Mga Matang Makakakita
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, bibigyan tayo ni Cristo ng kakayahang makita ang ating sarili at makita ang iba na tulad ng pagkakita Niya sa atin.
Nakikita ang Kamay ng Diyos
Gustung-gusto ko ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol sa isang binatang naglingkod sa propetang si Eliseo. Isang umaga maagang gumising ang binata, lumabas, at nakitang naliligiran ang lungsod ng isang malaking hukbo na nagbabalak na lipulin sila. Tumakbo siya kay Eliseo: “Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”
Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”
Alam ni Eliseo na kailangan ng binata ang higit pa sa nakapapanatag na katiyakan; kailangan niyang makakita. Kaya nga “Si Eliseo ay nanalangin, … Panginoon, … buksan mo ang kanyang mga mata upang siya’y makakita. At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya’y nakakita. Ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.” 1
Maaaring may mga pagkakataon na nahihirapan kayo, tulad ng alipin, na makita kung paano kumikilos ang Diyos sa inyong buhay—mga panahon na pakiramdam ninyo ay kinukubkob kayo—kapag napapasuko na kayo dahil sa mga pagsubok ng buhay. Maghintay at magtiwala sa Diyos at sa Kanyang takdang panahon, dahil maaari ninyong buong-pusong pagkatiwalaan ang Kanyang puso. Ngunit may pangalawang aral dito. Mahal kong mga kapatid, maaari din kayong manalangin na buksan ng Panginoon ang inyong mga mata upang makita ang mga bagay na hindi ninyo karaniwang nakikita.
Tingnan ang Ating Sarili Tulad ng Pagtingin ng Diyos sa Atin
Marahil ang pinakamahahalagang bagay na dapat nating makita nang malinaw ay kung sino ang Diyos at kung sino tayo talaga—mga anak ng mga magulang sa langit na may “banal na katangian at walang hanggang tadhana.” 2 Hilingin sa Diyos na ihayag ang mga katotohanang ito sa inyo, pati na ang nadarama Niya tungkol sa inyo. Kapag mas nauunawaan ninyo ang inyong tunay na identidad at layunin, nang may matatag na pag-unawa, mas maiimpluwensyahan nito ang lahat sa inyong buhay.
Pagtingin sa Iba
Ang pag-unawa kung paano tayo nakikita ng Diyos ay naghahanda ng daan para tulungan tayong makita ang iba na tulad ng pagkakita Niya. Sabi ng kolumnistang si David Brooks: “Marami sa malalaking problema ng ating lipunan ang nagmumula sa mga tao na ang pakiramdam ay hindi sila pinapansin at pinapahalagahan. … May isang mahalagang … ugali na kailangang mas pagbutihin nating lahat, na nakikita ang bawat isa nang may malaking pag-unawa at lubos ring nauunawaan ng iba.” 3
Tinitingnan ni Jesucristo ang mga tao nang may malaking pag-unawa. Nakikita Niya ang mga indibiduwal, ang kanilang mga pangangailangan, at maaaring kahinatnan. Kung ang nakita ng iba ay mga mangingisda, makasalanan, o maniningil ng buwis, ang nakita ni Jesus ay mga disipulo; kung ang nakita ng iba ay isang lalaking sinapian ng mga demonyo, hindi pinansin ni Jesus ang pagkabalisa nito, kinilala Niya ang lalaki at pinagaling siya. 4
Kahit sa ating abalang buhay, masusundan natin ang halimbawa ni Jesus at makikita ang mga tao—ang kanilang mga pangangailangan, pananampalataya, pakikibaka, at kahihinatnan. 5
Kapag ipinagdarasal ko na buksan ng Panginoon ang aking mga mata para makita ko ang mga bagay na hindi ko karaniwang nakikita, may dalawang bagay akong madalas itanong sa sarili at pinakikinggan ko ang mga impresyong dumarating: “Ano ang ginagawa ko na dapat ko nang itigil?” at “Ano ang hindi ko ginagawa na dapat simulan kong gawin?” 6
Ilang buwan na ang nakalipas, sa oras ng sakramento, itinanong ko sa aking sarili ang mga bagay na ito at nagulat ako sa impresyong dumating. “Tigilan mong tumingin sa cellphone mo kapag naghihintay ka sa pila.” Ang pagtingin sa cellphone ko habang nakapila ay halos naging awtomatiko na; natuklasan ko na magandang sandali iyon para mag-multitask, magbasa at sumagot ng email, tingnan ang mga headline, o mag-scroll sa isang social media feed.
Kinaumagahan, natagpuan ko ang sarili ko na naghihintay sa isang mahabang pila sa tindahan. Inilabas ko ang cellphone ko at saka ko naalala ang impresyong natanggap ko. Itinabi ko ang cellphone ko at tumingin ako sa paligid. Nakita ko ang isang matandang ginoo na nakapila sa unahan ko. Walang laman ang cart niya maliban sa ilang lata ng cat food. Medyo naasiwa ako, pero talagang matalinong sinabi, “May pusa pala kayo.” May paparating daw na bagyo, at ayaw niyang bumagyo na wala siyang cat food. Saglit kaming nag-usap, tapos ay bumaling siya sa akin at sinabing, “Alam mo, wala pa akong nasabihan nito, pero kaarawan ko ngayon.” Naantig ang puso ko. Binati ko siya ng happy birthday at tahimik akong nagpasalamat sa panalangin na hindi ko hawak ang cellphone ko at hindi nakalagpas ang pagkakataon na tunay na makita at makausap ang isang taong nangangailangan nito.
