2021
Takot sa Buhawi
Agosto 2021


Takot sa Buhawi

Ang awtor ay naninirahan sa Vermont, USA.

May mga nakakatakot na bagay na nangyayari sa buong mundo. Ano ang puwedeng gawin ni Josiah?

“At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

a boy looking at a stack of pancakes and imagining a tornado

Nang mabalitaan ni Josiah ang tungkol sa buhawi, natakot siya. Lagi niyang naiisip ang mga retratong nakita niya—mga larawan ng buhawi at mga larawan ng lahat ng pinsalang dulot nito. Sa isang larawan, nakita ni Josiah ang isang maliit na batang babae na nakasuot ng kulay-rosas na bota. Mukhang magkasing-edad lang sila at nakatayo ito sa bunton ng mga guho na dati-rati ay bahay niya. Ano ang mangyayari sa kanya? Sa lahat ng taong nawalan ng tirahan?

“Mukhang puyat ka,” sabi ni Inay kinaumagahan. “OK ka lang ba?”

Nagkibit-balikat si Josiah.

Idinampi ng kanyang ina ang palad nito sa mukha niya. “Wala ka namang lagnat. Ano kaya kung mag-almusal na tayo? Nagluluto ng pancake ang Itay mo.”

Sa kusina, nakatayo si Itay sa tabi ng kalan, nagbabaliktad ng mga pancake. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang telepono.

“Maraming napinsala ang buhawi,” sabi niya. Libu-libo pa ang walang kuryente.”

“Sana maibalik na nila agad ang suplay ng kuryente, “sabi ni Inay. Patuloy na pinag-usapan nila ni Itay ang tungkol sa buhawi. Naupo si Josiah sa may mesa. Nangalumbaba siya.

“Okay ka lang, anak?” tanong ni Itay.

Tumingala si Josiah. “Natatakot po ako,” sabi niya. “Magkakaroon po ba ng buhawi sa atin? Ayokong matangay ang bahay natin.” Nagsimula siyang umiyak.

Umupo si Inay at niyakap si Josiah.

“Hindi natin alam kung may mangyayaring nakakatakot sa atin, pero maaari nating pagkatiwalaan ang Ama sa Langit na tutulungan tayo anuman ang mangyari.”

“Pero paano po ang mga taong iyon na napinsala ng buhawi?” sabi ni Josiah. “Bakit hindi po sila tinulungan ng Ama sa Langit?”

“Tinutulungan sila ng Ama sa Langit,” sabi ni Itay. Naglagay si Itay ng maraming pancake sa mesa. “Hindi niya pipigiling mangyari ang lahat ng masasamang bagay, pero laging tinutulungan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak.”

“Paano po?” sabi ni Josiah.

“Kung minsan ay nagpapadala Siya ng maliliit na himala, o tumutulong sa mga tao na mapanatag, o binibigyang inspirasyon ang ibang tao na tumulong.”

Tumango si Inay. “Sa maraming pagkakataon, tinutulungan ng Ama sa Langit ang ibang tao sa pamamagitan natin.”

“Naaalala ba ninyo nang magkasunog sa mga Johnson at inanyayahan natin silang tumira muna sa atin? Ipinagamit mo ang kuwarto mo,” sabi ni Itay.

“At nakipaglaro ka sa sanggol nila para matulungan natin silang muling itayo ang kanilang bahay,” dagdag pa ni Inay. “Malaking tulong iyon. Ngayon nakabalik na sa bahay nila ang mga Johnson.”

Ngumiti si Josiah. Masaya siya na natulungan niya ang mga Johnson. Iyon ba ay pagtulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan niya?

“At nariyan din ang pagdaraos ng spaghetti dinner para makalikom ng pera para sa mga taong napinsala ng lindol,” sabi ni Itay.

“Tumulong akong walisan ang sahig,” sabi ni Josiah.

“Oo nga,” sabi ni Itay.

“Paano naman po ang mga taong malapit sa dadaanan ng buhawi?” tanong ni Josiah. “Matutulungan ba natin sila?”

“Palagay ko binibigyan ka ng Ama sa Langit ng inspirasyon na tumulong. Ano kaya ang maaari nating gawin?” tanong ni Inay.

“Makakatulong po ba ang perang natanggap ko noong kaarawan ko?” sabi ni Josiah. “Hindi ko pa po ginastos.”

“Oo, makakatulong iyan,” sabi ni Inay. May kaunting pera rin kaming maipapadala ni Itay mo.”

Tiningnan ni Josiah ang mga pancake. Mukhang masarap. “Puwede po bang ako ang magdasal?”

“Oo naman,” sabi ni Itay.

Yumuko si Josiah. Pinasalamatan niya ang Ama sa Langit para sa kanilang pagkain at sa pagtulong Niya palagi sa Kanyang mga anak. Pagkatapos ay ipinagdasal ni Josiah ang mga taong napinsala ng buhawi. Nagtanong siya ng iba pang mga paraan na makakatulong ang kanyang pamilya.

Pagkatapos niyon, maganang kinain ni Josiah ang mga pancake. Maraming paraan para makatulong! At mas sumaya at napanatag si Josiah.

Friend Magazine, Global 2021/08 Aug

Paglalarawan ni Kasia Dudziuk