2020
Mga Pusong Nasugatan nang Malalim: Pag-unawa sa Pang-aabuso sa Pamilya
Oktubre 2020


Mga Pusong Nasugatan nang Malalim: Pag-unawa sa Pang-aabuso sa Pamilya

Maaaring magkaroon ng masasamang gawi sa anumang relasyon. Ang pagtukoy sa masasamang gawi ay maaaring maglantad sa pang-aabuso o makapigil dito bago pa ito magsimula.

upset woman and husband

Mga larawang ginamit lang para sa paglalarawan, ginamitan ng mga modelo

Kamakailan ay tinawagan ako ng isang amang nagdadalamhati. Ang kanyang anak na si Jenna (binago ang mga pangalan) ay nasa kolehiyo at may bagong karelasyon, at mabilis iyong nagiging seryoso. Pinipilit na siyang magpakasal ng kanyang kasintahang si Jake at nililimitahan nito ang pakikipag-usap ni Jenna sa kanyang mga magulang. Humingi ng tawad si Jenna sa kanila, at ipinaliwanag niya na mahal na mahal daw kasi siya ni Jake at nais nitong maggugol sila ng mas maraming oras sa isa’t isa bilang magkasintahan.

Nag-alala ang pamilya ni Jenna nang matuklasan nila na may dating asawa at anak si Jake na hindi nito binanggit kay Jenna. Tinawagan nila ang dating asawa nito, na nagsabing madaling magalit at magselos si Jake. Nagalit si Jake nang malaman iyon. “Nakakasakal” daw ang mga magulang ni Jenna at binanggit ni Jake ang isang pagkakataon na hindi nila nagustuhan ang isang mapanuyang biro nito tungkol sa katalinuhan ni Jenna. Kakatwang ipinilit ni Jake na magdesisyong mag-isa si Jenna at huwag nang makipag-usap sa kanyang mga magulang. Pinanghinaan ng loob ang mga magulang ni Jenna dahil hindi na niya sinasagot ang kanilang mga tawag at text.

Nais ng lahat na magkaroon ng isang masayang pamilya, ngunit kahit sinisikap ng mga tao na ipamuhay ang ebanghelyo, maaaring makasakit ang mga relasyon. Ang ilang hamon ay bunga ng mga di-pagkakaunawaan at alitan na karaniwan sa mga pamilya. Gayunman, sa masasayang tahanan, humihingi ng tawad ang mga tao para sa hindi magandang pag-uugali at inaayos ang mga relasyon, samantalang sa masasamang sitwasyon, may mga patuloy na gawi ng kabagsikan o kalupitan na nagiging mapang-abuso.

Pang-aabuso sa Loob ng Tahanan at ang Ebanghelyo

“Sinaktan ninyo ang mga puso ng inyong mga mapagmahal na asawa at nawala ang tiwala ng inyong mga anak” (Jacob 2:35).

Ang pang-aabuso ay binubuo ng mga pagkilos na nilayon para manakit o mangontrol. Binubuo ito ng maraming gawi na maaaring kabilangan ng kapabayaan, manipulasyon, berbal na pamimintas, at pisikal o seksuwal na karahasan.1 Sa kasamaang-palad, ang mga mapang-abusong gawi ay karaniwan, at tinataya ng ilang iskolar na humigit-kumulang sangkapat ng mga bata sa buong mundo ay pisikal, seksuwal, o emosyonal na pinagmamalupitan.2 Mataas din ang bilang ng mga adult na nabibiktima, at tinatayang humigit-kumulang sa 1 sa 4 na kababaihan at 1 sa 10 kalalakihan ang nakararanas ng pisikal na karahasan mula sa asawa.

Ang pang-aabuso ay maaaring mangyari sa anumang relasyon, at maaaring maging salarin kapwa ang mga kalalakihan at kababaihan. Gayunman, mas malamang na ang mga kalalakihan ang nagkokontrol at gumagawa ng matinding pisikal at seksuwal na karahasan, at ang mga kababaihan ang tinatakot, pinangingibabawan, o sinasaktan nang husto ng asawa.3

