Lesson 30
2 Nephi 9:27–54 at 2 Nephi 10
Pambungad
Matapos magpatotoo na iniligtas ni Jesucristo ang lahat ng tao mula sa mga epekto ng Pagkahulog at magpapatawad sa ating mga kasalanan, tinapos na ni Jacob ang kanyang sermon. Nagbabala siya na iwasan ang mga pag-uugali at kilos na hahantong sa pagkawalay sa Panginoon, at pinatotohanan ang mga pag-uugali at kilos na nagtutulot sa mga tao na lumapit kay Cristo at maligtas. Kinabukasan, sinabing muli ni Jacob na bagama’t ikakalat ang Israel dahil sa kasalanan, aalalahanin ng Panginoon ang Kanyang mga tipan sa kanila at sila ay titipunin Niya kapag sila’y nagsisi at bumalik sa Kanya. Ipinropesiya ni Jacob ang Pagpapako kay Jesucristo sa krus. Ipinropesiya rin niya na ang lupang pangako ng kanyang mga tao ay magiging lupain ng kalayaan, pinatibay laban sa lahat ng bansa at hindi pamamahalaan ng mga hari. Hinikayat ni Jacob ang kanyang mga tao na ipagkasundo ang kanilang sarili sa kalooban ng Diyos at alalahanin na tanging sa biyaya lamang ng Diyos sila maliligtas.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 9:27–54
Inanyayahan ni Jacob ang lahat na lumapit kay Cristo at nagbabala tungkol sa mga pag-uugali at kilos na makapaghihiwalay sa atin mula sa Panginoon
Isulat sa pisara ang mga pariralang bakit kailangan ko ng tulong at ano ang dapat kong gawin. Sabihin sa klase na isipin kunwari na may isang taong may malalang sakit.
-
Bakit importanteng maintindihan ng taong ito na kailangan niya ng tulong?
-
Bakit importanteng maintindihan din ng taong ito ang dapat niyang gawin para makahingi ng tulong?
-
Ano ang mangyayari kapag naiintindihan ng taong ito na kailangan niya ng tulong pero hindi niya alam kung ano ang gagawin niya para matanggap iyon?
Ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson, pinag-aralan nila ang mga epekto ng Pagkahulog at ang mga ibinunga ng ating mga kasalanan, at nalaman kung bakit kailangan natin ang Tagapagligtas. Magpatotoo na nais Niya tayong tulungan at iligtas mula sa ating mga kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung alam ba nila ang dapat gawin para matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala.
Ipaliwanag na gustong tulungan ni Jacob ang kanyang mga tao na piliin ang “daan ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 10:23). Tinulungan niya silang maunawaan na tatanggap lamang sila ng buhay na walang hanggan kung sila ay “[lala]pit sa Panginoon” (2 Nephi 9:41). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 9:41. Sabihin sa klase na alamin ang paglalarawan ni Jacob ng “daan” na dapat nating tahakin.
-
Ano ang ibig sabihin ng lumapit sa Panginoon? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isipin na kunwari ang buhay nila ay isang daan. Hayaan silang tahimik na pagnilayan kung saan patungo ang kanilang daan. Mas inilalapit ba sila sa Tagapagligtas ng mga pinipili nila?)
-
Anong mga salita ang ginamit ni Jacob para ilarawan ang “daan”? Ano ang itinuturo ng mga salitang makipot at tuwid tungkol sa dapat na pamumuhay natin?
Ipaliwanag na kaugnay ng makitid at tuwid na daan, ginamit ni Jacob ang imahe ng isang pasukan. Tinukoy ni Jacob ang Tagapagligtas bilang tanod ng pasukang iyon. Magpatotoo na tayo ay mapapatawad sa ating mga kasalanan at makatatanggap ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan lamang ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Lahat ng ginagawa natin na patungo sa buhay na walang hanggan—kabilang na ang mga ordenansang tinatanggap natin, mga panalanging sinasambit, mga patotoong ibinabahagi, at ang pamumuhay natin—ay dapat gawin sa pangalan ni Jesucristo.
