong mga ministering brother o mga lider ng Simbahan.
Isang bagay ang pareho sa ating lahat. Iyon ay ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit. Tayo ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Nais ng Ama sa Langit na pagpalain tayong lahat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood.
Gusto kong malaman ninyo na kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit. Alam Niya ang pangalan ninyo. Ang Kanyang mapagmahal na mga bisig ay tumutulong sa inyo.