Library
Lesson 23: 2 Nephi 2 (Bahagi 1)


Lesson 23

2 Nephi 2 (Bahagi 1)

Pambungad

Ang 2 Nephi 2 ay naglalaman ng karugtong ng mga itinuro ni Lehi bago siya namatay. Pinatotohanan niya mismo sa kanyang anak na si Jacob ang kapangyarihan ng Panginoon na ilaan ang ating mga paghihirap para sa ating kapakinabangan. Nang kausapin niya ang lahat ng kanyang mga anak, itinuro niya ang Pagkahulog ni Adan—kung bakit ito kailangan at kung paano nito naapektuhan ang sangkatauhan—at ang pangangailangan natin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (Itinuro rin ni Lehi ang tungkol sa doktrina ng malayang pagpili. Ang doktrinang ito ay tatalakayin sa susunod na lesson.)

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 2:1–4

Sinabi ni Lehi kay Jacob ang tungkol sa mga pagsubok at pagpapala

Para maipaunawa sa mga estudyante na ang 2 Nephi 2 ay mahalaga sa kanilang buhay, pag-isipin sila ng isang taong kilala nila na naharap sa matitinding paghihirap o pagdurusa. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang sasabihin nila para mahikayat ang taong iyon. Sabihin sa kanila na maghandang ibahagi sa klase ang naisip nila.

Ipaliwanag na ang 2 Nephi 2 ay naglalaman ng ulat ng pakikipag-usap ni Lehi sa kanyang anak na nakaranas ng mga paghihirap. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 2:1. Sabihin sa kanila na tukuyin kung sinong anak ang tinuruan ni Lehi (si Jacob) at ano ang sanhi ng pagdurusa ng anak na ito (ang kalupitan ng kanyang mga kapatid). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 2:2–3. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salita at pariralang naglalarawan ng gagawin ng Panginoon para kay Jacob.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pariralang nakita nila. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod para matulungan silang maunawaan na ilalaan ng Panginoon ang ating mga paghihirap para sa ating kapakinabangan:

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng pariralang “ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan”? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng ilaan ay ialay o pabanalin.)

  • Kailan ninyo nakita na mailalaan ng Panginoon ang ating mga paghihirap para sa ating mga kapakinabangan?

2 Nephi 2:5–25

Itinuro ni Lehi sa kanyang mga anak ang tungkol sa Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ipaliwanag na itinuro ni Lehi kay Jacob at sa iba pa niyang mga anak ang tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva. Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “ang Pagkahulog” ay tumutukoy sa mga naging kalagayan nina Adan at Eva at ng kanilang mga inapo dahil pinili nina Adan at Eva na kainin ang ipinagbabawal na bunga sa Halamanan ng Eden.

  • Anong pagpili ang ipinagawa ng Panginoon kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden? (Hinayaan Niya silang pumili kung kakainin ba nila o hindi ang ipinagbabawal na bunga.)

  • Ayon sa 2 Nephi 2:15, bakit ibinigay sa kanila ng Panginoon ang karapatang ito na magpasiya o pumili? (“Upang maisagawa ang kanyang mga walang hanggang layunin sa kahihinatnan ng tao.” Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pariralang ito.)

  • Ano ang mga walang hanggang layunin sa atin ng Diyos? (Bigyan tayo ng oportunidad na matanggap ang buhay na walang hanggan at maging tulad Niya. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng pariralang “mga walang hanggang layunin.” Maaari mo ring ipabasa sa kanila ang Moises 1:39.)

Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara, at iwang blangko ang dalawang kahon sa ibaba. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na kopyahin ang chart na ito sa kanilang scripture study journal o class notebook.)

Kung Walang Pagkahulog

Dahil sa Pagkahulog

Lahat ng bagay ay nanatili sana tulad noong sila ay likhain (tingnan sa 2 Nephi 2:22).

Hindi sana nagkaroon ng mga anak sina Adan at Eva (tingnan sa 2 Nephi 2:23).

Sina Adan at Eva ay nanatili sana sa kalagayan ng kawalang-malay, hindi alam ang kaligayahan o kalungkutan, ang kabutihan o kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 2:23).

Sina Eva at Adan ay itinaboy palabas ng halamanan ng Eden upang magbungkal ng lupa (tingnan sa 2 Nephi 2:19).

Sina Eva at Adan ay nagkaroon ng mga anak—ang mag-anak ng buong mundo (tingnan sa 2 Nephi 2:20).

Mararanasan nina Adan at Eva at ng kanilang mga inapo ang buhay sa mundo, kabilang na ang kalungkutan, galak, at kakayahang gumawa ng mabuti at magkasala (tingnan sa 2 Nephi 2:23, 25).

Tayo ay daranas ng kamatayan ng katawan at espiritu (tingnan sa 2 Nephi 9:6; Helaman 14:16).

Hilingin sa isang estudyante na pumunta sa harapan para maging tagasulat ng klase. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 2:19–25, at alamin (1) ang mga maaaring nangyari kung hindi kinain nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga at (2) ang mga kinahinatnan ng Pagkahulog. Ipasulat sa tagasulat ang mga sagot ng mga estudyante sa chart. Maaaring kasama sa mga sagot ang mga nakalista sa itaas (maliban sa impormasyon tungkol sa kamatayan ng katawan at espiritu, na idaragdag mamaya).

