Library
Home-Study Lesson: 1 Nephi 15–19 (Unit 4)


Home-Study Lesson

1 Nephi 15–19 (Unit 4)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at mga alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 1 Nephi 15–19 (Unit 4) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (1 Nephi 15)

Magkaiba ng itinugon si Nephi at ang kanyang mga kapatid sa mga propesiya ni Lehi. Sa pag-aaral ng mga ginawa ni Nephi, natuklasan ng mga estudyante na kung magtatanong tayo sa Panginoon nang may pananampalataya at susundin ang Kanyang mga kautusan, magiging handa tayong tumanggap ng paghahayag at patnubay mula sa Kanya. Ipinaliwanag ni Nephi ang kahulugan ng gabay na bakal, ipinapakita na ang pag-aaral at pagsunod sa salita ng Diyos araw-araw ay nagpapalakas sa atin laban sa mga tukso ni Satanas.

Day 2 (1 Nephi 16)

Mula sa reaksyon at sinabi nina Laman at Lemuel sa mga itinuro ni Nephi, nakita ng mga estudyante na “ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan” (1 Nephi 16:2). Nang mabali ang busog ni Nephi, ipinakita niya na kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya at hihingin ang patnubay ng Panginoon, tutulungan tayo ng Panginoon sa ating mga problema at pagsubok. Sa pag-aaral kung paano ginabayan ng Liahona ang pamilya ni Lehi, nalaman ng mga estudyante na “sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay” (1 Nephi 16:29).

Day 3 (1 Nephi 17)

Isinalaysay ni Nephi ang paglalakbay ng kanyang pamilya sa ilang at ang pagdating sa lupaing Masagana. Nang siya ay utusang gumawa ng sasakyang-dagat, ipinakita niya na kung susundin natin ang mga kautusan, tayo ay palalakasin ng Panginoon at magbibigay Siya ng paraan upang magawa natin ang iniuutos Niya. Sinabihan ng Panginoon ang mga kapatid ni Nephi na magsisi sa pamamagitan ng ilang kaparaanan. Nalaman ng mga estudyante na karaniwang nangungusap ang Espiritu Santo sa marahan at banayad na tinig na mas nadarama natin kaysa naririnig. Inilista nila ang mga sitwasyon at lugar na hahadlang sa kanila na madama ang marahan at banayad na tinig.

Day 4 (1 Nephi 18–19)

Ang halimbawa ni Nephi sa paggawa ng sasakyang-dagat ay nagpakita sa mga estudyante na upang magawa ang iniuutos ng Panginoon, kailangan nating hingin ang Kanyang tulong at pagsikapang magawa ito. Natutuhan nila sa pag-aaral tungkol sa paglalayag ng pamilya ni Nephi patungong lupang pangako na ang kasalanan ay humahantong sa pagdurusa ng ating sarili at kung minsan ng ibang tao rin. Ang halimbawa ni Nephi noong siya ay pagmalupitan ng kanyang mga kapatid ay nagturo sa atin na makaaasa tayo sa Diyos at maaaring manatiling tapat sa panahong sinusubukan tayo. Makatutulong din sa atin ang pagdarasal para makadama tayo ng kapanatagan sa panahong tayo ay sinusubukan.

Pambungad

Sa linggong ito napag-aralan ng mga estudyante ang mahahalagang pangyayari sa paglalakbay ni Lehi at ng kanyang pamilya sa ilang at patawid sa karagatan patungo sa lupang pangako. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na marebyu ang mga pangyayaring iyon at matalakay at mapatotohanan ang mga alituntuning natutuhan nila. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nanatiling tapat si Nephi kahit mahirap ang sitwasyon. Hikayatin sila na tularan ang kanyang halimbawa ng pagsunod at pagtitiwala sa Panginoon sa panahong nahihirapan sila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 15–18

Ipinakita ni Nephi ang pagsunod at pagtitiwala sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok

Kung nakakuha ng mga sumusunod na larawan, ihandang idispley ang mga ito:

Upang matulungan ang mga estudyante na marebyu at maunawaan ang mga pangyayari sa napag-aralan nila sa linggong ito, idispley nang hindi sunud-sunod ang mga larawan at sabihin sa mga estudyante na pagsunud-sunurin ang mga ito. Sabihin sa kanila na kunwari ay editor sila ng pahayagan at kailangan nilang sumulat ng headline na may tatlo hanggang anim na salita para sa bawat larawan. Ipakita ang mga larawan ayon sa pagkakasunud-sunod nito, at sabihin sa klase na sabihin ang headline nila para sa larawang iyon. Maaari mong basahin nang malakas ang mga chapter summary ng 1 Nephi 15–18 para mabigyan sila ng ilang ideya.

