2005
Kompas ng Panginoon
Nobyembre 2005


Kompas ng Panginoon

Mga propeta at apostol ng mga lumipas na panahon ang ating kompas mula sa Panginoon. Ang tagubiling ipinarating Niya sa pamamagitan nila ay simple.

Mga kapatid, habang nakaupo ako rito nadama ko ang malaking pagnanais na ipahayag ang pagmamahal ko sa inyo at tiyakin sa lahat ng nakakarinig sa akin ang pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit. Sa ngalan ng mga Kapatid, nagpapasalamat ako sa kahandaan ninyong pumunta ngayong araw upang mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.

Mahilig akong mag-hiking sa kabundukan, at habang naglalakad ako sa mga liblib na lugar madalas akong gumamit ng kompas, mga mapa, at palatandaang gagabay sa akin sa pupuntahan ko. Napakalaking tulong ng mga kasangkapang ito, at napakahalaga pa, kapag hindi ko kabisado ang daan at maraming pasikut-sikot.

Ang buhay ay puno ng mga sanga-sangang lansangan at daanan. Napakaraming landas na tatahakin, napakaraming tinig na nagsasabing “halika, [r]ito” o “halika, [r]oon.”1 Iba’t iba ang uri at dami ng media na pumapasok sa ating buhay, at karamihan dito’y inaakay tayo patungo sa malawak na landas na tinatahak ng marami.

Sa pag-iisip kung alin sa mga tinig na ito ang pakikinggan o alin sa napakaraming landas ang tama, naitanong na ba ninyo sa inyong sarili, tulad ng ginawa ni Joseph Smith: “Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng (mga tinig at landas na) ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?”2 Pinatototohanan ko sa inyo na patuloy na minamarkahan ni Jesucristo ang landas, inaakay Niya tayo, at nililinaw ang bawat bahagi ng ating paglalakbay. Ang Kanyang landas ay makipot at makitid at patungo sa “liwanag at buhay at kawalang-hanggan.”3 Ibabahagi ko sa inyo ang isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan.

Sa utos ng Panginoon, nilisan ni Lehi at ng kanyang mga anak ang Jerusalem at sinimulan ang makasaysayang paglalakbay patungong lupang pangako. Matapos tumigil pansamantala sa isang lambak sa tabi ng ilog, sinabi ng Panginoon kay Lehi isang gabi na oras na para ituloy ang paglalakbay nila sa ilang. Sa dami ng iniisip, lumabas siya ng tolda kinabukasan, at laking gulat niya nang makita ang isang bagay sa lapag na tanging kamay lang ng Diyos ang makapaglalagay doon. Iyon ay isang kompas, Liahona ang tawag sa salita nila, at ang mga panuro nito’y ginawa upang gabayan sila sa paglalakbay, para masundan nila ang landas kung saan uunlad sila at mananatiling ligtas sa mas kapaki-pakinabang na bahagi ng kanilang paglalakbay. Pero hindi lang iyon. Lumitaw sa kompas ang mga salitang simple at madaling basahin at nagbabago pa nga paminsan-minsan, at nagbigay sa pamilya ng higit na pang-unawa sa mga paraan ng Panginoon.4

Sa kanilang paglalakbay, malaki ang naitulong ng Liahona, o kompas na ito para umunlad ang pamilya ni Lehi at sa huli’y makarating sa kanilang patutunguhan. Ngunit mahalagang pansinin ang obserbasyon ni Nephi na gumagana lang ang kompas kapag sila ay sumasampalataya, nagsusumigasig, at sumusunod dito. Simple lang ang sinabi ni Nephi tungkol sa kamangha-manghang tulong na ito na gumabay sa kanila sa ilang, “At sa gayon nakikita natin na sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay.”5

Hindi kinaligtaan ni Alma ang sinabing iyon ni Nephi paglipas ng 500 taon nang ipaalala niya sa kanyang anak ang kahalagahan ng Liahona. Ipinaliwanag niya kay Helaman na inihanda ng Panginoon ang kompas na ito para ituro sa kanilang mga ama ang daang dapat nilang tahakin sa ilang, ngunit dahil gumana ang mahimalang kasangkapang iyon sa maliit na pamamaraan, ang kanilang mga ama ay naging tamad at nalimutang sumampalataya at magsumigasig. Dahil dito, ang kagila-gilalas na kasangkapang ito ay hindi na gumana, at hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay o nakatahak sa tuwid na landas kundi lumagi sa ilang at nagdanas ng gutom at uhaw, dahil sa kapabayaan.6

