Library
Lesson 39: 2 Nephi 29–30


Lesson 39

2 Nephi 29–30

Pambungad

Si Nephi ay nagpropesiya tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, na sinabi ng Panginoon na “isang kagila-gilalas na gawain” (2 Nephi 29:1). Nagpatotoo si Nephi na sa mga huling araw, lahat ng banal na kasulatan ay magsasama-sama upang ipakita na naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga anak. Ipinropesiya niya na marami ang hindi tatanggap sa Aklat ni Mormon ngunit ang mga maniniwala ay titipunin sa Simbahan. Bukod pa riyan, itinuro niya na ang mga pinagtipanang tao ng Diyos ay ang mga taong nagsisisi at naniniwala sa Anak ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 29

Ipinropesiya ni Nephi na sa mga huling araw, maraming tao ang hindi tatanggap sa Aklat ni Mormon

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila sa paaralan na tapat na nagtanong ng, “Bakit may iba pang Biblia ang mga Mormon?” Maaari mong sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung naitanong na ito sa kanila. Pagkatapos ay anyayahan ang ilan na ibahagi kung paano nila sinagot ang tanong.

Ipaliwanag na nagbigay si Nephi ng ilang kasagutan sa tanong na ito sa pamamagitan ng pagtatala ng mga salita ng Panginoon tungkol sa gagampanan ng Aklat ni Mormon sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, na tinawag ng Panginoon na “isang kagila-gilalas na gawain.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 29:1–2 at alamin ang gagawin ng mga salita ng Panginoon sa mga huling araw. (Ang mga ito ay “magpapatuloy” sa mga binhi, o mga inapo ni Nephi, at ang mga ito ay “titimo hanggang sa mga dulo ng mundo.”) Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson na “tayong mga miyembro ng Simbahan, at lalo na ang mga missionary, ay kailangang maging mga ‘tagatimo,’ o mga tagapagsalita at tagapagpatotoo, ng Aklat ni Mormon sa mga dulo ng mundo” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Mayo 1975, 65).

Ipaliwanag na ang salitang sagisag sa 2 Nephi 29:2 ay tumutukoy sa isang bagay na ginagamit para tipunin at pag-isahin ang mga tao. Ang mga bandila ay karaniwang tinatawag na mga sagisag. (Tingnan ang paliwanag sa salitang sagisag sa lesson 32.)

  • Ayon sa 2 Nephi 29:2, ano ang “sagisag” na lalaganap “hanggang sa mga dulo ng mundo” upang tipunin ang mga tao ng Panginoon? (Ang Aklat ni Mormon—ang mga salita ng mga binhi, o mga inapo ni Nephi.)

  • Ayon sa 2 Nephi 29:1–2, ano ang layunin ng Panginoon sa pagbigay ng karagdagang banal na kasulatan, tulad ng Aklat ni Mormon? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Panginoon ay nagbigay ng mga banal na kasulatan bilang pangalawang saksi at upang tipunin ng mga tao sa Kanyang tipan.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol (mula sa Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 4.):

“Ang Aklat ni Mormon ay ang pinakamatinding pagpapahayag ng pakikipagtipan ng Diyos at pagmamahal sa kanyang mga anak sa lupa.” (Elder Jeffrey R. Holland)

Ipaliwanag na sa 2 Nephi 29, ang salitang Gentil ay tumutukoy sa mga tao na hindi kabilang sa sambahayan ni Israel. Ang salitang Judio ay tumutukoy sa mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel, kasama na riyan ang pamilya at mga inapo ni Lehi. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 29:3–6 at alamin ang itutugon ng ilang Gentil sa karagdagang banal na kasulatan.

  • Ano ang itutugon ng ilang tao sa karagdagang banal na kasulatan?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga taong tumutugon sa ganitong paraan?

