Lesson 26
2 Nephi 4
Pambungad
Pagkamatay ni Lehi, nagalit sina Laman at Lemuel kay Nephi “dahil sa mga babala ng Panginoon” na sinabi ni Nephi sa kanila (tingnan sa 2 Nephi 4:13–14). Dahil naligalig sa pag-uugali at mga ginagawa ng kanyang mga kapatid at sa kanyang sariling mga kahinaan at mga kasalanan, itinala ni Nephi ang kanyang naramdaman sa makahulugan at matalinghagang pananalita. Inilarawan niya ang kanyang pagmamahal sa mga banal na kasulatan at ang kanyang pasasalamat sa mga pagpapala at lakas na natanggap niya mula sa Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 4:15–35).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 4:1–11
Pinayuhan at binasbasan ni Lehi ang kanyang pamilya
Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara:
Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang tanong na nasa pisara. Matapos sumagot ang mga estudyante, itanong:
-
Ano ang mga responsibilidad ng mga magulang at lolo’t lola sa pagtuturo at pagpapayo sa kanilang mga anak at apo?
Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong basahin o ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ama at ina—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito. … Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129).
Simulan ang 2 Nephi 4 sa pagpapaliwanag na bago mamatay si Lehi, pinayuhan niya ang kanyang mga inapo na sundin ang mga kautusan. Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Nephi 4:3–11, at ipatukoy ang mga taong tinuruan ni Lehi at ang payong ibinigay niya sa kanila.
-
Sino ang tinuruan ni Lehi? (Tingnan sa 2 Nephi 4:3, 8, 10–11.)
-
Ano ang ipinangako ni Lehi sa mga anak nina Laman at Lemuel? (Tingnan sa 2 Nephi 4:7, 9.)
-
Batay sa 2 Nephi 4:5, ano ang masasabi ninyo na responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa mga magulang? (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante sa pagsagot ng tanong na ito, ngunit tiyakin na nauunawaan nila na ang mga magulang ay may responsibilidad na bigay ng Diyos na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo.)
-
Ano ang ilang katotohanan na natutuhan ninyo sa inyong mga magulang o lolo’t lola?
Hikayatin ang mga estudyante na maging matitibay na kawing sa tanikala ng kanilang mga pamilya—na ipamuhay ang ebanghelyo at maghanda na maging mabubuting magulang. Maaari mong idispley ang poster na may pamagat na “Be a Strong Link” (tingnan sa http://lds.org/liahona/2003/09/poster).
2 Nephi 4:12–35
Tinanggap ni Nephi na may mga kahinaan siya at nagpahayag ng tiwala sa Panginoon
Isulat sa pisara ang Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa …
Ipasulat sa mga estudyante ang pariralang ito sa kanilang scripture study journal o class notebook at ipakumpleto ang pahayag, inililista ang mga bagay na nakapagpapalugod sa kanilang kaluluwa.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 4:15–16 para malaman kung paano kinumpleto ni Nephi ang pariralang ito.
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin kung nalulugod ang ating mga kaluluwa sa mga banal na kasulatan?
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng malugod sa mga bagay ng Panginoon?
-
Sinabi ni Nephi na pinagbubulay ng kanyang puso ang mga bagay na kanyang nakita at narinig. Ano ang ibig sabihin nito sa inyo?
Ipaliwanag na nakadama si Nephi ng malaking kagalakan sa kanyang buhay. Gayunman, nakaranas din siya ng mga paghihirap. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 4:12–13 para makita ang ilang pagsubok na naranasan ni Nephi sa panahong ito ng kanyang buhay. (Ang kamatayan ni Lehi at ang galit nina Laman, Lemuel, at ang mga anak na lalaki ni Ismael.)
Marami sa mga pagsubok ni Nephi ay bunga ng mga ginawa at pag-uugali ng kanyang mga nakatatandang kapatid. Ngunit nakadama rin ng kalungkutan si Nephi dahil sa kanyang sariling mga kahinaan. Isulat sa pisara ang pariralang Ang aking puso ay nalulungkot dahil …
Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Nephi 4:17–18 at ipahanap ang mga dahilan kung bakit nalulungkot si Nephi.
Kapag nabasa na nang sapat ng mga estudyante ang mga talatang ito, itanong kung ano ang nahanap nila. Ituon ang kanilang pansin sa mga salitang kahabag-habag, laman, at bumibihag sa mga talatang ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang kahabag-habag ay malungkot o mababa ang pagkatao. Sa mga banal na kasulatan, ang salitang laman ay kadalasang tumutukoy sa kahinaang taglay natin dahil sa nahulog na kalagayan. Ang ibig sabihin ng salitang bumibihag ay palibutan o siksikin sa lahat ng dako.
