Lesson 7
1 Nephi 2
Pambungad
Nakasaad sa 1 Nephi 2 ang magkakaibang tugon at reaksyon sa mga utos ng Panginoon. Sinunod ni Lehi ang utos ng Panginoon na isama ang kanyang pamilya papunta sa ilang. Sa pagharap sa mahirap na utos na ito, sina Laman at Lemuel ay naghimagsik. Kabaliktaran nito, naghangad si Nephi ng nagpapatibay na patotoo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 2:1–7
Iniutos ng Diyos kay Lehi na lumisan patungong ilang
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sinabi sa kanila ng kanilang mga magulang na kailangang lisanin ng kanilang pamilya ang kanilang tahanan bukas, at iiwanan nila ang halos lahat ng kanilang ari-arian. Maglalakad sila patungo sa ilang, at ang dadalhin lamang nila ay mga panustos na kailangan nila para mabuhay.
-
Ano ang magiging reaksyon ninyo?
-
Paano mababago ang reaksyon ninyo kung alam ninyo na ang utos na pumunta sa ilang ay mula sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:1–6. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit isinama ni Lehi ang kanyang pamilya patungo sa ilang.
-
Ano ang iniutos ng Panginoon kay Lehi? (Tingnan sa 1 Nephi 2:2.)
-
Ano ang matututuhan ninyo sa desisyon ni Lehi kung ano ang mga dadalhin at iiwanan?
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:7.
-
Nagpasalamat si Lehi sa Panginoon makaraang iwanan ang kanyang tahanan at mga ari-arian. Ano ang matututuhan natin dito?
-
Ano ang ipinagpasalamat ni Lehi?
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Kapag tayo ay matapat at masunurin, tutulungan tayo ng Panginoon sa panahong sinusubukan tayo.
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon sa inyong mga pagsubok? (Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu sa pagsagot sa tanong na ito. Tulungan silang maunawaan na hindi nila kailangang magbahagi ng mga bagay na napakapersonal o napakapribado.)
1 Nephi 2:8–15
Sina Laman at Lemuel ay bumulung-bulong laban sa kanilang ama
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na itanong sa kanilang sarili kung nagreklamo na ba sila, nang malakas o kaya’y sa sarili lamang nila, tungkol sa isang utos ng Panginoon o sa kahilingan ng magulang o lider ng Simbahan. Bigyan sila ng oras na pag-isipan ang kanilang karanasan.
-
Bakit kung minsan ay nagrereklamo tayo kapag inuutusan tayo?
Isulat ang Ilog at Lambak sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:8–10.
-
Sa paanong paraan gusto ni Lehi na maging katulad si Laman ng isang ilog? Sa paanong paraan gusto niyang maging katulad si Lemuel ng isang lambak? (Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara sa tabi ng mga salitang Ilog at Lambak.)
-
Ano ang pinagsisikapang ituro ni Lehi kina Laman at Lemuel?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 2:11–14.
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit bumulung-bulong sina Laman at Lemuel laban sa kanilang ama?
-
Sa 1 Nephi 2:11, ang salitang katigasan ng leeg ay tumutukoy sa kapalaluan o katigasan ng ulo. Bakit ang kapalaluan ay humahantong kung minsan sa pagbulung-bulong o pagrereklamo ng mga tao?
-
Sa inyong palagay, bakit may pagbulung-bulong o pagrereklamo kung minsan kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin at gawain ng Diyos?
