Library
Lesson 8: 1 Nephi 3–4


Lesson 8

1 Nephi 3–4

Pambungad

Inutos ng Panginoon kay Lehi na pabalikin ang kanyang mga anak sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban. Hindi alam nina Laman at Lemuel kung paano nila magagawa ang utos na ito, ngunit nanampalataya si Nephi na magbibigay ng paraan ang Panginoon para magawa nila ang inuutos Niya sa kanila. Sa kabila ng paulit-ulit na paghihirap, buong katapatang sinikap ni Nephi na magawa ang inuutos ng Panginoon. Bunga nito, siya ay ginabayan ng Banal na Espiritu at nagtagumpay sa pagkuha ng mga lamina.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 3:1–9, 19–20

Ang mga anak ni Lehi ay bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag bago magklase. Sabihin sa mga estudyante na piliin ang pahayag na pinakamainam na naglalarawan sa paniniwala nila kung paano tayo tutulungan ng Panginoon kapag mahirap ang ipinagagawa Niya sa atin.

Kapag sinisikap ninyong gawin ang isang utos o isang mahirap na gawain mula sa Panginoon:

  1. Babaguhin Niya ang utos para maging simple at madali ninyo itong magawa.

  2. Pagpapalain Niya ang inyong pagsisikap sa pamamagitan ng pagbibigay ng paraan para magawa ninyo ang utos, kahit mahirap ito.

  3. Mamamagitan Siya at gagawin ang lahat ng gawain para sa inyo.

  4. Ipagagawa Niya ito sa inyo nang mag-isa nang walang anumang ibibigay na tulong.

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang napili nila at ang dahilan kung bakit.

Ipaliwanag na maraming paraan na mapagpapala ng Panginoon ang mga nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng nakatala sa 1 Nephi 3–4, sabihin sa kanila na maghanap ng mga halimbawa ng alituntuning ito. Hikayatin din ang mga estudyante na tingnan ang pagkakaiba ng pagtugon ni Nephi at ng kanyang mga kapatid sa mga hamon o paghihirap.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 3:1–9. Sabihin sa iba pa sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit handang gawin ni Nephi ang iniuutos ng kanyang ama.

Nadama nina Laman at Lemuel na ang utos na bumalik sa Jerusalem para sa mga laminang tanso ay “mahirap na bagay [na] hinihingi sa kanila [ni Lehi]” (1 Nephi 3:5). Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilang dahilan kung bakit ganito ang nadama nina Laman at Lemuel, maaari mong ipaalala sa kanila na mahaba na ang nalakbay nila mula sa Jerusalem.

  • Sa inyong palagay, bakit handa si Nephi na gawin ang ipinagagawa ng kanyang ama nang hindi bumubulung-bulong o nagrereklamo?

Sabihin sa mga estudyante na muling banggitin ang alituntunin na pinatotohanan ni Nephi sa 1 Nephi 3:7 na may sanhi at epekto. Halimbawa, maaaring sabihin ng mga estudyante na kung gagawin natin ang iniuutos ng Panginoon, Siya ay maghahanda ng paraan para magawa natin ito. Ituro na ang 1 Nephi 3:7 ay isang scripture mastery passage. Ipaliwanag na pag-aaralan ng mga estudyante ang 25 scripture mastery passage sa buong taon (para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang apendiks ng manwal na ito). Ang 25 scripture mastery reference ay nakalista sa likod ng seminary bookmark. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga scripture mastery passage sa kakaibang paraan para madali nila itong mahanap.

  • Kailan ninyo nadama na “maghahanda ng paraan” ang Panginoon para masunod ninyo ang isa sa mga kautusan Niya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 3:3, 19–20. Sabihin sa iba pa sa klase na pakinggan ang mga parirala na nagsasabi kung bakit ang mga laminang tanso ay napakahalaga sa pamilya ni Lehi at sa kanilang mga inapo. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipaliwanag na ang mga laminang tanso ay isang aklat ng sinaunang banal na kasulatan na naglalaman ng marami sa mga nakasulat at impormasyon na katulad sa Lumang Tipan.

  • Sa palagay ninyo, bakit ganoon kahalaga ang mga nilalaman ng mga laminang tanso para pabalikin si Nephi at ang kanyang mga kapatid sa Jerusalem upang kunin ito?

