Magtipon sa Templo
Nang ipasiya ni Benedito Carlos do Carmo Mendes Martins na dalhin ang kanyang pamilya sa pinakamalapit na templo noong 1992, kinailangan niyang magbakasyon sa trabaho nang 15 araw dahil mahirap magbalikan mula sa kanyang tahanan sa Manaus, sa northern Brazil. Gayunman, maraming trabaho noon sa opisina, at ayaw siyang pagbakasyunin ng amo niya.
Dahil nakapaghanda at nagsakripisyo na ang pamilya, at nakapag-impok ng pera para makabiyahe, nagdasal sila na kahit paano ay makatuloy pa rin sila. Di naglaon ay nasagot ang kanilang mga dalangin.
“Bago kami nagbiyahe, nasuri na may bulate ako sa tiyan,” sabi ni Brother Martins. “Tuwang-tuwa akong magkasakit!”
Agad siyang niresetahan ng gamot ng doktor at ng dalawang-linggong bakasyon sa trabaho, na ayon sa batas ay kailangang ibigay ng kanyang kumpanya. Kinabukasan lumisan ang pamilya papunta sa templo.
“Dinala ko ang gamot ko, at sa biyahe ay nabigyan ako ng mga iniksyon,” sabi ni Brother Martins. Pagbalik niya, wala na ang mga bulate.
“Umuwi ako na may pananampalataya at patotoo sa mga ordenansa sa templo,” wika niya, “lalo na ang ordenansang nagbuklod sa akin sa aking asawa at tatlong anak.”
Bago naging bahagi ng Caracas Venezuela Temple District ang Manaus noong 2005, ang pinakamalapit na templo ay ang São Paulo Brazil Temple, na libu-libong milya ang layo sa timog-silangang Brazil. Determinadong pumunta sa templo ang ilang Banal sa mga Huling Araw sa Manaus kaya ipinagbili nila ang kanilang bahay, sasakyan, kagamitan sa trabaho—anumang maibebenta—para makaipon ng pera.
Para makarating sa São Paulo, maglalakbay ang mga miyembro sakay ng barko sa Rio Negro papunta sa kalapit na sangandaan sa Amazon at mula roon ay pasilangan patungong Rio Madeira—sa layong mga 70 milya (115 km). Pagkatapos ay maglalakbay sila nang mahigit 600 milya (965 km) timog-kanluran ng Rio Madeira patungo sa lungsod ng Pôrto Velho. Mula roon ay sasakay sila ng mga bus at bibiyahe pa nang 1,500 milya (2,400 km) patungong São Paulo. Matapos maglingkod sa bahay ng Panginoon, pitong araw silang magbibiyahe pauwi.
Nang maghanda ang mga Banal mula sa Manaus para sa una nilang paglalakbay papuntang templo sa Caracas, tuwang-tuwa silang nagpahayag, “Bale 40 oras lang naman tayo magbibiyahe papuntang templo!” Para makarating sa Caracas, tiniis ng mga Banal na magbiyahe sakay ng bus nang 1,000-milya (1,600-km) na may kasamang paglalakbay sa mapapanganib na bahagi ng kagubatang Amazon at paglipat sa mas maliit na bus sa hangganan ng Brazil at Venezuela. Mas malapit ito, pero kailangan pa ring gumastos sa biyahe, at may dagdag na gastusin pa sa pagkuha ng mga pasaporte.
Nang magsimulang maglakbay ang mga Banal, kinanta nila ang, “Magbangon, mga Banal, at ang Templo ay Tunguhin.”1 Para manatili ang pagpipitagan at makapagtuon sa layunin ng kanilang paglalakbay, nagdaos sila ng mga fireside sa bus at nanood ng mga pelikula ng Simbahan tulad ng Ang Bundok ng Panginoon.
Sa isang journal na tinipon ng mga sumama sa unang paglalakbay na iyon, ginunita ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pagpapala sa kanila, hindi ang kanilang mga sakripisyo. Isinulat ng isang miyembrong babae: “Patungo ako ngayon sa templo sa unang pagkakataon. Kahapon ay ipinagdiwang ko ang aking ika-20 anibersaryo bilang miyembro ng Simbahan—napakaraming oras, araw, at taon ng paghihintay at paghahanda. Puspos ng pasasalamat at kaligayahan ang puso ko dahil sa aking mga kaibigan, priesthood leader, at lalo na kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa pagkakataong ito na makapunta sa bahay ng aking Ama sa Langit.”
Isang lalaking ibinuklod sa kanyang asawa at mga anak na kasama sa biyaheng iyon ang nagsabi na ang templo ay nagbigay sa kanya ng isang sulyap sa kawalang-hanggan. “Wala akong duda na kung tutuparin namin ang mga tipang ginawa namin sa templo, higit kaming liligaya at sasagana,” pagsulat niya. “Mahal ko ang aking pamilya, at gagawin ko ang lahat para makasama sila sa kahariang selestiyal.”
Ang Brazil Manaus Mission ay nilikha noong Hulyo 1, 1990, para ihatid ang ebanghelyo sa anim na estado sa hilagang Brazil. Noon ay halos di pa kilala ang Simbahan sa mga estadong iyon at kakaunti ang mga miyembro. Ngunit tulad ng sabi ng Panginoon sa Aklat ni Mormon, yaong magsisisi at magbabalik sa Kanya ay ibibilang sa Kanyang mga tao sa mga huling araw (tingnan sa 3 Nephi 16:13).
Ngayon ay may walong stake sa lungsod ng Manaus, sa Amazonas State, karagdagang mga stake sa iba pang mga estado, at pitong district sa loob ng mga hangganan ng misyon. Habang pinagninilay ko ang pag-unlad ng Simbahan at ang tungkuling ginagampanan ng mga templo sa mga pagsisikap ng Panginoon na tipunin ang Kanyang mga anak, nabaling ang aking isipan sa Kanyang pangako sa Aklat ni Mormon: “Oo, at pagkatapos ang gawain ay magsisimula, kasama ang Ama, sa lahat ng bansa sa paghahanda ng daan kung paano ang kanyang mga tao ay maaaring matipong pauwi sa lupaing kanilang mana” (3 Nephi 21:28).
Bilang mission president sa Manaus mula 1990 hanggang 1993, nakita kong tinanggap ng marami sa mga mamamayan ng Amazon ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, sumapi sa Simbahan, at “[na]kipagtipan” (3 Nephi 21:22). Dahil dito, pinagpala ng kapangyarihan ng priesthood ang kanilang buhay at mga pamilya—lalo na sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.
Nagalak ang mga miyembro ng Simbahan sa hilagang Brazil noong Mayo 2007 nang ibalita ng Unang Panguluhan na isang templo, na pang-anim sa Brazil, ang itatayo sa Manaus. Para sa pamilyang Martins at sa dumaraming Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Brazil, malaking pagpapala ang pagkakaroon ng templo sa Manaus. Gayunman, para sa maraming Banal sa buong mundo, patuloy na mangangailangan ng malaking sakripisyo ang pagdalo sa templo.
Nawa’y magpasalamat tayong mga nakatira malapit sa templo sa pamamagitan ng mas madalas na pagdalo natin sa templo. At nawa, tulad ng mga Banal sa hilagang Brazil, ay gayahin natin ang halimbawa ng mga Nephita na “nagpagal nang labis” upang magtipon sa templo “upang … sila ay naroroon sa pook kung saan i[papa]kita ni Jesus ang sarili sa maraming tao” (3 Nephi 19:3).