Mga Pagpapala ng Templo sa Isang Pamilyang Hindi Lahat ay Miyembro
Ang pagdalo ko sa templo ay nagbigay sa akin ng mga ideyang nagpaganda sa relasyon ko sa aking asawa, na hindi Banal sa mga Huling Araw, at sa aming mga anak.
Noong Hunyo ng 1986 inihatid ko sakay ng kotse ang aking ina papuntang Cardston Alberta Temple para matanggap niya ang kanyang endowment. Natanggap ko na ang aking endowment, pero nakatira kami ng asawa kong di-miyembro sa isang liblib na lugar sa British Columbia, at napabayaan kong mawalan ng bisa ang aking recommend. Kaya, nasamahan ko nga ang nanay ko hanggang sa recommend desk pero hindi ko na siya nasundan sa loob. Lumabas ako, sumandig sa dingding ng templo, at umiyak.
Pagkatapos ng karanasang iyon, ipinasiya kong huwag nang magpaiwang muli sa labas ng templo kahit kailan. Sinuportahan ng asawa ko ang desisyon kong iyon, at di nagtagal ay madalas na akong dumalo sa templo. Doon ay natutuhan ko ang mga alituntuning gumawa ng malaking kaibhan sa sarili kong buhay at sa relasyon ko sa aking pamilya at mga kaibigan.
Mga Pagbabago sa Buhay Ko
Una, napansin kong naragdagan ang pasensya ko. Ilang taon kong sinikap na magpigil ng galit pero hindi ako gaanong nagtagumpay. Nang matutuhan ko sa pagsamba sa templo ang kaugnayan ko sa aking Ama sa Langit at sa ibang tao, nagbago ang ugali ko. Naunawaan ko na ang aking pamilya at mga kaibigan ay mga taong kilala ko na bago pa ako isinilang. Nasa buhay ko sila hindi para sirain o inisin ako kundi para tulungan akong matuto ng mga aral ng buhay. Nakaunawa ako nang sikapin kong matutuhan ang sinisikap nilang ituro sa akin, at nagkaroon ako ng pasensyang tanggapin na umunlad sila ayon sa sarili nilang bilis. Nalaman ko rin na ang buhay ay hindi pagpupumilit na turuan ang iba na maging sakdal para lumigaya ako; ito ay isang masayang paglalakbay tungo sa pagiging sakdal kasama ang mga taong mahal ko.
Ang ikalawang pagbabago ay sa pakikitungo ko sa aking asawa. Bago kami ikinasal, determinado na akong gawin siyang padre-de-pamilya namin at hindi talikuran ang aming pagsasama. Sa kabila ng matatag kong pasiya, nahirapan akong tanggapin ang kanyang mga pasiya at kung minsan ay hinahayaan ko pang maapektuhan ako ng kanyang mga gawi. Sa templo nalaman ko na kung magkasama kami ay may potensyal kaming maging perpektong mag-asawa sa kawalang-hanggan. Sa bago kong pananaw ngayon, nakita ko na kapag nagtulungan kami, matatag kami. Ang aming mga kahinaan at kalakasan, interes at talento ay nagkatulungan nang husto kaya mas matibay kami kapag magkasama kaysa magkahiwalay.
Nang matutuhan kong tanggapin ang mga pagkakaiba naming mag-asawa, nabawasan ang pamimintas ko at natuto akong makisama at makipagtulungan sa aking asawa. Nalaman ko na mas mabilis akong maging isang taong gusto kong kahinatnan. Bukod dito, kapag nadarama ng asawa ko na mas pinakikisamahan ko siya, naging mas mapagmahal din siya sa akin.
Ang ikatlong bagay na napabuti ko ay ang pananalig na matutulutan kong mamuhay sa sarili nila ang apat naming anak, na malalaki na, nang hindi nadarama na responsibilidad kong mamuhay sila sa isang natatanging paraan. Di gaanong aktibo sa Simbahan ang ilan sa kanila, pero gusto ko pa rin silang hikayatin sa kabutihan nang hindi pinakikialaman ang kalayaan nilang magpasiya sa sarili. Sa isang partikular na pagbisita sa templo, isinulat ko ang mga pangalan nila sa prayer roll at ipinagdasal nang mahaba at taimtim ang kanilang kapakanan. Tumanggap ako ng napakapayapang katiyakan na magiging maayos ang lahat sa kanila.
Nang pag-isipan ko ang karanasan kalaunan, natanto ko na mahal sila ng Ama sa Langit nang higit pa sa pagmamahal ko dahil mas naunawaan Niya sila. Nais Niyang pagpalain sila at pabalikin sila sa Kanya, at bibigyan Niya sila ng mga pagkakataong matuto. Ngayon tuwing mag-aalala ako, naaalala ko ang karanasang iyon at ginagawa ko ang lahat ng kaya ko, batid na Panginoon na ang bahala sa iba pa.
Dumating ang ikaapat na pagbabago sa buhay ko nang mabalot ng kapayapaan ang buong pagkatao ko, bunga ng pagdalo ko sa templo na nagbigay sa akin ng mas magandang pananaw sa kawalang-hanggan. Tiwala ako na ang Panginoon ang namamahala, na sapat ang mga bagay sa daigdig na ito para mabuhay tayo nang maginhawa, na may nakatagong kabutihan sa disyerto ng kasamaan. Hindi ko na iniisip na nag-iisa ako. Kasama ko ang Espiritu Santo, at makakausap ko ang aking Ama sa Langit sa panalangin sa buong maghapon. Dati ay nahihirapan akong magpasiya; ngayon hinihiling ko ang paggabay ng Espiritu at kumikilos ayon dito sa aking mga pagpapasiya. At dahil hindi ko na nadarama na kailangang mamuhay ang iba sa paraang gusto ko, mas marami na akong oras at lakas na “isakatuparan ang [aking] sariling kaligtasan” (Mormon 9:27).
Naibsan nang malaki ng bagong pananaw na ito ang bigat ng pasanin ko. Totoo ang sinabi ng Panginoon nang sabihin Niyang:
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:29–30).
Mga Pagpapala sa Pamilya
Mahalaga ang patuloy na pagdalo sa templo para sa akin kahit na ang tanging mga pagpapalang natanggap ko ay personal na kapayapaan, katiyakan, at pagpapasensya. Pero may iba pang mga karanasan—marami pang iba—na nagpala sa akin at sa aking pamilya.
-
Higit akong nakilahok sa paggawa ng family history at nagkaroon ng maraming magagandang karanasan kasama ang aking mga kapamilya, kapwa ang buhay at yaong nasa kabilang buhay.
-
Noong Nobyembre 1993 ikinasal ang pangalawang anak kong babae sa templo, at nakadalo ako sa pagbubuklod.
-
Noong Mayo 2006, pagkaraan ng 37 taong pagsasama, sumapi ang asawa ko sa Simbahan. Noong Agosto 2007 nabuklod kaming mag-asawa, at nabuklod sa amin ang pangalawa naming anak na babae. Ang panganay naming babae, na nabuklod sa kanyang asawa at anak na babae noong Nobyembre 2006, ay ibinuklod sa amin noong Agosto 2008.
Walang hanggan ang pasasalamat ko sa aking ina na nagturo ng daan nang magpabinyag siya noong ako ay pitong taong gulang at kalaunan ay nagbigay sa akin ng inspirasyon na kumuhang muli ng temple recommend. Ang pagsunod sa kanyang halimbawa ay naghatid ng napakaraming personal na pagpapala, at pinagpala rin nang gayon ang iba pang mga miyembro ng aking pamilya.