Library
Lesson 20: 1 Nephi 19


Lesson 20

1 Nephi 19

Pambungad

Sa kabanatang ito, ipinaliwanag ni Nephi na may ilang tao na hindi magbibigay-galang sa Diyos ng Israel na si Jesucristo. Sa matalinhagang salita, kanilang yuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa si Jesucristo sa pamamagitan ng pagwawalang-saysay sa Kanya at hindi pakikinig sa Kanyang payo. Inilahad din ni Nephi ang mga itinuro ng mga sinaunang propeta na nagpropesiya na ang mga responsable sa pagpapahirap at pagpapako sa krus ng Tagapagligtas, pati na ang kanilang mga inapo, ay ikakalat at pahihirapan hanggang sa ibaling nila ang kanilang mga puso sa Panginoon. Sa panahong iyan, “maaalaala [ng Panginoon] ang mga tipan na kanyang ginawa sa kanilang mga ama” (tingnan sa 1 Nephi 19:15). Ipinaliwanag ni Nephi na isinulat niya ang mga bagay na ito upang hikayatin ang kanyang mga tao na alalahanin ang Panginoon at maniwala sa Kanya. Itinuro rin niya sa kanyang mga tao na ihalintulad ang kanilang sarili sa mga banal na kasulatan na makatutulong sa kanila na maniwala sa Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 19:1–19

Itinala ni Nephi ang mga propesiya tungkol kay Jesucristo upang tulungan ang mga tao na maalala ang Kanilang Manunubos

Ipakita ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Ibuod ang 1 Nephi 19:1–4 na ipinapaliwanag na iniutos kay Nephi na gumawa ng dalawang uri ng mga lamina—ang isa ay para sa pagtatala ng banal (espirituwal) na kasaysayan at ang isa pa ay para sa sekular na kasaysayan ng kanyang mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 19:3, 5–6. Sabihin sa klase na alamin ang tinutukoy ni Nephi na “banal” na mga bagay.

  • Anong dahilan ang ibinigay ni Nephi para sa pag-iingat ng isang talaan tungkol sa banal na mga bagay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 19:7. Bago siya magbasa, ipaliwanag na sa talatang ito, ang pariralang “Diyos ng Israel” ay tumutukoy kay Jesucristo. Nasa talata rin ang mga salitang pinawawalang-saysay/winalang-saysay na ang ibig sabihin ay “pinawalang-halaga.” Ang pawalang-saysay ang isang tao ay ituring ang taong iyon na parang walang-halaga.

  • Matapos sabihin na ang isusulat lamang niya ay tungkol sa mga bagay na banal, ano ang sinimulang isulat ni Nephi?

  • Ayon sa 1 Nephi 19:7, paano niyuyurakan ng ilang tao sa ilalim ng kanilang mga paa ang Tagapagligtas, o “siya ay kanilang wina[wa]lang-saysay”?

  • Paano natutulad ang hindi pakikinig sa payo ng Panginoon sa pagwawalang-saysay sa Kanya o pagyurak sa Kanya sa ilalim ng mga paa ng isang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 19:8–10. Sabihin sa klase na alamin kung paano itinuring ng mga tao ang Tagapagligtas bilang isang bagay na walang-saysay noong Kanyang mortal na ministeryo. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at mga parirala na nakita nila.)

  • Sa paanong mga paraan ituturing ng mga tao ang Tagapagligtas bilang isang bagay na walang-saysay sa Kanyang mortal na ministeryo?

  • Anong mga detalye sa mga talatang ito ang nagpapakita na hindi tayo itinuturing ng Tagapagligtas bilang “isang bagay na walang saysay”? (Dapat maunawaan ng mga estudyante na ang lahat ng pagdurusa ng Tagapagligtas ay “dahil sa kanyang mapagkandiling pagmamahal at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao.”)

  • Kapag pinag-isipan ninyo ang tungkol sa mga talatang ito, ano ang nadarama ninyo tungkol sa Tagapagligtas?

Sabihin sa isang estudyante na basahin ang 1 Nephi 19:13−14, at sabihin sa klase na alamin ang ipinahayag ni Zenos na mga dahilan kung bakit “pahihirapan ng lahat ng tao” ang mga taong nagpako sa krus sa Tagapagligtas (at ang kanilang mga inapo).

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ni Zenos kung bakit “pahihirapan ng lahat ng tao” ang mga taong nagpako sa krus sa Tagapagligtas (at ang kanilang mga inapo)?

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Tumalikod ang kanilang mga puso.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng itinalikod ang puso sa Panginoon?

Matapos sumagot ang mga estudyante, sabihin sa klase na nais mong tulungan ka ng ilang estudyante na maipaliwanag kung paano maiaangkop ang pariralang ito sa atin sa panahong ito. Palapitin ang ilang estudyante sa pisara. Sabihin sa bawat isa sa kanila na magsulat ng isang halimbawa ng gawain na nagpapakita ng pagtalikod ng puso ng isang tao sa Panginoon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipaliwanag ang ilang kahihinatnan ng mga inilista nila na pagtalikod ng puso ng isang tao. (Halimbawa, maaaring isulat ng isang estudyante ang huminto sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagkatapos ay ipaliwanag na ang isang kahihinatnan ng gawaing ito ay ang paghina ng kakayahang makatanggap ng paghahayag.)