“O anak ko,” pagpapatuloy ni Alma, “huwag tayong maging mga tamad dahil sa kadalian ng daan; sapagkat gayon din ito sa ating mga ama; sapagkat sa gayon ito inihanda para sa kanila, na kung sila ay titingin ay mabubuhay sila; gayon din ito sa atin. Ang daan ay inihanda, at kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman. At ngayon anak ko, tiyaking pangangalagaan mo ang mga banal na bagay na ito, oo, tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay.”7

Ang Panginoon ay nagbibigay ng patnubay at direksyon sa mga tao at pamilya ngayon, tulad ng ginawa Niya kay Lehi. Ang pangkalahatang kumperensyang ito mismo ay isang makabagong Liahona, isang panahon at lugar upang tumanggap ng inspiradong patnubay at direksyon na nagpapaunlad at tumutulong sa atin na sundin ang landas ng Diyos sa mas kapaki-pakinabang na bahagi ng mortalidad. Isipin na tayo’y nagtitipon para makinig sa payo ng mga propeta at apostol na nanalangin at naghandang mabuti para malaman ang nais ipasabi ng Panginoon sa kanila. Ipinagdasal natin sila at ang ating sarili na ituro sa atin ng Mang-aaliw ang isipan at kalooban ng Diyos. Siguradong wala nang mas mabuting panahon o lugar para maturuan ng Panginoon ang Kanyang mga tao kundi sa kumperensyang ito.

Ang mga aral sa kumperensyang ito ang siyang kompas ng Panginoon. Sa darating na mga araw, tulad ni Lehi, lumabas kayo ng inyong pintuan sa harapan at hanapin ang Liahona, Ensign, o iba pang lathalain ng Simbahan sa inyong buson, at maglalaman ito ng kaganapan ng kumperensyang ito. Tulad ng Liahona noon, ang bagong isyung ito ay simple at madaling basahin at ipauunawa nito sa inyo at sa inyong pamilya ang mga paraan at landasin ng Panginoon.

Tulad ng paalala sa atin nina Nephi at Alma, binigyan tayo ng Panginoon ng direksyon sa ating paglalakbay ayon sa pananampalataya, kasigasigan, at pagsunod natin sa utos na iyon. Malamang ay hindi Siya maghayag ng mga bagong landas kung hindi natin tapat na susundin ang mga utos na naibigay na Niya. Ang kasaganaang bigay ng Diyos ay dumarating sa mga taong masigasig sa pagsunod sa inspiradong payo, at ginagawa itong bahagi ng kanilang “pamumuhay at pakikipag-usap” hanggang sa may muling lumitaw na mga bagong salitang tutulong sa kanilang pag-unlad sa paglalakbay patungo sa mga lupang pangako.

Mga kapatid, mga propeta at apostol ng mga lumipas na panahon ang ating kompas mula sa Panginoon. Ang Kanyang tagubilin na ipinarating Niya sa pamamagitan nila ay simple; ang nakaplanong landas ay tiyak. Ang Kanyang landas, gaya ng Kanyang pamatok, ay magaan. Ngunit huwag palinlang sa kadalian ng Kanyang daan, na iniisip na ito’y maliit na bagay o hindi mahalaga, bagkus ay pangalagaan ang mga sagradong bagay na ito at umasa sa Kanya upang makatulad Niya kayo at makapiling Siya—magpakailanman.

Tumatayo ako ngayong saksi na lahat ng pangako ng ating Ama ay matutupad; na isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak sa lupa para ituro ang landas at akayin tayo; na ang Ama at ang Anak ay nagpakita kay Joseph Smith sa maganda at maaliwalas na umagang iyon sa simula ng tagsibol ng 1820, at ibinalik ang lahat ng kailangan para matagumpay na makumpleto ang paglalakbay ng tao sa lupa; at isang propeta ngayon, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang nagtuturo ng daan sa mga maghahanap at mabubuhay magpakailanman. Nawa’y sumampalataya tayo at masigasig na sundin ang mga tagubilin at panuro ng mga Liahona sa mga huling araw, ang dalangin ko, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5.

  2. Joseph Smith—Kasaysayan 1:10.

  3. “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  4. Tingnan sa 1 Nephi 16:9–16.

  5. 1 Nephi 16:29.

  6. Tingnan sa Alma 37:38–41.

  7. Alma 37:46–47.