Lesson 40
2 Nephi 31
Pambungad
Maraming taon bago isinilang si Jesucristo, tumanggap si Nephi ng paghahayag tungkol sa binyag ng Tagapagligtas. Nang sabihin ni Nephi sa kanyang mga tao ang paghahayag na ito, itinuro niya ang tinawag niya na “doktrina ni Cristo”—na upang makatanggap ng buhay na walang hanggan, dapat tayong manampalataya kay Jesucristo, magsisi ng ating mga kasalanan, magpabinyag, tanggapin ang Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 31:1–13
Itinuro ni Nephi na sa ating pagpapabinyag, tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas
Simulan ang klase sa pagtatanong sa mga estudyante ng mga sumusunod:
-
Ano ang naaalala ninyo sa inyong binyag? Ano ang nadama ninyo noong binyagan kayo?
Ipaliwanag na sa pagpapabinyag ng mga estudyante, sinunod nila ang huwaran na noon pa man ay bahagi na ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ginamit ni Nephi ang isang parirala na tumutukoy sa huwarang ito. Ipahanap sa mga estudyante ang parirala na matatagpuan sa 2 Nephi 31:2 at 2 Nephi 31:21. Matapos nilang matukoy ang pariralang “ang doktrina ni Cristo,” itanong:
-
Anong mga salita o parirala sa 2 Nephi 31:2, 21 ang nagsasaad na mahalaga ang “doktrina ni Cristo”? (Maaaring kabilang sa sagot ang “kailangan kong sabihin hinggil sa,” “walang ibang daan,” at “ang tangi at tunay na doktrina.”)
Idispley ang larawang Bininyagan ni Juan Bautista si Jesus (62133; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 35). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 31:5–9 at alamin ang mga parirala na nagpapaliwanag kung bakit nagpabinyag si Jesucristo. (Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang ito.) Pagkaraan ng ilang minuto, ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ganapin ang lahat ng katwiran”? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin nito ay sundin ang mga kautusan. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith na ang “ganapin ang lahat ng katwiran” ay “sundin ang batas” [sa Conference Report, Abr. 1912, 9].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 31:10–12.
-
Paano ipinapaliwanag ng mga talatang ito ang kahalagahan ng binyag? (Itinuro ni Nephi na ang binyag ay utos mula sa Ama sa Langit, na kailangan upang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, at ito ay kailangan sa ating pagsisikap na sundin si Jesucristo.)
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga doktrina at alituntunin n natutuhan nila sa 2 Nephi 31:5–12. Sa pagbahagi nila ng kanilang mga ideya, tiyakin na nauunawaan nila ang mga sumusunod na alituntunin:
Nagpakita si Jesucristo ng perpektong halimbawa ng pagsunod na dapat nating tularan.
Dapat nating tularan si Jesucristo, magpabinyag, at tumanggap ng Espiritu Santo.
Kahit walang kasalanan si Jesucristo, siya ay nagpabinyag upang ganapin ang lahat ng katuwiran.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 31:13. Ituon ang atensyon ng mga estudyante sa mga pariralang “may buong layunin ng puso,” “nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos,” at “may tunay na hangarin.” Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang ito.
-
Ano ang kahulugan ng mga pariralang ito sa inyo? (Maaari mong ipaliwanag na lahat ng tatlong pariralang ito ay nagsasaad na kailangang tapat nating pinagsisikapang manampalataya sa Tagapagligtas, magsisi sa ating mga kasalanan, at tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas.)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano nila matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa iba’t ibang sitwasyon, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano naaangkop ang mga pariralang ito sa mga gawain na tulad ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagpunta sa Simbahan?
-
Ano ang pagkakaiba ng “umuusal ng panalangin” at pananalangin “nang may buong layunin ng puso”?
-
Ano ang pagkakaiba ng pagkain ng tinapay ng sakramento at ng pagkain ng tinapay ng sakramento “nang may tunay na hangarin”?
-
Ano ang pagkakaiba ng pagsasabi na pinagsisisihan ninyo ang isang bagay na nagawa ninyo at pagsisisi “nang may buong layunin ng puso”?
2 Nephi 31:14–21
Itinuro ni Nephi na matapos ang binyag, kailangan nating tanggapin ang Espiritu Santo at patuloy na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas
Ipaliwanag na binanggit ni Nephi ang pasukan na nagbubukas patungo sa isang landas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 31:17–18. Kapag tapos ng magbasa ang estudyante, magdrowing sa pisara ng simpleng larawan na tulad ng nasa ibaba:
-
Batay sa 2 Nephi 31:17, ano ang pasukan? (Pagsisisi at binyag. Isulat ang Pagsisisi at Binyag sa ilalim ng pasukan.) Ano ang pagkakatulad ng pagsisisi at binyag sa pasukan?
