Ang mga Pagpapala ng Pangkalahatang Kumperensya
Magpasiya ngayon na ipriyoridad sa inyong buhay ang pangkalahatang kumperensya. Magpasiyang makinig na mabuti at sundin ang mga turong ibinigay.
Isang sagradong responsibilidad ang magsalita sa inyo sa pangkalahatang pulong na ito ng priesthood. Palagi kong inaasam ang pagdalo sa mga sesyon na ito ng priesthood kasama ang mga anak kong lalaki. May magaganda akong alaala sa pag-upo naming magkakatabi ng aking mga anak sa aming stake center habang nakikinig sa mga turo ng mga General Authority. Nagdulot ng pagbabago ang mga pulong na ito sa aking buhay noong aking kabataan at patuloy na nagpapabago sa buhay ko ngayon. Alam ko na nakaimpluwensya ang mga ito sa aking mga anak at sa milyun-milyong maytaglay ng Aaronic Priesthood sa buong mundo.
Magsasalita ako ngayong gabi sa inyong mga maytaglay ng Aaronic Priesthood. Tayo’y nabubuhay sa kapana-panabik at kahanga-hangang panahon. Naibalik na ang kaganapan ng ebanghelyo at lumalaganap na sa buong mundo. Ang mga susi ng priesthood ay narito sa mundo at maisasagawa na ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa mga karapat- dapat sa mga ito. Milyun-milyong mabubuting tao sa mundo ang nagsisikap na gawin ang tama sa kanilang buhay at sa kani-kanilang pamilya at komunidad.
Ang kahanga-hangang panahong ito kung saan nabubuhay tayo ay puno rin ng panganib. Nabubuhay kayo sa panahong puno ng pagsubok kung saan maraming tukso at panganib ang nakaabang sa inyo. Nalantad na kayo sa ilan sa mga tukso at panganib na iyon. Siguro nakakita na rin kayo ng mga taong nasira ang buhay dahil nagpatukso sila sa ilan sa mga kasamaang lubhang laganap na sa mundo.
Paano kayo, bilang maytaglay ng Aaronic Priesthood, magiging ligtas sa panahong ito na puno ng pagsubok upang magampanan ninyo nang lubos ang inyong bahagi sa dakilang gawaing ito at magkaroon ng tunay na kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na darating?
Hindi kataka-taka na sa harap ng napakaraming kasamaan at tukso ay di tayo iniiwan ng Panginoon para hanaping mag-isa ang daan. Sa katunayan, marami pang paggabay ang makakamtan ng bawat isa sa atin kung makikinig tayo. Natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo para gabayan at bigyan kayo ng inspirasyon. May mga banal na kasulatan kayo, mga magulang, lider at guro sa Simbahan. Nasa inyo rin ang mga salita ng mga propeta, tagakita at tagapaghayag na nabubuhay sa ating panahon. Napakaraming makukuhang patnubay at tagubilin kaya di kayo makagagawa ng malalaking pagkakamali sa inyong buhay maliban kung kusa ninyong balewalain ang patnubay na inyong natatanggap.
Ngayong gabi, gusto kong pagtuunan ng pansin ang isa sa mga pinagmumulan ng patnubay—ang mga buhay na propeta, tagakita at tagapaghayag na sinang-ayunan natin ngayon. Sa katunayan, gusto kong bigyang-diin ang isa sa mahahalagang paraan kung saan nakakamtan natin ang kanilang tagubilin—ang pangkalahatang kumperensya.
Bahagi na ng Simbahan ang mga kumperensya mula pa sa simula ng dispensasyong ito. Ang unang kumperensya ay naganap dalawang buwan pa lang pagkatapos maitatag ang Simbahan. Dalawang beses tayong nagkikita-kita sa bawat taon para matagubilinan ng mga General Authority at pangkalahatang opisyal ng Simbahan. Ang mga kaganapan ng mga kumperensyang ito ay makukuha sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, kapwa nakalimbag at nakabrodkast o sa internet.
Gustung-gusto ng nanay ko ang pangkalahatang kumperensya. Palagi niyang binubuksan ang radyo at TV at nilalakasan ito kaya mahihirapan kang makahanap ng lugar sa bahay na di mo maririnig ang kumperensya. Gusto niyang makinig ang kanyang mga anak sa mga mensahe at nagtatanong paminsan-minsan kung ano ang natatandaan namin. Paminsan-minsan lumalabas kami ng ilan sa mga kapatid kong lalaki para maglaro ng bola sa kasalukuyan ng sesyon ng kumperensya sa araw ng Sabado. Magdadala kami ng radyo dahil alam naming tatanungin kami maya-maya ng aming ina. Maglalaro kami ng bola at paminsan-minsa’y magpapahinga para makinig na mabuti upang may maireport kami kay Inay. Alam ko hindi namin naloko si Inay nang lahat kami’y pare-pareho ang natandaan mula sa buong sesyon.
