Library
Lesson 19: 1 Nephi 18


Lesson 19

1 Nephi 18

Pambungad

Sa pagsunod sa utos ng Panginoon, natapos ni Nephi at ng iba pa ang paggawa ng sasakyang-dagat at naghandang maglayag patungo sa lupang pangako. Sa kanilang paglalayag, sina Laman at Lemuel at ang mga anak na lalaki ni Ismael at ang kanilang mga asawa ay naghimagsik laban sa Panginoon. Nang pagsabihan sila ni Nephi, iginapos siya nina Laman at Lemuel. Dahil dito, huminto sa paggalaw ang Liahona at hindi nila malaman kung saan iuugit o papupuntahin ang sasakyang-dagat. Nang isang malakas na bagyo ang nagbanta sa buhay ng lahat ng nasa sasakyang-dagat, nagsisi sila at pinalaya si Nephi. Nagdasal si Nephi na pahintuin ang bagyo, at muli silang pinatnubayan ng Panginoon sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 18:1–8

Naghanda ang pamilya ni Lehi sa paglalayag patungo sa lupang pangako

Isulat ang kapangyarihan ng Panginoon at ang aking pagsisikap sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang problemang kinakaharap nila ngayon. Sabihin sa kanila kung alin sa dalawa (ang kapangyarihan ng Panginoon o ang aking pagsisikap) ang mas epektibo sa paglutas sa problema, at sabihin sa kanila na ipaliwanag ang dahilan. Matapos ang maikling talakayan, sabihin sa mga estudyante na alamin sa halimbawa ni Nephi sa 1 Nephi 18 ang makatutulong sa kanila para malutas ang mga problemang kinakaharap nila.

Nakarating si Lehi at ang Kanyang mga Tao sa Lupang Pangako

Idispley ang larawang Nakarating si Lehi at ang Kanyang mga Tao sa Lupang Pangako (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 71).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 18:1–8. Sabihin sa kanila na alamin ang (1) ginawa ni Nephi at ng kanyang pamilya para makapaghanda sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako at ang (2) ginawa ng Panginoon para tulungan sila.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na makatanggap si Nephi ng paghahayag “sa pana-panahon”?

  • Sa 1 Nephi 18:2–3, anong kaugnayan ang nakita ninyo sa ginawa ni Nephi at sa tulong na natatanggap niya mula sa Panginoon?

  • Paano naging mahalaga ang patnubay ng Panginoon at pagsusumigasig ni Nephi sa pagbuo ng sasakyang-dagat at paglalayag patungo sa lupang pangako?

Ipabuod sa mga estudyante ang ilang alituntunin na matututuhan natin sa halimbawa ni Nephi. Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang natutuhan nila, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Upang magawa ang iniuutos ng Panginoon, kailangan nating hingin ang Kanyang tulong at pagsikapan natin na magawa ito.

  • Kailan kayo nakatanggap ng tulong o patnubay mula sa Panginoon at kasabay nito ay kailangan din ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya para masunod ang isa sa Kanyang mga kautusan?

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kani-kanyang sagot sa tanong sa itaas sa kanilang scripture study journal o notebook.

Ituro na kailangan nating lahat ang tulong ng Diyos para masunod ang Kanyang mga kautusan at mga pamatayan ng ebanghelyo na nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. (Maaari kang kumuha ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan at rebyuhin ito sa klase.) Hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang isang kautusan o pamantayan ng ebanghelyo na kinakailangan nila ng tulong ng Diyos para masunod. Bigyan sila ng oras na maisulat sa kanilang scripture study journal ang (1) maaari nilang gawin para makahingi ng tulong sa Panginoon na masunod ito at (2) ang kailangan nilang gawin para masunod ito.

1 Nephi 18:9–25

Nanguna sina Laman at Lemuel sa paghihimagsik na nakahadlang sa paglalayag papunta sa lupang pangako

Itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ilang dahilan kung bakit nakararanas tayo ng paghihirap?

