Library
Lesson 36: 2 Nephi 26


Lesson 36

2 Nephi 26

Pambungad

Ipinropesiya ni Nephi na balang araw ay dadalawin ng nabuhay na mag-uling Jesucristo ang kanyang mga inapo at pagkatapos ng pagdalaw na ito sila ay mamumuhay nang matwid sa loob ng tatlong henerasyon. Gayunpaman, ikinalungkot ni Nephi na sa ikaapat na henerasyon ng kanyang mga inapo, ang ilan ay magiging masama, hindi tatanggapin ang Mesiyas, at sa bandang huli ay malilipol. Binalaan ni Nephi ang mga mabubuhay sa mga huling araw laban sa kapalaluan, mga lihim na pagsasabwatan, at huwad na pagkasaserdote. Itinuro niya na mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at inaanyayahan silang lumapit sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 26:1–13

Ipinropesiya ni Nephi na ang kanyang mga tao ay malilipol dahil hindi nila tatanggapin si Jesucristo

Isulat sa pisara ang mga salitang Mga Kahatulan ng Diyos.

  • Kapag nakita o narinig ninyo ang mga salitang ito, ano ang naiisip ninyo?

Ipaliwanag na bagama’t maraming tao ang nag-iisip ng negatibo kapag nakikita nila ang mga salitang ito, ang mga kahatulan ng Diyos ay magdudulot ng pagpapala sa maraming tao. Sa 2 Nephi 26, mababasa natin ang idudulot ng katarungan sa masasama at mabubuti.

Upang maitatag ang konteksto para sa pangunahing mensahe ng 2 Nephi 26, ipaliwanag na sinabi ni Nephi na maraming palatandaan ang kaakibat ng pagsilang, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ipinropesiya niya na di-magtatagal maraming tao ang masasawi matapos ang kamatayan ng Tagapagligtas dahil itataboy nila ang mga propeta at ang matatapat na tagasunod ni Jesucristo na kasama nilang naninirahan. Ipinropesiya niya na kahit dinalaw na sila ng nabuhay na muling Tagapagligtas, marami sa kanyang mga inapo ang “[pipiliin] ang mga gawain ng kadiliman kaysa liwanag” at sila ay malilipol. (Tingnan sa 2 Nephi 26:1–11.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 26:7. Sabihin sa klase na alamin ang reaksyon ni Nephi sa pangitain na malilipol ang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang pahayag ni Nephi sa dulo ng talata: “Makatarungan ang inyong pamamaraan.”

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng pahayag na “Makatarungan ang inyong pamamaraan”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang taong makatarungan ay palaging pantay-pantay ang trato sa mga tao.)

Matapos maipaunawa sa mga estudyante na kailangan sa katarungan ng Diyos na maparusahan ang masasama dahil sa kanilang mga ginawa, ipaliwanag na ginagantimpalaan din ng Diyos ang mabubuti dahil sa kanilang mga ginawa. Bilang bahagi ng paliwanag na ito, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 130:20–21. Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Nephi 26:8–9, 13, at ipahanap ang mga pagpapala na ayon kay Nephi ay darating sa kanyang mabubuting inapo.

  • Sa mga talata 8 at 13, anong mga parirala ang naglalarawan ng mga ginagawa ng mabubuti?

  • Kailan ninyo nakita ang mga pagpapalang binanggit sa talata 13? Ano ang ilang iba’t ibang paraan na ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, ipapakita Niya sa atin ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

  • Paano madaragdagan ang pananampalataya ninyo kay Jesucristo sa pagkaalam ninyo sa katotohanang ito?

2 Nephi 26:14–33

Ipinropesiya ni Nephi ang tungkol sa mga huling araw at inanyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo

Ibuod ang 2 Nephi 26:14–19 na ipinapaliwanag na ipinropesiya ni Nephi na lalabas ang Aklat ni Mormon sa mga huling araw sa panahon na maraming tao ang mapupuno ng kapalaluan at kawalang-paniniwala.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na natisod sila ng isang bagay (o kunwari ay natisod sila dahil madilim). Sabihin sa kanila na tahimik na basahin ang 2 Nephi 26:20–21, at alamin ang mga bagay na ikinatitisod ng maraming tao sa mga huling araw.

  • Ayon sa 2 Nephi 26:20–21, ano ang ilang balakid na nakita ni Nephi na ikatitisod ng mga Gentil?

  • Ano ang ilang halimbawa ngayon ng mga balakid na ginagamit ni Satanas para matisod ang mga tao?

