2008
Ang Pinakamaganda Kong Regalo sa Pasko
December 2008


Ang Pinakama-ganda Kong Regalo sa Pasko

Halos dalawang taong gulang pa lang ako nang magkasakit nang malubha ang nanay ko. Dahil wala siyang mapag-iwanan sa akin, isinama niya ako sa ospital sa Tupiza, Bolivia. Di nagtagal siya ay namatay, at naiwan akong mag-isa.

Noong kabataan ko hanggang mag-tinedyer ako, pinagpasa-pasahan ako sa iba’t ibang lugar, at di kailanman nadama ang magkaroon ng pamilya, hindi tumatanggap ng anumang regalo—kahit kaarawan ko o para sa Pasko.

Sa aking pag-iisa, naharap ako sa maraming hamon at panganib habang lumalaki ako. Paglaon ko na lang nalaman na hindi talaga ako nag-iisa at may kamay na hindi nakikita na nagbabantay sa akin.

Noong 15 anyos ako, inanyayahan akong tumira sa piling ng isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Isinama ako ng anak nilang babae, na mas matanda nang kaunti sa akin, sa Mutwal. Binati at pinansin ako ng lahat ng taong naroon. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, pinakitunguhan ako ng mga tao nang may pagmamahal at kabaitan.

Ipinakilala ako sa mga misyonero, at sinimulan nila akong turuan. Di nagtagal natanto ko na ako ay may mapagmahal na Ama sa Langit, na nangalaga sa akin sa buong buhay ko. Tinanggap ko ang ebanghelyo at nabinyagan ako noong Bisperas ng Pasko ng 1978. Nang gabing iyon natanggap ko ang una at pinakamahalaga pa ring regalo sa Pasko: ang pagiging miyembro sa Simbahan ng Panginoon.

Nagsunuran ang iba pang mga regalo. Makaraan ang dalawang taon may nakilala akong isang binatang di miyembro ng Simbahan. Isinama ko siya sa simbahan, at matapos niyang gawin ang kanyang mga tipan sa binyag, kami ay ikinasal. Kalaunan biniyayaan kaming mag-asawa ng Ama sa Langit ng tatlong anak, na nabuklod sa amin sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa Buenos Aires Argentina Temple.

Noong bata pa ako, ang tawag sa akin ng lahat ay “ang kaawa-awang batang ulila.” Tuwing maaalala ko ito ngayon, nagpapasalamat ako dahil sa pagpapalang nalaman ko na ako ay may isang Ama, na nagmamahal sa akin noon pa man. Natikman ko na rin ang walang hanggang pagmamahal ng Tagapagligtas. Ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na pinili noong bago pa siya isilang at masigasig na isinalin ang Aklat ni Mormon. Alam kong taglay nito ang kabuuan ng ebanghelyo.

Natanggap ko ang una at pinakamagandang regalo sa Pasko sa edad na 15 at natamasa ko ang mahabaging awa ng Panginoon mula noon. Buong puso pa rin akong nagpapasalamat sa regalong iyon at nagsisikap na ituon ang aking paningin sa kabilang buhay, kung saan umaasa akong mapasalamatan ang Ama at ang Anak at mabuhay magpakailanman sa piling ng pinakamamahal kong pamilya.