Buong-pusong ayaw kong maging katulad ng saserdote o ng Levita sa daan patungong Jerico—na tumingin at nagdaan lang. 7 Pero kadalasan palagay ko’y ganoon ako.
Makita ang Utos ng Diyos para sa Akin
Kamakailan ay may natutuhan akong mahalagang aral tungkol sa pagpansin nang husto mula sa isang dalagang nagngangalang Rozlyn.
Ikinuwento iyon sa akin ng aking kaibigan na nanlumo nang umalis ang asawa niya na 20 taon niyang nakasama. Dahil naghati sa oras ang mga magulang na makapiling ang kanilang mga anak, parang napakahirap isiping magsimba nang mag-isa. Paggunita niya:
“Sa isang Simbahan kung saan ang pamilya ay pinakamahalaga, maaaring masakit ang maupo nang nag-iisa. Sa unang linggong iyon pumasok ako na ipinagdarasal na wala sanang kumausap sa akin. Hirap akong maging kalmado, at nangingilid ang mga luha ko. Naupo ako sa dati kong inuupuan, na umaasang walang makapansin na wala akong katabi.
“Lumingon ang isang dalaga sa aming ward at tumingin sa akin. Pakunwari akong ngumiti. Nginitian din niya ako. Nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha. Tahimik kong ipinagdasal na huwag siyang lumapit para kausapin ako—wala akong masasabing maganda at alam kong iiyak ako. Yumuko ako at iniwasan kong magkatinginan kami.
“Nang sumunod na oras, napansin kong palingun-lingon siya sa akin. Nang matapos ang miting, dumiretso siya sa akin. ‘Hi Rozlyn,’ bulong ko. Niyakap niya ako at sinabing, ‘Sister Smith, parang hindi maganda ang araw ninyo ngayon. Sori po. Mahal ko po kayo.’ Tulad ng hula ko, tumulo ang mga luha nang yakapin niya akong muli. Ngunit habang papalayo ako, naisip ko, ‘Siguro kakayanin ko naman ito.’
“Tuwing Linggo hanggang sa katapusan ng taong iyon ay hinanap ako ng magiliw na 16-anyos na dalagang iyon, na wala pa sa kalahati ng edad ko, para ako’y yakapin at tanungin, ‘Kumusta po kayo?’ Napakalaki ng kaibhang nagawa nito sa nadama ko tungkol sa pagsisimba. Ang totoo ay nagsimula akong umasa sa mga yakap na iyon. May nakapansin sa akin. May nakaalam na naroon ako. May nagmalasakit.”
Tulad ng lahat ng kaloob na handang ibigay ng Ama, para lubos na makakita, kailangan nating tanungin Siya—at saka tayo kumilos. Hilingin na makita ang iba na tulad ng pagkakita Niya—bilang Kanyang mga tunay na anak na may walang-hanggan at banal na potensyal. Pagkatapos ay kumilos sa pagmamahal, paglilingkod, at pagpapatibay sa kanilang halaga at potensyal ayon sa pahiwatig. Kapag naging huwaran ito ng ating buhay, makikita natin na tayo ay nagiging “tunay na mga tagasunod ni … Jesucristo.” 8 Pagkakatiwalaan ng puso ng iba ang ating puso. At sa huwarang ito matutuklasan din natin ang ating sariling tunay na identidad at layunin.
Naalala ng kaibigan ko ang isa pang karanasan habang nakaupo sa upuan ding iyon na walang ibang nakaupo, nag-iisa, nag-iisip kung nawalan ng saysay ang 20 taon ng pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo sa kanyang tahanan. Kinailangan niya ng higit pa sa nakapapanatag na katiyakan; kinailangan niya ng paningin. May tanong na tumimo sa kanyang puso: “Bakit mo ginawa ang mga bagay na iyon? Ginawa mo ba iyon para sa gantimpala, papuri ng iba, o hinahangad mong mangyari?” Nag-atubili siya sandali, kinapa ang kanyang puso, at pagkatapos ay tiwala siyang sumagot, “Ginawa ko ang mga iyon dahil mahal ko ang Tagapagligtas. At mahal ko ang Kanyang ebanghelyo.” Binuksan ng Panginoon ang kanyang mga mata para tulungan siyang makakita. Sa simple ngunit malaking pagbabago ng paningin, patuloy siyang nakasulong nang may pananalig kay Cristo, sa kabila ng kanyang sitwasyon.
Pinatototohanan ko na mahal tayo ni Jesucristo at mabibigyan tayo ng mga matang nakakakita—kahit mahirap ito, kahit pagod tayo, kahit malungkot tayo, at kahit ang mga kinalabasan ay hindi ang inasam natin. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, pagpapalain Niya tayo at pag-iibayuhin ang ating kakayahan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, bibigyan tayo ni Cristo ng kakayahang makita ang ating sarili at makita ang iba na tulad ng pagkakita Niya. Sa tulong Niya, mahihiwatigan natin kung ano ang kailangan. Makikita natin ang kamay ng Panginoon na kumikilos sa at sa pamamagitan ng mga karaniwang detalye ng ating buhay—makakakita tayo nang husto.
At pagkatapos, sa dakilang araw na iyon na “kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa” 9 ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.