Ipaliwanag na maliban sa paglalagay ng mga “batong kinatitisuran,” sa ating daraanan para mailayo tayo sa Diyos, hangad din ni Satanas na igapos tayo. Itaas ang isang piraso ng sinulid at sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang 2 Nephi 26:22, at alamin kung ano ang isinulat ni Nephi tungkol sa isang bagay na katulad ng ipinakita mo. Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng klase. Igapos ang mga kamay ng estudyante ng manipis na hibla ng sinulid. Sabihin sa kanya na patirin ang sinulid. Ulitin ang proseso, pero ngayon paulit-ulit na talian ng sinulid ang mga kamay niya. Patuloy na gawin ito hanggang sa hindi na kayang patirin ng estudyante ang sinulid—na sinasabihan ang estudyante na iwasang masaktan ang sarili. (Kung wala kang sinulid na magagamit, sabihin mo na lang sa mga estudyante na ilarawan na lang sa isipan nila ang demonstrasyon.) Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 26:22, na inaalam kung paano nauugnay ang talatang ito sa demonstrasyon.

  • Sa 2 Nephi 26:22, ano ang kahulugan ng “hanggang sa maigapos niya sila”? Ano ang itinuturo sa inyo ng talatang ito tungkol sa pamamaraan ni Satanas?

  • Sa anong paraan ninyo nakikita na hinihila ni Satanas ang mga tao ng “de-ilong lubid”? (Ang de-ilong lubid ay materyal na ginagamit sa paggawa ng kayong lino.)

  • Alin sa mga kasalanang ito (de-ilong lubid) ang sa palagay ninyo ay pinakamapanganib para sa mga kasing-edad ninyo?

Ipaalala sa mga estudyante na inaakit tayo ni Satanas na gumawa ng masama upang maigapos niya tayo at mailihis mula sa landas ng kabutihan. Ipaliwanag na ang mga huling talata sa 2 Nephi 26 ay nagpapakita ng mga ipinagkaiba ng mga paraan ni Satanas sa mga paraan ng Diyos. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 26:23–24.

  • Batay sa mga talatang ito, paano kumikilos ang Panginoon? Ano ang layunin ng lahat ng ginagawa ng Panginoon? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang bahagi ng 2 Nephi 26:24 na nagtuturo na anumang ginagawa ng Panginoon ay para sa kapakanan ng sanlibutan.)

Sabihin sa mga esudyante na pag-isipan sandali ang pagkakataon na pinanghinaan sila ng loob o nalayo sila sa Panginoon. Para matulungan ang mga estudyante na madama na ang mensahe ni Nephi tungkol sa pagmamahal ng Panginoon ay naaangkop sa kanilang buhay, ipabasa sa kanila ang 2 Nephi 26:24–28, 33. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salitang lahat, sino man, at wala (maliban sa unang salitang wala sa talata 33). Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na basahing muli ang mga pangungusap na naglalaman ng mga salitang ito.

Sabihin sa bawat estudyante na maikling talakayin sa kaklase ang nauunawaan natin sa mga talatang ito. Matapos ibahagi ng mga estudyante sa isa’t isa ang mga ideya nila, maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga pinakapangunahing ideya na napag-usapan nila. Isang pangunahing ideya na dapat mabanggit sa talakayang ito ay mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at nag-aanyaya sa lahat na lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang na kaligtasan. Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o class notebook ang mga sagot nila sa mga sumusunod na tanong:

  • Kailan ninyo nadama ang kabutihan ng Panginoon sa inyong buhay?

  • Paano makatutulong sa inyo na alam ninyo na mahal ng Panginoon ang lahat ng Kanyang mga tao at inaanyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya?

Sa pagtatapos ng lesson, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 26:25, 33. Bago siya magbasa, sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga parirala na naghihikayat sa kanila. Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano pa nila maipamumuhay ang mga talatang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Umaasa ako na tatanggapin at mamahalin natin ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang na ang mga yaong ang pananamit, anyo, pagsasalita, o paggawa ay iba sa atin. Hindi magandang iparamdam sa iba na sila ay may kakulangan. Pasiglahin natin ang mga yaong nasa paligid natin. Malugod natin silang tanggapin. Ipadama natin sa ating mga kapatid sa Simbahan ang matinding kabaitan, habag, at pag-ibig nang sa gayon ay madama nila, sa wakas, na natagpuan na nila ang kanilang tahanan. …

“Nararapat at tama lamang na ibigay natin sa iba ang gustung-gusto natin para sa ating sarili.

“Hindi ko sinasabing tanggapin natin ang kasalanan o huwag pansinin ang kasamaan, sa sarili nating buhay o sa mundo. Gayunpaman, sa ating kasigasigan, kung minsan ay nagagalit tayo sa nagkasala sa halip na sa kasalanan, at napakabilis nating humatol at kakatiting ang ating habag. …

“… Habang iniisip natin ito, mahabag tayo sa iba at iunat natin ang ating mga kamay sa kanila, dahil lahat ay tumatahak sa kani-kanyang mahirap na landas” (“Kayo ang Aking mga Kamay,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 68–69).

  • Ano ang ilang paraan na maipapamuhay natin ang 2 Nephi 26:33 at ang mga turo ni Pangulong Uchtdorf?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para matulungan ang ibang nangangailangan at maipadama sa kanila ang pagmamahal ng Panginoon.