2020
“Mayroon ba Kayong Bughaw na Aklat na May mga Ginintuang Letra?”
Oktubre 2020


“Mayroon ba Kayong Bughaw na Aklat na May mga Ginintuang Letra?”

Matapos kong itapon ang aklat, naging interesado akong malaman kung ano ang laman niyon.

seaag with Book of Mormon inside

Paglalarawan ni Greg Newbold

Ilang taon na ang nakararaan, nakatanggap ako ng isang bughaw na aklat na may mga ginintuang letra sa pabalat mula sa mga missionary na naglilingkod sa mga base militar kung saan ako nagsasanay para sa aking trabaho sa Hukbong Dagat ng Estados Unidos.

Nang simulan kong basahin ang aklat, may nagsabi sa akin na hindi iyon totoo dahil kinopya lang daw iyon sa Biblia. Dahil dito nagduda ako sa katotohanan ng aklat, ngunit hindi ko iyon itinapon kaagad. Binasa ko iyon nang kaunti at inilagay sa ilalim ng aking seabag, at pagkatapos ay nakalimutan ko na ang tungkol doon.

Pagkaraan ng mahigit isang taon, nagpasiya akong linisin ang aking seabag. Nakita ko ang aklat ngunit hindi na ako interesado roon, kaya itinapon ko iyon. Ngunit kalaunan ay naging interesado akong malaman kung ano ang laman ng bughaw na aklat na iyon na may mga ginintuang letra. Naniniwala na ako ngayon na ang pakiramdam na iyon ay nagmula sa Espiritu, “yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (Doktrina at mga Tipan 11:12).

Noong 2005, niyaya ako ng isang bagong kaibigan na makinig sa mga missionary. Noong una, nagkaroon ako ng mga tanong at pagdududa tungkol sa itinuro nila, ngunit may kumpiyansa ang mga missionary at nagbigay sila ng mga sagot na may katuturan para sa akin.

Nang mapagtanto ko na ang mga missionary na ito ay katulad noong mga nakilala ko ilang taon na ang nakararaan, sabik kong itinanong sa kanila, “Mayroon ba kayong bughaw na aklat na may mga ginintuang letra?”

“Oo, mayroon!” sagot ng isa sa kanila. “Ang tawag doon ay Aklat ni Mormon!”

Sabik na sabik akong magkaroong muli ng Aklat ni Mormon. Sa katunayan, sa sobrang kasabikan ko, binasa ko ito nang higit sa isang beses sa loob ng wala pang dalawang linggo! Sa pagbabasa at pananalangin ko, nalaman ko na ito ang salita ng Diyos.

May sinabi si Elder Rubén V. Alliaud ng Pitumpu sa pangkalahatang kumperensya na may kaugnayan sa aking karanasan sa Aklat ni Mormon: “Sinumang mambabasa na mangangakong pag-aralan … nang taimtim [ang Aklat ni Mormon], nang mapanalangin, ay hindi lamang matututo tungkol kay Cristo, kundi sila ay matututo mula kay Cristo—lalo’t kung pagpapasiyahan nila na ‘subukan ang bisa ng salita’ [Alma 32:5] at hindi ito [talikuran] agad dahil sa mga mapanirang paniniwala mula sa sinasabi ng ibang tao [tungkol sa mga bagay na] hindi [nila] kailanman nabasa.”1

Sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon, pananalangin, at pagtitiwala sa Espiritu, nakasaksi ako ng mga dakilang bagay sa aking buhay.

Tala

  1. Rubén V. Alliaud, “Natagpuan sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Nob. 2019, 37.