Lesson 13
1 Nephi 10–11
Pambungad
Matapos marinig ang salaysay ng kanyang amang si Lehi tungkol sa pangitain nito, ninais ni Nephi na makita, marinig, at malaman ang mga bagay na nakita at narinig ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 10:17). Habang pinagbubulayan o pinagninilayan ni Nephi ang mga bagay na sinabi ng kanyang ama, siya ay “napasa-Espiritu ng Panginoon” (1 Nephi 11:1) at nakatanggap ng sariling pangitain. Ang pangitaing ito ay nakatala sa 1 Nephi 11–14. Sa 1 Nephi 11 mababasa natin ang tungkol sa punungkahoy ng buhay, ang gabay na bakal, at ang malaki at maluwang na gusali, gayon din ang pagsilang, binyag, ministeryo, at pagkakapako sa krus ng Tagapagligtas. Nang makita ni Nephi ang mga bagay na ito, naisip at naunawaan niya ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 10:1–16
Nagpropesiya si Lehi tungkol sa Mesiyas
Maikling ibuod ang 1 Nephi 10:1–16 na sinasabi sa mga estudyante na matapos isalaysay ang kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay, si Lehi ay naglahad ng sunud-sunod na mga propesiya. Kabilang dito ang mga detalye tungkol sa pagsilang ni Jesucristo sa mundo (tingnan sa 1 Nephi 10:4), ang pagbibinyag sa Kanya ni Juan Bautista (tingnan sa 1 Nephi 10:7–10), ang pagkakapako Niya sa krus at pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa 1 Nephi 10:11), at ang mangyayaring pagkalat at pagtipon ng Israel (tingnan sa 1 Nephi 10:12–14).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 10:4–6. (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang Mesiyas ay “isang uri ng salitang Aramaic at Hebreo na nangangahulugang ‘ang pinahiran ng langis.’ Sa Bagong Tipan si Jesus ay tinatawag na Cristo, na sa wikang Griyego ay katumbas ng salitang Mesiyas. Ang ibig sabihin nito ay pinahiran ng langis na Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas na ang pagparito ay sabik na hinihintay ng mga Judio” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.lds.org; tingnan din sa Bible Dictionary, “Messiah”].)
-
Ayon sa propesiya ni Lehi, kailan darating ang Tagapagligtas? (Tingnan sa 1 Nephi 10:4.)
-
Ano ang mangyayari sa sangkatauhan kung hindi sila aasa sa Tagapagligtas? (Tingnan sa 1 Nephi 10:6.)
1 Nephi 10:17–22; 11:1–6
Ninais ni Nephi na makita, marinig, at malaman ang mga katotohanan na itinuro ng kanyang ama
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na halimbawa: Tatlong binatilyo ang dumalo sa parehong miting ng Simbahan. Pagkauwi, nadama ng isa sa kanila na nakakainip ang miting at nagsayang lang siya ng oras. Inisip naman ng isa na maganda ang miting pero walang siyang natutuhan dito. Ang pangatlong binatilyo ay umuwi na napasigla ng Espiritu Santo at nakatanggap ng inspirasyon at patnubay, nang higit pa sa itinuro sa miting.
-
Paano nangyaring magkaiba ang nadama at naranasan ng tatlong binatilyo samantalang parehong miting ang dinaluhan nila?
Ipaliwanag na ang halimbawang ito ay katulad sa naranasan nina Laman, Lemuel, at Nephi nang marinig nila ang mga propesiya ng kanilang ama at salaysay tungkol sa pangitain nito. Hindi naunawaan nina Laman at Lemuel ang mga salita ng kanilang ama at nagtalu-talo tungkol sa narinig nila (tingnan sa 1 Nephi 15:2). Si Nephi naman, sa kabilang banda, ay bumaling sa Panginoon at humingi ng pang-unawa. Siya ay nagpakita ng isang napakagandang halimbawa kung paano maghanap at tumaggap ng paghahayag.
Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng karanasan ni Nephi, makakakita sila ng mga alituntunin na tutulong sa kanila na maghanap at tumanggap ng mga paghahayag. Hikayatin sila na pansinin ang mga bagay na ginawa ni Nephi na humantong sa pagtanggap niya ng paghahayag na katulad sa natanggap ni Lehi.
Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga kategorya at set ng mga tanong sa sumusunod na chart. (Maaari mong idispley ang chart sa pisara bago magsimula ang klase.) Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 10:17 at 11:1–6 at sabihin sa kanila na ihanda ang kanilang mga sagot para sa mga tanong na naka-assign sa kanila.
Pagnanais |
Ano ang nais makita, marinig, at malaman ni Nephi? Paano nakakaapekto ang ating mga naisin sa kakayahan nating tumanggap ng paghahayag? Ano ang nais kong malaman mula sa Panginoon? |
Paniniwala |
Ano ang pinaniniwalaan ni Nephi nang maghangad siya ng paghahayag? Paano nakakaapekto ang mga paniniwalang ito sa kakayahan nating tumanggap ng paghahayag? Paano ko mas mapapalakas ang aking patotoo at paniniwala kay Jesucristo? |
Pagbubulay-bulay o pagninilay |
Ano ang nangyari habang nakaupo si Nephi at nagbubulay-bulay? Bakit humahantong sa paghahayag ang pagbubulay-bulay? Ano ang maaari kong gawin para mas lalo ko pang mapagbulayan o mapagnilayan ang mga salita ng mga propeta? |
Sabihin sa ilang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa unang dalawang tanong na naka-assign sa kanila. (Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na sagutin ang pangatlong tanong, ngunit tiyakin sa kanila na hindi nila kinakailangang ibahagi ang mga sagot na napakapersonal o napakapribado.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 10:19.
-
Sino ang maaaring makaalam sa mga hiwaga ng Diyos?
-
Sa anong kapangyarihan naihahayag ang mga hiwaga ng Diyos?
-
Ano ang dapat nating gawin para makatanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng naghahanap nang masigasig?
-
Ano ang ginawa ni Nephi na nagpapakita na naghahanap siya nang masigasig upang makita, marinig, at malaman ang mga bagay na itinuro ng kanyang ama?
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag:
Inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa …
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila mula sa karanasan ni Nephi sa pamamagitan ng pagkumpleto sa pahayag na nasa pisara. Bagama’t maaaring gumamit ng ibang salita ang mga estudyante, dapat makita sa sagot nila ang katotohanan na inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa lahat ng taong masigasig na naghahanap sa Kanya. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na dahil sa masigasig na paghahanap nila sa Diyos ay nadama nila ang Kanyang Espiritu at nakatanggap ng paghahayag. (Makatutulong na banggitin na maaaring kabilang sa paghahayag ang pagtanggap ng patnubay kapag gumagawa ng desisyon, pagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa, pagtanggap ng kapanatagan, o katiyakan na totoo ang isang bagay.) Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. Maaari ka ring magpatotoo sa naranasan mo sa iyong pagsisikap na masigasig na hanapin ang Panginoon.
1 Nephi 11:7–36
Nakita ni Nephi ang pagpapakababa ng Diyos
Ipaliwanag sa mga estudyante na patuloy na nagbulay-bulay si Nephi at humingi ng patnubay sa Diyos na maunawaan ang kanyang pangitain. Nang hilingin ni Nephi na malaman ang kahulugan ng punungkahoy na nakita niya at ng kanyang ama, nagpakita ang isang anghel para tulungan siya. Itinanong ng anghel, “Nalalaman mo na ba ang kahulugan ng punungkahoy na nakita ng iyong ama?” (1 Nephi 11:21). Rebyuhin ang kahulugan ng punungkahoy sa pagsasabi sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 11:18–23.
-
Ayon kay Nephi, ano ang kahulugan ng punungkahoy? (Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong ituro na nakita ni Nephi si Maria na karga ang sanggol na si Jesus, at tinukoy ng anghel ang sanggol na “ang Anak ng Walang Hanggang Ama.” Pagkatapos ay itinanong ng anghel kay Nephi ang kahulugan ng punungkahoy para tulungan siya na makita na sumasagisag ito kay Jesucristo. Nang sumagot si Nephi na sumasagisag ito sa “pag-ibig ng Diyos,” ang tinutukoy niya ay ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaloob sa Kanyang Anak. Nararanasan at nadarama natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
-
Paano inilarawan ni Nephi at ng anghel ang pag-ibig ng Diyos?
Ipabasa sa isang estudyante ang 1 Nephi 11:16. (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pagpapakababa ay kusang pagbaba mula sa mataas na katayuan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang paliwanag na ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 11:16.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang sagot ni Nephi sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 11:17.