Para maihanda ang mga estudyante na matalakay ang 1 Nephi 15, sabihin sa kanila na magkuwento tungkol sa isang aktibidad na sinalihan nila na kinakailangang pagsikapan nila bago nila matamasa ang mga resulta nito. Maaaring kabilang sa mga aktibidad na ito ang mga gawain sa paaralan, pagtugtog ng instrumento, o athletics.

Isulat sa pisara ang 1 Nephi 15:2–3, 7–11, at bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na mabasa ang mga talatang ito. Itanong sa kanila kung bakit hindi natanggap ng mga kapatid ni Nephi ang pag-unawang natanggap ni Nephi hinggil sa mga paghahayag ni Lehi.

Matapos pakinggan ang kanilang mga sagot, tulungan silang matukoy na ang pagtanggap ng inspirasyon mula sa Panginoon ay nangangailangan muna ng matwid na pamumuhay, pagsisikap, at pananampalataya natin. Maaari mong bigyang-diin ang alituntuning ito sa pagsulat nito sa pisara.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan at sagutin ang sumusunod na tanong: Anong mga pangyayari ang naranasan ninyo na nakatulong sa inyo na malaman na totoo ang alituntuning ito?

Isulat ang matatag sa pisara. Itanong sa mga estudyante kung ano ang ibig sabihin ng matatag. Pagkatapos nilang sumagot, isulat sa pisara: matibay at hindi natitinag sa mahihirap na sitwasyon o problema.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit tumutukoy ang salitang matatag kay Nephi, i-assign ang isa sa mga sumusunod na kabanata sa bawat isa sa mga estudyante: 1 Nephi 16, 17, o 18. Kung malaki ang iyong klase, makabubuting igrupu-grupo ang mga estudyante at bigyan ang bawat grupo ng kabanata na magkakasama nilang babasahin.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang naka-assign na kabanata sa kanila at ang kaugnay na materyal sa manwal ng estudyante upang sagutin ang mga tanong.

  • Anong mga pagsubok ang naranasan ni Nephi sa kabanatang binasa mo?

  • Paano ipinakita ni Nephi ang kanyang pananampalataya sa sitwasyong iyon? Aling mga talata o parirala ang nagpapatunay na matatag ang pananampalataya ni Nephi?

  • Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang makikita sa kabanatang ito? Ano ang mga pangyayaring naranasan mo na lalong nagpalakas sa iyong patotoo?

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para matapos ang aktibidad na ito. Pagkatapos ay hilingin sa isang estudyante na naka-assign sa bawat kabanata na ibahagi ang kanyang sagot. (Kung marami kang estudyante, maaari mong ipabahagi sa ibang estudyante ang sagot sa bawat tanong sa bawat kabanata.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bakit natin kailangan ang gayon katatag na pananampalataya? Dahil darating ang mga araw ng paghihirap. Bihirang maging madali o popular sa hinaharap ang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa atin ay susubukan. … Maaari kayong durugin ng pag-uusig na iyon hanggang sa manghina kayo o ganyakin kayong maging mas mabuting halimbawa at matapang sa araw-araw ninyong buhay.

Kung paano ninyo hinaharap ang mga pagsubok sa buhay ay bahagi ng paglago ng inyong pananampalataya. Lumalakas kayo kapag naaalala ninyo na kayo ay may likas na kabanalan, isang pamanang walang-hanggan ang kahalagahan” (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 35–36).

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga ideya kung paano nila haharapin ang mga hamon at pagsubok sa buhay tulad ng ginawa ni Nephi.

1 Nephi 19

Itinala ni Nephi ang mga propesiya tungkol kay Jesucristo upang hikayatin tayong alalahanin Siya

Kung may oras pa, sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang isinulat nila sa kanilang scripture study journal para sa day 4, assignment 5. Itanong kung sino sa kanila ang gustong magbahagi ng kanilang isinulat tungkol sa pagmamahal nila sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay ibahagi ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas.

Mahal ni Nephi ang Tagapagligtas at naaalala Siya sa kanyang mga pagsubok. Magpatotoo na kapag minamahal at inaalala natin ang Tagapagligtas, tutulungan at susuportahan Niya tayo sa ating mga pagsubok.

Susunod na Unit (1 Nephi 202 Nephi 3)

Sa susunod na unit, pag-aaralan ng mga estudyante ang ilan sa mga huling salita ni Lehi sa kanyang pamilya bago siya pumanaw. Mababasa rin nila ang isang propesiya na inihayag noon pa, bago pa man isilang si Cristo, tungkol kay Propetang Joseph Smith.