Hindi iyon mabuting paraan ng pakikinig ng kumperensya. Nagsisi ako simula noon. Naibigan ko na ang pangkalahatang kumperensya. Medyo sigurado na ako dahil sa pagmamahal ng aking ina sa mga salita ng mga buhay na propeta. Naalala kong mag-isa akong nakinig sa mga sesyon ng isang kumperensya sa apartment noong nasa kolehiyo ako. Nagpatotoo ang Espiritu Santo sa aking kaluluwa na si Harold B. Lee, ang Pangulo ng Simbahan nang panahong iyon, ay tunay na propeta ng Diyos. Nangyari ito bago ako nagmisyon at masaya akong nagpatotoo tungkol sa buhay na propeta dahil nalaman ko ito sa sarili ko mismo. Nagkaroon ako ng ganoong patotoo sa lahat ng propeta mula nang araw na iyon.
Noong nasa misyon ako, wala pang satellite system ang Simbahan, at ang bansang pinaglingkuran ko’y wala pang brodkast ng pangkalahatang kumperensya. Pinadadalhan ako ni Inay ng audiotape ng mga sesyon at paulit-ulit kong pinakikinggan ito. Natutuhan kong mahalin ang mga tinig at salita ng mga propeta at apostol.
Kamakailan nabasa ko ang journal ng aking lolo-sa-tuhod, na si Nathaniel Hodges na tinawag na magmisyon sa Inglatera noong 1883. Ikinuwento niya na pinapunta siya sa Salt Lake City para italaga sa kanyang misyon at dumalo sa kumperensya habang siya ay naroon. Pakinggan ang paglalarawan niya ng kumperensyang iyon: “Pumunta ako sa mga pulong sa malawak na Tabernacle buong maghapon. Napakagaganda ng ibinigay na mga tagubilin. Ang mga sinabi nina Joseph F. Smith at George Q. Cannon at Pangulong John Taylor ay lubos na nakaaantig. Narinig kong sinabi ng ilang matatanda na wala pa silang nadaluhan noon na mas nakaaantig at Espirituwal na Kumperesya.”1
Palagay ko’y gayundin ang nadarama ng mga miyembro ng Simbahan sa bawat pangkalahatang kumperensya. Para bang bawat isa ay mas nakaaantig at espirituwal kaysa sa nakaraang kumperensya.
Para mabago ng mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya ang ating buhay kailangang maging handa tayong sundin ang payong naririnig natin. Ipinaliwanag ng Panginoon sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith “na kung kayo ay magkakasamang nagtitipun-tipon kayo ay magturuan at patibayin ang bawat isa, upang malaman ninyo kung paano … kumilos sa mga bahagi ng aking batas at mga kautusan… .”2 Subalit ang malaman kung “paano kumilos” ay hindi sapat. Sinabi ng Panginoon sa kasunod na talata, “… inyong ipangangako ang inyong sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan ko.”3 Ang kahandaang ito na kumilos [at isagawa ang] natutuhan natin ay nagbibigay-daan sa mga kagila-gilalas na pagpapala.
Isang taon na ang nakararaan sa sesyon ng priesthood sa kumperensya ay nagsalita si Pangulong Hinckley tungkol sa mga panganib ng pornograpiya. Palagay ko di pa ako nakarinig ng mas tuwirang babala ng propeta sa mga miyembro ng priesthood gaya nito. Kayong mga batang kapatid na nakinig at sumunod sa kanyang mga salita ay pinagpala na at pagpapalain pa nang higit pa sa nauunawaan ninyo ngayon. Tatanggapin ng magiging pamilya ninyo sa hinaharap ang mga dakilang pagpapala dahil sa inyong pagsunod. Isipin ninyo kung gaano maiimpluwensyahan ang mundo kung tatalikdan ng bawat maytaglay ng priesthood ang pornograpiya bilang pagsunod sa payo ng propeta.
Sa tuwing susundin natin ang mga salita ng mga propeta at apostol tumatanggap tayo ng malalaking pagpapala. Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala nang higit sa nauunawaan natin sa panahong iyon at patuloy tayong tumatanggap ng mga pagpapala kahit matagal nang nangyari ang una nating pagpapasya na maging masunurin.
Noong araw na itatag ang Simbahan, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na may kasamang mahalagang alituntunin para sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Sa pagsasalita sa Simbahan tungkol kay Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, “Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo … sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig.”4
Ngayo’y pakinggan ang mga ipinangakong pagpapala sa mga tumatalima: “Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo: Oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.”5
Yaon ay mga makapangyarihang pangako na magpapanatili sa ating ligtas sa mapanganib na panahong ito. Kailangan natin ang mga ito at ibibigay ng Panginoon ang mga ito sa bawat isa sa atin kung handa tayong sumunod sa mga propeta, tagakita at tagapaghayag.
Magpasiya ngayon na ipriyoridad sa inyong buhay ang pangkalahatang kumperensya. Magpasiyang makinig na mabuti at sundin ang mga turong ibinigay. Makinig o basahin ang mga mensahe nang maraming beses para mas maunawaang mabuti at masunod ang ipinayo. Sa paggawa ng mga bagay na ito hindi mananaig laban sa inyo ang mga pintuan ng impiyerno, itataboy ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti.
Alam ko na mahal tayo ng ating Ama sa Langit at may perpekto Siyang plano para sa Kanyang mga anak. Alam ko na si Jesus ang Cristo at Siya’y buhay. Pinatototohanan ko na naibalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo. May mga tunay tayong propeta, tagakita at tagapaghayag sa mundo ngayon na may “mga salita ng buhay na walang hanggan.”6 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.