Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagpapatuloy sa Buhay Matapos Malaman na Gumagamit ng Pornograpiya ang Aking Kasintahan
Sa wakas ay inamin ng aking kasintahan na nagkaroon siya ng problema sa pornograpiya. Maaari ko pa rin ba siyang pakasalan?
Ang awtor ay naninirahan sa French Polynesia.
Nakilala ko ang aking asawa noong kami ay parehong tagapayo sa EFY. Humanga ako sa kanyang malakas na patotoo at sa paraan ng pagtuturo at pakikisalamuha niya sa mga kabataan.
Nang magsimula kaming magdeyt, nadama namin na tila may inaasahan ang Panginoon na mahalagang mangyari sa aming relasyon. Gayunman, habang lumalalim ang aming relasyon, naging mas lalo siyang mapilit sa paraan ng pagpapakita niya ng pagmamahal. Nagsimula akong maghinala na may problema siya sa pornograpiya, ngunit nang pag-usapan namin ang tungkol dito, ikinaila niya na may mga problema siya rito.
Nagsimula kaming magtakda ng mas mahigpit na mga panuntunan para maprotektahan ang aming sarili. Nang mag-alok na siya ng kasal, tinanggap ko ito at mas bumuti ang mga bagay-bagay—hanggang sumapit ang isang araw na nagsimula na naman siyang magpilit na ipakita sa akin na mahal niya ako sa mga paraan na hindi ako naging komportable.
May mga hinala pa rin ako tungkol sa paggamit niya ng pornograpiya, kaya isang araw ay sinabi ko sa kanya ang tungkol sa isa sa aking mga kompanyon sa misyon na nagkaroon ng problema sa pornograpiya bago ito nagmisyon. Ginawa ko ang lahat para maging maunawain, mapagmahal, at hindi mapanghusga, dahil talaga namang mabuting tao ang aking kompanyon. Pagkatapos ay muli ko siyang tinanong kung nagkaroon siya ng adiksyon sa pornograpiya, at sa wakas ay sinabi niya sa akin na nagkaroon nga.
Sakit at Paggaling
Noong una, mahirap para sa akin na kausapin siya at tumitig sa kanyang mga mata. Halos hindi ko makayanan noon ang aking mga nararamdaman dahil naramdaman ko na sinabi sa akin ng Panginoon na ang lalaking ito ang makakasama ko sa kawalang-hanggan. Ngunit kahit na nasaktan ako, alam ko na kailangan kong sikapin na patawarin siya, at naramdaman kong hindi ko dapat sukuan ang aming relasyon.
Nagdasal ako nang madalas at nag-aral ako ng mga mensahe tungkol sa pagpapatawad at paggamit ng pornograpiya. Nagbasa ako ng maraming artikulo at patotoo ng mga mag-asawa na ang kabiyak ay nakibaka sa problemang ito. Habang nagbabasa ako, naramdaman ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa akin at sa aking kasintahan, at nakatanggap ako ng isa pang pagpapatibay na ang lalaking ito talaga ang makakasama ko sa kawalang-hanggan. Natutuhan ko rin ang isang kakaibang aspeto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas—kung paano Niya mapapagaling ang isang kaluluwang nagsisisi (ang sa aking kasintahan) at ang isang pusong nasaktan (ang sa akin).
Isang mahalagang bahagi ng aming paglalakbay ang pakikipag-usap sa bishop ng aking kasintahan. Ang kanyang paggabay ay nakatulong sa amin na gumaling at mas lalong magkalapit bilang magkasintahan. Napakatiyaga niya nang bumalik ang problema ng aking asawa, at ang kanyang halimbawa ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo ay nagbigay-inspirasyon at nakatulong sa akin na magpatawad at tulungan ang aking kasintahan na lutasin ang problemang ito.
Sa loob ng ilang panahon, nahirapan ang aking kasintahan na makitang nagdurusa ako dahil sa kanyang mga pagpili kaya halos ayaw na niya akong pakasalan noon! Ngunit matapos magtulungan sa loob ng ilang buwan para maging malinis siya, sa wakas ay nadama niya na taos-puso namin siyang napatawad ng Panginoon.
Kalaunan, nagpakasal kami, at ang aming relasyon ngayon ay lalo pang tumibay. Nakatulong ang karanasang ito sa amin na hindi mahiya sa isa’t isa at pag-usapan ang tungkol sa aming mga problema. At kahit hindi na siya sangkot sa pornograpiya, nananatili pa rin kaming maasikaso at may pananagutan sa isa’t isa.
Maaaring Maayos ang Inyong Relasyon
Kung ang inyong relasyon ay nilalason ng mga epekto ng pornograpiya, dapat ninyong malaman na posibleng magpatawad. Posibleng patuloy na mahalin ang isa’t isa at magtulungan para makahanap ng mga solusyon at madaig ito. Tayong lahat ay maaaring makatanggap ng pagpapagaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Kailangan nating tanggapin na tayo ay nasaktan at na tanging sa tulong lamang ng Tagapagligtas tayo maaaring gumaling nang lubusan.
Ang kuwento ng bawat tao ay natatangi, at ang bawat relasyon ay natatangi. Para sa ilang tao, maaaring ang pagwawakas ng relasyon ang tamang gawin. Ngunit umaasa ako na makakatulong ang aming kuwento sa ibang tao na nasa ganitong kalagayan. Dahil natanggap ko ang pagpapatibay na iyon mula sa Espiritu Santo, at sa tulong ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala, nagawa kong patawarin ang aking kasintahan at ipagpatuloy ang aming relasyon. Alam ko na iyon ang tamang pagpili para sa akin.
Kung nahaharap kayo sa ganitong sitwasyon, mapanalanging isaalang-alang ang inyong kasalukuyang kalagayan at kung ano ang maaaring naghihintay sa hinaharap. Kung makakatanggap kayo ng pagpapatibay mula sa Espiritu na ang pagpapatuloy ng inyong relasyon ang tamang gawin at may kumpiyansa kayo dito, dapat ninyong malaman na sa pagsisikap ninyong dalawa at sa pag-asa sa Ama sa Langit, maaaring maayos ang inyong relasyon.
Isang kahanga-hangang lalaki ang aking asawa, at mahal na mahal ko siya! Hindi matutumbasan ng aking pasasalamat sa Panginoon ang pagtulong Niya sa amin na gumaling at makasal. Tinulungan kami ng Panginoon na lumago nang magkasama bilang mag-asawa na handang harapin anuman ang naiplano Niya para sa aming buhay nang magkasama.