Ipaliwanag na malinaw na nailarawan ni Nephi ang itutugon ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Madalas na may pagdududa ang mga tao sa panahon ngayon sa Aklat ni Mormon dahil may Biblia na sila.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 29:7–11 nang magkakapartner. Sabihin sa kanila na alamin kung bakit nagbigay ang Panginoon ng mga banal na kasulatan bilang karagdagan sa Biblia. Pagkaraan ng ilang minuto, ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. Kasama sa posibleng isagot ang (1) inaalala ng Panginoon ang lahat ng tao at ipinapadala ang Kanyang salita sa lahat ng bansa (tingnan sa talata 7); (2) ipinapahayag ng Panginoon ang mensahe ring iyon sa lahat ng bansa, at ang Aklat ni Mormon ay pangalawang saksi sa mga katotohanan sa Biblia (tingnan sa talata 8); (3) ang Panginoon ay hindi nagbabago, at Siya ay nangungusap alinsunod sa Kanyang kasiyahan (tingnan sa talata 9); (4) ang gawain ng Diyos ay hindi pa tapos, at patuloy Siyang magsasalita para isakatuparan ang Kanyang gawain (tingnan sa talata 9); (5) hindi dapat ipalagay ng mga tao na nilalaman ng Biblia ang lahat ng salita ng Panginoon o wala nang ipinasulat pang iba ang Panginoon (tingnan sa talata 10); at (6) iniutos ng Panginoon sa lahat ng bansa na itala ang Kanyang mga salita (tingnan sa talata 11). Para matulungan ang mga estudyante na maibuod at maipamuhay ang natutuhan nila sa bahaging ito ng lesson, itanong ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong:

  • Paano magagamit ang 2 Nephi 29 para malutas ang mga pagdududa sa pagiging karagdagang banal na kasulatan ng Aklat ni Mormon?

  • Paano ninyo mas napahalagahan ang Aklat ni Mormon dahil sa mga talatang ito?

Pagpartner-partnering muli ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na magpraktis sa pagsagot sa tanong na “Bakit may iba pang Biblia ang mga Mormon?” Sabihin sa magkapartner na isa sa kanila ang magtatanong at ang isa naman ang sasagot sa tanong. Pagkatapos ay magpalitan sila ng gagawin at ulitin ang talakayan. Kapag natapos na ang aktibidad na ito, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga taong kilala nila na maaaring makinabang sa talakayan tungkol sa mga alituntuning ito at hingin ang paggabay ng Espiritu Santo para malaman kung paano kakausapin ang mga taong ito.

Sa pagtatapos mo ng bahaging ito ng lesson, tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na naaalala ng Panginoon ang lahat ng tao at ipapadala ang Kanyang mga salita sa kanila.

2 Nephi 30:1–8

Ipinropesiya ni Nephi ang mahalagang bahagi ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw

Ipaliwanag na matapos ituro na aalalahanin ng Diyos ang sambahayan ni Israel, binalaan ni Nephi ang kanyang mga tao na huwag isiping mas mabubuti sila kaysa sa mga Gentil. Ipinaalala rin niya sa kanila na lahat ng tao ay maaaring maging mga pinagtipanang anak ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 30:2, at sabihin sa klase na alamin ang dalawang dapat nating gawin para mapabilang sa mga pinagtipanang tao ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Tiyakin na nauunawaan nila na tayo ay mapapabilang sa pinagtipanang tao ng Diyos kapag nagsisi at naniwala tayo kay Jesucristo.

Ipaliwanag na sa 2 Nephi 30:3, inilarawan ni Nephi ang isang paraan na gagawin ng Panginoon para tipunin ang Kanyang mga tao sa tipan sa mga huling araw. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 30:3 at tukuyin ang paraang ito. (Ipinadala ng Panginoon ang Aklat ni Mormon. Marami ang naniwala rito at ibinahagi ito sa iba.) Maaari mong ipaliwanag na partikular na binanggit ni Nephi na dadalhin ang mga salita sa Aklat ni Mormon “sa mga labi ng ating mga binhi,” ibig sabihin sa mga inapo ni Lehi.

Hikayatin ang mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 30:4–8 at alamin ang mga parirala na nagpapakita kung paano mapagpapala ang mga tao kapag tinanggap nila ang Aklat ni Mormon.

  • Sa paanong mga paraan mapagpapala ang mga inapo ni Lehi sa sandaling malaman nila ang tungkol sa kanilang mga ninuno?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa epekto ng Aklat ni Mormon sa lahat ng tao?

Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na matutulungan ng Aklat ni Mormon ang lahat ng tao na makilala si Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo. Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito.

