“Isang Mensahe mula sa Unang Panguluhan,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
“Isang Mensahe mula sa Unang Panguluhan,” Mga Banal, Tomo 1
Isang Mensahe mula sa Unang Panguluhan
Sa kabuuan ng mga banal na kasulatan iniutos ng Panginoon sa atin na umalala. Ang pag-alaala sa ating pinagsaluhang pamana ng pananampalataya, katapatan, at tiyaga ay nagbibigay sa atin ng pananaw at lakas habang humaharap tayo sa mga hamon ng ating panahon.
Sa hangaring ito na alalahanin “kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao,” (Moroni 10:3) aming ipinapakilala ang Mga Banal: Ang Kwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw. Unang tomo ito sa isang serye ng apat na tomo. Ito ay ang pasalaysay na kasaysayan na may kabilang na mga kuwento ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa nakalipas na panahon. Hinihikayat namin ang lahat na basahin ang aklat at gamitin ang karagdagang materyal na makukuha sa internet.
Kayo ay mahalagang bahagi ng pagpapatuloy ng kasaysayan ng Simbahang ito. Nagpapasalamat kami sa lahat ng inyong ginagawa upang magtatag sa pundasyon ng pananampalataya na inilatag ng ating mga ninuno.
Aming pinatototohanan na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo ay ang pamantayan ng katotohanan ngayon. Tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na maging Kanyang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mga huling araw, at Siya ay patuloy na tumatawag ng mga buhay na propeta at apostol upang magabayan ang Kanyang Simbahan.
Dalangin namin na ang aklat na ito ay magpalawak ng inyong pag-unawa sa nakaraan, magpalakas ng inyong pananampalataya, at makatulong sa inyo na gawin at tuparin ang mga tipan na humahantong sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.
Taos-pusong sumasainyo,
Ang Unang Panguluhan