“Paggaling sa Pamamagitan ng Tagapagligtas—Addiction Recovery Program: Pagpili ng Sponsor,” Addiction Recovery Program: Pagpili ng Sponsor (2022)
“Pagpili ng Sponsor,” Addiction Recovery Program: Pagpili ng Sponsor
Paggaling sa Pamamagitan ng Tagapagligtas
Pagpili ng Sponsor
Addiction Recovery Program
Ang pakikipagtulungan sa sponsor ay makapagpapabilis sa iyong pagrekober. Masusuportahan ka ng sponsor sa iyong pag-unlad at determinasyong daigin ang mga hamon, labis-labis na pagdepende sa iba, o adiksiyon na kinakaharap mo. Hindi ka nag-iisa sa iyong paglalakbay tungo sa pagrekober; ang mga sponsor ay mga taong maaaring “nahahandang … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi” (Mosias 18:9). Isaalang-alang ang pakikipagtulungan sa sponsor sa lalong madaling panahon.
Ano ang Isang Sponsor?
Ang sponsor ay isang taong nakarekober na sa pamamagitan ng paggawa sa 12 hakbang. Maaaring nauunawaan niya ang mga partikular na hamon na may kinalaman sa pagrekober kahit na maaaring hindi mo alam ang mga ito. Nariyan ang sponsor upang tulungan kang ilagay sa “tamang perspektibo ang buhay [mo]” at “[iwasang] palakihin o paliitin ang pananagutan [mo]” (Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 30). Ang sponsor ay hindi kailangang ang matalik na kaibigan mo o mental health professional. Ang papel ng sponsor ay tulungan kang gawin ang mga hakbang sa pagrekober.
Paghahanap ng Sponsor
Sa Addiction Recovery Program ng Simbahan, hindi itinatalaga sa iyo ang isang partikular na sponsor. Maaaring isaalang-alang ng bawat miyembro ang pagkakaroon ng sponsor sa paraang akma sa kanyang indibiduwal na karanasan, pangangailangan, at personalidad. Ang pagkakaroon ng sponsor ay pinagdedesisyunan mo, ng sponsor, at ng Panginoon.
Maaaring nakakatakot ang paghahanap ng sponsor, pero matutulungan ka ng iba. Ang pinakamainam na paraan para makahanap ng sponsor ay sa pamamagitan ng pagdalo sa mga miting sa pagrekober. Ang mga taong may katulad na mga hamon ay kadalasang may mas malaking kakayahan na makiramay sa iyong paghihirap. Ang mga sumusunod na ideya ay maaaring makatulong sa paghahanap ng angkop na sponsor:
-
Humingi ng espirituwal na patnubay mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno tungkol sa kung sino ang maaaring maging sponsor mo.
-
Isaalang-alang ang pagpili ng isang tao na gumugol na ng sapat na panahon sa pagrekober at nagawa na ang 12 hakbang.
-
Makinig habang ibinabahagi ng mga tao ang kanilang mga karanasan sa pagrekober at isipin kung kanino ka maaaring makaugnay.
-
Maaari kang ipakilala ng mga lider ng grupo at facilitator sa mga angkop at handang kandidato.
-
Tanungin ang isang tao na sa palagay mo ay karapat-dapat.
-
Dapat kang pumili ng sponsor na kapareho mo ng kasarian (kung hindi kayo magkamag-anak).
-
Sa iyong pagsisimula sa proseso ng pagbabago, maaaring maging mahina ka sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspekto. Iwasang umasa nang husto sa iyong sponsor.
-
Maaari mong hilingin sa isang tao na maging pansamantalang sponsor mo. Maaari kang magpalit ng sponsor anumang oras.
Pagiging Epektibong Sponsor
Ang pagiging sponsor ay mahalagang paglilingkod habang ibinabahagi mo ang sarili mong karanasan at ang pananampalataya at pag-asa na natagpuan mo habang ginagawa ang 12 hakbang sa pagrekober at paggaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang mga sponsor ay nagtatanong ng magagandang tanong, nakatuon sa mga resource, nagbabahagi ng praktikal na tulong kung paano gawin ang mga hakbang, at naghihikayat sa mga taong iniisponsoran nila na dumalo sa mga miting. Nauunawaan ng sponsor na maaaring makatulong ang iba sa pagrekober ng isang tao at hindi siya magdaramdam kung ang mga taong iniisponsoran niya ay humihingi ng suporta mula sa iba o pumili ng ibang mga sponsor. Nasa ibaba ang ilang alituntunin upang maging isang epektibong sponsor:
-
Unahin ang Diyos bago ang lahat ng iba pa. Palaging alalahanin ang Diyos at tulungan ang mga taong iniisponsoran mo na umasa sa Kanya. Mag-ingat upang hindi umasa nang husto sa iyo ang mga taong iniisponsoran mo. Ang iyong responsibilidad bilang sponsor ay hikayatin ang iba na bumaling sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas upang magabayan at mapalakas sila. Ang iyong tungkulin ay ibahagi ang mga karanasan mo ng pagsampalataya at pag-asa upang matulungan ang taong sinusuportahan mo na madama na siya ay minamahal at sinusuportahan ng biyaya ng Diyos.
