Lesson 28
2 Nephi 6–8
Pambungad
Sa pagtatala ni Nephi ng paglilingkod ng kanyang mga tao, isinama niya ang dalawang-araw na sermon ng kanyang nakababatang kapatid na si Jacob. Ang sermon na ito ay matatagpuan sa 2 Nephi 6–10, at ito ang una sa tatlong lesson tungkol dito. Sa simula ng sermon, binasa ni Jacob ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagkalat at pagtipon ng Israel na nagpapakita na “tutuparin ng Panginoong Diyos ang kanyang mga tipan na kanyang ginawa sa kanyang mga anak” (2 Nephi 6:12).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 6
Nagpatotoo si Jacob na hindi kalilimutan ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao
Upang matulungan ang mga estudyante na makita na naaakma ang mga turo ni Jacob sa kanilang buhay, sabihin sa kanila na isipin kung ano ang gagawin nila kapag isa sa mga kaibigan o kapamilya nila ay masama ang trato sa kanila, ayaw maniwala sa sinabi nila, o ipinakita sa kilos o pag-uugali nila na hindi na mahalaga sa kanila ang kaugnayan nila sa isa’t isa.
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Nagpamalas ka na ba ng ganitong kilos o pag-uugali sa Panginoon?
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 6–8, makikita natin kung paano tinutugon ng Panginoon ang mga taong tumatalikod sa Kanya. Ang mga kabanatang ito ay naglalaman ng itinala ni Nephi na bahagi ng sermon ng kanyang kapatid na si Jacob. Ang natitirang bahagi ng sermon ni Jacob ay nakatala sa 2 Nephi 9–10. Ang mga kabanatang ito ay tatalakayin sa susunod na dalawang lesson.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 6:3–4 at 9:1, 3. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit nagbigay ng sermon si Jacob.
Hilingin sa isang estudyante na siya ang maging tagasulat. Sabihin sa kanya na isulat ang heading na Mga Layunin ng Sermon ni Jacob sa pisara. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila sa mga talatang kababasa pa lang. Ipasulat sa tagasulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng heading. Tulungan ang mga estudyante na makita na tinuruan ni Jacob ang kanyang mga tao para sa “kapakanan ng [kanilang] mga kaluluwa” (2 Nephi 6:3). Gusto Niyang tulungan sila na “papurihan ang pangalan ng [kanilang] Diyos” (2 Nephi 6:4), “malaman ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon” (2 Nephi 9:1), at “magsaya, at itaas ang [kanilang] mga ulo magpakailanman” (2 Nephi 9:3). Tiyakin na ang mga layuning ito ay kasama sa isinulat ng mga estudyante. Imungkahi na habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang sermon ni Jacob, ay alamin nila ang mga turo na makatutulong na maisakatuparan ang mga layuning ito.
Isulat sa pisara ang sumusunod na time line. (Maaari mong isulat ito bago magsimula ang klase.) Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 6:4. Ipaliwanag na sinimulan ni Jacob ang kanyang sermon sa pagsasabi na tatalakayin niya ang mga kalagayang umiral noong kanyang panahon at mangyayari sa hinaharap (“mga bagay na nangyayari, at yaong mga mangyayari”).
Ituro ang number 1 sa time line.
-
Sa 2 Nephi 6:8, ano ang sinabi ni Jacob na nangyari sa mga Judio sa Jerusalem dahil tumalikod sila sa Panginoon? (Ang ilan ay pinatay, at ang ilan ay dinalang bihag. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sina Lehi, Jeremias at iba pang mga propeta ay nagpropesiya na mangyayari ang mga bagay na ito. Ang kanilang mga propesiya ay natupad noong mga 587 B.C., nang sakupin ng Babilonia ang Jerusalem at dinalang bihag ang maraming Judio sa Babilonia. Tingnan ang “Cronolohiya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa petsa nito at iba pa.)
Ituro ang number 2.