  • Ano ang magagawa natin upang tulungan ang iba na makilala si Jesucristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon?

  • Paano kayo natulungan ng Aklat ni Mormon na makilala ang Tagapagligtas?

Anyayahan ang mga estudyante na sabihin ang naranasan nila nang ibahagi nila ang Aklat ni Mormon. Hikayatin ang mga estudyante na ipanalangin na magkaroon sila ng mga pagkakataong maibahagi sa iba ang Aklat ni Mormon.

2 Nephi 30:9–18

Ipinropesiya ni Nephi ang mga kalagayan ng mundo sa panahon ng Milenyo

Ipaliwanag na ipinropesiya rin ni Nephi ang tungkol sa Milenyo—ang 1,000 taon kasunod ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Ibuod ang 2 Nephi 30:9–10 na ipinapaliwanag na sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ang masasama ay lilipulin. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 30:12–18, at alamin kung ano ang magiging buhay sa Milenyo. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sumusulat sila ng isang artikulo sa panahon ng Milenyo, na inilalarawan ang isang kondisyon na natuklasan nila. Sabihin sa kanila na magsulat ng mga headline para sa artikulo at maghandang ibahagi sa isa’t isa ang headline nila.

  • Sa mga kondisyon sa milenyo na napag-aralan ninyo sa 2 Nephi, alin dito ang lubos na inaasam ninyo? Bakit?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa sumusunod na pahayag sa 2 Nephi 30:18: “Si Satanas ay mawawalan ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao, sa mahabang panahon.” Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan.

  • Bakit makatutulong na malaman na ang kabutihan ang magtatagumpay laban sa kasamaan sa bandang huli?

Matapos sumagot ang mga estudyante, magpatotoo na walang kapangyarihan si Satanas sa mga puso ng mga tao sa Milenyo, at kabutihan at kapayapaan ang mangingibabaw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong George Q. Cannon ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit walang kapangyarihan si Satanas sa Milenyo.

“Tinatalakay natin ang tungkol sa paggapos kay Satanas. Si Satanas ay igagapos ng kapangyarihan ng Diyos; ngunit siya rin ay igagapos ng determinasyon ng mga tao ng Diyos na huwag siyang pakinggan, na huwag magpasakop sa kanya. Hindi siya igagapos ng Panginoon at hindi kukunin ang kanyang kapangyarihan mula sa lupa hangga’t may mga kalalakihan at kababaihan na handang magpasakop sa kanya. Iyan ay salungat sa plano ng kaligtasan. Ang alisan ang tao ng kanilang kalayaan ay salungat sa mga layunin ng ating Diyos. Nagkaroon ng panahon sa kontinenteng ito, ayon sa ulat na mayroon tayo, kung kailan napakabuti ng mga tao kung kaya’t walang kapangyarihan si Satanas sa kanila. Halos apat na henerasyon ang lumipas na puno ng kabutihan. Namuhay sila nang dalisay, at namatay na walang kasalanan. Iyan ay dahil ayaw nilang magpasakop kay Satanas. Hindi itinala na walang kapangyarihan si Satanas sa ibang panig ng mundo sa panahong iyon. Ayon sa buong kasaysayan na naiulat sa atin, may gayunding kapangyarihan si Satanas sa mga taong gustong makinig sa kanya. Ngunit wala siyang kapangyarihan sa lupaing ito, at siya ay literal na nakagapos. Naniniwala ako na ito ang mangyayari sa milenyo; at ibinabatay ko ito sa maligayang kalagayang iyon na inilarawan sa talaan na binabanggit ko. Inaasahan ko na bago lubusang igapos si Satanas ay malilipol ang masasama” (sa Conference Report, Okt. 1897, 65).

  • Paano igagapos si Satanas sa panahon ng Milenyo?

Hikayatin ang mga estudyante na mamuhay nang mabuti upang hindi magkaroon ng kapangyarihan sa kanila ang kaaway.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 30:9–10. “Gagawa ng malaking paghahati ang Panginoong Diyos”

Sa 2 Nephi 30:9–10, ipinropesiya ni Nephi ang panahon na “gagawa ng malaking paghahati ang Panginoong Diyos sa mga tao, at lilipulin ang masasama; at patatawarin niya ang kanyang mga tao.” Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na para mapabilang sa mga tao ng Panginoon sa panahong iyon, kailangan nating ilayo ang sarili sa mga makamundong pag-uugali ngayon. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pagitan ng Simbahan at ng mundo na nasa isang landas na hindi natin matatahak ay patuloy na lumalawak.(“The Father and the Family,” Ensign, Mayo 1994, 21).