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga paghihirap na bumibihag sa atin? (Maaaring kasama sa sagot ang problema sa bahay, impluwensya ng mga kaibigan, mahirap na assignment sa eskwela, at mga tukso.)
Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 4:19. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pahayag na “Gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala.” Ipaliwanag na sa 2 Nephi 4:19, ang mga sinabi ni Nephi na dating mga salita ng kalungkutan ay naging mga salita ng pag-asa.
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ni Nephi nang sabihin niyang, “alam ko kung kanino ako nagtiwala”?
-
Paano nakatulong sa inyo ang pag-alaala sa Panginoon at sa Kanyang kabutihan sa mga oras na pinanghihinaan kayo ng loob?
Basahin nang malakas ang 2 Nephi 4:20–25. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga salita at mga parirala na nagsasaad na tinutulungan ng Diyos ang mga nagtitiwala sa Kanya.
-
Alin sa mga salita o parirala sa 2 Nephi 4:20–25 ang nakita ninyo na makabuluhan? Bakit?
-
Isipin ang isang pagkakataon na sinuportahan o tinulungan kayo ng Panginoon sa oras ng paghihirap. Paano Niya kayo tinulungan? Paano nakaimpluwensya sa inyo ang karanasang ito?
Makatutulong na bigyan ng oras ang mga estudyante na makapag-isip ng mga ganoong karanasan at isulat ito sa kanilang scripture study journal. Makatutulong din sa mga estudyante kung magkukuwento ka ng pangyayaring sinuportahan o tinulungan ka ng Diyos.
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang kakayahan ni Nephi na maalaala at mapahalagahan kung ano ang nagawa ng Panginoon para sa kanya noon ay nagbigay sa kanya ng pag-asa at naghikayat sa kanya na maging mas mabuti. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 4:26–30, at alamin kung paano naapektuhan ng mga karanasan ni Nephi ang kanyang hangaring maging mabuti. Ipabahagi sa ilang estudyante ang nalaman nila.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 4:30–35. Bilang isang klase, tukuyin ang mga pangakong ginawa ni Nephi sa Panginoon at ang mga pagpapalang hiniling niya.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa panalanging ito na makatutulong sa ating personal na panalangin? (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante sa pagsagot ng tanong na ito, ngunit tiyakin na nauunawaan nila na ang taimtim na panalangin ay makapagpapatibay ng ating pangako na huwag magkasala at panghinaan ng loob.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na tinulungan sila ng panalangin na huwag magkasala at panghinaan ng loob. Maaari mong imungkahi na ibahagi nila ang kanilang mga karanasan o isulat ang mga ito sa kanilang scripture study journal.
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na hanapin ang isang scripture passage sa 2 Nephi 4 na nagpapakita ng isang hangarin nila. Pagkatapos ng sapat na oras, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kung paano makapagpapalakas ng espirituwalidad ang panalangin:
“Maaaring may mga bagay sa ating pagkatao, ugali, o tungkol sa ating espirituwal na pag-unlad na kailangan nating isangguni sa Ama sa Langit sa panalangin sa umaga. Matapos angkop na magpasalamat para sa mga pagpapalang natanggap, humihingi tayo ng pang-unawa, patnubay, at tulong na magawa ang mga bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa sa sarili nating lakas. Halimbawa, sa ating pagdarasal, maaari nating:
“• Alalahanin ang mga pagkakataong iyon na nakapagsalita tayo nang masakit o hindi tama sa mga taong mahal na mahal natin.
“• Unawain na higit pa rito ang alam natin, pero hindi tayo laging kumikilos alinsunod sa ating nalalaman.
“• Pagsisihan ang ating mga kahinaan at hindi paghubad sa likas nating pagkatao nang lalong masigasig.
“• Ipasiyang itulad nang lubusan ang ating buhay sa Tagapagligtas.
“• Isamo na bigyan tayo ng higit na lakas na magpakabait at magpakabuti” (“Laging Manalangin,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 41).
Tapusin ang lesson na tinutukoy ang mga pariralang isinulat mo kanina sa pisara (“Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa …” at “Ang aking puso ay nalulungkot dahil …”). Ipahayag ang iyong tiwala na kahit nakararanas tayo ng mahihirap na sitwasyon, makadarama tayo ng kaligayahan at kapayapaan kapag hiningi natin ang tulong ng Panginoon.