Library
Lesson 31: 2 Nephi 11 at 16


Lesson 31

2 Nephi 11 at 16

Pambungad

Sa 2 Nephi 11, ipinahayag ni Nephi na nalulugod siya sa mga salita ni Isaias. Nagpatotoo rin siya na nakita nina Jacob at Isaias ang “Manunubos, tulad ng pagkakita ko sa kanya” (2 Nephi 11:2). Ang 2 Nephi 16 ay naglalaman ng ulat ni Isaias na siya ay nalinis mula sa kasalanan at natawag bilang propeta nang kanyang “nakita … ang Panginoon na nakaupo sa isang trono” (tingnan sa 2 Nephi 16:1, 5–8). Kapwa itinuro nina Nephi at Jacob ang kahalagahan ng paghahalintulad ng mga isinulat ni Isaias sa ating sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23; 2 Nephi 6:5; 11:2), at ipinahayag ng Panginoon, “dakila ang mga salita ni Isaias” (3 Nephi 23:1). Ang 2 Nephi 11 ay naglalaman ng ilang paliwanag ni Nephi tungkol sa paglalakip niya ng mga propesiya ni Isaias sa kanyang talaan, na siyang nagsilbing pambungad sa mga salita ni Isaias sa 2 Nephi 12–24. Ang 2 Nephi 25 ang nagsilbing konklusyon ng mga kabanatang ito, na naglalaman ng payo ni Nephi kung paano mauunawaan ang mga salita ni Isaias (tingnan sa lesson 35 sa manwal na ito).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 11

Ipinakita ni Nephi ang kanyang kaluguran sa pagpapatotoo na ang kaligtasan ay darating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo

Sabihin sa tatlong estudyante na tahimik na magsulat ng tig-isang pangungusap tungkol sa nangyari noong nakaraang klase nila. Sabihin sa kanila na huwag pagkumparahin o pag-usapan ang isinusulat nila. Para mailarawan ang naitutulong ng may higit sa isang saksi, ipabasa sa tatlong estudyante ang kanilang mga pangungusap. Matapos basahin ng unang estudyante ang kanyang pangungusap, itanong sa klase kung kumpleto ba nitong nailahad ang nangyari noong nakaraang klase. Pagkatapos ay ipabasa sa pangalawang estudyante ang kanyang pangungusap, at itanong kung kumpleto ba nitong nailahad ang nangyari noong nakaraang klase. Pagkatapos magbasa ng pangatlong estudyante, itanong din sa kanya iyon.

  • Ano ang naitutulong ng pagkakaroon ng maraming saksi?

Ipaliwanag na tumatawag ang Panginoon ng mga propeta upang Kanyang maging mga saksi sa sanlibutan. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang kahulugan sa kanila na makarinig ng mga propetang nagpapatotoo kay Jesucristo.

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Sa pag-aaral ng mga patotoo ng mga propeta kay Jesucristo, mapapalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at magagalak sa Kanya.

Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 11:2–3.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang naranasan nina Nephi, Isaias, at Jacob kaya sila naging mga natatanging saksi ni Jesucristo?

  • Sa palagay ninyo bakit mahalagang magkaroon ng patotoo kay Jesucristo mula sa maraming propeta? (Tingnan din sa Mosias 13:33–35.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang mga unang linya ng bawat talata sa 2 Nephi 11:4–6, at alamin ang pariralang inulit ni Nephi sa bawat talata.

  • Ano ang ibig sabihin ng “nalulugod sa” isang bagay? (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang nalulugod ay nagpapahayag ng damdaming mas malalim kaysa pagkagusto lamang o pagiging interesado sa isang bagay. Nagpapahiwatig ito ng galak at kasiyahan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 11:4–7 at alamin ang mga bagay na nagpapalugod kay Nephi. Pakatapos ay pagpartner-partnerin ang klase. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pariralang pinakanapansin nila at bakit. Sabihin din sa kanila na ibahagi ang mga bagay na nagpapalugod sa kanila o naghihikayat sa kanila na magalak tungkol kay Jesucristo.

Basahin nang malakas ang 2 Nephi 11:8 at ipahanap sa mga estudyante ang isang dahilan kung bakit isinama ni Nephi ang mga isinulat ni Isaias sa kanyang talaan.

  • Ano ang nais ni Nephi na maranasan ng kanyang mga tao at ng mga magbabasa ng Aklat ni Mormon kapag binasa nila ang mga salita ni Isaias?