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipaliwanag na ang isang dahilan kaya gusto ni Satanas na bumulung-bulong o magreklamo tayo ay dahil mapipigilan tayo nitong sundin ang mga buhay na propeta, mga tinawag na lider, at ang ating mga magulang. Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod, batay sa pahayag ni Elder H. Ross Workman ng Pitumpu:
“Ang pagbulung-bulong ay may tatlong hakbang, bawat isa ay humahantong sa landas na pababa patungo sa hindi pagsunod.” Una, nagsisimulang mag-alinlangan ang mga tao. May pag-aalinlangan “muna sa kanilang sariling isipan,” at pagkatapos ay [itatanim] ang mga pag-aalinlangang ito “sa isipan ng ibang tao.” Pangalawa, ang mga bumubulung-bulong ay nagsisimulang “mangatwiran at nagdadahilan para hindi magawa ang iniuutos sa kanila. … Kaya nga, nagdadahilan sila sa hindi pagsunod.” Ang pagdadahilan nila ay humahantong sa pangatlong hakbang: “Katamaran sa pagsunod sa utos ng Panginoon. …
“Hinihikayat ko kayo pagtuunan ang kautusan mula sa mga buhay na propeta na lubhang nakababalisa sa inyo. Nag-aalinlangan ba kayo kung angkop sa inyo ang kautusan? May nakahanda na ba kayong mga dahilan kung bakit hindi ninyo masusunod ang kautusan? Nadidismaya o naiinis ba kayo sa mga taong ipinapaalala sa inyo ang kautusang iyon? Natatamad ba kayo na sundin ito? Mag-ingat sa panlilinlang ng kaaway. Iwasan ang pagbulung-bulong” (“Beware of Murmuring,” Ensign, Nob. 2001, 85–86).
Maaari mong pasagutan sa mga estudyante ang sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal o notebook:
-
Ano ang maaari ninyong gawin kung napansin ninyo ang inyong sarili na nagrereklamo tungkol sa mga propeta at kautusan ng Panginoon?
1 Nephi 2:16–19
Si Nephi ay humingi ng kaalaman sa Panginoon
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 2:16, 19.
-
Paano tumugon si Nephi sa mensahe ng kanyang ama?
-
Kailan kayo nagsumamo sa Diyos at nadamang napalambot ang inyong puso?
Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ikuwento ang mga pagkakataong napalambot ng Panginoon ang kanilang puso (ngunit ipaalala sa kanila na hindi sila obligadong ikuwento ang mga karanasang napakapersonal o napakapribado). Bukod pa rito, maaari mo ring ikuwento ang pagkakataong napalambot ng Panginoon ang iyong puso. Tiyakin sa mga estudyante na kapag sumasamo tayo sa Diyos, mapapalambot Niya ang ating puso na maniwala sa Kanyang mga salita.
Basahin nang malakas ang 1 Nephi 2:19. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga salitang “pagsisikap” at “kapakumbabaan ng puso” gamit ang sarili nilang salita. Hikayatin sila na hanapin ang Panginoon tulad ng ginawa ni Nephi.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:17–18.
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa magkakaibang tugon o reaksyon nina Nephi, Sam, Laman, at Lemuel?
-
Kailan napalakas ang inyong pananampalataya ng mga sinabi ng isang kapamilya o kaibigan, tulad ng mga sinabi ni Nephi na nagpalakas sa pananampalataya ni Sam?
1 Nephi 2:20–24
Ang mga taong sumusunod sa mga kautusan ay uunlad
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 2:20–21. Sabihin sa kanila na tukuyin o markahan ang pangakong “habang sinusunod mo ang aking mga kautusan, ikaw ay uunlad.” Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon, mababasa nila ang tungkol sa maraming pangyayari kung saan ay natupad ang pangakong ito.
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Pagsunod ang unang batas ng langit. Lahat ng pag-unlad, lahat ng kasakdalan, lahat ng kaligtasan, lahat ng kabanalan, lahat ng tama at makatarungan at totoo, lahat ng mabuting bagay ay darating sa mga taong namumuhay ayon sa mga batas ng Walang Hanggang Diyos. Wala nang mas mahalaga sa buong kawalang-hanggan kaysa sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 126).
Magpatotoo na pinagpapala ng Diyos ang mga masunurin at matatapat. Tulad ni Nephi, ang mga estudyante ay maaaring magkaroon ng tiwala na papatnubayan sila ng Panginoon. Hikayatin silang magsikap na maging masunurin at sundin ang tagubiling matatanggap nila mula sa Espiritu Santo.