Iparebyu sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa ilalim ng heading na “Kung Walang Pagkahulog.”

  • Paano makahahadlang kina Adan at Eva ang mga kalagayan sa Halamanan ng Eden sa pag-unlad sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit? (Tingnan sa 2 Nephi 2:22–23.)

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang listahan sa ilalim ng heading na “Dahil sa Pagkahulog.” Tiyakin na nauunawaan nila na dahil tayo ay mga inapo nina Adan at Eva, daranasin natin ang mga kalagayang dumating sa kanila matapos ang Pagkahulog (tingnan sa 2 Nephi 2:21).

  • Ang ibig sabihin ng pariralang “magbungkal ng lupa” ay matapos maitaboy sina Adan at Eva sa halamanan, kinailangan nilang magtrabaho para magkaroon ng pagkain. Sa palagay ninyo, bakit nakatutulong sa pag-unlad natin sa plano ng Ama sa Langit ang pagtatrabaho?

  • Paano makatutulong kina Adan at Eva ang pagkakaroon ng mga anak na maging mas katulad ng Ama sa Langit? Sa anong mga paraan mahalaga ang pamilya sa plano ng Ama sa Langit?

  • Paano nakatutulong sa atin na umunlad sa plano ng Ama sa Langit ang oportunidad na makaranas ng kagalakan at kalungkutan?

Matapos talakayin ang mga tanong na ito, bigyang-diin na mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ang Pagkahulog nina Adan at Eva.

Ipaliwanag na ang 2 Nephi 2:25 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong pamarkahan sa iyong mga estudyante. Dahil maikli ito, maaaring maglaan ka ng oras na tulungan ang mga estudyante na maisaulo ito.

Ipaliwanag na bagama’t binigyan tayo ng Pagkahulog ng pagkakataong umunlad, naging daan din ito para makaranas tayo ng sakit, dusa, kasalanan, at kamatayan sa mundo. Para matulungan ang mga estudyante na mapalawak ang pag-unawa nila sa katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 9:6. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Helaman 14:15–17. Sabihin sa klase na alamin ang mga epekto ng Pagkahulog na inilarawan sa mga talatang ito.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Pagkahulog? (Nagdulot ito ng pisikal na kamatayan, na kamatayan ng katawan, at espirituwal na kamatayan, na pagkahiwalay sa presensya ng Diyos. Isulat sa pisara ang Tayo ay daranas ng pisikal at espirituwal na kamatayan sa ilalim ng “Dahil sa Pagkahulog.”)

Para matulungan ang mga estudyante na maisip kung paano nila naranasan ang mga epekto ng Pagkahulog na nakalista sa pisara, hikayatin silang pag-isipan nang tahimik ang mga sumusunod na tanong. (Bagalan ang pagbasa ng mga tanong at huminto pagkatapos ng bawat tanong para magkaroon ng oras na makapag-isip ang mga estudyante.)

  • Ano ang ilang sanhi ng kalungkutan sa buhay na ito?

  • Bakit mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ang kamatayan?

  • Paano tayo natutulungang matuto at umunlad ng mga problema at kalungkutan?

Ipaliwanag na kapag naunawaan natin ang mga epekto sa atin ng Pagkahulog, nauunawaan natin na kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Tulad ng pag-ayaw ng tao sa pagkain kung hindi siya gutom, gayon din naman na hindi niya hahangaring maligtas kay Cristo hangga’t hindi niya alam kung bakit niya kailangan si Cristo.

“Walang sinuman ang malalaman nang sapat at wasto kung bakit kailangan niya si Cristo hangga’t hindi niya nauunawaan at tinatanggap ang doktrina ng Pagkahulog at ang epekto nito sa buong sangkatauhan. At walang ibang aklat sa mundo ang nagpapaliwanag ng mahalagang doktrinang ito nang buong linaw maliban sa Aklat Mormon” (“The Book of Mormon and the Doctrine and Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 85).

Matapos bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na pag-isipan at talakayin ang mga tanong na ito, magdispley ng larawan ng Tagapagligtas. Ibahagi ang iyong patotoo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tinubos tayo ni Jesucristo mula sa mga epekto ng Pagkahulog at handang tubusin tayo mula sa ating mga kasalanan.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 2:5–10, 21 at Alma 7:11–13. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga parirala sa mga talatang ito na nagpapakita ng ginawa ng Tagapagligtas para matubos tayo mula sa mga epekto ng Pagkahulog at mula sa ating mga kasalanan. (Kaugnay ng talata 9, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga pariralang “mamamagitan” ay magsumamo para sa ibang tao o lumugar sa katayuan ng isang tao.) Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pariralang ito, itanong:

  • Aling mga parirala sa mga talatang ito ang nagpapakita na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tutubusin tayo ng Tagapagligtas mula sa pisikal na kamatayan?

