Lesson 38
2 Nephi 28
Pambungad
Ipinropesiya ni Nephi ang ilan sa mahihirap na kalagayan sa mga huling araw, pati na ang mga maling turo at kapalaluan ng maraming huwad na simbahan na itatayo. Itinuro niya kung paano matutukoy ang mga maling doktrina at mga ugaling makamundo, at nagbabala sa mga paraang gagawin ni Satanas para ilihis tayo sa kabutihan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 28:1–19
Inilarawan ni Nephi ang mga huwad na simbahan at maling mga turo ng ating panahon
Sa pisara, magdrowing ng mga warning sign o babala na pamilyar sa inyong kultura. Halimbawa, maaari kang magdrowing ng traffic sign o simbolo na nagsasabing nakapipinsala o nakalalason ang isang bagay.
-
Ano ang layunin ng mga simbolong ito?
Ipaliwanag na makatutulong sa atin ang Aklat ni Mormon na makita ang mga warning sign o babala na binabalaan tayo na umiwas sa mga bagay na espirituwal na nakapipinsala. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson na isa sa mga layunin ng Aklat ni Mormon ay ibunyag ang mga pamamaraan ng kaaway at ng iba pang mga kumakalaban kay Cristo sa mga huling araw. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Benson:
“Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina. … Pinatitibay nito ang mga mapagkumbabang disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. Ang uri ng mga nag-apostasiya sa Aklat ni Mormon ay katulad ng uring mayroon tayo ngayon” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 3).
-
Paano ibinubunyag ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo? (Kabilang dito ang ulat tungkol sa mga tao na nagtangkang ilihis ang pananampalataya ng iba kay Cristo. Ipinapakita nito sa atin ang kanilang mga pagkakamali at maling ideya.)
-
Paano tayo pinapatibay ng Aklat ni Mormon laban sa kaaway?
Magpatotoo na ibinubunyag ng Aklat ni Mormon ang mga maling ideya ng diyablo at pinalalakas tayo laban sa kanyang masasamang hangarin. Ipaliwanag na makikita ng mga estudyante ang isang halimbawa nito sa 2 Nephi 28. Nakatala sa kabanatang ito ang isa sa mga propesiya ni Nephi tungkol sa mga huling araw. Sa propesiyang ito, nagbabala si Nephi laban sa mga turo na lalaganap sa ating panahon.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 28:3–9 at alamin ang mga babala ni Nephi laban sa mga maling turo. Ituro na ang 2 Nephi 28:7–9 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap. Matapos mabigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-aralan ang scripture passage, papuntahin sa pisara ang ilang estudyante. Sabihin sa bawat isa sa kanila na magsulat ng isang maling turo o ideya mula sa scripture passage na ito, pati na ang talata kung saan ito matatagpuan. Pagkatapos ay itanong sa iba pang mga estudyante kung napansin nila ang iba pang mga maling turo o ideya sa scripture passage. Kung may napansin sila, ipadagdag ito sa listahan sa pisara.
Para matulungan ang mga estudyante sa pagtalakay ng ilan sa mga maling doktrina at ideyang ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang halimbawa ng isa sa mga maling ideyang ito sa panahon ngayon? (Siguraduhin na hindi magbabangit ang klase ng pangalan ng anumang partikular na simbahan sa pagsagot nila sa tanong na ito.)
-
Paano nahahadlangan ng maling ideyang ito ang pagsunod ng mga tao sa plano ng ating Ama sa Langit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 28:12–14. Sabihin sa klase na alamin ang babala ni Nephi tungkol sa mangyayari sa maraming simbahan at sa mga tao sa mga huling araw dahil sa kapalaluan at mga maling doktrina.
-
Sa anong mga paraan naiimpluwensyahan ng kapalaluan at mga maling turo ang mga tao?
-
Bakit hindi natatangay ng kapalaluan at kasamaan ang “mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo”? Paano tayo makakaiwas na malinlang ng “mga tuntunin ng tao”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang “mga tuntunin ng tao” ay tumutukoy sa mga turo ng tao—na salungat sa mga turo ng Panginoon.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 28:15–16, 19 at alamin ang ibinubunga ng mga maling turo.