  • Ano ang nilalaman ng mga banal na kasulatan ngayon na mahalaga sa inyo? Bakit ito mahalaga sa inyo?

1 Nephi 3:10–31

Ninakaw ni Laban ang ari-arian ni Lehi at tinangkang patayin si Nephi at ang kanyang mga kapatid

Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang unang ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapatid para makuha ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3:10–18). Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na alamin ang pangalawang ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapatid (tingnan sa 1 Nephi 3:21–31). Sabihin sa mga estudyante na sagutan nang mag-isa ang mga sumusunod na tanong. Maaari mong pasagutan ang assignment na ito sa kanilang scripture study journal o notebook. Isulat ang mga tanong sa pisara o gawing handout para sa bawat estudyante.

  1. Sino ang pumunta?

  2. Ano ang ginawa nila?

  3. Ano ang naging reaksyon nila nang mabigo sila?

  4. Para sa mga estudyanteng inalam ang unang ginawa: Si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay “lubhang [n]alungkot” nang hindi nila nakuha ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3:14). Paano naiiba ang tugon ni Nephi sa kabiguang ito sa tugon ng kanyang mga kapatid? (Tingnan sa 1 Nephi 3:15–16.)

    Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).

    Para sa mga estudyanteng inalam ang pangalawang ginawa: Sina Laman at Lemuel ay nagalit kay Nephi nang mabigo ang kanilang pangalawang pagtatangka. Hinampas nila siya at pinagsalitaan ng masasakit na salita. Kahit nangako ang isang anghel na ibibigay ng Panginoon si Laban sa kanilang mga kamay, patuloy silang bumulung-bulong at nag-alinlangan kung magtatagumpay sila. Paano nakaapekto ang nadamang galit nina Laman at Lemuel sa kanilang kakayahang manampalataya sa pangako ng anghel? Paano nakahahadlang ang galit, pagtatalu-talo, pagbulung-bulong o pagrereklamo, at kawalan ng pananampalataya sa pag-unawa natin sa mga mensahe ng Diyos para sa atin? (Tingnan sa 1 Nephi 3:28–31; 3 Nephi 11:29.)

  5. Anong kaalaman ang natamo ninyo mula sa mga talatang pinag-aralan ninyo?

Matapos mabigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na masagot ang mga tanong, sabihin sa ilan na ibahagi ang kanilang mga sagot.

1 Nephi 4:1–38

Nakuha ni Nephi ang mga laminang tanso

Ipahanap sa mga estudyante ang mga itinanong nina Laman at Lemuel sa 1 Nephi 3:31.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 4:1–3. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga sagot ni Nephi sa mga tanong ng kanyang mga kapatid.

  • Paano nauugnay ang kuwento tungkol kay Moises sa mga tanong nina Laman at Lemuel?

Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante para masagot ang tanong na ito, ipaliwanag na naranasan ni Moises ang gayon ding hamon nang iutos sa kanya na ilabas ang mga anak ni Israel sa Egipto. Sa kabila ng maraming pagtatangka, hindi nakumbinsi ni Moises si Faraon na palayain ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin. Gayunpaman, si Moises ay naging masigasig sa pagsunod sa iniuutos sa kanya ng Panginoon, at nagbigay ang Panginoon ng paraan para mapalaya niya ang mga anak ni Israel. Ginamit ni Nephi ang halimbawa ni Moises sa kalagayan ng kanyang pamilya. Nagtiwala siya na maghahanda rin ang Diyos ng paraan para sa kanila.

  • Anong alituntunin ang natutuhan ninyo sa itinugon ni Nephi sa kanyang mga kapatid?

Bagama’t maaaring may kaunting pagkakaiba ang mga sagot ng mga estudyante, dapat na mabanggit nila na kung pagsusumikapan natin nang buong katapatan na magawa ang ipinagagawa ng Panginoon, kahit mahirap, Siya ay maghahanda ng paraan para magawa natin ang iniuutos Niya. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Tukuyin ang mga pahayag na isinulat mo sa pisara sa simula ng lesson.

  • Ngayong napag-aralan na ninyo ang karanasan ni Nephi, aling pahayag ang sa palagay ninyo ay pinakamagandang buod ng alituntuning katutukoy pa lamang ninyo?