-
Ayon sa unang pangungusap ng 2 Nephi 6:9, ano ang mangyayari kalaunan sa mga inapo ng mga Judio na dinalang bihag sa Babilonia? (Sila ay babalik sa Jerusalem. Natupad ang propesiyang ito noong mga 537 B.C., nang pahintulutan ni Haring Ciro ang mga Judio na bumalik sa kanilang lupang sinilangan.)
Ituro ang number 3, at ipaliwanag na ipinropesiya ni Jacob na mamumuhay sa mundo ang Tagapagligtas na kasama ang mga Judio.
-
Sa 2 Nephi 6:9–10, alin sa mga parirala ang naglalarawan ng gagawin at mararamdaman ng ilang Judio sa Tagapagligtas sa panahon ng Kanyang ministeryo sa mundo? (Maaaring kasama sa sagot ang “pahihirapan siya,” at “ipapako sa krus,” at “pa[ti]tigasin ang kanilang mga puso at pa[ti]tigasin ang kanilang mga leeg laban sa” Kanya.)
-
Ayon sa 2 Nephi 6:10–11, ano ang mangyayari sa mga Judio na hindi tatanggap sa Mesiyas? (Sila ay pahihirapan sa laman, ikakalat, parurusahan, at kapopootan.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 6:6–7, 11–12, 14, 17. Maaari mo ring ipaliwanag na sa mga talata 6-7, binasa ni Jacob ang isang propesiya ni Isaias tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo at pagtitipon ng sambahayan ni Israel. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang itutugon o gagawin ng Panginoon sa sambahayan ni Israel, ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon, kahit na hindi nila Siya tinanggap. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pariralang natukoy nila. Tulungan sila na maunawaan ang kahulugan ng ilan sa mga pariralang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:
-
Sa 2 Nephi 6:7, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[maghintay]” sa Panginoon?
-
Ipinangako ni Jacob na “ang Panginoon ay magiging maawain” sa Israel, (2 Nephi 6:11). Sa anong mga paraan nauugnay sa awa ng Panginoon ang ilan sa mga pariralang natukoy ninyo?
-
Ipinangako rin ni Jacob na “ba[ba]wiin” ng Panginoon ang Israel (2 Nephi 6:14). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng babawiin ng Tagapagligtas ang isang tao?
-
Ayon sa 2 Nephi 6:11–12, 14, ano ang dapat nating gawin para matanggap ang awa ng Panginoon?
Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga nalalaman, tiyaking nauunawaan nila na maawain ang Panginoon sa lahat ng magbabalik sa Kanya.
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 6, sinabi ni Jacob na maawain ang Panginoon sa Kanyang mga pinagtipanang tao kahit na naging napakasama nila. Tiyakin sa mga estudyante na kung ang Panginoon ay magiging maawain sa mga taong ito, Siya ay tiyak na magiging maawain sa bawat isa atin kapag tayo ay lumapit sa Kanya at tinupad ang ating mga tipan sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan na naging maawain sa kanila ang Panginoon. Sabihin sa kanila na isulat ang sumusunod na parirala sa kanilang scripture study journal o class notebook: Alam kong maawain ang Panginoon dahil. … Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat ang kanilang mga naiisip at nadarama para kumpletuhin ang pahayag. Pagkatapos silang makapagsulat, maaari mong anyayahang magbahagi ang ilan ng kanilang isinulat.
2 Nephi 7–8
Ibinahagi ni Jacob ang propesiya ni Isaias tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tubusin ang Kanyang mga pinagtipanang tao
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 7 at 8, binasa ni Jacob ang isang propesiya mula sa mga isinulat ni Isaias. Ang kabanata 7 ay naglalaman ng salita ng Panginoon sa mga miyembro ng sambahayan ni Israel na nakakalat at nasa pagkabihag dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 7:1. Maaari mo ring sabihin sa klase na markahan ang mga itinanong ng Panginoon.
