Lesson 34
2 Nephi 21–24
Pambungad
Marami sa mga propesiya ni Isaias sa Aklat ni Mormon ay tungkol sa mga huling araw. Ipinropesiya niya ang Panunumbalik ng ebanghelyo, ang tungkol kay Propetang Joseph Smith, ang Ikalawang Pagparito, at ang pagkalipol ng masasama. Nakinita niya na ang Panginoon ay “magtataas ng sagisag para sa mga bansa” para tipunin ang Kanyang mga tao sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 21:11–12). Nagpatotoo rin si Isaias na ang Panginoon ay magtatagumpay laban kay Satanas at sisimulan ang Milenyo, isang panahon ng kapayapaan at kagalakan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 21:1–5, 10–12
Nakita noon pa man ni Isaias ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw
Ipakita ang larawang Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid (62492; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 91). Ipaliwanag na noong unang magpakita si Moroni kay Joseph Smith, “inulit niya ang ikalabing-isang kabanata ng Isaias, at sinasabing malapit na itong matupad” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:40). Ang propesiya sa Isaias 11 ay matatagpuan din sa 2 Nephi 21.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 21:1. Ituon ang kanilang pansin sa pariralang “may lalabas na usbong sa puno ni Jesse.” Pagkatapos ay tahimik na ipabasa sa kanila ang 2 Nephi 21:10. Ituon ang kanilang pansin sa pariralang “ugat ni Jesse.” Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito. Ipaliwanag na nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag tungkol sa mga pariralang ito. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Doktrina at mga Tipan 113:1–6. Basahin nang malakas ang scripture passage na ito. Bago mo basahin, sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga kahulugan ng mga parirala. Maaari mong isulat sa pisara ang mga kahulugang ito, tulad nang ipinapakita sa ibaba. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga kahulugang ito sa kanilang banal na kasulatan.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang “usbong” at ang “ugat ni Jesse.”
“Mali ba tayo sa pagsasabi na ang propetang binanggit dito ay si Joseph Smith, na tumanggap ng priesthood, na tumanggap ng mga susi ng kaharian, at nagtaas ng sagisag para sa pagtitipon ng mga tao ng Panginoon sa ating dispensasyon? At hindi ba’t siya rin ang ‘tagapaglingkod sa mga kamay ni Cristo, na bahagyang inapo ni Jesse gayon din ni Ephraim, o ng sambahayan ni Jose, na kung kanino naroon ang labis na kapangyarihan’?” (The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 339–40).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 21:10, 12. Ipahanap sa klase ang mga salita at parirala na nauugnay kay Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa Simbahan ng Panginoon. Bago magbasa ang estudyante, maaari mong ipaalala sa kanila na ang salitang sagisag ay tumutukoy sa watawat, bandila, o bandera na ginagamit bilang palatandaan o senyas para magtipun-tipon (tingnan sa lesson 32).
-
Paano natupad ng gawain ni Joseph Smith ang propesiya tungkol sa ugat ni Jesse?
-
Sa paanong paraan tayo nagtitipon ngayon bilang mga miyembro ng Simbahan? Sa anong mga paraan tayo nagtataas ng sagisag para ipaalam sa iba kung saan dapat magtipon?
Magpatotoo na ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at tinitipon na ngayon ang Kanyang mga tao sa mga huling araw.
2 Nephi 21:6–9; 22
Inilarawan ni Isaias ang Milenyo
Sabihin sa mga esyudyante na kunwari ay isang kaibigan nila na miyembro ng ibang Simbahan ang nagtanong sa kanila ng paniniwala nila tungkol sa Milenyo. Sabihin sa kanila na tahimik na pag-aralan ang 2 Nephi 21:6–9 at 22:1–6, at alamin ang mga katotohanan na maaari nilang maibahagi sa gayong pag-uusap. Sabihin sa kanila na isulat ang kanilang mga ideya sa kanilang scripture study journal o class notebook. Para matulungan sila sa pagtalakay ng kanilang mga nalaman, itanong ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong:
-
Ano ang sinasabi ng mga paglalarawan sa 2 Nephi 21:6–8 tungkol sa mga kalagayan sa mundo sa Milenyo?