Ang pang-aabuso ay nakakasama sa kaluluwa kapwa ng salarin at ng biktima at taliwas sa mga turo ng Tagapagligtas. Ipinahayag na ng mga makabagong propeta na ang mga taong “nang-aabuso ng asawa o anak … ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos.”4 Madalas balewalain o samantalahin ng mga nang-aabuso ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Halimbawa, pinayuhan ko ang isang mag-asawa kung saan nagkaroon ng relasyon ang lalaki sa ibang babae at isinugal niya ang kanilang ipon, ngunit sa halip na humingi ng tawad, pinilit niya ang kanyang asawa na magpatawad at iginiit niya na magkakaroon ito ng “mas malaking kasalanan” kung hindi siya papatawarin nito. Binalewala niya ang sakit na nararamdaman nito at sinabi niya na kung hindi siya tama sa mata ng Diyos ay hindi siya magiging temple worker. Nang makipag-usap ang kanyang asawa sa mga lider ng Simbahan, pinagmukha niyang hindi gaanong seryoso ang kanyang mga pagtataksil at pinalala niya ang mga alalahanin nito, sinasabing may depresyon lang ang kanyang asawa. Binalewala ng lalaki ang “mga alituntunin ng … paggalang, pagmamahalan, [at] awa”5 at sinaktan niya ang kanyang asawa. Hindi kayang ayusin ng mga pagsisikap ng babae na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ang problemang nilikha ng lalaki.Maaaring bumigay ang bawat isa sa atin sa masasamang gawi. May ilang katangiang karaniwan sa lahat ng uri ng pang-aabuso, at kapag mas matindi at madalas ang mga ito, magiging mas masama ang relasyon. Narito ang lima sa mga karaniwang palatandaan ng pang-aabuso na makatutulong sa iyo na matukoy ang masasamang gawi sa iyong sarili at sa iba.

sad little girl

1. Pagmamalupit

“Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi: … ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan”(Mga Taga Roma 3:13–14).

Nakipagkita sa akin ang isang lalaki para magpa-therapy nang labag sa kalooban ng kanyang asawa, na kinutya siya dahil sa “pangangailangan ng tulong.” Ang kanyang asawa ay mabait at tapat sa simbahan, ngunit pagdating sa bahay ay masakit itong magsalita. Pinintasan nito ang kanyang kinikita at tinawag nito ang kanyang pagiging guro na “trabahong pambabae.” Sinabi nito sa kanyang anak na lalaki, “Sana hindi ka maging katulad ng ama mong duwag,” at araw-araw kausap ng kanyang asawa ang ina nito sa telepono, kung saan pareho nilang nilalait ang kanilang mga asawa. Nararamdaman ng mga taong mapamintas na may katwiran silang manakit at “ibig [nila] na ang iba ay magdusa” (Doktrina at mga Tipan 121:13). Nilalabag ng mga miyembrong ito ng pamilya ang mga utos ni Jesus na “huwag kayong mangagsihatol” at “huwag kayong mangagparusa” (Lucas 6:37) dahil sila ay nanghahamak, nagpapakita ng pagkayamot, o nananawag sa mga mapang-uyam na pangalan.

2. Panlilinlang

“Pinaghaharian ka ng isang mapagsinungaling na espiritu, at isinantabi mo ang Espiritu ng Diyos” (Alma 30:42).

Lubhang karaniwan ang panlilinlang sa pang-aabuso dahil ang mga salarin ay hindi gaanong kumikilos, naninisi ng iba, at nagbabaluktot ng mga salita. Nakalilito ito sa mga biktima, tulad ng inilarawan ng isa sa mga nakibahagi sa aking pagsasaliksik: “Magwawala [ang aking asawa] at pagkatapos, siya ay hihingi ng tawad at magwiwikang, ‘Ikaw naman kasi, e’ … nang paulit-ulit hanggang sa unti-unti ko nang paniwalaan iyon.”6 Ang pagkakaila sa realidad ng isang tao ay tinatawag na gaslighting, at iniiwan nitong lito at hindi sigurado ang mga biktima tungkol sa kanilang mga alaala at opinyon. Tulad ng iba pang uri ng panlilinlang, ang gaslighting ay ginagamit para manipulahin ang mga pag-uusap at magbalatkayo.

Ang mga taong nang-aabuso sa iba ay hindi talaga umaamin na nananakit sila at madalas ay sinasabi nilang sila ang mga biktima. Nang magpahayag ng pagkabahala si Jenna tungkol sa pamimintas ni Jake sa kanyang mga magulang, nagalit ang lalaki at iginiit nito na “iniinsulto” siya ng babae. Kabilang si Jake sa “mga sumisigaw ng pagkakasala … at sila na rin ay mga anak ng pagsuway” (Doktrina at mga Tipan 121:17). Hindi lang niya ipinagpilitan ang kanyang maling kuwento kundi ikinagalit din niya ang katotohanan.7

man with head in hands

3. Pagdadahilan

“Kilalanin ang iyong mga pagkakasala at kamaliang iyong nagawa” (Alma 39:13).