Matapos ang maikling talakayan, sabihin sa isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang tatlong dahilan na ibinigay ni Elder Clayton sa paghihirap na nararanasan natin:

“Karaniwan, ang ating mga pasanin ay may tatlong pinagmumulan. [1] Ang ilang pasanin ay likas na bunga ng mga kalagayan sa mundong ating ginagalawan. Ang sakit, kapansanan, matitinding bagyo, at mga lindol ay dumarating maya’t maya [na hindi naman] natin [kagagawan]. …

“[2] Ang ibang mga pasanin ay dulot sa atin ng masamang gawain ng iba. Ang pang-aabuso at adiksyon ay hindi magagawang langit sa lupa ang ating tahanan para sa walang malay na mga kapamilya. Ang kasalanan, mga maling tradisyon, panunupil, at krimen ay maraming binibiktima sa buhay na ito. …

“[3] Sarili nating mga kamalian at pagkukulang ang sanhi ng marami sa ating mga problema at nagpapabigat sa ating mga pasanin. Ang pinakamabigat na pasaning dulot natin sa ating sarili ay ang bigat ng kasalanan” (“Nang ang Inyong mga Pasanin ay Gumaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 12–13).

Isulat sa pisara ang (1) mga kalagayan sa mundo, (2) masamang gawain ng iba, at (3) sarili nating mga kamalian at pagkukulang.

Ipaliwanag na matapos simulan ng pamilya ni Lehi ang kanilang paglalayag sa karagatan, sina Laman, Lemuel, at iba pa ay nakagawa ng mali na humantong sa paghihirap ng lahat ng nasa barko. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 18:9. Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kapag may narinig silang halimbawa ng isang tao na mali ang ginawa.

  • Ano ang maling ginawa nina Laman, Lemuel, at ng mga anak na lalaki ni Ismael at ng kanilang mga asawa? Bakit mali ito?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi naman masamang sumayaw, makinig ng musika, o magkasiyahan, ngunit nakasaad sa talatang ito na sina Laman, Lemuel, at iba pa ay gumawa ng mga bagay “nang may labis na kagaspangan” (1 Nephi 18:9). Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang salitang kagaspangan ay tumutukoy sa pagiging bulgar o magaslaw. Maaaring gamitin ng kaaway ang sayaw, musika, at ang paraan ng pagsasalita natin para pasamain ang ating puso at isipan na magiging dahilan para lumayo ang Espiritu Santo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 18:10.

  • Ayon sa 1 Nephi 18:10, ano ang ikinatatakot na mangyari ni Nephi kung ang mga naghimagsik ay hindi magsisisi?

  • Ano ang ginawa ni Nephi para tulungan sila? (Makatutulong sa mga estudyante na malaman na ang salitang mahinahon ay nangangahulugang may kaseryosohan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang gagawin nila kung sinabihan sila ng kanilang magulang o lider ng Simbahan na baguhin nila ang musikang pinakikinggan nila, ang paraan ng pagsasayaw nila, o ang paraan ng pagsasalita nila. Hikayatin sila na pag-isipan nila kung handa silang makinig at magbago.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 18:11.

  • Ayon sa 1 Nephi 18:10–11, paano tumugon sina Laman at Lemuel sa ipinayo ni Nephi?

  • Bakit tinulutan ng Panginoon na igapos nina Laman at Lemuel si Nephi?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 18:12–14, 17–19. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga salita at mga parirala na nagpapakita ng kinahinatnan ng ginawa nina Laman at Lemuel. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na matututuhan nila mula sa talang ito. Maaaring isa sa mga sagot ay ang kasalanan ay humahantong sa pagdurusa ng ating sarili at kung minsan ay ng ibang tao rin. Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntuning ito, maaari mong itanong ang tulad nito:

  • Paano nakakaapekto ang paghihimagsik ng iilang tao sa buong grupo?

  • Paano nakahahadlang ang di-mabubuti o masasamang gawain sa ating kakayahan na tumanggap ng paghahayag?

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Sa nakaraang ilang taon nakita namin ang pagiging mapitagan at pagiging di-mapitagan sa Simbahan. Samantalang maraming dapat purihin sa pagiging mapitagan nila, tayo ay lumalayo sa mataas na pamantayan ng pagiging mapitagan. May dahilan tayo para lubos na mag-alala.