-
Ano ang alam ni Nephi?
-
Ano ang hindi niya nalalaman?
Pagkatapos sumagot ni Nephi, ipinakita sa kanya ng anghel ang ilang halimbawa ng pagpapakababa ng Diyos para tulungan siya na mas lumalim ang kanyang pagkaunawa tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Ipaliwanag sa mga estudyante na ang “pagpapakababa ng Diyos” ay tumutukoy kapwa sa Diyos Ama at kay Jesucristo.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ipinaliwanag ang pagpapakababa ng Diyos, ang ating Ama sa Langit:
“Ang pagpapakababa ng Diyos ay batay sa katotohanan na siya, isang dinakilang Nilalang, ay bumaba sa kanyang walang hanggang trono upang maging Ama ng isang mortal na Anak” (The Mortal Messiah [1979], 1:314).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paanong tumutukoy rin kay Jesucristo ang “pagpapakababa ng Diyos,” ipakita ang larawan na Ang Pagsilang ni Jesus (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 30). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 11:13–21. Sabihin sa isa pang estudyante na alamin kung ano ang kinalaman ng mga talatang ito sa larawan. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerald N. Lund, dating miyembro ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan na ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa atin.
“Narito si Jesus—isang miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Panganay ng Ama, ang Lumikha, ang Jehova ng Lumang Tipan—na nilisan ang Kanyang banal na katayuan; tinalikuran ang lahat ng kaluwalhatian at karingalan at pumasok sa katawan ng isang munting sanggol; nangangailangan ng pag-aaruga, lubos na umaasa sa Kanyang ina at ama sa lupa. Ang katotohanang hindi Siya isinilang sa isang napakagandang palasyo sa mundo at … hindi nabigyan ng maraming hiyas kundi sa isang abang sabsaban ay kamangha-mangha. Hindi nakapagtatakang sinabi ng anghel kay Nephi, ‘Tingnan at masdan ang pagpapakababa ng Diyos!’” (Jesus Christ, Key to the Plan of Salvation [1991], 16).
-
Paano ipinakita ng pagsilang ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa atin?
Tikaying malinaw na naunawaan na ang kusang pagnanais ng Tagapagligtas na mabuhay sa mundo ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa atin.
Ipakita ang mga larawang Ibinabangon ni Jesus ang Anak na Babae ni Jairo (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 41) at Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Betesda (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 11:28 at 31. Hikayatin ang klase na tukuyin ang pagkakatulad ng mga larawan sa mga talata.
-
Sino ang nakita ni Nephi na pinaglingkuran at pinagaling ng Tagapagligtas?
-
Paano naipakita sa mga ginawa ng Tagapagligtas ang pagmamahal Niya sa atin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 11:32–33. Sabihin sa klase na pakinggan ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Tagapagligtas.
Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipakita ang larawang Ang Pagpapako sa Krus (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 57).
Magpatotoo na ang pagpapakababa ni Jesucristo ay nagpapakita ng pag-ibig o pagmamahal ng Diyos para sa atin. Ang Tagapagligtas ay nagpakababa para mabuhay sa mundong ito, magministeryo at magpagaling ng mga may sakit at karamdaman, at mamatay para sa lahat ng ating mga kasalanan upang makabalik tayo sa kinaroroonan ng Ama sa Langit.
-
Ngayong alam na ninyo ang tungkol sa pagpapakababa at pagmamahal ng Tagapagligtas, paano ito nakakaimpluwensya sa nadarama ninyo tungkol sa Kanya?
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi kung paanong ang pag-ibig ng Diyos ay “pinakakanais-nais” at “labis na nakalulugod” sa kanila (tingnan sa 1 Nephi 11:22–23). Magpatotoo na kapag tinularan natin ang ginawa ni Nephi at masigasig na hinanap ang Diyos, madarama natin ang Kanyang pagmamahal at mararanasan ang kagalakang dulot ng pagtanggap sa mga pagpapalang matatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.
Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang ginawa ni Nephi sa kanilang pagsisikap na maghanap ng paghahayag. Ipaalala sa kanila ang kanilang responsibilidad bilang mga estudyante sa seminary class at ang pananampalataya at pagsusumigasig nila sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw at partisipasyon sa klase ay nakakaapekto sa kanilang kakayahan na matuto sa pamamagitan ng Espiritu.