Ang isang mapagpakumbabang tao ay nalulungkot sa pananakit sa iba at nagsisisi at nagpapakabuti. Nilalabanan ng isang taong mapang-abuso ang panawagan ng budhi gamit ang pagdadahilan. Tulad ng naalala ng isa sa mga nakibahagi sa aking pagsasaliksik, “Mangingilabot ako tungkol sa pisikal na pang-aabuso, at kalaunan ay iisipin ko na hindi sana nangyari iyon kung nanahimik na lang siya.” Ang kanyang “kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi” (Mormon 2:13) kundi sa halip ay naisantabi dahil sa mapait na galit at paninisi.

Sa therapy, minsan kong sinabi sa isang babae na hindi ko pa siya nasaksihang magpakita ng kalumbayang mula sa Diyos sa loob ng maraming taon ng pamimintas sa kanyang asawa. Ang kanyang tugon ay hindi pagsisisi kundi pagtatampo: “Magaling, narito ang isa pang bagay na hindi ko ginagawa!” Ang mga taong mapang-abuso ay tumatanggi sa responsibilidad at maramdamin at nangangatwiran. Madali silang magdamdam sa maliliit na bagay.

4. Kapalaluan

“Sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa’t isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili” (Mga Taga Filipos 2:3).

Kasama sa kapalaluan ang paniniwalang karapat-dapat ka sa espesyal na pagtrato at pagiging pagkamakasarili. Sinisigawan ng isang lalaki ang kanyang asawa’t mga anak sa tuwing iniisip niya na “binabastos” nila siya. Kung hindi umayon ang kanilang opinyon sa kanya, “hinahamak” nila siya o hindi kaya’y “hindi sila nagiging masunurin.” Ang kapalaluan ay mapagkumpitensya at nakatuon sa kapangyarihan at pagkapanalo. Sa kabilang dako, ang masayang pamilya ay nagtutulungan, kung saan may balanse ng katarungan, at “makatarungan ang pakikitungo [ng mga miyembro] sa isa’t isa” (4 Nephi 1:2). Ang mag-asawa ay dapat maging magkasama na may pantay na pananagutan,8 kung saan ang bawat isa ay maaaring magpahayag ng mga ideya at ang lahat ng opinyon ay pinahahalagahan.

5. Pagkontrol

“Kung [tayo ay] … gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, … ang kalangitan ay lalayo” (Doktrina at mga Tipan 121:37).

Bagama’t pinahahalagahan natin ang kalayaang pumili, nakakagulat kung gaano kadalas sabihin ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa kung ano ang dapat nilang isipin, maramdaman, at gawin. Ang ilan ay nangongontrol pa nga gamit ang pananakot, panghihiya, pagbawi ng pagmamahal, o pagbabanta. Nagkaroon ng matitinding inaasahan ang isang lalaki na ang kanyang asawa ay dapat maghanda ng almusal araw-araw sa isang partikular na oras, tumugon sa kanyang mga partikular na kahilingan, at makinig sa kanya tungkol sa kanyang mga “alalahanin,” na karaniwa’y tungkol sa kung paano maaaring magpakabuti ang kanyang asawa. Binabantayan niya ang paggastos nito at nagagalit siya kapag hindi nito kaagad nasasagot ang kanyang mga text.

Ipinahayag ng isa pang ina na palagi siyang nadidismaya sa kanyang anak na dalagita kapag nagpapakita ito ng kalungkutan o hindi nito naaabot ang kanyang mga pamantayan. Kapag hindi naisakatuparan ang kanyang mga inaasahan, o kapag nagpahayag ng mga alalahanin ang kanyang asawa, nagiging malamig ang kanyang pakikitungo sa lahat.

holding hands

Pag-asa at Paggaling

“Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka” (II Mga Hari 20:5).

Bagama’t nakakapanlumo ang pang-aabuso, palaging posible ang pagbabago. Ang mga biktima ay maaaring sumangguni sa mga espirituwal at propesyonal na resource at humiling na mapagaling ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang kanilang mga sugat. Para makahanap ng tulong, magpunta sa abuse.ChurchofJesusChrist.org.

