Lesson 14
1 Nephi 12–13
Pambungad
Pagkatapos makita ni Nephi ang mortal na ministeryo at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pangitain, nakita niya na pagkaraan ng apat na henerasyon ng kabutihan, ang kanyang mga inapo ay magiging palalo at sila ay magpapatangay sa mga tukso ng diyablo at malilipol. Ipinakita rin sa kanya ang kasamaan ng mga taong sumusunod kay Satanas sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan. Nakita niya na inalis nila ang malilinaw at mahahalagang katotohanan mula sa Biblia, na naging dahilan ng pagkatisod at pagkaligaw ng maraming tao. Sa kabila ng nakababahalang pangyayaring ito, ang pangitain ni Nephi ay nagbigay rin sa kanya ng dahilan na magkaroon ng malaking pag-asa. Nakita niya na maghahanda ang Diyos ng paraan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Nakita rin niya na lalabas ang talaan ng kanyang mga tao (ang Aklat ni Mormon) sa mga huling araw upang ipanumbalik ang malilinaw at mahahalagang katotohanan na nawala sa mundo.
Paalala: Maaaring hindi sapat ang oras mo para maituro ang lahat ng materyal sa lesson na ito. Sa iyong paghahanda, hilingin na patnubayan ka ng Banal na Espiritu para malaman mo kung anong mga bahagi ng lesson ang pinakamahalaga at pinakaangkop sa iyong mga estudyante. Maaaring kailangan mong ibuod ang ilang bahagi ng lesson para magkaroon ka ng sapat na oras na maituro nang mahusay ang pinakamahahalagang doktrina at alituntunin.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 12
Nakita ni Nephi ang mangyayari sa mga bansa ng mga Nephita at mga Lamanita sa hinaharap
Ibuod ang 1 Nephi 12 na ipinapaliwanag na ang kabanatang ito ay karugtong ng pangitain ni Nephi. Sa kabanatang ito, ipinakita ng anghel kay Nephi kung paano nauukol sa kanyang mga inapo ang mga simbolo sa pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay. Ipinakita sa kanya na matatanggap ng ilan sa kanyang mga inapo ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala. Gayunman, nakita rin niya na ang kanyang mga inapo ay lilipulin sa huli ng mga inapo ng kanyang mga kapatid (ang mga Lamanita). Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 12:16–19. Sabihin sa kanila na alamin ang mga dahilan kung bakit malilipol ang mga Nephita (tingnan sa 1 Nephi 12:19). Ipaalala sa mga estudyante na kapag nanampalataya sila kay Jesucristo, mapaglalabanan nila ang kapalaluan at mga tukso.
1 Nephi 13:1–9
Nakita ni Nephi ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan
Sabihin sa mga estudyante na magtaas ng kanilang kamay kung naglalaro sila ng isang isport. Ipabahagi sa ilan sa kanila ang isport na nilalaro nila. Ipaliwanag na sa mga isport, kadalasang naghahanda ang mga koponan para sa laro sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga nakaraang laro at istratehiya ng makakalaban nila.
-
Bakit makatutulong sa isang koponan na pag-aralan ang mga istratehiya ng kalaban bago sila makipagpaligsahan?
Ipaliwanag na nakita ni Nephi sa pangitain ang hangarin at istratehiya ng mga kakalaban sa Simbahan ni Jesucristo sa mga huling-araw. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga istratehiyang iyon sa pag-aaral nila ng kabanatang ito, upang makapaghanda silang makilala at hindi malinlang ng mga ito.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 13:1–4, 6. Sabihin sa isang estudyante na tukuyin ang grupong nakita ni Nephi na mabubuo sa mga Gentil sa mga huling araw.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng mga talatang ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na makinig mabuti at tukuyin ang ibig sabihin ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan.
“Ang titulong simbahan ng diyablo at makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan ay ginagamit para tukuyin ang lahat … ng organisasyon anuman ang pangalan o uri nito—pulitikal, pilosopikal, pang-edukasyon, pang-ekonomiya, panlipunan, praternal, pambayan, o pangrelihiyon—na may layuning dalhin ang mga tao sa landas na palayo sa Diyos at sa Kanyang mga batas at kung gayon ay mula sa kaligtasan sa kaharian ng Diyos” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 137–38).
Linawin na ang pariralang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” ay hindi tumutukoy sa isang partikular na sekta ng relihiyon o simbahan. Ito ay tumutukoy sa anuman at lahat ng organisasyon na may layuning ilayo ang mga tao mula sa Diyos at Kanyang mga batas.
Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang pariralang lahat ng organisasyon na may layuning ilayo ang mga tao mula sa Diyos at Kanyang mga batas sa margin sa tabi ng 1 Nephi 13:6.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na inorganisa ni Satanas ang kanyang pwersa upang ilayo tayo sa Diyos at sa Kanyang mga batas?
Ipaliwanag na inilarawan ni Nephi ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 13:5–9.
-
Anong mga bagay ang ninanais ng mga naroon sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan? (Tingnan sa 1 Nephi 13:7–8.)
-
Ayon sa 1 Nephi 13:5, 9, ano ang nais gawin ng mga naroon sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan? Bakit? (Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nais ni Satanas at ng kanyang mga kampon na lipulin ang mga Banal ng Diyos at dalhin sila sa pagkabihag.)
-
Paano makatutulong sa atin na alam natin ang naisin at hangarin ni Satanas at ng kanyang mga kampon para malabanan sila?
Sabihin sa mga estudyante na kalaunan sa kabanatang ito malalaman nila ang tungkol sa isa sa mga paraan ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa pagwasak sa mga taong naghahanap sa Diyos.
1 Nephi 13:10–19
Nakita ni Nephi ang kapangyarihan ng Diyos sa pagtatatag ng isang malayang bansa kung saan ipanunumbalik ang ebanghelyo
Magpatotoo na tiniyak ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay susulong sa kabila ng pagsisikap ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan na espirituwal na iligaw ang mga tao. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng paghahanda ng daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
Ang mga pahayag na nakalista sa ibaba ay buod ng mahahalagang pangyayari na nakita ni Nephi sa kanyang pangitain. Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 13:10–19 at itugma ang bawat scripture reference na nakalista sa ibaba sa pangyayaring inilalarawan nito. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference at mga pahayag na ito bago magsimula ang klase. O maaari kang gumawa ng handout na naglalaman ng mga scripture reference at mga pahayag na ito. Sa ibaba, ang mga scripture reference at mga pahayag ay magkatugma nang tama. Para maging maganda ang kalalabasan ng aktibidad na ito, kailangan mong ibahin ang pagkakasunud-sunod ng mga pahayag kapag isinulat mo ang mga ito sa pisara o inilagay ito sa handout.)
-
1 Nephi 13:12Naglayag si Columbus patungo sa lupain ng Amerika
-
1 Nephi 13:13Ang mga pilgrim ay naglayag patungo sa lupain ng Amerika, naghahanap ng kalayaan sa relihiyon
-
1 Nephi 13:14Ang mga katutubo sa Amerika ay itinaboy sa kanilang mga lupain
-
1 Nephi 13:15Ang mga Gentil ay umunlad sa lupain ng Amerika
-
1 Nephi 13:16–19Bagama’t kaunti ang bilang, nagtagumpay ang mga hukbo ng mga rebolusyonaryong Amerikano
Sa pagbahagi ng mga estudyante ng kanilang mga sagot, maaari mo silang hikayatin na isulat ang mahalagang salita o parirala sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng bawat talata. Halimbawa, maaari nilang isulat ang salitang Columbus sa tabi ng 1 Nephi 13:12.
-
Ayon sa 1 Nephi 13:12, bakit naglayag si Columbus patungo sa lupain ng Amerika?
-
Ayon sa 1 Nephi 13:13, bakit nandayuhan ang mga Pilgrim sa Amerika?
-
Ayon sa 1 Nephi 13:15–19, bakit umunlad ang mga Gentil at naging malaya mula sa lahat ng “mga ibang bansa”?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith:
“Ang dakilang bansang ito ng Amerika ay itinatag ng mga kamay ng Makapangyarihang Diyos, upang sa mga huling araw ay maitatag ang kaharian ng Diyos sa lupa. Kung ang Panginoon ay hindi naghanda ng paraan sa pamamagitan ng pagtatatag ng pundasyon ng kahanga-hangang bansang ito, magiging imposible (sa ilalim ng mahigpit na batas at pagkapanatiko ng pamahalaang monarkiya ng mundo) na maitatag ang pundasyon para sa pagdating ng kanyang dakilang kaharian. Ang Panginoon ang gumawa nito” (Gospel Doctrine, Ika-5 ed. [1939], 409).
