Lesson 16
1 Nephi 15
Pambungad
Pagkatapos matanggap ni Nephi ang pangitain na katulad sa pangitain ng kanyang ama, nagbalik siya sa tolda ng kanyang ama. Doon ay nakita niya ang kanyang mga kapatid na nagtatalu-talo tungkol sa itinuro ni Lehi. Pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid dahil sa katigasan ng kanilang puso at ipinaalala sa kanila kung paano tumanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya ang ilan sa mga itinuro ni Lehi tungkol sa mga likas na sanga ng punong olibo at ang kahulugan ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay. Makikita sa 1 Nephi 15 ang pagkakaiba ng pagiging masigasig ni Nephi na hanapin ang katotohanan sa hindi masigasig na pagsisikap ng kanyang mga kapatid (tingnan sa 1 Nephi 15:9–11).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 15:1–11
Nagreklamo ang mga kapatid ni Nephi na hindi nila nauunawaan ang pangitain ni Lehi
Sabihin sa mga estudyante na maglista ng ilang gawain na nangangailangan ng pagsusumigasig natin bago natin makamtan ang gusto nating resulta. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. (Kabilang sa mga sagot ang mga gawain sa paaralan, paghahalaman, pagtugtog ng instrumento, paglalaro ng isport, at pag-eehersisyo. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga gawain na naranasan nila.)
-
Para sa mga gawain na iniisip ninyo, ano ang nakita ninyong kaugnayan ng pagsisikap na ginawa ninyo at sa kinahinatnan nito?
Matapos sagutin ng mga estudyante ang tanong na ito, hikayatin silang hanapin ang katulad na pattern o huwaran sa pag-aaral nila ng 1 Nephi 15.
Sabihin sa mga estudyante na nagsimula ang 1 Nephi 15 sa pagbabalik ni Nephi sa tolda ng kanyang ama pagkatapos tumanggap ng pangitain na katulad ng kay Lehi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 15:1–2, 7. Sabihin sa klase na alamin ang nakita ni Nephi nang bumalik siya sa tolda ng kanyang ama.
-
Ano ang nakita ni Nephi nang bumalik siya sa tolda ng kanyang ama?
-
Ano ang pinagtatalunan ng mga kapatid ni Nephi? Bakit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 15:3. Sabihin sa klase na tukuyin ang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga kapatid ni Nephi na maunawaan ang mga bagay na itinuro sa kanila ni Lehi.
-
Ayon sa 1 Nephi 15:3, bakit nahihirapan ang mga kapatid ni Nephi na maunawaan ang mga bagay na itinuro sa kanila ni Lehi?
-
Ano ang ginawa ni Nephi para matutuhan ang mga espirituwal na katotohanan? (Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang 1 Nephi 10:17.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 15:8.
-
Bagama’t katatanggap lang ni Nephi ng mga pangitain mula sa langit bilang tugon sa kanyang mga tanong (tingnan sa 1 Nephi 11–14), bakit karaniwan sa kanya na itanong sa kanyang mga kapatid kung nagtanong sila sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 15:9. Pagkatapos ay sabihin sa isa pang estudyante na isulat sa pisara ang sagot ng mga kapatid ni Nephi:
Sa pisara, salungguhitan ang pariralang “hindi.”
-
Ano ang hindi ginawa ng mga kapatid ni Nephi?
Isingit ang sagot na (nagtanong sa Panginoon, nagdasal, o nanalangin sa Panginoon) sa pangungusap na nasa pisara para mabasa nang ganito:
(Sa madaling salita, “Hindi kami nagtanong, dahil hindi nagsasalita sa amin ang Panginoon.”)
-
Ano ang problema sa paraan ng pag-iisip nina Laman at Lemuel?
Tiyakin na malaman ng mga estudyante ang problema sa paraan ng pag-iisip ng mga kapatid ni Nephi. Sabihin sa kanila na ayusin o i-rephrase ang pangungusap sa pisara para malinaw na mailahad nito kung bakit hindi tumanggap ng tulong ang mga kapatid ni Nephi para maunawaan ang mga itinuro ni Lehi. Kabilang sa posibleng mga sagot ang “Hindi ipinaalam sa amin ng Panginoon ang gayong mga bagay dahil hindi kami nagtanong sa Kanya” at “Dahil hindi kami nagtanong sa Panginoon, hindi Niya ipinaalam ang mga bagay na ito sa amin.”
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 15:10–11. Sabihin sa klase na alamin ang mga katotohanang itinuro ni Nephi sa kanyang mga kapatid para tulungan sila na malaman kung paano humingi ng mga sagot sa Diyos.