“Ang mundo ay lalo pang umiingay. Ang pananamit at kaanyuan at pag-uugali ay nagiging lalong hindi maayos, maruming tingnan at gusot. Ang maiingay na musika … na may mahahalay na salita ay pinatutugtog nang malakas sa pamamagitan ng amplifiers. … Ang iba pang mga uri ng mga bagay na ito ay tinatanggap ng nakararaming tao at malaki ang impluwensya nito sa ating mga kabataan. …

“Ang pagkahilig sa lalo pang pag-iingay, lalo pang pagsasaya, lalo pang kaguluhan, kawalan ng pagtitimpi, kawalan ng dignidad, kawalan ng pormalidad ay hindi nagkataon lamang o kawalang-muwang o hindi nakapipinsala.

“Ang unang utos na inilalabas ng isang kumander na naghahandang pamunuan ang pananakop ng militar ay hadlangan ang anumang uri ng komunikasyon ng kanyang sasakupin.

“Ang kawalan ng pagpipitagan ay nakatutulong sa mga layunin ng kaaway na mahadlangan ang paghahayag na darating sa ating isipan at espiritu” (“Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nob. 1991, 22).

  • Kung kayo ay naging mapanghimagsik o suwail, paano ito makakaapekto sa inyong pamilya? Paano ito makakaapekto sa inyong mga kaibigan? Paano ito makakaapekto sa inyong klase o korum?

Tukuyin muli ang tatlong pinagmumulan ng paghihirap na nakalista sa pisara. Ipaliwanag na ang natitirang bahagi ng kabanatang ito ay makatutulong sa atin na matutuhan kung paano haharapin ang mga paghihirap kapag dumating ang mga ito, ito man ay dahil sa maling pagpili natin o dahil sa kagagawan ng iba. Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 18:15–16, 20–23. Hikayatin sila na alamin ang mga katotohanan na magagamit sa alinman sa mga sitwasyong ito. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila gamit ang sarili nilang salita. Maaaring kabilang sa mga sagot nila ang mga sumusunod:

  • Maaari tayong umasa sa Diyos at patuloy na manampalataya sa mga panahong sinusubukan tayo.

  • Makatutulong ang panalangin sa atin upang mapanatag tayo sa panahong sinusubukan tayo.

Kapag ibinahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, tiyaking mabigyang-diin ang mabuting halimbawa ni Nephi sa panahong siya ay sinusubukan. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na patotoo ni Elder L. Whitney Clayton. Ipatukoy sa klase ang ipinayo ni Elder Clayton na gawin natin kapag nahaharap tayo sa pagsubok:

“Anuman ang mga pasanin natin sa buhay bunga ng mga likas nating katayuan, ng masamang gawain ng iba, o ng sarili nating mga pagkakamali at pagkukulang, tayong lahat ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, na nagsugo sa atin sa lupa bilang bahagi ng Kanyang walang hanggang plano para sa ating paglago at pag-unlad. Ang kakaiba nating mga karanasan ay makakatulong sa paghahanda nating bumalik sa Kanya. … Kailangan nating gawin ang lahat ng kaya natin upang mapagtiisang ‘mabuti’ ang ating mga pasanin [tingnan sa D at T 121:7–8]. …

“… Alam ko na kapag sinunod natin ang mga utos ng Diyos at ating mga tipan, tinutulungan Niya tayo sa ating mga pasanin. Pinalalakas Niya tayo. Kapag nagsisi tayo, pinatatawad Niya tayo at binibigyan ng katahimikan ng budhi at kagalakan” (“Nang ang Inyong mga Pasanin ay Gumaan,” 13–14).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isa sa mga katotohanan na natutuhan nila sa lesson na ito.

  • Kailan ninyo nakita ang katotohanang ito sa inyong buhay o sa buhay ng isang kakilala ninyo?

Maaari mong idagdag ang iyong patotoo na matutulungan tayo ng Diyos na makayanan ang ating mga pagsubok kapag tapat tayo at nagsisi at bumalik sa Kanya.

Tapusin ang lesson na ito na ipinapaalala sa mga estudyante na sa kabila ng mga naranasang paghihirap ni Nephi at ng kanyang pamilya, sila sa huli ay nakarating sa lupang pangako. Magpatotoo na kapag humingi tayo ng patnubay sa Panginoon at nagsumigasig na sundin ito, magagawa rin natin nang matagumpay ang nais ng Panginoon na maranasan natin sa mundong ito.

Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).