Magpatotoo na naghanda ng paraan ang Panginoon para sa Panunumbalik sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang bansa na may kalayaan sa relihiyon kung saan ay maipanunumbalik Niya ang Kanyang Simbahan. Magpatotoo na naghanda ang Panginoon, at patuloy na maghahanda, ng paraan para makapasok ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa lahat ng bansa.
Kung itinuturo mo ang lesson na ito sa isang bansa sa labas ng Estados Unidos ng Amerika, itanong:
-
Paano naghanda ang Panginoon ng paraan para maipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa ating bansa?
1 Nephi 13:20–42
Nakita ni Nephi ang mga Gentil sa hinaharap na may Biblia, Aklat ni Mormon, at iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw
Ipabasa sa isang estudyante ang 1 Nephi 13:20–24. Sabihin sa kanya na tukuyin ang bagay na nakita ni Nephi na “dala-dala” ng mga sinaunang nandayuhan sa Amerika. Ipakita ang Biblia, at ipaliwanag na ito ang aklat sa pangitain ni Nephi. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga salitang ang Biblia sa margin sa tabi ng 1 Nephi 13:20.
Ipaliwanag na itinuro ng anghel kay Nephi na ang Biblia ay isang talaan na “labis na mahalaga” (1 Nephi 13:23). Nang nakatala pa sa Biblia ang mga orihinal na paghahayag, ang mga ito ay “naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ng Panginoon” (1 Nephi 13:24). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 13:26–27.
-
Ano ang inalis ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan mula sa Biblia? Bakit inalis nila ang mga bagay na ito?
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang 1 Nephi 13:29.
-
Ano ang nangyari nang mawala ang malilinaw at mahahalagang bagay at ang maraming tipan ng Panginoon mula sa Biblia?
Sabihin sa apat na estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 13:34–36, 39. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang gagawin ng Panginoon para matulungan ang mga tao na mapaglabanan ang ginagawa ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan.
-
Ayon sa 1 Nephi 13:34, ano ang gagawin ng Panginoon dahil sa Kanyang awa?
-
Ayon sa 1 Nephi 13:35–36, ano ang “itatago” upang lumabas sa mga Gentil? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat sa tabi ng 1 Nephi 13:35 na ang “mga bagay na ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon.)
-
Ayon sa 1 Nephi 13:39, ano pa ang ilalabas ng Panginoon sa mga huling araw, bukod sa Aklat ni Mormon? Anong “iba pang mga aklat” ang inilabas ng Panginoon bilang bahagi ng Panunumbalik? (Ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, at ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.)
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 13:40–41. Sabihin sa kanila na alamin kung ano ang ipababatid ng mga banal na kasulatan ng Panunumbalik sa lahat ng tao. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itaas at ipakita ang Biblia at magpatotoo sa katotohanan nito. Maglabas ng isang kopya ng Aklat ni Mormon at isama ito sa Biblia. Magpatotoo na naipanumbalik ng Aklat ni Mormon at ng mga banal na kasulatan sa mga huling araw ang malilinaw at mahahalagang katotohanan na tumutulong sa atin na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at kung paano lumapit sa Kanya.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang isang parirala sa katapusan ng 1 Nephi 13:41 na naglalarawan sa gagawin ng Panginoon sa talaan ng mga Judio (ang Biblia) at sa mga talaan ng mga inapo ni Nephi (ang Aklat ni Mormon). Magpatotoo na ang mga talaang ito ay “pagtitibayin sa isa” (1 Nephi 13:41) at “magsasama” (2 Nephi 3:12) upang tulungan tayo na malaman nang malinaw kung paano lumapit sa Tagapagligtas.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nakaimpluwensya sa kanilang buhay ang malilinaw at mahahalagang katotohanan, sabihin sa kanila na isiping mabuti ang sumusunod na tanong:
-
Paano nakaimpluwensya ang Aklat ni Mormon sa inyong patotoo tungkol kay Jesucristo at paano ito nakatulong sa inyo na mas mapalapit sa Kanya?
Pagkatapos mabigyan ng sapat na oras na makapag-isip ang mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang kanilang sagot. Maaari mo ring ibahagi ang iyong sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at kung paano nito napalakas ang iyong patooo tungkol kay Jesucristo at nakatulong sa iyo na mas mapalapit sa Kanya. Kapag matatapos na ang klase, hikayatin ang mga estudyante na pag-aralang mabuti ang Aklat ni Mormon sa buong taon, inaalam ang mga turo at mga nakasulat na magpapalakas ng kanilang mga patotoo tungkol kay Jesucristo at magtuturo sa kanila kung paano lumapit sa Kanya.