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa natitirang tala ni Nephi, hikayatin silang humanap ng katibayan ng alituntuning ito sa mga resulta ng pagtitiyaga ni Nephi.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 4:4–6. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang 1 Nephi 4:6 sa kanilang banal na kasulatan.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaari tayong bigyan ng inspirasyon ng Panginoon nang hindi agad sinasabi sa atin kung paano, kailan, o bakit natin ito gagawin. Nalaman lamang ni Nephi kung paano, kailan, at bakit siya tutulungan ng Panginoon pagkatapos niyang hayaang gabayan siya ng Espiritu Santo at pagkatapos niyang magpasiya na humayo nang may pananampalataya.

Sabihin sa mga estudyante na napansin ni Pangulong Harold B. Lee na madalas nating gustong makita “ang wakas mula sa simula,” o ang mga resulta, bago natin sundin ang tagubilin ng Panginoon. Ipinayo niya:

“Kailangan ninyong matutuhang umasa sa inyong pananampalataya kaysa sa inyong karunungan, at inyong makikita ang liwanag at papatnubayan kayo” (sa Lucile C. Tate, Boyd K. Packer: A Watchman on the Tower [1995], 137–38).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 4:7.

  • Sa 1 Nephi 4:7, ano ang mahalaga sa pariralang “gayunman, ako ay yumaon”?

  • Ano ang itinuturo ng karanasan ni Nephi tungkol sa kaugnayan ng ating kahandaang “humayo at gawin” at ng ating kakayahang magabayan ng Panginoon?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 4:8–18.

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Espiritu kay Nephi para sa utos ng Panginoon na patayin si Laban?

Ibuod ang natitirang bahagi ng tala ni Nephi tungkol sa matagumpay na pagkuha ng mga lamina (tingnan sa 1 Nephi 4:19–38), o ipabuod ito sa isang estudyante na pamilyar sa pangyayaring ito. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga alituntuning nakita nila na inilalarawan sa huling pagsisikap na ito na makuha ang mga lamina. Pagkatapos nilang sumagot, idagdag ang iyong patotoo na kapag nananampalataya tayo sa Diyos at ninanais na gawin ang iniuutos Niya, kahit hindi natin nakikita ang kahihinatnan nito, papatnubayan Niya tayo sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).

Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang patotoo sa alituntuning ito, anyayahan sila na magbahagi ng mga karanasan tungkol sa pagkilos nila nang may pananampalataya nang hindi muna nalalaman kung paano o kailan sila tutulungan ng Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang sitwasyon na kinakaharap nila ngayon kung saan mahirap para sa kanila ang ipinagagawa ng Panginoon. Ipasulat sa kanilang scripture study journal ang gagawin nila para maipakita sa Panginoon ang kanilang kahandaang “humayo at gawin” ang iniuutos Niya. Kapag tapos na silang magsulat, sabihing nagtitiwala ka na kapag ipinakita natin na nananampalataya tayo, tutulungan tayo ng Panginoon na magawa ang anumang inutos Niya sa atin.

scripture mastery iconScripture Mastery—1 Nephi 3:7

Isulat sa pisara ang mga salitang pagsunod, pananampalataya, at pagtitiwala. Itanong:

  • Ano ang nakita ninyong mga katibayan ng pagsunod, pananampalataya, at pagtitiwala ni Nephi sa 1 Nephi 3?

  • Paano makatutulong ang mga katangiang ito sa isang tao na tinawag na magmisyon?

Anyayahan ang bawat estudyante na sumulat ng liham sa isang missionary, at tanungin ang missionary kung paano niya nagawa ang nakasaad sa 1 Nephi 3:7. Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang mga sagot na natanggap nila sa kanilang liham.

