Ang Aking Banda, Ang Iyong Banda
“Narito, napakabuti at napakaligaya kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!” (Mga Awit 133:1).
“Megan! Nasa panig ko ang sapatos mo!” nayayamot na sabi ni Mia.
“Eh, nasa gawi ko ang mga banal na kasulatan mo,” sabi ni Megan.
Sumilip si Inay sa silid. “Mga anak, wala akong gaanong naririnig na paglilinis dito. Hindi kayo puwedeng pumunta sa parke hangga’t hindi malinis ang silid ninyo.”
“Pero lahat ng ito ay kalat ni Megan!” sabi ni Mia. “Hindi tama na kailangan kong linisin ito.”
“Hindi akin lahat iyan!” sabi ni Megan.
“Naku.” Humalukipkip si Mia. “Sana ay may sarili akong silid. Bakit ko kailangang makasama si Megan? May sariling silid si Michael!”
Bumuntong-hininga si Nanay. “Alam ninyo na wala na tayong iba pang silid. Mas matanda si Michael. Iyan ang dahilan kung bakit siya may sariling silid.”
“Kung ganoon, sabihan na lang po ninyo siya na alisin ang gamit niya sa panig ko ng silid.” Nagdrowing si Mia ng isang kunwa-kunwariang linya sa gitna ng silid gamit ang kanyang daliri. “Kita mo? Iyan ang inyong panig, Megan. Ito ang panig ko.”
“Hmm,” sabi ni Inay. “Siguro ay puwede tayong maglagay ng kurtina para hatiin ang silid. Makakatulong ba iyon sa inyo na magkasundo?”
Ngumiti nang todo si Mia. “Tama po!”
Kinabukasan, nanahi si Inay ng kaunting tela para gawing kurtina. Ito ay kulay lila na checkered ang pattern. Nanahi pa siya ng isang laso na may nakasabit na mga bead sa ilalim. Kalaunan ay tinulungan nina Mia at Megan si Itay na isabit ang kurtina gamit ang isang piraso ng alambre. Abot ito hanggang sa magkabilang dulo ng silid.
Pumalakpak si Mia sa tuwa. “Sa wakas! Parang may sarili na akong silid!”
Inilabas niya ang kanyang mga krayola para kulayan ang isang larawan. Ngunit pagkaraan ng ilang minuto, nainip siya. Inisip niya kung ano ang ginagawa ni Megan sa kabilang panig ng kurtina. Karaniwan ay magkasama silang nagkukulay. Tila malungkot gawin ito nang mag-isa.
Nang gabing iyon ay lumuhod si Mia para manalangin bago matulog. Pinasalamatan niya ang Ama sa Langit para sa kanyang tahanan at sa kanyang pamilya. Bahagya nitong pinalungkot ang kanyang pakiramdam. Gusto niyang magkaroon ng sariling lugar, pero nami-miss niyang makipaglaro kay Megan.
Nahiga sa kama si Mia. Pero hindi siya makatulog. Pumihit siya at tumagilid. Nakikita niya ang ulo ni Megan sa maliit na agwat sa pagitan ng kurtina at ng pader.
“Megan?” bulong niya. “Gising ka pa ba?”
“Oo,” pabulong na sagot ni Megan.
“Paano kung gumawa tayo ng hulugan ng sulat?” tanong ni Mia. “Para makapag-iwan ng mga sulat para sa isa’t isa.”
“Magandang ideya iyan,” sabi ni Megan. “Maaari ba nating gawin iyon bukas?”
“Oo naman.” Pumikit si Mia nang nakangiti. “Good night, Megan.”
“Good night, Mia.”
Kinabukasan, may nakitang maliit na kahon si Mia. Inilagay niya ito sa pagitan ng magkabilang panig ng silid. Pagkatapos ay sumulat siya at inilagay ito sa loob: Megan, gusto mo bang makipaglaro sa mga manika ko? Nagmamahal, Mia.
Kinuha ni Megan ang sulat at binasa ito. “Gusto ko!”
Buong linggo, nag-iiwan ng mga sulat sina Mia at Megan para sa isa’t isa sa kanilang hulugan ng sulat. At nakikipaglaro sila sa isa’t isa araw-araw. Kung minsan ay naglalaro sila sa panig ni Mia. Kung minsan ay naglalaro sila sa panig ni Megan. Pero palagi silang nagkakasiyahan.
“Alam mo,” sabi ni Mia kay Megan isang araw, “Hindi ako sigurado kung kailangan pa natin ang kurtinang ito.”
“Oo nga,” sabi ni Megan. “Medyo nakakasagabal ito.”
Tinulungan sila ni Itay na alisin ang kurtina.
“Masaya ako na natutuhan ninyong magkasundo,” sabi niya.
Ngumiti si Mia kay Megan. “Ako rin.”