2013
Paglakad sa Trail of Hope—nang Magkasama
Hulyo 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Paglakad sa Trail of Hope—nang Magkasama

Noong Pebrero 1846 pinalayas ang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo. Puno ng pag-asa na makatatagpo sila ng kapayapaan sa Sion, naglakad sila sa Parley Street—na tinatawag ngayong Trail of Hope—at tumawid sa Mississippi River.

Nagsisimula pa lamang ang tagsibol sa Nauvoo nang una kong lakarin ang Trail of Hope. Ginintuan ang liwanag at maalinsangan ang malilim na paglalakad ko sa daan na nahahanayan ng mga puno. Bilang photographer, nakatuon lang ako sa shutter speed, aperture, at sa nakamamanghang liwanag na pumuno sa aking lens.

Pagkatapos ay unti-unting napuspos ng mga alaala ang puso ko tungkol sa mga ninuno kong naglakad sa landas na ito. Una rito sina Jared at Cornelia kasama ang kanilang dalawang-taong-gulang na anak na lalaki. Nadama ko ang lamig ng hangin, ngunit hindi iyon maihahambing sa napakalamig na klima na naranasan ni Jared at ng kanyang munting pamilya nang maglakbay sila. Namatay si Cornelia sa isang lugar sa pagitan ng Nauvoo at Salt Lake. Parang nakinita kong umiiyak si Jared nang kargahin niya ang kanyang anak at nagpatuloy sa paglalakbay.

Takot na mawala ang nararamdaman kong presensya nila, hindi ako tumigil sa pagkuha ng retrato habang nanlalabo sa luha ang aking paningin. Pagkatapos ay naalala ko ang batang si Sarah, na umalis kasama ang kanyang mapagmahal na ina-inahan sa huling grupo ng mga Banal para lisanin ang Nauvoo. Minsan ay pinuno ng mapagmahal na Ama sa Langit ng mga pugo ang kanilang kampo para mapakain sila. Kasunod niyon ay humayo sila nang may pasasalamat sa kanilang puso.

Naantig nang lubos ang puso ko; pakiramdam ko ay kasama ko si Sarah. Kasama ko rin sina Jared at Cornelia pati na ang kanilang munting anak na lalaki. Magkakasama kaming naglakad sa gitna ng liwanag at lilim, habang nagsasanib ang nakaraan at kasalukuyan sa landas na ito—ang landas na ito ng pag-asa, ang landas na ito na puno ng mga luha. Sa isang paraang hindi ko maipaliwanag, kasama ko sila at pinukaw nila sa akin ang nagkakaisa naming pagmamahal sa ebanghelyo ni Jesucristo. Natanto ko na nag-aalab sa kalooban ko ang aking patotoo dahil nag-alab iyon sa kanila—na ipinasa sa bawat henerasyon—na bawat isa ay naglalatag ng pundasyon para sa kasunod na henerasyon. Napaiyak ako sa pasasalamat.

Di-nagtagal naabutan ako ng aking asawa, na kanina pa kumukuha ng mga retrato sa ibang lugar. Nakatayo ako malapit sa kanya nang ikuwento ko sa kanya ang aking karanasan. Tulad ng mga Banal na iyon ng Nauvoo, siya ang una sa kanyang pamilya na naniwala sa ebanghelyo. At tulad nila na naglakad sa landas na ito mahigit 150 taon na ang nakararaan, hindi siya ang huling maniniwala. Pinalakas ng aming patotoo ang mga patotoong nag-aalab ngayon sa puso ng aming mga anak, tulad ng mga patotoo nina Jared at Cornelia at Sarah na nagpalakas sa patotoo ng libu-libo sa kanilang mga inapo.

Kinalimutan naming mag-asawa ang pagkuha ng retrato, at dahan-dahan naming nilakad nang magkasama ang Trail of Hope, na tahimik na ginugunita ang mga tumahak dito na pumanaw na.