-
Anong payo ang ibinigay ni Nephi sa kanyang mga kapatid para matulungan sila na maunawaan ang mga salita ng kanilang ama at makatanggap ng mga sagot mula sa Diyos? (Pinayuhan ni Nephi ang kanyang mga kapatid na huwag patigasin ang kanilang mga puso, magtanong nang may pananampalataya, maniwalang makatatanggap sila ng sagot, at masigasig na sundin ang mga kautusan. Tulungan ang mga estudyante na makita na alam ni Nephi ang kahalagahan ng mga alituntuning ito dahil sinusunod niya ito at bunga nito ay nakatanggap siya ng paghahayag.)
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin sa mga talatang ito, isulat sa pisara ang sumusunod:
-
Batay sa nabasa natin sa 1 Nephi 15:10–11, paano natin kukumpletuhin ang pahayag na ito?
Maaaring iba’t ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit kailangang makita sa mga ito ang pagkaunawang kung magtatanong tayo sa Panginoon nang may pananampalataya at susundin ang Kanyang mga kautusan, magiging handa tayong tumanggap ng paghahayag at patnubay mula sa Kanya. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ihanda ang mga sumusunod na tanong sa pisara o sa isang handout:
-
Paano ninyo ipaliliwanag ang alituntuning ito para matulungan ang isang tao na maunawaan kung paano maturuan ng Panginoon at maunawaan ang mga espirituwal na katotohanan?
-
Paano nakakaapekto ang inyong pagsisikap sa inyong kakayahan na makatanggap ng patnubay ng Panginoon at maunawaan ang ebanghelyo?
Pagpartnerin ang mga estudyante. Sa bawat magkapartner, ipaisip sa isa ang unang tanong at sa isa pa ang pangalawang tanong. At sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga sagot sa isa’t isa. Pagkatapos ng sapat na oras para matalakay ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, anyayahan ang ilan na ibahagi ang mga ideya nila sa klase. Bigyang-diin na ang ating pagsisikap at hangarin na hingin ang patnubay ng Espiritu ay may mahalagang epekto sa ating patotoo at pagiging malapit sa Panginoon.
1 Nephi 15:12–20
Ipinaliwanag ni Nephi ang pagkalat at pagtitipon ng Israel
Maikling ibuod ang 1 Nephi 15:12–20. Ipaliwanag na para matulungan ang kanyang mga kapatid na malutas ang pinagtatalunan nila, itinuro sa kanila ni Nephi ang kahulugan ng propesiya ni Lehi tungkol sa “mga likas na sanga ng punong olibo” at ang tungkol sa mga Gentil (tingnan sa 1 Nephi 10:12–14; 15:7). Ipinaliwanag niya na ang punong olibo ay sumasagisag sa sambahayan ni Israel. Dahil nilisan ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem at nahiwalay mula sa sambahayan ni Israel, ito ay tulad sa isang sanga na nabali mula sa punong olibo (tingnan sa 1 Nephi 15:12). Ipinaliwanag pa niya na sa mga huling araw, makalipas ang maraming taon matapos “[m]anghina sa kawalang-paniniwala” (1 Nephi 15:13) ang mga inapo ni Lehi, ang kabuuan ng ebanghelyo ay ibibigay sa mga Gentil. Pagkatapos ay dadalhin ng mga Gentil ang ebanghelyo sa mga inapo ni Lehi, at ibabalik sila sa kaalaman ng kanilang Manunubos at sa mga pagpapala ng tipan ng kanilang mga ama. Ito ay magiging tulad ng pagtitipon at paghuhugpong ng kanilang sanga pabalik sa punong olibo (tingnan sa 1 Nephi 15:13–17). Ang panunumbalik na ito ay hindi lamang mangyayari sa mga inapo ni Lehi kundi sa buong sambahayan ni Israel (tingnan sa 1 Nephi 15:18–20; tingnan din sa 1 Nephi 10:12–14).
Magpatotoo na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako at naaalala ang Kanyang mga tipan sa Kanyang mga anak. Nais niyang matanggap ng lahat ang mga pagpapala ng ebanghelyo.
1 Nephi 15:21–36
Sinagot ni Nephi ang mga tanong ng kanyang kapatid tungkol sa pangitain ni Lehi
Ipaliwanag na sa natitirang bahagi ng 1 Nephi 15, mababasa natin ang sagot ni Nephi sa kanyang mga kapatid tungkol sa pangitain ni Lehi. Ginamit ni Nephi ang natutuhan niya sa sarili niyang pangitain upang turuan sila.
Idispley sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson o gawin itong handout. Sabihin sa mga estudyante na hulaan ang salita o parirala na dapat isingit sa bawat pangungusap.
-
“Sa … makahahanap tayo ng lakas na labanan ang tukso.”
-
“Ang … ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at sandatahan sila ng Espiritu.”
-
Ang Kanyang ay isa sa mga pinakamahalagang kaloob na ibinigay Niya sa atin.”