-
Bakit mahalaga sa iyo na ang Tagapagligtas ay “[walang] inuupahang tagapaglingkod doon”? (Maaari mong ipaliwanag na ang Panginoon ay tumatawag ng mga tagapaglingkod, tulad ng mga bishop at stake president, upang kumilos sa Kanyang pangalan bilang mga hukom sa mga tao. Gayunman, Siya ang ating magiging huling Hukom at magbibigay ng huling pagsang-ayon sa naging pamumuhay natin.)
-
Paano maiimpluwensyahan ang ating pagsisikap na lumapit sa Panginoon ng kaalaman na “hindi siya malilinlang”?
Ipaliwanag na sa mga natitirang bahagi ng 2 Nephi 9, ipinaunawa sa atin ng mga turo ni Jacob kung paano nakakaapekto ang mga pag-uugali at kilos natin sa kakayahan nating lumapit sa Tagapagligtas. May mga pag-uugali at kilos na makatutulong sa atin na lumapit kay Cristo, samantalang ang iba ay humahadlang sa atin sa paglapit sa Kanya.
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang ilan sa mga pag-uugali at kilos na ito, magdrowing ng patayong linya sa gitna ng pisara. Sa isang panig ng linya, isulat ang Paglayo ng Ating Sarili Kay Cristo. Sa ibaba niyan, isulat:
Sa isang panig ng linya, isulat ang Paglapit kay Cristo. Sa ibaba niyan, isulat:
Bigyan ang bawat estudyante ng numero mula 1 hanggang 4. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talata na kaugnay ng kanilang numero. Sabihin sa mga estudyante na naka-assign sa group 1 at group 2 na tukuyin ang mga pag-uugali at kilos na makapaglalayo sa atin mula sa Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na naka-assign sa group 3 at group 4 na tukuyin ang mga pag-uugali at kilos na makatutulong sa atin na lumapit sa Tagapagligtas at matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan sa kanilang banal na kasulatan ang nalaman nila.
Matapos ang ilang minuto, mag-anyaya ng mga boluntaryo mula sa group 1 at 2 para pumunta sa pisara at isulat ang mga pag-uugali at kilos na natukoy nila na naglalayo sa atin sa Tagapagligtas. Talakayin ang ilan sa mga babala ni Jacob sa pagtatanong ng ilan o lahat ng mga sumusunod na tanong:
-
Binanggit ni Jacob ang karunungan at kayamanan, na parehong mabuti. Paano nahahadlangan ng mga pagpili natin sa karunungan at kayamanan ang paglapit natin sa Panginoon? (Ipaliwanag na ang 2 Nephi 9:28–29 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito.)
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging bingi o bulag sa espirituwal? (Tingnan sa 2 Nephi 9:31–32.)
-
Ang pariralang “mga hindi tuli ang puso” (2 Nephi 9:33) ay tumutukoy sa mga taong may mga pusong hindi tapat sa Diyos at hindi gustong tumupad sa mga tipan sa Kanya. Paano tayo hinahadlangan ng kalagayang ito na matanggap ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala?
-
Ano ang ilang uri ng pagsamba ngayon sa diyus-diyusan? (Tingnan sa 2 Nephi 9:37.)
Sabihin sa mga estudyante mula group 3 at group 4 na pumunta sa pisara at isulat ang mga pag-uugali at kilos na nalaman nila na magdadala sa atin sa Tagapagligtas at tutulong sa atin na matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaang mabuti kung ano ang nalaman nila, itanong ang ilan o lahat ng sumusunod:
-
Sa 2 Nephi 9:23, ipinaalala sa atin ni Jacob ang utos ng Panginoon na magsisi at magpabinyag. Paano nakatutulong sa atin ang pagpapanibago natin ng tipan sa binyag sa pamamagitan ng sakramento para makalapit sa Panginoon at matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “espirituwal sa kaisipan”? (2 Nephi 9:39). Ano ang ilang aktibidad na makatutulong sa atin na maging espirituwal sa kaisipan?
-
Ano ang ibig sabihin ng “talikuran ang inyong mga kasalanan”? (2 Nephi 9:45).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Jacob nang sabihin niyang uminom, kumain, at “malugod sa katabaan”? (Tingnan sa 2 Nephi 9:50–51. Maaari mong ipaliwanag na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa espirituwal na pangangalaga.)