-
Ayon sa 2 Nephi 31:18, saan patungo ang landas? (Buhay na walang hanggan. Isulat ang Buhay na Walang Hanggan sa dulo ng landas. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang “buhay na walang hanggan” ay tumutukoy sa kadakilaan sa kahariang selestiyal.)
-
Itinuro ni Nephi na matapos ang binyag, tatanggapin natin ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 31:13–14). Ayon sa 2 Nephi 31:17–18, ano ang ginagawa ng Espiritu Santo para sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa Ama at sa Anak at naghahatid ng kapatawaran ng mga kasalanan.)
-
Bakit mahalagang magkaroon tayo ng patotoo sa Ama at sa Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang tungkuling ginagampanan ng Espiritu Santo sa kapatawaran ng mga kasalanan, maaaring kailangan mong ipaliwanag ang pariralang “binyag ng apoy at ng Espiritu Santo” (2 Nephi 31:13–14; tingnan din sa talata 17). Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kahulugan ng mabinyagan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.
“Ang pasukan sa pagbibinyag ay patungo sa makipot at makitid na landas. …
“Ipinag-uutos at itinatagubilin sa atin na mabuhay sa paraang mababago ang nahulog nating kalagayan sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney na ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo ay ‘pinagbabagong-loob [tayo] mula sa pagiging makamundo tungo sa pagiging esprituwal. Nililinis nito, pinagagaling at ginagawang dalisay ang kaluluwa. … Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa tubig ay mga pasimula lamang at kailangang lahat para dito, ngunit [ang binyag ng apoy] ang katuparan. Upang matanggap ang [binyag na ito ng apoy] ang isang tao ay dapat mahugasan sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo’ (Learning for the Eternities, comp. George J. Romney [1977], 133; tingnan din sa 3 Nephi 27:19–20).
“Kaya nga, habang tayo ay nagbabagong-loob at nagsisikap na mapasaatin sa tuwina ang Kanyang Espiritu, pinagiging banal tayo ng Espiritu Santo at pinadadalisay ang ating kaluluwa na parang tulad ng pagpapadalisay ng apoy (tingnan sa 2 Nephi 31:13–14, 17). Sa huli tatayo tayo sa harapan ng Diyos na walang bahid–dungis” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 81).
-
Ano ang ginagawa sa atin ng “binyag ng apoy” ayon kina Elder Bednar at Pangulong Romney?
-
Anong mga karagdagang pagpapala ang matatanggap natin sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo?
-
Paano kayo “nagsisikap na mapasa[inyo] sa tuwina ang Kanyang Espiritu”?
-
Kailan ninyo nadamang kumikilos sa buhay ninyo ang Espiritu Santo?
Ipaliwanag na sa 2 Nephi 31:18, ang ibig sabihin ng salitang makipot ay makitid, istrikto, mahigpit, at hindi lumilihis. Ginamit ni Nephi ang salitang ito para ilarawan ang landas na dapat nating tahakin matapos mabinyagan upang matamo ang buhay na walang hanggan. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang kailangan nating gawin pagkatapos ng binyag para manatili sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan?
Habang pinagninilay ng mga estudyante ang tanong na ito, sabihin sa kanila na hanapin ang mga sagot sa 2 Nephi 31:15–16, 19–21. Maaari mong sabihin na markahan nila ang mga salita o parirala na nagpapaliwanag ng dapat nating gawin upang matamo ang buhay na walang hanggan. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang minarkahan nila. Habang sumasagot sila, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Ganito ang dapat na itsura ng ilustrasyon mo:
Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kung mamumuhay tayo ayon sa doktrina ni Cristo, matatamo natin ang buhay na walang hanggan.
Sa pagtatapos ng lesson, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 31:20. Sabihin na ang 2 Nephi 31:19–20 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap. Sabihin sa kanila na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal o class notebook:
-
Ayon sa napag-aralan ninyo sa lesson na ito, ano ang nagbibigay sa inyo ng pag-asa na matatamo ninyo ang buhay na walang hanggan?
-
Paano nakaimpluwensya sa inyong buhay ang tipang ginawa ninyo sa binyag?