Pagsasabi ng Mabubuting Bagay
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
May bagong ideya si Jonathan na gusto niyang subukan.
“Ang kaaya-ayang mga salita ay … katamisan sa kaluluwa” (Mga Kawikaan 16:24).
Bumuntong-hininga si Jonathan habang naglalakad siya pauwi mula sa paaralan. Karaniwang inaasam niya ang katapusan ng linggo. Ngunit kamakailan lang ay nagiging mas madalas na ang pagtutuksuhan at pagtatalo sa kanyang pamilya. Gusto ni Jonathan na mas palagian silang masaya.
Nang gabing iyon, lumuhod si Jonathan para magdasal. “Ama sa Langit, gusto kong tulungan ang pamilya ko na mas magkasundo. Tulungan po Ninyo akong makaisip ng paraan para matulungan silang lahat na madama na sila ay minamahal. At tulungan po Ninyo sila na mas magkasundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Naging mas masaya si Jonathan nang nahiga siya sa kama. Alam niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit na malaman kung ano ang gagawin.
Pagkatapos ng hapunan sa araw ng Linggo, ibinigay ni Itay ang mga takdang-gawain para sa home evening. “Jonathan, ikaw ang bahala sa pangangasiwa,” sabi ni Itay.
Ngumiti si Jonathan. Gusto niya ang home evening. Iyon ay isang espesyal na pagkakataon kung saan lahat sila ay nagkakasama-sama. Nakatulong ito sa kanyang madama na malapit siya sa bawat miyembro ng kanyang pamilya.
Nagbigay iyon kay Jonathan ng isang ideya! Siguro ay may paraan para mapanatili ang espesyal na damdaming iyon sa buong linggo.
Noong Lunes ng gabi, hindi mapakali si Jonathan sa kanyang upuan habang hinihintay niyang magsimula ang home evening. Una ay nagbigay ng pambungad na panalangin ang kanyang nakababatang kapatid na si Chris.
Tumayo si Jonathan. “Salamat sa magandang panalanging iyon, Chris,” sabi niya. “Ngayon ay may gusto akong ipakilala na isang bagong bagay. Ang tawag dito ay, ‘Pagsasabi ng Mabubuting Bagay.’”
“‘Pagsasabi ng Mabubuting Bagay?’” tanong ni Chris.
“Oo! Sinumang nangangasiwa ay makapagsasabi ng isang magandang bagay tungkol sa lahat ng miyembro ng ating pamilya. At hindi nila puwedeng malimutan na magsabi ng isang magandang bagay tungkol sa kanilang sarili! Ako ang nangangasiwa sa linggong ito. Kaya makapagsasabi ako ng mga magagandang bagay.”
Ngumiti si Jonathan kay Chris. “Chris, masaya kang gumigising araw-araw. Maganda kang halimbawa, lalo na kapag pakiramdam ko ay pagod ako.”
Ngumiti si Chris. “Salamat!”
Masigla ang pakiramdam ng puso ni Jonathan. “Ate Joanna, talagang nagsisikap ka, pero hindi ko kailanman narinig na nagrereklamo ka. At lagi kang may oras para sa akin.”
“Aww, mahal kita,” sabi ni Joanna. Ginulo niya ang buhok nito at niyakap nang mahigpit.
Mas gumaan ang pakiramdam ng puso ni Jonathan. “Si Kuya Tag ay isang mahusay na tagapakinig. Kapag tumatawag ako habang nasa kolehiyo siya, palagi niya akong binibigyan ng magandang payo at sinasabi sa akin na magpatuloy lang. At bago nagmisyon si Kuya Benson, tinulungan niya akong mahalin ang mga banal na kasulatan. Nangungulila ako sa kanya, pero mahusay siyang nagtuturo sa mga tao tungkol sa Ama sa Langit.”
Bumaling si Jonathan kay Itay. “Itay, tinutulungan mo po kaming magsaya anuman ang ginagawa namin.”
Natawa si Itay. “Kahit na basa at maputik kami habang sinusubukang taniman ang ating halamanan sa ikaapat na pagkakataon?”
“Kahit na ginagawa namin iyan!” tumawa si Jonathan. “At, Inay, niluluto po ninyo ang pinakamasasarap na almusal para sa amin araw-araw bago pumasok sa eskuwela. Iyan ang nagpapabangon sa akin sa umaga!”
“Ah oo!” inakbayan ni Itay si Inay.
Ngumiti si Inay at nag-flying kiss kay Jonathan.
“O, dapat ay may sabihin ka ngayong maganda tungkol sa sarili mo, Jonathan!” sabi ni Chris.
Ngumiti nang todo si Jonathan. “Sa tulong ng Ama sa Langit, naisip ko ang ‘Pagsasabi ng Mabubuting Bagay.’ Nagpapasaya ito sa akin!”
Ngumiti ang lahat kay Jonathan. Ang “Pagsasabi ng Mabubuting Bagay” ay nagpasaya rin sa kanyang pamilya.