Paalala: Sa hulihan ng bawat lesson na naglalaman ng scripture mastery passage, makikita ninyo ang isang karagdagang aktibidad para tulungan ang mga estudyante na maunawaan at maisaulo ang scripture passage. Magagamit ninyo ang mga aktibidad na ito kahit kailan (para sa karagdagang impormasyon tingnan ang apendiks at ang Gospel Teaching and Learning handbook). Dahil sa nilalaman at haba ng lesson sa araw na ito, maaari mong gamitin ang aktibidad na ito sa ibang araw, kapag mas marami ang oras mo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

1 Nephi 4:10–12. Ang utos na patayin si Laban

Anong katwiran ang maibibigay para sa matwid na tao na katulad ni Nephi sa pagpatay sa isang tao? Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Panginoon ang nagtatakda ng pamantayan kung ano ang tama o mali:

“Sinabi ng Diyos, ‘Huwag kang papatay;’ sa isa pang pagkakataon ay sinabi Niya ‘Iyong lilipulin sila.’ Ito ang alituntunin kung saan ang pamahalaan ng langit ay pinangangasiwaan—sa pamamagitan ng paghahayag na iniaangkop sa mga kalagayan na kinaroroonan ng mga anak ng kaharian. Anuman ang iutos ng Diyos ay tama, kahit ano pa ito, bagama’t hindi natin nauunawaan ang dahilan nito hanggang sa matapos itong mangyari” (History of the Church, 5:135).

Upang mas maunawaan ang utos ng Panginoon na patayin si Laban, makatutulong na alalahanin ang sumusunod:

  1. Binigyan ng Panginoon si Laban ng dalawang pagkakataon na ibigay ang mga laminang tanso bago inutos na siya ay patayin. Si Laban ay sinungaling at magnanakaw, at nagtangkang pumatay nang dalawang beses. Sa ilalim ng batas ni Moises, ang pagnanakaw at tangkang pagpatay ay parehong may kaparusahang kamatayan (tingnan sa Exodo 21:14; 22:2; Deuteronomio 24:7).

  2. Nais ng Panginoon na magkaroon si Lehi at ang kanyang mga inapo ng mga banal na kasulatan na nasa mga laminang tanso, kahit “masawi ang isang tao” (1 Nephi 4:13) para maisakatuparan ito. Hindi lamang napagpala ng mga laminang tanso ang mga Nephita at mga Mulekita, nagbigay rin ang mga ito ng ilan sa mga nilalaman ng mga laminang ginto (tulad ng mga pahayag mula kay Isaias at mula sa talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo ni Zenos). Napagpala ng Aklat ni Mormon ang milyun-milyong tao at marami pa ang pagpapalain nito. Nanganib na mawala ang lahat ng ito kung hindi sinunod ni Nephi ang tinig ng Espiritu na patayin si Laban.

May mga taong nagkakamali sa pag-aakala na hinihikayat sila ng Espiritu na gawin ang isang bagay na salungat sa naunang inutos ng Panginoon. Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson ay naglalaman ng tatlong maiikling tanong na magagamit natin para hindi tayo malinlang at makatiyak na mula sa Panginoon ang mga espirituwal na pahiwatig:

“1. Ano ang nakasaad sa mga aklat ng mga banal na kasulatan tungkol dito? ‘Sa kautusan at sa patotoo: kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila,’ sabi ni Isaias. (Isa. 8:20.) …

“Dapat nating masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ang pinakamahalaga sa atin ay ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan. …

“2. Ang pangalawang gabay ay: ano ang sinasabi ng mga Pangulo ng Simbahan sa mga huling araw tungkol sa paksa—lalo na ng buhay na Pangulo? …

“May iisang tao lamang sa buong mundo ngayon na nagsasalita para sa Simbahan. (Tingnan sa D at T 132:7; 21:4.) Ang taong iyon ay [ang] Pangulo [ng Simbahan]. Dahil ibinibigay niya ngayon para sa atin ang salita ng Panginoon, ang kanyang mga salita ay higit na mahalaga kaysa sa mga salita ng mga patay na propeta. Kapag siya ay nagsasalita sa impluwensya ng Espiritu Santo ang kanyang mga salita ay mga banal na kasulatan. (Tingnan sa D at T 68:4.) …

“3. Ang pangatlo at huli ay ang Espiritu Santo—ang paggabay ng Espiritu. Sa pamamagitan ng Espiritu ‘… malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay.’ (Moroni 10:5.) Ang gabay na ito ay lubos na magiging epektibo kung ang nakikipagugnayan sa Diyos ay dalisay at banal at malinis mula sa kasalanan” (sa Conference Report, Okt. 1963, 16–17).