-
Ayon sa 2 Nephi 21:9, bakit magiging isang lugar ng kapayapaan ang mundo sa panahon ng Milenyo? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa panahon ng Milenyo, ang mundo ay magiging payapang lugar dahil ito ay mapupuno ng kaalaman sa Panginoon.)
-
Paano nakatulong ang kaalaman sa Panginoon sa pamamuhay natin nang mas payapa ngayon?
-
Sa 2 Nephi 22:1–6, inilarawan ni Isaias ang pagsamba ng mga tao sa panahon ng Milenyo. Paano tayo magkakaroon ng gayong pag-uugali ngayon?
-
Anong mga aspeto ng Milenyo ang gusto mong mayroon na sa buhay mo ngayon? (Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para matanggap ang ilan sa mga pagpapalang ito sa kanilang buhay.)
2 Nephi 23–24
Itinuro ni Isaias na malilipol ang masasama at maaawa ang Panginoon sa Kanyang mga tao
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 23, ipinropesiya ni Isaias ang pagkawasak ng Babilonia at ikinumpara ito sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang tala tungkol sa “Babel, Babilonia” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipaliwanag na sa ilang talata sa banal na kasulatan, ang salitang Babilonia ay karaniwang tumutukoy sa kasamaan ng mundo. Ipinropesiya ni Isaias na malaking pagkalipol ang darating sa masasama sa Babilonia at sa mga huling araw.
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga mangyayari sa masasama sa mga huling araw, ipabasa sa kanila ang 2 Nephi 23:1, 5–9, 11, 15, 19, at 22 nang tahimik.
Ipaliwanag na binanggit ni Isaias ang pagbagsak ni Lucifer, o Satanas, para ilarawan kung paano malilipol ang masasama. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 24:12–16.
-
Anong mga parirala sa mga talatang ito ang nagpapakita ng kayabangan ni Satanas?
-
Paano inilarawan ng 2 Nephi 24:16 ang madarama natin kay Satanas kapag nakita natin siya sa kung ano siya talaga?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, kapalaluan ang nagpabagsak kay Lucifer, na ‘anak ng umaga.’ (2 Ne. 24:12–15; tingnan din sa D at T 76:25–27; Moises 4:3.) … Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, nagmungkahi si Lucifer para kontrahin ang plano ng Ama na sinunod ni Jesucristo. (Tingnan sa Moises 4:1–3.) Gusto niyang purihin siya nang higit sa iba. (Tingnan sa 2 Ne. 24:13.) Sa madaling salita, ang kanyang hangaring puno ng kapalaluan ay agawan ng trono ang Diyos. (Tingnan sa D at T 29:36; 76:28.)” (“Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4–5).
Ituon ang atensyon ng mga estudyante sa salita ng Panginoon sa pagtatapos ng 2 Nephi 23:22: “Magiging maawain ako sa aking mga tao, subalit masasawi ang masasama.” Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan. (Pansinin na ang huling pangungusap sa talatang ito ay wala sa katugmang talata sa aklat ni Isaias sa King James Version ng Biblia. Ipinahihiwatig nito na ang mga laminang tanso ay naglalaman ng ilang impormasyon na wala sa Biblia.)
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng mapabilang sa mga tao ng Panginoon?
Sabihin sa ilang estudyante na basahin nang malakas ang 2 Nephi 24:1–7, 24–27, na nagsasalitan sa pagbasa ng isa o dalawang talata. Sabihin sa klase na alamin ang mga pangako ng Panginoon sa Kanyang mga tao. Hikayatin silang ibahagi sa isa’t isa ang kanilang obserbasyon. Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga obserbasyong ito.
-
Anong mga mensahe ang inihahatid ng mga talatang ito sa mga nagdurusa dahil sa kasamaan ng ibang mga tao?
-
Anong katibayan ng kaligayahan at pag-asa ang nakita ninyo sa mga talatang ito?
Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na magiging maawain ang Panginoon sa Kanyang mga tao, subalit masasawi ang masasama. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga propesiya ni Isaias sa 2 Nephi 21–24 ay nagpapakita ng isa sa mga pangunahing mensahe ng Aklat ni Mormon—na ang mga masunurin ay uunlad at ang mga suwail ay masasawi. Magpatotoo na maaari tayong mamuhay nang mabuti at umunlad ngayon kapag pinaghandaan natin ang panahon ng Milenyo.