Para maipaunawa sa mga estudyante ang mga tanong sa talata 1, ipaliwanag na ang mga pariralang “isinantabi ba kita,” “ang sulat ng paghihiwalay sa iyong ina,” at ang “ipinagbili [kita]” ay tumutukoy sa paglabag o pagsira sa tipan. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga tanong ng Panginoon ay maaaring sabihin nang ganito: “Tinalikuran ba kita? Binalewala ko ba ang tipang ginawa natin?”
-
Ano ang sagot sa mga tanong na ito? (Ang sagot ay hindi. Hindi tayo kailanman tatalikuran ng Panginoon o kalilimutan ang mga tipang ginawa Niya.)
-
Ayon sa katapusan ng 2 Nephi 7:1, bakit inihiwalay sa Panginoon ang mga taong ito at nagdusa sa pagkabihag? (Dahil sila ay nagkasala at tumalikod sa Panginoon.)
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 7:2, may isa pang itinanong ang Panginoon na makatutulong sa atin na makita na nais Niya tayong tulungan at may kapangyarihan Siyang gawin ito. Sabihin sa mga estudyante na hanapin at salungguhitan ang tanong. (“Naging maiksi na ba ang aking kamay na hindi makatubos, o wala ba akong kapangyarihang makapagligtas?”)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang tanong na ito, itanong sa kanila kung paano nila babaguhin nang kaunti ang tanong gamit ang sarili nilang mga salita. (Kung nahihirapan silang intindihin ang mga katagang “naging maiksi na ba ang aking kamay,” sabihin sa isang estudyante na iabot ang kanyang kamay sa isang estudyante na parang nag-aalok ng tulong. Pagkatapos, sabihin sa unang estudyante na “paiksiin” ang kanyang kamay, na parang ayaw tumulong o nag-aalangang tumulong.) Maaaring baguhin nang kaunti ng mga estudyante ang tanong ng Panginoon sa pagsasabi ng ganito: “Nag-aalangan ba ako o ayokong tulungan ka para iligtas? Naniniwala ka ba na may kapangyarihan akong iligtas ka?”
Sabihin sa mga estudyante na bilang sagot sa tanong na ito, ang natitirang bahagi ng 2 Nephi 7 at 8 ay naglalaman ng ilang halimbawa na nagpapakita ng hangarin ng Tagapagligtas na tubusin ang Kanyang mga pinagtipanang tao at mga halimbawa na nagpapakita na may kapangyarihan Siyang gawin ito.
Para matulungan ang mga estudyante na makita ang mga katibayan na hangad ng Tagapagligtas na tubusin ang Kanyang mga pinagtipanang tao at may kapangyarihan Siyang gawin iyon, hatiin ang anim na scripture passage mula sa 2 Nephi 8 sa mga grupo ng mga estudyante: mga talata 1–3, 4–6, 7–8, 10–11, 12–13, at 14–16. (Kung mayroon kang 12 o mahigit pa na mga estudyante sa klase mo, mag-assign ng mga talata sa magkakapartner o iba pang maliliit na grupo. Kung wala pang 12 ang mga estudyante mo, mag-assign nang mahigit isang talata sa ilang grupo.) Sabihin sa bawat grupo na maghanap ng parirala sa naka-assign na scripture passage o mga scripture passage sa kanila na nagpapakita ng hangarin ng Panginoon na tubusin tayo at ng Kanyang kapangyarihang magawa ito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na ilahad sa klase ang pariralang pinili nila. Hikayatin silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa scripture passage. Maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang mga pariralang ibinahagi ng kanilang mga kaklase.
Bilang pagtatapos, patingnan ang mga layunin ni Jacob na nakasulat sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tipang ginawa nila sa Panginoon at ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa kanila kapag tinupad nila ang mga tipan. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa katapatan ng Panginoon sa atin at ang Kanyang mga tipan sa atin, at patotohanan ang awa at pagtubos na matatanggap natin kapag tayo ay tapat sa ating mga tipan sa Kanya.