Matapos ipaliwanag ng ilang estudyante ang kanilang mga halimbawa, sabihin sa klase na anuman ang dahilan kung bakit itinalikod natin ang ating puso sa Panginoon, mapipili nating ibaling muli ang ating puso sa Kanya. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 19:14–17, na inaalam ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong muling ibabaling ang kanilang puso sa Kanya.

  • Kailan ikakalat ng Panginoon ang Israel? (Kapag kanilang itinalikod ang kanilang puso sa Kanya.)

  • Kailan titipunin ng Panginoon ang Israel? (Kapag ibinaling nila ang kanilang puso sa Kanya.)

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya sa mga taong hindi na itatalikod ang kanilang puso sa Kanya?

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng maaalala ng Panginoon ang mga taong ito at ang mga tipang ginawa niya sa kanilang mga ama?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi nakakalimutan ng Panginoon ang mga taong ito. Namuhay sila sa paraang hindi Niya maibibigay sa kanila ang lahat ng mga pagpapala ng ebanghelyo. Kapag bumaling ang puso ng kanilang mga inapo sa Kanya, nangangako ang Panginoon na maaalala Niya sila, titipunin sila sa Kanyang Simbahan, at ipaaabot ang lahat ng mga pagpapala ng ebanghelyo sa kanila.

  • Sa inyong palagay, ano ang kahulugan ng mga pangako sa talata 15–17 para sa atin? (Ang isang ideya na dapat lumabas sa talakayang ito ay kapag ibinaling natin ang ating puso sa Panginoon, tatanggapin Niya ang mga tipang ginawa natin sa Kanya.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong at isulat ang mga sagot sa kanilang scripture study journal o notebook. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong.)

  • Anong uri ng mga gawain ang nagpapakita na ibinaling ninyo at ng pamilya ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon?

  • Kailan nakatulong sa inyo o sa inyong pamilya ang mga gawaing iyon upang matanggap ang mga pagpapala ng Panginoon?

Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase. Ipaalala sa kanila na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong karanasan.

Maikling ipaliwanag na isinulat ni Nephi ang talaan para sa lahat ng miyembro ng sambahayan ni Israel—kabilang tayo. Ipabasa sa isang estudyante ang 1 Nephi 19:18−19, at ipatukoy sa klase ang nais ni Nephi na gawin natin. Magpatotoo na kapag naaalala natin ang Panginoon at ibinabaling ang ating puso sa Kanya, ibibigay Niya sa atin ang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo.

1 Nephi 19:20–24

Ipinaliwanag ni Nephi kung bakit ginagamit niya ang mga sinaunang banal na kasulatan para turuan ang kanyang mga tao

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, mula sa isang mensahe sa mga religious educator ng Church Educational System:

“Ito ang ipinapangako ko sa inyo tungkol sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon: Kayo ay mapapalapit dito kapag naunawaan ninyo na inilakip dito ng Panginoon ang Kanyang mensahe sa inyo. Alam iyan nina Nephi, Mormon, at Moroni, at ang mga taong nagtipon nito ay naglagay ng mga mensahe para sa inyo. Umaasa ako na nagtitiwala kayo na ang aklat ay isinulat para sa inyong mga estudyante. Mayroon itong simple, malilinaw na mensahe para sa kanila na magsasabi sa kanila kung paano magbago. Iyan ang kabuuan ng nilalaman ng aklat. Ito ay patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Pagbabayad-sala at kung paano ito magagamit sa kanilang buhay. Mararanasan ninyo sa taon na ito ang pagbabago na nagmumula sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala dahil sa pag-aaral ninyo ng aklat na ito” (“The Book of Mormon Will Change Your Life,” Ensign, Peb. 2004, 11).

  • Sa inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon, paano makatutulong na alam ninyo na naglakip ng mga mensahe para sa inyo sina Nephi, Mormon, at Moroni?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

“Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa atin. Ang Diyos ang may-akda ng aklat. Ito ay talaan ng mga taong nalipol, na tinipon ng mga inspiradong tao para pagpalain tayo. Ang mga taong iyon ay wala ng aklat na ito—ito ay isinulat para sa atin. Si Mormon, ang sinaunang propeta at kung kanino ipinangalan ang aklat na ito, ay pinaikli ang mga talaang naglalaman ng daan-daang taon ng pangyayari. Ang Diyos, na nalalaman ang wakas mula sa simula, ay nagsabi sa kanya na isama sa kanyang pagpapaikli ng talaan ang mga kailangan natin para sa ating panahon” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 3).

“Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na iyon na magiging pinakamakabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay nang matwid sa panahong ito?’” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 6).

Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang 1 Nephi 19:22−23, at alamin ang sinabi ni Nephi kung paano niya tinulungan ang kanyang mga kapatid na mahanap ang mga mensahe para sa kanilang sarili sa mga banal na kasulatan.

  • Ano ang resultang inaasahan ni Nephi mula sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa kanyang sarili at sa kanyang mga tao?

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang kapakinabangan? (Kabutihan, kalamangan.)

Ihanda ang sumusunod na chart bilang handout, o idispley ito sa pisara at ipakopya ito sa mga estudyante sa kanilang scripture study journal.

Paghahalintulad ng mga Banal na Kasulatan sa Ating Sarili

Pagsasabuhay ng mga Katotohanan na Nasa mga Banal na Kasulatan

Anong sitwasyon o kalagayan ang inilalarawan sa scripture passage na ito?

Paano ito natutulad sa sitwasyon sa aking buhay o sa mundong ginagalawan ko?

Anong katotohanan o mensahe ang itinuturo sa scripture passage na ito?

Paano ko maisasabuhay ang katotohanan o mensaheng ito sa aking sitwasyon?

Bago ituro ang nasa chart, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng ihalintulad ay ikumpara. Ang ibig sabihin ng ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa ating sarili ay ikumpara natin ang isang kalagayan na nasa mga banal na kasulatan sa isang sitwasyon sa ating sariling buhay o sa mundong ginagalawan natin. Kapag nalaman natin ang pagkakatulad ng mga kalagayan sa mga banal na kasulatan sa mga sitwasyon sa ating sariling buhay, maihahanda tayo nito na mahanap at maipamuhay ang mga katotohanan sa banal na kasulatan. Ang gayon ding mga katotohanan na angkop sa mga taong nabasa natin sa mga banal na kasulatan ay magagamit natin kapag nasa gayon din tayong sitwasyon.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano humahantong ang paghahalintulad sa pagsasabuhay, ipakumpleto sa kanila ang kanilang mga chart habang nirerebyu mo sa kanila ang unang scripture mastery passage sa Aklat ni Mormon na 1 Nephi 3:7. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 3:7.

  • Saang pangyayari sinabi ni Nephi ang mga salitang ito? (Siya ay inutusan ng propeta—ang kanyang amang si Lehi—na bumalik sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso. Nagreklamo ang mga kapatid niya na mahirap gawin ito.)

  • Paano natutulad sa sitwasyon ni Nephi ang isang sitwasyon sa inyong buhay? Kailan kayo inasahan ng Panginoon na gawin ang isang bagay na mahirap?

  • Anong katotohanan ang nakatulong kay Nephi sa kanyang sitwasyon? (Alam ni Nephi na kapag nag-utos ang Panginoon sa Kanyang mga anak, Siya ay magbibigay ng paraan sa kanila para magawa ito.)

  • Ano ang maaari ninyong gawin para maiangkop ang katotohanang ito sa inyong sitwasyon?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila inihalintulad ang 1 Nephi 3:7 sa kanilang sarili at kung paano nila ito maipamumuhay. (Ipaalala sa kanila na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

Tapusin ang lesson sa muling pagpapakita ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Ipaalala sa mga estudyante na itinuturing ni Nephi ang kanyang mga isinulat tungkol sa Tagapagligtas na banal at napakahalaga para sa kanyang sarili at sa iba. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at alamin ang mga mensaheng inilagay dito ng Panginoon at ng mga propeta para sa atin. Magpatotoo na kapag inihalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating sarili, matututo at makikinabang tayo mula sa mga ito.

Hikayatin ang mga estudyante na personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at maghanap ng mga scripture passage na maihahalintulad nila sa kanilang sarili. Maaari nilang isingit ang kanilang mga pangalan sa ilang talata at basahin ang mga ito na parang sila mismo ang kinakausap ng Panginoon o ng Kanyang propeta. Halimbawa, maaari nilang basahin ang unang bahagi ng 2 Nephi 31:20 nang ganito: “Kaya nga [isingit ang pangalan], kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.”

Maaari kang magbigay ng blankong kopya ng chart para sa mga estudyante na magagamit nila sa bahay. Sabihin sa kanila na dumating nang handa sa susunod ninyong klase para maibahagi nila kung paano nila inihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili at paano sila natuto at nakinabang mula sa karanasan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Nephi 19:10–16. Zenok, Neum, at Zenos

Bumanggit si Nephi mula sa mga isinulat nina Zenok, Neum, at Zenos. Sila ay mga propeta sa panahon ng Lumang Tipan na ang mga propesiya tungkol kay Jesucristo ay nakatala sa mga laminang tanso; kung gayon, nalaman natin na sila ay nabuhay bago mag-600 B.C. Nagsalita sila tungkol sa buhay at ministeryo ng Mesiyas at sa tadhana ng sambahayan ni Israel (tingnan din sa Helaman 8:19–20). Kung wala ang Aklat ni Mormon, wala tayong malalaman tungkol sa tatlong propetang ito o sa kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.