-
Anong mga salita o parirala ang nakikita ninyo sa mga talatang ito na naglalarawan ng epekto ng kapalaluan at mga maling turo?
2 Nephi 28:20–32
Binalaan tayo ni Nephi tungkol sa paraan ng panlilinlang sa atin ni Satanas
Ibahagi ang sumusunod na kuwento sa mga estudyante:
Habang nasa Africa para sa isang assignment, binisita ni Pangulong Boyd K. Packer ang isang game reserve. Napansin niya na natatakot ang mga hayop na nasa mababaw na tubigan. Nang tanungin niya ang tour guide kung bakit hindi nagsisiinom ang mga hayop, sinabi ng guide na may mga buwaya roon. Paggunita ni Pangulong Packer:
“Alam ko na nagbibiro lang siya at tinanong ko siya nang seryoso, ‘Ano ang problema?’ Muli niyang sagot: ‘Mga Buwaya.’ …
“Halata niya na hindi ko siya pinaniwalaan at ipinasiya niya, sa palagay ko, na turuan ako ng leksyon. Naglakbay kami sa isa pang lugar kung saan ang sasakyan ay nasa isang dike sa itaas ng maputik na inuman kung saan matatanaw namin ang ibaba. ‘Hayun,’ sabi niya. ‘Tingnan mo mismo.’
“Wala akong makitang anuman maliban sa putik, kaunting tubig, at mga natatakot na hayop sa kalayuan. Pagkatapos ay bigla kong nakita iyon!—isang malaking buwaya, na nakapirmi sa putikan, na naghihintay sa ilang walang kahina-hinalang hayop na mauhaw nang husto upang lumapit para uminom doon.
“Bigla akong napaniwala! Nang mapansin niyang handa akong makinig, itinuloy niya ang pagtuturo. ‘Maraming buwaya sa buong parke,’ sabi niya, ‘hindi lang sa mga ilog. Lahat ng tubigan dito may buwayang umaaligid, huwag mong isipin na baka wala naman.’ …
“Noong isang beses na pumunta akong muli sa Africa naikwento ko ang karanasang ito sa game ranger sa isa pang parke. …
“Pagkatapos ay ipinakita niya ang lugar kung saan isang trahedya ang nangyari. Isang binatilyo mula sa England ang pansamantalang nagtrabaho sa hotel. Kahit paulit-ulit na siyang sinabihan, inakyat niya ang bakod ng compound para tingnan ang isang bagay sa putikan na mababaw lamang kaya hindi man lang lumubog ang kanyang sapatos.
“‘Hindi pa man siya nakakadalawang hakbang,’ sabi ng ranger, ‘nang isang buwaya ang sumakmal sa kanya, at wala na kaming nagawa para sagipin siya’” (“Spiritual Crocodiles,” Ensign, Mayo 1976, 30–31).
-
Ano ang dahilan ng pagkapahamak ng binatang ito sa buwaya? Ano sana ang ginawa niya para maiwasan ang trahedyang ito? (Sumunod sa mga babala na ibinigay sa kanya.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na payo ni Pangulong Packer:
“Ang mga nakatatanda sa inyo na may mga karanasan na sa buhay ay binabalaan kayo sa mga panganib na maaari ninyong suungin. Hindi lamang ang malalaking buwaya na kaya kayong lapain, kundi ang mga espirituwal na buwaya, na talagang mas mapanganib, at mas mapanlinlang at mas mahirap pa ngang makita kaysa nakabalatkayong mga buwaya sa Africa.
“Ang mga espirituwal na buwayang ito ay kayang patayin o luray-lurayin ang inyong kaluluwa. Kaya nilang sirain ang kapayapaan ng inyong isipan at ng isipan ng mga taong nagmamahal sa inyo. Ito ang mga bagay na dapat tayong mabigyang-babala, dahil talamak na ito ngayon sa buong mundo” (“Spiritual Crocodiles,” 31).
-
Sa anong mga paraan naitutulad sa mga tukso at taktika ni Satanas ang mga buwaya sa kuwento ni Pangulong Packer? Anong mga babala ang natatanggap natin para maiwasan ang espituwal na panganib?
