Mensahe sa Visiting Teaching
Isang Samahan ng Banal na Kababaihan
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang binibisita ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Itinuro ni Eliza R. Snow, ang ikalawang pangkalahatang pangulo ng Relief Society, na: “Ang Apostol na si Pablo ay nagsalita noon tungkol sa mga babaeng banal. Tungkulin ng bawat isa sa atin na maging babaeng banal. Magkakaroon tayo ng mga dakilang hangarin, kung tayo ay mga babaeng banal. Madarama natin na tinawag tayo upang gampanan ang mahahalagang tungkulin. Walang malilibre dito. Walang kapatid sa Simbahan ang lubhang mabubukod, at napakaliit ng impluwensya kundi malaki ang magagawa niya sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa.”1
Mga kapatid, hindi tayo mabubukod ni maliit ang ating impluwensya. Sa pagtanggap sa kaloob na pagiging aktibo sa Relief Society, nagiging kabilang tayo sa sinabi ni Propetang Joseph na isang samahang “malayo sa lahat ng kasamaan ng mundo—hinirang, marangal, at banal.”2
Ang samahang ito ang nagpapalakas sa ating pananampalataya at nagpapaunlad sa ating espirituwalidad sa pagbibigay sa atin ng mga pagkakataong mamuno, maglingkod, at magturo. Sa ating paglilingkod may nadaragdag na aspeto sa ating buhay. Umuunlad ang ating espirituwalidad, at mas nadarama nating kabilang tayo, nagkakaroon tayo ng pagkakakilanlan, at nadaragdagan ang pagpapahalaga natin sa sarili. Nauunawaan natin na ang buong layunin ng plano ng ebanghelyo ay bigyan tayo ng pagkakataong maabot ang ating buong potensyal.
Tinutulungan tayo ng Relief Society na maghandang tanggapin ang mga pagpapala ng templo, tuparin ang mga tipang ginawa natin, at makibahagi sa layon ng Sion. Tinutulungan tayo ng Relief Society na pag-ibayuhin ang ating pananampalataya at sariling kabutihan, patatagin ang mga pamilya, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.
Ang gawain ng Relief Society ay banal, at ang paggawa ng kabanalan ay nagpapabanal sa atin.
Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Exodo 19:5; Mga Awit 24:3–4; I Mga Taga Tesalonica 4:7; Kay Tito 2:3–4; Doktrina at mga Tipan 38:24; 46:33; 82:14; 87:8; Moises 7:18
Mula sa Ating Kasaysayan
Nang magsalita siya sa Female Relief Society ng Nauvoo, binigyang-diin ni Propetang Joseph Smith ang kabanalan, at ipinaliwanag na kapag naging dalisay at banal ang kababaihan, magiging kapansin-pansin ang impluwensya nila sa mundo. Paliwanag niya: “Kaamuan, pagmamahal, kadalisayan—ang mga bagay na ito ang dapat mag-angat sa inyo. … Ang Samahang ito … [ay] magkakaroon ng kapangyarihan na atasan ang mga reyna sa kanilang kalipunan. … Ang mga hari at reyna ng mundo ay magtutungo sa Sion, at magbibigay-galang.” Ang kababaihan ng Relief Society na tumutupad sa kanilang mga tipan ay iginagalang hindi lamang ng mararangal na tao, kundi “kung magiging marapat kayo sa inyong pribilehiyo,” pangangako ni Joseph sa kababaihan, “hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”3
Nang makibahagi ang kababaihan sa paglilingkod at pagliligtas sa iba, napabanal nila ang kanilang sarili. Ibinahagi ni Lucy Mack Smith, ina ng propeta, ang mabuting magagawa ng Relief Society: “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, pangalagaan ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkakasama sa langit.”4