  • Aling mga parirala ang nagsasaad na tutubusin tayo ng Tagapagligtas mula sa espirituwal na kamatayan (pagkahiwalay mula sa presensya ng Diyos)?

  • Aling mga parirala ang nagsasaad na matutubos tayo ng Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan?

  • Aling mga parirala ang nagsasaad na matutulungan tayo ng Tagapagligtas sa mga oras ng pagsubok na tulad ng karamdaman at sakit?

Ayon sa 2 Nephi 2:7–9, 21, ano ang dapat nating gawin para matanggap ang lahat ng pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala? (Kaugnay ng talata 7, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang taong may “bagbag na puso at nagsisising espiritu” ay mapagkumbaba at handang gawin ang kagustuhan ng Diyos. Nadarama ng taong iyon ang matinding lungkot para sa kasalanan at tapat na naghahangad na magsisi.)

Matapos talakayin ang mga tanong na ito, sabihin sa mga estudyante na pag-aralang mabuti nang tahimik ang mga na-assign na talata sa kanila, at alamin ang mga pariralang talagang makabuluhan sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at ibahagi sa isa’t isa ang mga pariralang pinili nila. Ipabahagi sa kanila kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga pariralang ito.

Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibuod sa klase ang dahilan kung bakit mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ang Pagkahulog. Pagkatapos ay pagbahagiin sila ng kanilang mga nadarama kung paano tayo matutubos ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa Pagkahulog.

scripture mastery iconScripture Mastery—2 Nephi 2:25

Paalala: Maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad para tulungan ang mga estudyante na gamitin ang 2 Nephi 2:25 kapag itinuturo nila ang ebanghelyo. Dahil sa nilalaman at haba ng lesson ngayon, maaari mong gamitin ang aktibidad na ito sa ibang araw, kapag mas marami ang oras ninyo.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda ng lesson tungkol sa doktrina ng Pagkahulog, gamit ang 2 Nephi 2:25. Maaari nilang ituro ang lesson na ito sa family home evening o sa ibang pagkakataon. Itanong sa mga estudyante kung gusto ba nilang magbahagi ng mga karanasan pagkatapos nilang magturo. Tulutan ang mga estudyante na magsimulang maghanda sa oras ng klase, kung may oras pa.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 2:15. Ang ipinagbabawal na bunga

Iginalang ng Panginoon ang kalayaang pumili nina Adan at Eva matapos ituro sa kanila ang mangyayari kapag kinain nila ang ipinagbabawal na bunga. Sinabi ng Diyos, “Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili” (Moises 3:17). Tinulungan tayo ni Pangulong Joseph Fielding Smith na maunawaan ang mga tagubilin ng Panginoon kina Adan at Eva tungkol sa ipinagbabawal na bunga:

“Ang dahilan kung bakit pinagbawalan ng Panginoon si Adan na kainin ang bunga ng punungkahoy na iyon ay hindi malinaw na naisalaysay sa Biblia [tingnan sa Genesis 2:17], ngunit sa orihinal na ulat na ibinigay sa atin sa Aklat ni Moises [tingnan sa Moises 3:17] ito ay tunay na malinaw. Ito ang pagsabi ng Panginoon kay Adan na kung nais niyang manatili sa kalagayan niya sa halamanan, kung gayon hindi niya dapat kainin ang bunga, ngunit kung gusto niyang kainin ito at makaranas ng kamatayan, malaya siyang gawin ito” (Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 4:81).

2 Nephi 2:14, 25–26. Ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pinakamahahalagang pangyayari na naganap o magaganap sa buong kawalang-hanggan … ay ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala.

“Bago natin maunawaan ang mga temporal na paglikha ng lahat ng bagay, dapat nating malaman kung paano at sa anong paraan ang tatlong walang-hanggang katotohanan—ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-Sala—ay di mapaghihiwalay at magkakasamang bumubuo ng plano ng kaligtasan. Wala ni isa man sa mga ito ang makapag-iisa; bawat isa sa kanila ay kaugnay ng dalawa; at kung hindi natin alam ang lahat ng ito, hindi posible na malaman ang katotohanan tungkol sa anuman sa mga ito. …

“…Tandaan, ang Pagbabayad-sala ay naganap dahil sa Pagkahulog. Si Cristo ang naging pantubos sa paglabag ni Adan. Kung hindi nagkaroon ng Pagkahulog, walang Pagbabayad-sala pati na ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan na kaakibat nito. Kaya, tulad ng walang alinlangang darating ang kaligtasan dahil sa Pagbabayad-sala, gayon din ang kaligtasan ay darating dahil sa Pagkahulog” (“Christ and the Creation,” Ensign, Hunyo 1982, 9).

2 Nephi 2:24. “Sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay”

Itinuro ni Pangulong Brigham Young na ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit:

“Tahasan bang sinalungat [nina Adan at Eva] ang Diyos at ang kanyang pamahalaan? Hindi. Subalit nilabag nila ang isang utos ng Panginoon, at dahil sa paglabag na iyan nagkaroon ng kasalanan sa daigdig. Alam ng Panginoon na gagawin nila ito, at layunin niya na dapat nilang gawin iyon” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 103).