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bilang mga Banal sa mga Huling Araw hindi natin kailangang tularan ang ginagawa ng mundo. Hindi natin kailangang aliwin ang iba sa paraan ng mundo. Ang ating mga sariling gawi ay dapat na naiiba. Ang ating mga libangan ay dapat na naiiba” (“Gifts of the Spirit,” Ensign, Peb. 2002, 17).

Sinabi ni Elder Larry W. Gibbons ng Pitumpu:

“Sa panahong ito ng pabagu-bagong paniniwala sa konsepto ng tama at mali dapat tayong maging handang manindigan at sabihing, ‘Tama ito, ito ang mali.’ Hindi natin maaaring tularan ang iba! Ngayon, hindi ko iminumungkahi, siyempre, na pumunta tayo sa ilang at magsara ng pintuan. Maaari tayong maging bahagi ng mundo, mag-aral, magtrabaho, makibahagi sa mga makabuluhang organisyon sa komunidad, at marami pang iba. Subalit dapat tayong kumapit sa mga pamantayan ng Panginoon. …

“Mga kapatid, manatili sa tuwid at makipot na daan. Hindi pala, manatili sa gitna ng tuwid at makitid na daan. Huwag maliligaw; huwag maging pabaya; maging maingat.

“Tandaan, huwag makipaglaro sa kasamaan. Huwag tumapak sa teritoryo ng diyablo. Huwag palamangin si Satanas. Ang [pagsunod sa mga kautusan] ay magdudulot sa inyo ng kaligayahang hinahanap ng napakaraming tao sa ibang lugar” (“Samakatwid, Pagpasiyahan Ito sa Inyong mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 103–4).

2 Nephi 30:9–18. Ano ang Milenyo?

“Ang isang milenyo ay 1,000 taon. Kapag pinag-uusapan natin ‘ang Milenyo,’ tinutukoy natin ang 1,000 taon kasunod ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Apocalipsis 20:4; D at T 29:11). Sa panahon ng Milenyo, ‘maghahari si Cristo sa mundo’ (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10).

“Ang Milenyo ay panahon ng kabutihan at kapayapaan sa mundo. Inihayag ng Panginoon na ‘sa araw na yaon ang pag-aalitan ng tao, at ang pag-aalitan ng mga hayop, oo, ang pag-aalitan ng lahat ng laman, ay matitigil’ (D at T 101:26; tingnan din sa Isaias 11:6–9). Si Satanas ay ‘igagapos, upang siya ay mawalan ng puwang sa mga puso ng mga anak ng tao’ (D at T 45:55; tingnan din sa Apocalipsis 20:1–3).

“Sa Milenyo, lahat ng tao sa mundo ay magiging mabuti at makatarungan, ngunit marami ang hindi pa nakatanggap ng kaganapan ng ebanghelyo. Dahil dito, lalahok ang mga miyembro ng Simbahan sa gawaing misyonero.

“Makikibahagi rin ang mga miyembro ng Simbahan sa gawain sa templo sa Milenyo. Patuloy na magtatayo ng mga templo ang mga Banal at tatanggap ng mga ordenansa para sa kanilang mga kamag-anak na namatay. Sa patnubay ng paghahayag, ihahanda nila ang mga talaan ng kanilang mga ninuno magmula pa sa panahon nina Adan at Eva.

“Magpapatuloy ang lubos na kabutihan at kapayapaan hanggang magwakas ang 1,000 taon, kung kailan si Satanas ‘ay kakalagan ng maikling panahon, upang kanyang makalap ang kanyang mga hukbo.’ Kakalabanin ng mga hukbo ni Satanas ang mga hukbo ng langit, na pamumunuan ni Miguel, o Adan. Matatalo si Satanas at ang kanyang mga alagad at itatapon magpakailanman. (Tingnan sa D at T 88:111–115.)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 100–01).