Ang sumusunod na listahan ay mga halimbawa ng dahilan kung bakit isinama ni Nephi sa kanyang talaan ang mga isinulat ni Isaias:

  1. Nakita ni Isaias ang Tagapagligtas, tulad nina Nephi at Jacob (tingnan sa 2 Nephi 11:2–3; tingnan din sa 2 Nephi 16:1–5, na naglalaman ng paglalarawan ni Isaias ng isang pangitain kung saan nakita niya ang Tagapagligtas).

  2. Si Nephi ay nalulugod sa pagpapatotoo tungkol kay Cristo, at si Isaias ay nagpatotoo rin tungkol kay Cristo (tingnan sa 2 Nephi 11:4, 6; tingnan din sa 2 Nephi 17:14 at 19:6–7, ang dalawang halimbawa ng mga propesiya ni Isaias tungkol sa Tagapagligtas).

  3. Si Nephi ay nalulugod sa mga tipan ng Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 11:5). Mga propesiya ni Isaias na may kaugnayan sa mga tipan ng Panginoon. Halimbawa, ipinropesiya niya ang gawain sa templo sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 12:1–3).

Ipaliwanag na sa lesson na ito at sa susunod na tatlong lesson, pag-aaralan at tatalakayin ng mga estudyante ang mga salita ni Isaias sa 2 Nephi 12–24. Hikayatin sila na alamin ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito na nagpapalakas ng kanilang mga patotoo sa Tagapagligtas at tumutulong sa kanila na magalak sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa kanilang mga paboritong talata mula sa mga kabanatang ito sa kanilang mga kapamilya at mga kaibigan.

2 Nephi 16

Si Isaias ay tinawag na maglingkod bilang propeta

Ipaliwanag na ang susunod na pag-aaralan ng klase ay ang 2 Nephi 16 dahil naglalaman ito ng ulat ni Isaias tungkol sa isang pangitain kung saan niya natanggap ang tawag na maging propeta. Para matulungan ang mga estudyante na maghandang maunawaan ang pangitaing ito, ipaliwanag na ang mga isinulat ni Isaias ay naglalaman ng mga simbolo at matalinghagang pananalita. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng simbolo, paghahalintulad, at matalinghangang paglalahad. Ipaliwanag na sa isa sa mga talata na nabasa na nila, sinabi ni Nephi, “Lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, sa tao, ay pagsasagisag [kay Jesucristo]” (2 Nephi 11:4). Ang paggamit ng mga simbolo at paghahalintulad ay isang paraan ng pagtuturo sa atin ng mga banal na kasulatan tungkol sa misyon ng Panginoon na magligtas.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita at parirala: laylayan ng damit, serapin (mga anghel) na may tig-anim na pakpak, usok, nagbabagang uling.

Itanong sa mga estudyante kung ano ang naiisip nila kapag nakikita o naririnig nila ang mga salitang ito. Matapos ang maikling talakayan, ipaliwanag na ginamit ni Isaias ang mga salitang ito sa kanyang tala tungkol sa pagkatawag sa kanya na maging propeta ng Diyos. (Sikaping tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga gustong ipakahulugan ni Isaias. Iwasan ang masyadong pag-analisa ng mga kahulugan ng simbolo. Sa halip, tulungan ang mga estudyante na maiangkop ang mensahe ni Isaias sa kanilang buhay.)

Ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 16:1. (Kung may Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia sa Ingles ang mga estudyante, maaari mong patingnan sa kanila ang Isaiah 6, na naglalaman ng mga footnote at tulong sa pag-aaral na makatutulong sa pag-unawa sa mga scripture passage na kasama sa lesson na ito.)

[No translation]

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 16:2–3. Ipaliwanag na ang “mga serapin” ay mga anghel na naninirahan sa kinaroroonan ng Diyos.

  • Ano ang maaaring sinasagisag ng anim na pakpak ng serapin? (Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 77:4 para sa clue. Ang mga pakpak ay simbolo ng kakayahang gumalaw at kumilos.)

  • Anong mga salita ang naglalahad ng saloobin ng serapin sa Panginoon?

  • Kailan ka nakadama ng gayunding saloobin sa Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 16:4 at Apocalipsis 15:8. Ipahanap sa klase ang kahulugan ng pariralang “napuno ng usok.” (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang usok ay kumakatawan sa presensya, kapangyarihan, at kaluwalhatian ng Panginoon.) Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang Apocalipsis 15:8 sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 2 Nephi 16:4.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 16:5. Ipahanap sa klase ang mga parirala na nagpapahayag ng nadama ni Isaias sa presensya ng Panginoon. (Kung may Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia sa Ingles, ipahanap sa mga estudyante ang Isaiah 6:5, footnotes a at b.)

  • Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ni Isaias nang sabihin niyang: “Ako’y napahamak; sapagka’t ako’y lalaking may maruming mga labi”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa Isaias 6:5, ang salitang napahamak ay isinalin mula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “nawalay,” at ang pariralang maruming mga labi ay tumutukoy sa kamalayan ni Isaias sa kanyang mga kasalanan at sa mga kasalanan ng kanyang mga tao. Ipinapahayag ni Isaias na nadarama niyang hindi siya karapat-dapat sa presensya ng Panginoon.)

Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti kung bakit ganito ang nadama ni Isaias. Ipaliwanag na may ilang propeta na nagsabing nakadarama sila ng kakulangan ng kakayahan nang tawagin silang maglingkod. Ikinuwento ni Pangulong Spencer W. Kimball noong tawagan siya sa telepono ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. ng Unang Panguluhan para ipaalam na tinawag siya sa Korum ng Labindalawa:

“‘O, Brother Clark! Hindi po ako? Hindi kayo seryosong ako? Baka nagkamali lang po. Sigurado po akong mali ang narinig ko.’ Habang sinasabi ko ito natabig ko ang silya at napaupo ako sa sahig. …

“‘O, Brother Clark! Parang napakaimposible. Masyado akong mahina at pangkaraniwang tao lang at limitado ang kaalaman at walang kakayahan’” (Edward L. Kimball and Andrew E. Kimball Jr., Spencer W. Kimball: Twelfth President of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints [1977], 189).

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kahit mabuting tao si Isaias, pakiramdam niya ay “napahamak” at “marumi” siya sa harapan ng Panginoon. Sino sa atin ang hindi makadarama na hindi tayo karapat-dapat sa harapan ng Diyos?

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Malilinis tayo sa pagiging di-karapat-dapat sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Kung posible, ipakita sa mga estudyante ang isang piraso ng uling o sunog na piraso ng kahoy. Itanong sa kanila ang magiging itsura nito kung kakaalis lang nito sa apoy.

  • Ano ang mangyayari sa taong humawak ng mainit na uling?

Basahin nang malakas ang 2 Nephi 16:6–7. Sabihin sa mga studyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang karanasan ni Isaias sa nagbabagang uling. (Kung may Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia sa Ingles, ipahanap sa mga estudyante ang Isaiah 6:6, footnote a, at Isaiah 6:7, footnotes a at b.)

  • Ayon sa 2 Nephi 16:7, ano ang sinasagisag ng paghipo ng anghel sa mga labi ni Isaias gamit ang nagbabagang uling? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang nagbabagang uling ay sumasagisag sa paglilinis. Nang ang anghel sa pangitain ni Isaias ay inihipo ang uling sa labi ni Isaias, kinakatawan nito ang Panginoon na nililinis si Isaias sa kanyang pagiging di-karapat-dapat at pinapatawad siya sa kanyang mga kasalanan.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para makapag-isip ng mga pagkakataong nadama nila ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 16:8–13. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang sinabi ng Panginoon tungkol sa pangangaral ni Isaias sa mga tao. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sinabihan ng Panginoon si Isaias na ang pangangaral niya sa mga mapaghimagsik na Israelita ay babalewalain nila ngunit dapat siyang magpatuloy sa pangangaral hanggang “ang lupain ay lubusang mangawasak.” Sa madaling salita, ang Panginoon ay maawain pa ring ipagpapatuloy ang Kanyang misyon na magligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod “habang ang panahon ay magtatagal, o ang mundo ay nakatindig, o mayroon [pang] isang tao sa ibabaw ng lupa na nararapat iligtas” [Moroni 7:36].)

Ipaliwanag na si Isaias ay naging matibay na saksi ng Panginoong Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Magpatotoo na ang Tagapagligtas ay totoo at mapapatawad Niya tayo sa ating mga kasalanan, at kapag naranasan natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating buhay, tayo rin ay magiging saksi ng Tagapagligtas.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 16:2–3. May mga pakpak ba ang mga anghel?

“Ang anghel ng Diyos ay walang mga pakpak” (Joseph Smith, sa History of the Church, 3:392). Kung gayon bakit inilarawan ni Isaias na may pakpak ang mga anghel? Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na may isinasagisag ang paglalarawan: “Ang katunayan na ipinakita sa kanya na may pakpak ang mga banal na nilalang na ito ay upang isagisag lamang ang kanilang ‘kapangyarihan na gumalaw, kumilos, atbp.’ tulad ng ipinapahiwatig din sa mga pangitain na natatanggap ng iba. (D at T 77:4.)” ((Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 703).