Kapag nakahula na ang ilang estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 15:23–24. Ipahanap sa mga estudyante ang mga parirala sa mga talatang ito na makatutulong sa kanila na makumpleto nang tama ang mga pahayag ni Pangulong Benson. Matapos mabasa ang mga talata, ipahula muli sa mga estudyante ang salita o parirala na kukumpleto sa bawat pahayag. Rebyuhin ang mga tamang sagot sa klase. (Mga Sagot: 1—salita ng Diyos; 2—salita ng Diyos; 3—salita. [Tingnan sa “The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 80, 82.])
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabuti at tahimik ang 1 Nephi 15:24–25. Sabihin sa kalahati ng klase na tukuyin sa mga talatang ito ang ilang pagpapala sa pagsunod sa salita ng Diyos. Sabihin sa naiwang kalahati ng klase na tukuyin ang mga salita at mga parirala kung paano natin dapat sundin ang salita ng Diyos para matanggap ang mga pagpapalang iyon. Ipabahagi sa bawat grupo ang natutuhan nila sa klase.
-
Ano ang kailangan nating gawin upang “makinig,” “mahigpit na [maka]kapit,” at “pakinggan” ang salita ng Diyos? (Kabilang sa mga sagot ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pakikinig at pagsunod sa mga payo ng mga inspiradong lider ng Simbahan, at paghahangad at pagsunod sa personal na paghahayag sa pamamagitan ng panalangin.)
Sabihin sa mga estudyante na ipahayag ang alituntunin, gamit ang sarili nilang salita, na nagbubuod sa itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ang mga pagpapalang dulot nito sa ating buhay. Isang posibleng sagot ay ang pag-aaral at pagsunod sa salita ng Diyos araw-araw ay nagpapalakas sa atin laban sa mga tukso ni Satanas. Upang mabigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na magpatotoo sa alituntuning ito, itanong:
-
Kailan kayo napalakas ng personal na pag-aaral ng mga banal kasulatan araw-araw laban sa mga tukso? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o napakapribado.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Napakahalaga ng mga katotohanang ito kaya’t binigyan ng Ama sa Langit sina Lehi at Nephi ng mga pangitain na malinaw na naglalarawan sa salita ng Diyos bilang gabay na bakal. Natutuhan ng mag-ama na ang paghawak sa malakas, matibay, [at] lubos na mapagkakatiwalaang gabay ang tanging paraan upang manatili sa landas patungo sa ating Tagapagligtas” (“Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 25).
Ipaalala sa mga estudyante na sa pangitain ni Lehi, ang mga taong mahigpit na humawak sa gabay na bakal ay nakaraan nang ligtas sa abu-abo ng kadiliman, na sumasagisag sa mga tukso ng diyablo (tingnan sa 1 Nephi 12:17).
Maikling ibuod ang 1 Nephi 15:26–29. Sabihin sa mga estudyante na hiniling ng mga kapatid ni Nephi na ipaliwanag niya ang kahulugan ng ilog na nakita ng kanilang ama sa pangitain. Ipinaliwanag niya na ito ay sumasagisag sa kakilakilabot na impiyerno na inihanda para sa masasama, inihihiwalay sila mula sa Diyos at sa Kanyang mga tao.
-
Ano ang napansin ni Nephi sa ilog ng tubig na hindi napansin ng kanyang ama? (Ang tubig ay marumi.)
Ipaliwanag na sa 1 Nephi 15:33–36, itinuro ni Nephi ang tungkol sa katarungan ng Diyos at kung bakit ang masasama ay ihihiwalay sa mabubuti. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 15:33–36.
-
Bakit ihihiwalay ang masasama sa mabubuti?
-
Paano maaaring nakatulong kina Laman at Lemuel ang nalaman nila na walang maruming tao ang makapapasok sa kaharian ng Diyos?
Hikayatin ang mga estudyante na isaalang-alang ang mga alituntuning natutuhan nila sa 1 Nephi 15 habang tahimik nilang pinag-iisipang mabuti ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa paanong paraan ipinapakita sa mga pangitain nina Lehi at Nephi na nagmamalasakit ang Diyos kina Laman at Lemuel? Sa paanong paraan ipinapakita nito na nagmamalasakit ang Diyos sa inyo?
-
Ano ang maaari ninyong gawin para maipamuhay ang mga alituntuning natutuhan ninyo sa pag-aaral ng kabanatang ito? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa tanong na ito sa kanilang scripture study journal o notebook.)
Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagbabasang muli ng 1 Nephi 15:25 sa klase. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag nakikinig tayo sa salita ng Diyos at sinusunod ang Kanyang mga kautusan. Tiyakin sa kanila na mahal na mahal sila ng Diyos at sila ay pagpapalain Niya sa kanilang mabubuting gawa.