Magpatotoo na kapag lumapit tayo sa Panginoon at namuhay ayon sa Kanyang kalooban, matatanggap natin ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala. Isulat ang alituntuning ito sa pisara sa itaas ng listahang ginawa ng mga estudyante.
Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang katibayan na nakita nila ang alituntuning ito sa kanilang buhay. Ipasulat sa kanilang scripture study journal o class notebook kung paano sila mas napalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng isa o mahigit pa sa mga pag-uugali at kilos sa pangalawang listahan sa pisara. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila (ngunit ipaunawa sa kanila na hindi sila obligadong ikuwento ang mga karanasang napakapersonal o napakapribado).
2 Nephi 10
Hinikayat ni Jacob ang kanyang mga tao na magalak at lumapit sa Panginoon
Itanong sa mga estudyante kung nakatanggap na sila ng regalo na napakaespesyal sa kanila dahil nagsikap o nagsakripisyo nang malaki ang taong nagbigay ng regalo. Maaari kang mag-anyaya ng isa o dalawang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan.
-
Paano natin ipapakita ang pasasalamat sa gayong regalo?
-
Paano natin ipapakita ang ating pasasalamat sa kaloob na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Ipaliwanag na pagkatapos ng araw na maibigay ni Jacob ang kanyang sermon tungkol sa Pagbayayad-sala ni Jesucristo, nagpatotoo siyang muli sa pagliligtas ng Panginoon mula sa mga idinulot ng kasalanan. Itinuro niya sa kanyang mga tao kung paano sila dapat tumugon sa kaloob na Pagbabayad-sala.
Ibuod ang 2 Nephi 10:1–19 na ipinapaliwanag na sinabing muli ni Jacob na kahit ikakalat ang sambahayan ni Israel dahil sa kasalanan, aalalahanin ng Panginoon ang Kanyang mga tipan sa kanila at sila ay titipunin Niya kapag sila’y nagsisi at bumalik sa Kanya. Maaari mong ipaliwanag na ang 2 Nephi 10:3 ang unang talata sa Aklat ni Mormon na gumamit ng titulong Cristo sa pagtukoy sa Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 10:20, 23–25. Sabihin sa klase na tukuyin ang ipinayo ni Jacob na gawin natin bilang tugon sa kaloob na Pagbabayad-sala. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang nakita nila sa mga talatang ito. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Maghanda ng handout na nakalagay ang mga sumusunod na tanong (o isulat ang mga tanong sa pisara bago magsimula ang klase). Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang tanong at ibahagi sa kapartner nila ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa tanong na iyan.
-
Batay sa napag-aralan natin tungkol sa Tagapagligtas, ano ang gusto ninyo na laging maalaala tungkol sa Kanya?
-
Bakit mahalagang paraan ang pagsisisi para maipakita natin ang ating pasasalamat sa ginawa ng Panginoon para sa atin?
-
Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Tagapagligtas na nagbigay sa inyo ng pag-asa?
Tapusin ang lesson sa pagpapaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang makipagkasundo sa 2 Nephi 10:24 ay magkasundo ang mga tao o mga bagay-bagay sa isa’t isa. Halimbawa, ang dalawang magkaibigan ay dapat magkasundo pagkatapos ng hindi pagkakaunawaan.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makipagkasundo tayo sa kalooban ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang natutuhan at nadama nila habang pinag-aaralan at tinatalakay nila ang 2 Nephi 9–10. Hikayatin silang hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan silang malaman ang gagawin nila para maipagkasundo nila ang kanilang sarili sa kalooban ng Diyos at mas ganap na matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Halimbawa, maaaring mangako ang isang estudyante na susundin ang isang payo ng Diyos (tingnan sa 2 Nephi 9:29), tatalikuran ang isang kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 9:45), o aalamin ang paraan na mas maaalaala niya ang Tagapagligtas sa bawat araw (tingnan sa 2 Nephi 10:20). Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang kinakailangan para “makipagkasundo [sila] sa kalooban ng Diyos” (2 Nephi 10:24). Magpatotoo na pagpapalain sila sa paggawa nito.