-
Maging isang aktibong kalahok sa pagrekober. Ang sponsor ay dapat nakarekober na sa loob ng sapat na panahon bago maging sponsor ng sinuman (karaniwang 12 buwan o mas mahaba pa) at dapat aktibong isinasabuhay at pinag-aaralan ang mga alituntunin sa pagrekober. Maaari kang makadama ng dagdag na alalahanin sa sarili mong pagrekober kapag nagsimula ka nang maging sponsor ng ibang tao. Ingatan na hindi malagay sa alanganin ang sarili mong pagrekober dahil sa pag-isponsor sa iba. Inaalagaan ng sponsor ang kanyang sarili at humihingi siya ng tulong o suporta kapag kailangan.
-
Maging mapagpakumbaba. Ipinaliliwanag sa Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon: “Sa paglilingkod mo sa iyong kapwa, pananatilihin mo ang kababaang-loob sa pagtutuon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at kaugalian na iyong natutunan” (76). Kalaunan ay binanggit dito na “huwag mong isipin na mas magaling o mas mabait ka kaysa sa iba” (77). Ang tungkulin mo bilang sponsor ay gamitin ang iyong mga kakayahan sa pagbibigay ng suporta at patnubay.
-
Igalang ang kalayaang pumili ng iba at magtiyaga. Nagiging epektibo ang pag-isponsor “sa pamamagitan … ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 121:41–42). Iwasang magbigay ng payo o subukang ayusin ang iba sa anumang paraan. Tulungan ang iba na isaalang-alang ang mga alituntunin at gawain at pagkatapos ay suportahan sila habang gumagawa sila ng sarili nilang mga desisyon. Igalang ang kanilang kalayaang pumili at umasa na tutulungan sila ng Panginoon habang lumalapit sila sa Kanya. Maaaring hindi pa handang magbago ang taong tinutulungan mo. Maaaring balikan pa rin niya ang masasamang kaugalian o hindi siya kaagad sumunod sa mga alituntunin at gawain tungo sa taos-pusong pagbabago. Kailangang maging mapagpasensiya sa iba ang sponsor habang naglalakbay sila tungo sa pagrekober.
-
Maglingkod nang hindi iniisip ang sarili. Ang paglilingkod nang hindi iniisip ang sarili ay nangangailangan ng pagbibigay nang walang hinihintay na anumang kapalit. Ang sponsor ay dapat magkaroon ng malaking kakayahan na umunawa at kahandaang maglaan ng oras at pagsisikap sa mga taong iniisponsoran niya. Iwasang maghangad ng papuri, paghanga, katapatan, o iba pang pampalubag-loob mula sa mga taong iniisponsoran mo.
-
Isagawa ang iyong mga personal na tungkulin. Ang pagiging sponsor ay hindi nangangahulugan na dapat mong ibigay ang lahat ng oras at resource mo sa mga taong iniisponsoran mo. Maaari kang magpakita ng halimbawa ng kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang distansiya sa relasyon sa pamamagitan ng pagtupad sa iba mo pang mga tungkulin, kabilang na ang sa iyong pamilya, sa Simbahan, sa trabaho, at sa sarili mo. Tandaan ang payo na ibinigay sa Mosias 4:27: “At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas.”
-
Maging madasalin. Sa tuwing pipiliin mong maging sponsor ng isang tao, hingin ang patnubay ng Panginoon upang malaman kung aling mga alituntunin o gawain ang lubos na makatutulong sa mga kasalukuyang pangangailangan ng indibiduwal na iyon. Maging madasalin habang pinag-iisipan mo kung paano ka makapaglilingkod at palaging sikaping magabayan ka ng Espiritu.
-
Maging saksi sa katotohanan. Maaari kang makadama ng pahiwatig na magbahagi ng mga karanasan upang maipaalam sa iba na nauunawaan mo sila. Maaari ka ring magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan. Ang katotohanan na ang Diyos ay Diyos ng mga himala ang susi (tingnan sa Moroni 7:29). Ang pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa Kanyang awa at biyaya ay maaaring maging isa sa mga pinakamahalagang paglilingkod na maibibigay mo.
-
Panatilihin ang tiwala ng iba. Bilang sponsor, responsibilidad mong protektahan ang privacy ng iba. Ang pagpapanatiling tago ng pangalan at ng iba pang impormasyon ay mahalagang alituntunin sa pagpapalakas ng kakayahan mong mag-isponsor at tumulong sa iba.
© 2024 by Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved. Bersiyon: 2/23. Pagsasalin ng Healing through the Savior—Addiction Recovery Program: Choosing a Sponsor. Tagalog. PD60012933 893. Inilimbag sa Pilipinas