Basahin nang malakas ang 2 Nephi 28:19 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang mga estudyante. Pagkatapos ay isulat sa pisara Hangad ni Satanas na hawakan tayo nang mahigpit sa pamamagitan ng …
Ipaliwanag na sa pagpapatuloy ni Nephi ng kanyang propesiya, binanggit niya ang mga taktika na gagamitin ni Satanas laban sa atin sa mga huling araw. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 2 Nephi 28:20–29, at alamin kung paano makukumpleto ang pangungusap sa pisara.
Makalipas ang ilang minuto, sabihin sa magkakapartner na ireport kung paano nila nakumpleto ang pahayag sa pisara. Bilang bahagi ng talakayang ito, tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na gumagamit si Satanas ng maraming taktika para matalo tayo, tulad ng pag-uudyok sa atin na magalit, pagpapayapa at pagpapakampante sa atin, at sobrang pagpuri sa atin.
-
Ano ang ilang halimbawa ng pagtatangka ni Satanas na “[pukawin ang mga tao] na magalit laban sa yaong bagay na mabuti”? Bakit hindi naiisip ng mga tao kung ano ang tama at kung ano ang mali kapag galit sila?
-
Sa palagay ninyo, bakit mapanganib na maging “pabaya sa Sion,” ang mga tao, na iniisip na hindi na kailangang may pagbutihin pa? Sa palagay ninyo bakit nagagawa ni Satanas na akayin ang ganoong mga tao at “maingat silang aakayin pababa sa impiyerno”?
-
Ano ang ibig sabihin ng purihin nang labis ang isang tao? (Magbigay ng di-tapat na papuri at komento.) Sa palagay ninyo bakit napapalayo sa Panginoon ang ilang tao dahil sa labis na papuri?
-
Bakit pinipilit ni Satanas na kumbinsihin ang mga tao na hindi siya totoo?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin para hindi tayo matangay ng galit? Paano natin maiiwasang isipin na maayos ang lahat? Paano natin maiiwasang magpadala sa labis na papuri?
Sa pagtatapos ng lesson na ito, ipaalam sa mga estudyante na ang katapusan ng 2 Nephi 28 ay naglalaman ng huling babala at katiyakan mula sa Panginoon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 28:30–32.
-
Iginagalang ng Panginoon ang ating kalayaang pumili at ang ating pagsisikap na matuto sa Kanya. Ayon sa 2 Nephi 28:30, tinuturuan Niya tayo ng “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin.” Ano ang kahulugan niyan sa inyo? Ayon sa talatang ito, ano ang nangyayari sa mga nagsasabi na, “Mayroon na kaming sapat”?
-
Sa 2 Nephi 28:32, nangusap ang Panginoon sa mga tao na nagtatwa sa Kanya. Sa talatang ito, ano sa palagay ninyo ang ibig Niyang ipakahulugan nang sabihin Niyang, “Nakaunat ang aking bisig sa buong maghapon”? (Sa talatang ito, sinabi ng Panginoon ang Kanyang awa at Kanyang kahandaang tumulong sa atin bawat araw kapag sinisikap nating sundin ang Kanyang kalooban, kahit hindi natin Siya tinanggap noon. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na magiging maawain ang Panginoon sa lahat ng mga tao na magsisisi at babalik sa Kanya.)
Isulat sa pisara ang sumusunod: Dahil sa natutuhan ko ngayon, ako ay … Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang pangungusap na ito sa kanilang scripture study journal o class notebook sa pamamagitan ng paglalarawan ng kanilang gagawin matapos mapag-aralan ang propesiya ni Nephi sa 2 Nephi 28. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat. Gayunman, tiyakin na nauunawaan nila na hindi nila kailangang magbahagi ng mga saloobin o karanasan na napakapersonal o napakapribado.
Magpatotoo na sa gabay at lakas na mula sa Panginoon, maaari nating mapaglabanan ang tukso. At kahit may kasalanan tayo, magiging maawain sa atin ang Panginoon kung tayo ay taos-pusong magsisisi.