Ang mga taong naging mapang-abuso ay dapat magsisi at humingi ng tulong. Nangangailangan ito ng pagbaba “sa kailaliman ng pagpapakumbaba” (3 Nephi 12:2) at pagtanggap ng buong pananagutan para sa kanilang gawi. Ang pagbabago ay higit pa sa mga panandaliang pangako at pansamantalang pagsisikap. Ang sakit ng tunay na pagsisisi ay napakatindi, at hindi magiging handa ang ilan na gawin ito, kaya mahihirapang magdesisyon ang mga biktima kung paano poprotektahan ang kanilang mga sarili.9

Nag-aalala sa atin ang ating Ama sa Langit tulad ng nagdadalamhating ama na tumawag sa akin tungkol sa kanyang anak na babae. Ang pag-ibig ng Diyos ay “[kasinlawak] ng kawalang-hanggan” (Moises 7:41), at labis Siyang nasasaktan kapag sinasaktan ng Kanyang mga anak ang isa’t isa. Sa isang mapagmalasakit na pakikipag-usap kay Enoc, tumangis Siya. “Ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, … at [ako ay] nagbigay … ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, … subalit masdan, sila ay walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo” (Moises 7:32–33). May pagtangis sa langit at sa lupa kapag nasusugatan ang mga katawan at kaluluwa. Subalit, sa pagpapakumbaba, kapangyarihan ng Diyos, at propesyonal na tulong kapag kailangan, posibleng mapigilan ang mapaminsalang gawi at makalikha ng isang tahanang may dangal, kaligtasan, at pagmamahalan.

Mga Tala

  1. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa pisikal na karahasan, tingnan sa abuse.ChurchofJesusChrist.org. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa seksuwal na pang-aabuso at pag-atake, tingnan sa Benjamin M. Ogles, “Agency, Accountability, and the Atonement of Jesus Christ: Application to Sexual Assault” (debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 30, 2018), speeches.byu.edu; at sa Chieko N. Okazaki, “Healing from Sexual Abuse” (kumperensya sa Brigham Young University, Okt. 23, 2002).

  2. Tingnan sa Maryam Ajilian Abbasi, Masumeh Saeidi, Gholamreza Khademi, Bibi Leila Hoseini, Zahra Emami Moghadam, “Child Maltreatment in the World: A Review Article,” International Journal of Pediatrics, tomo 3, blg. 1 (2014), 353–65.

  3. Tingnan sa Hamby, S., “Current controversies: Are women really as violent as men? The ‘gender symmetry’ controversy,” sa Claire M. Renzetti, Jeffrey L. Edleson, at Raquel Kennedy Bergen, Sourcebook on Violence Against Women, ika-3 ed. (2018), 78–82.

  4. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145; tingnan din sa abuse.ChurchofJesusChrist.org.

  5. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

  6. Jason B. Whiting, Megan Oka, at Stephen T. Fife, “Appraisal distortions and intimate partner violence: Gender, power, and interaction,” Journal of Marital and Family Therapy (2012), suplemento: 1:113–49.

  7. Para sa iba pang mga halimbawa sa banal na kasulatan tungkol sa pagkagalit sa katotohanan, tingnan sa Juan 3:19–21; Mga Gawa 7:54; 2 Nephi 1:25–26; at 2 Nephi 4:13.

  8. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”; tingnan din sa H. Burke Peterson, “Unrighteous Dominion,” Ensign, Hulyo 1989, 6–11, para sa iba pang impormasyon tungkol sa doktrina ng pagkakapantay-pantay at mga tanong na isasaalang-alang tungkol sa mga pinagtipanang relasyon.

  9. Ang mga taong nasa mapang-abusong sitwasyon ay kadalasang nahaharap sa mga pagpili tungkol sa kung paano poprotektahan ang sariling kaligtasan nila, o ng iba, gayundin kung kailangan nilang magtakda ng mga hangganan o limitahan ang kanilang mga pakikihalubilo sa mga taong nananakit. Tinalakay ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ang mahirap na sitwasyong ito kung saan hindi makawala ang isang tao sa “isang pinapatagal pa kahit mukhang hindi na maisasalbang relasyon na sumisira sa dangal ng isang tao” (“Enriching Your Marriage,” Liahona, Abr. 2007, 3).