Lesson 27
2 Nephi 5
Pambungad
Matapos marinig ang babala ng Panginoon, si Nephi at ang mga taong pumanig sa kanya ay humiwalay kina Laman, Lemuel, at sa mga anak na lalaki ni Ismael. Sila ay namuhay nang mabuti at maligaya, samantalang ang mga pumanig kina Laman at Lemuel ay espirituwal na inihiwalay ang kanilang sarili sa Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 5:1–8
Inihiwalay ng Panginoon ang mga tagasunod ni Nephi mula sa mga tagasunod nina Laman at Lemuel
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mahihirap na problema at desisyong naranasan nila. Hikayatin silang isaisip ang mga pagsubok na ito habang pinag-aaralan nila kung paano tumugon si Nephi sa mga pagsubok. Ipaalala sa kanila na nang mamatay si Lehi, si Nephi ang naging espirituwal na lider ng pamilya. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 5:1–4 para malaman ang pagsubok na dinanas ni Nephi.
-
Ayon sa 2 Nephi 5:1, ano ang ginawa ni Nephi para malaman ang solusyon sa problema niya?
-
Kahit matapos ipanalangin ni Nephi na tulungan siya, ano pa rin ang hinangad gawin nina Laman at Lemuel?
Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag sa kanila na ang ating mga panalangin ay hindi laging nasasagot kaagad o sa paraang nais natin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 5:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ng Panginoon para tulungan si Nephi at ang kanyang mga tagasunod.
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga natutuhan nila mula sa 2 Nephi 5:1–8. Ang isang katotohanang maaari mong bigyang-diin ay ginagabayan ng Panginoon ang matatapat na nananalangin sa Kanya. Kaugnay ng mga talatang ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit mahalagang manatiling tapat kahit hindi laging nasasagot ang ating mga panalangin kaagad o sa paraang nais natin?
-
Sa anong mga paraan tayo binibigyan ng mga babala ng Panginoon?
Habang sinasagot ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi tayo maliligaw kung hindi natin binalewala ang babala sa una pa lang” (sinipi sa Kenneth Johnson, “Yielding to the Enticings of the Holy Spirit,” Ensign, Nob. 2002, 90).
-
Sa anong mga paraan natin matutularan ang halimbawa ni Nephi kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok?
Bilang bahagi ng pagtalakay ng mga estudyante ng 2 Nephi 5:1–8, bigyang-diin na ang paghiwalay ng mga Nephita mula sa mga Lamanita ay dahil sa pagkamuhi nina Laman at Lemuel kay Nephi. Ang paghihiwalay na ito ay nagpatuloy sa paglipas ng daan-daang taon, at sa panahong ito ay itinuro ng mga inapo nina Laman at Lemuel sa kanilang mga anak na mapoot sa mga inapo ni Nephi (tingnan sa Mosias 10:12–17).
2 Nephi 5:9–18, 26–27
Ang mga Nephita ay namuhay nang maligaya
Basahin ninyo ng buong klase ang 2 Nephi 5:27 nang malakas. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang talatang ito. Isulat sa pisara ang salitang maligaya.
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng namuhay “nang maligaya”?
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu:
“May ilang di-nababagong alituntunin at katotohanan ang naghahatid ng kaligayahan sa buhay natin. Ang paksang ito ay nakapukaw sa akin sa loob ng maraming taon dahil kahit marami akong pagpapala at may dahilan para maging masaya, paminsan-minsan ay nahihirapan ako at hindi laging madali at likas sa akin ang maging masayahin na tila nadarama ng ibang tao.
“Sa dahilang iyan, isang talata sa Aklat ni Mormon ang nakakuha ng pansin ko ilang taon na ang nakararaan. … Nakapagtatag si Nephi ng isang lipunan na nakasalig sa mga katotohanan ng ebanghelyo; at patungkol sa lipunang iyan sinabi niya, ‘At Ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya’ (2 Ne. 5:27). Tumimo sa puso ko ang scripture passage na ito. … Inisip ko … ano kaya ang mga sangkap ng tunay na maligayang lipunan at buhay, at sinimulan kong saliksikin ang mga isinulat ni Nephi para sa mga palatandaan. Inaanyayahan ko kayo na gumawa rin ng sarili ninyong pagsasaliksik. Maaaring ito ay maging panghabangbuhay at makabuluhang adhikain. …
“… Ang gayon ding paraan at sangkap ng araw-araw na pamumuhay na naging dahilan para maging maligaya si Nephi at ang kanyang mga tao 560 taon bago isilang si Cristo ay angkop pa rin ngayon” (“Living after the Manner of Happiness,” Ensign, Dis. 2002, 56, 61).
Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang paanyaya ni Elder Jensen. Ipabasa sa kanila nang tahimik ang 2 Nephi 5:6, 10–18, 26–27, at alamin ang “mga sangkap ng tunay na maligayang lipunan at buhay.” Maaari mong sabihin na markahan nila ang mga alituntunin na nakaragdag sa kaligayahan ng mga Nephita. Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga nalaman. (Maaaring kasama sa sagot na kasama ni Nephi at ng kanyang mga tagasunod ang kanilang mga pamilya sa kanilang paglisan [tingnan sa talata 6]; sinunod ang Panginoon [tingnan sa talata 10]; nagsikap na itaguyod ang kanilang sarili [tingnan sa talata 11, 15–17]; dinala ang mga banal na kasulatan [tingnan sa talata 12]; nagtayo ng templo [tingnan sa talata 16]; at sinunod ang mabubuting lider [tingnan sa mga talata 18, 26].)
Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa o mahigit pang mga alituntunin sa pisara at ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang mga alituntuning ito na “mamuhay nang maligaya.”
Depende sa mga binigyang-diin ng mga estudyante, maaari kang magdagdag ng iba pang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
-
Ayon sa 2 Nephi 5:10–11, 16, anong mga pagpapala ang natanggap ng mga tao dahil sinunod nila ang mga kautusan ng Panginoon? Kailan ninyo nadama na kasama ninyo ang Panginoon? Paano nakadaragdag sa kaligayahan ninyo ang impluwensya ng Panginoon sa inyong buhay?
-
Paano nakatulong ang templo para “mamuhay nang maligaya” ang mga tao”? Paano nagdulot ng mas malaking kaligayahan sa inyo ang templo o sa kakilala ninyo?
-
Paano nakadaragdag sa kaligayahan ang masigasig na paggawa?
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila tungkol sa paraan kung paano sila mas liligaya. Iba-iba man ang ibahaging mga alituntunin ng iyong mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, mas liligaya tayo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.
Sabihin sa mga estudyante na suriin ang buhay nila at alamin ang gagawin nila upang mas ganap silang mamuhay “nang maligaya.” Hikayatin sila na isulat ang gagawin nila sa kanilang mga scripture study journal o class notebook. Ibahagi ang iyong patoto tungkol sa mga alituntunin at pamamaraan na nagdulot ng kaligayahan sa iyong buhay.
2 Nephi 5:19–25
Ang mga Lamanita ay isinumpa dahil sa kanilang pagsuway
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 5:19–24, at alamin ang mga pagkakaiba ng pamumuhay ng mga Lamanita at ng pamumuhay ng mga Nephita.
-
Ayon sa 2 Nephi 5:20, ano ang kinahinatnan ng pagsuway ng mga Lamanita?
-
Paano nakatutulong sa inyo ang 2 Nephi 5:21 para maunawaan kung bakit inihiwalay ang mga Lamanita sa Panginoon? (Maaari mong ipaliwanag na ang kiskisan ay isang matigas na bato. Sa pagsasabi na ang mga Lamanita ay “natulad … sa batong kiskisan, binigyang-diin ni Nephi ang katigasan ng mga puso ng mga Lamanita.)
-
Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa mga Nephita na mag-aasawa ng mga Lamanita na hindi tumanggap ng ebanghelyo? (Tingnan sa 2 Nephi 5:23.)
-
Bakit mahalagang iwasan ang pakikipagdeyt at pag-aasawa ng mga taong hindi nakikinig sa Panginoon? Sa palagay ninyo paano maiimpluwensiyahan ng mga taong idinedeyt at pakakasalan ninyo kalaunan ang pagsisikap ninyong ipamuhay ang ebanghelyo? (Makatutulong na ipaalala sa mga kabataan na ipinayo ng Unang Panguluhan, “Makipagdeyt lamang sa may matataas na pamantayan at makatutulong sa inyo na mapanatili ang inyong mga pamantayan” [Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 4].)
-
Ano ang ilang alituntunin na matututuhan natin mula sa 2 Nephi 5:20–24? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng mga alituntunin, tiyakin na nauunawaan nila na kapag pinatigas ng mga tao ang kanilang puso laban sa Panginoon, inihihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa Kanya.)
Bigyang-diin na ang 2 Nephi 5 ay naglalahad ng malaking pagkakaiba ng mga Nephita at mga Lamanita. Maaari nating piliin kung aling halimbawa ang tutularan natin. Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang ipinasya nilang gawin upang ganap na mamuhay “nang maligaya.” Sabihin sa kanila na naniniwala kang matutularan nila ang halimbawa ng mga Nephita at tunay na magiging maligaya.