Library
Home-Study Lesson: 1 Nephi 20–2 Nephi 3 (Unit 5)


Home-Study Lesson

1 Nephi 202 Nephi 3 (Unit 5)

Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 1 Nephi 20 hanggang 2 Nephi 3 (unit 5) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo para sa unit 5 ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (1 Nephi 20–22)

Sa pagbanggit ni Nephi sa kanyang mga kapatid ng ilan sa mga propesiya ni Isaias, natutuhan ng mga estudyante na inaanyayahan ng Panginoon ang mga di-masunurin na magsisi at bumalik sa Kanya. Ipinapakita nito na mahal tayo ng Panginoon at hindi tayo kalilimutan kailanman. Natutuhan din ng mga estudyante na bagama’t ikakalat ang Israel dahil sa hindi pagsunod, nangako ang Panginoon na ipanunumbalik ang ebanghelyo at titipunin ang Israel sa mga huling araw.

Day 2 (2 Nephi 1)

Pinag-aralan ng mga estudyante ang mga huling itinuro ni Lehi sa kanyang pamilya bago siya namatay. Binigyang-diin ni Lehi na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, at hindi Niya tayo bibigyan ng mga pagpapala kapag hindi natin sinusunod ang Kanyang mga kautusan. Nang malaman ni Lehi na malapit na siyang mamatay, hinikayat niya ang kanyang pamilya na sundin si Nephi. Natutuhan ng mga estudyante na kapag sinusunod natin ang mga tinawag ng Diyos na mamuno sa atin, binibiyayaan tayo ng espirituwal na pag-unlad at seguridad.

Day 3 (2 Nephi 2)

Ipinaliwanag ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob ang dalawang mahalagang katotohanan: (1) ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at (2) sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tinubos tayo ni Jesucristo mula sa mga epekto ng Pagkahulog at handa tayong tubusin mula sa ating mga kasalanan. Ipinaliwanag ni Lehi na dahil sa Pagkahulog at Pagbabayad-sala, malaya nating mapipili ang kalayaan at buhay na walang hanggan o pagkabihag at kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 2:27).

Day 4 (2 Nephi 3)

Sa pagsasalita sa kanyang anak na si Jose, ikinuwento ni Lehi ang propesiya ni Jose ng Egipto na matatagpuan sa mga laminang tanso. Ang propesiyang ito ay naglalahad na ibabangon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith para makatulong sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Sinabi sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal kung paano naging mahalaga sa kanila ang mga nagawa ni Propetang Joseph Smith.

Pambungad

Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga walang hanggang layunin ng Diyos. Alam ni Lehi na makagagawa ang kanyang mga inapo ng mga pagpapasiyang magbibigay sa kanila ng kagalakan, kalayaan at buhay na walang hanggan kung mauunawaan at paniniwalaan nila ang mahahalagang doktrina—tulad ng Pagkahulog, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kalayaang pumili, at pagsunod (tingnan sa 2 Nephi 2:25, 27). Hikayatin ang mga estudyante na piliin ang buhay na walang hanggan upang sila ay “[mayakap] magpakailanman ng mga bisig ng pagmamahal [ng Diyos]” (2 Nephi 1:15), tulad ni Lehi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 1–2

Bago siya namatay, hinikayat ni Lehi ang kanyang mga anak na sundin ang mga kautusan ng Diyos at itinuro sa kanila ang mga pangunahing doktrina ng plano ng kaligtasan

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na basahin ang huling pangungusap ng 2 Nephi 3:25 (“Pakatandaan mo ang mga salita ng iyong nag-aagaw-buhay na ama”). Itanong sa kanila kung paano maaaring mabago ang pakikinig nila sa payo ng isang miyembro ng pamilya kung alam nilang malapit nang mamatay ang taong iyon.

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga katotohanan na binigyang-diin ni Lehi sa kanyang mga huling sinabi sa kanyang pamilya. Sa aktibidad na ito, maibabahagi rin nila sa isa’t isa kung paano makatutulong ang mga katotohanang ito na masunod nila ang plano ng Ama sa Langit para sa kanilang kaligtasan.

  1. Mag-assign sa bawat estudyante o magkapartner ng tig-iisa ng mga sumusunod na scripture passage: 2 Nephi 1:16–20; 2 Nephi 2:6–10; 2 Nephi 2:19–20, 22–25; at 2 Nephi 2:11–13, 27–29. (Kung wala pang apat ang bilang ng mga estudyante mo, maiaangkop mo ang aktibidad na ito sa pagbibigay ng mahigit sa isang scripture passage sa mga estudyante o pagpili ng ilang scripture passage na tatalakayin.)

  2. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang mga scripture passage na ito, ipasagot sa kanila ang mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong.)

    1. Anong mga pangunahing katotohanan ang itinuro ni Lehi?

    2. Bakit mahalaga sa ating pangwalang-hanggang kapakanan ang mga katotohanang ito?

  3. Pagkatapos mabigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na matapos ang assignment nila, sabihin sa bawat estudyante o magkapartner na ibahagi ang mga nalaman nila. HIkayatin ang lahat ng estudyante hangga’t maaari na ibahagi ang nalaman nila at ipaliwanag kung bakit iyon mahalaga sa kanila.

Pagkatapos ng aktibidad, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Fielding Smith:

“Ginawa lamang ni Adan ang dapat niyang gawin. Kinain niya ang bungang iyon sa isang magandang dahilan, at iyan ay buksan ang pinto upang ikaw at ako at ang lahat ng iba pa ay maipadala sa mundong ito. …

“… Kung hindi dahil kay Adan, wala ako rito; wala ka rito; naroon tayo sa kalangitan at naghihintay bilang mga espiritu” (sa Conference Report, Okt. 1967, 121–22).

Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:

  • Ano ang ilan sa mga ibinunga ng Pagkahulog na inilarawan ni Lehi sa 2 Nephi 2:21–24?

  • Paano ginawang posible ng mga ibinungang ito ang pag-unlad natin ayon sa plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligtasan?

Idadag sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tinubos tayo ni Jesucristo mula sa Pagkahulog at handang tubusin tayo mula sa ating mga kasalanan.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ginawa nang may dalisay na pagmamahal, ay dumaig sa mga ibinunga ng Pagkahulog at nagbigay ng daan sa lahat ng tao na makabalik sa piling ng Diyos. Bilang bahagi ng Pagbabayad-sala, dinaig ng Tagapagligtas ang pisikal na kamatayan at naglaan ng imortalidad para sa bawat isa sa mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Nadaig din niya ang kamatayang espirituwal at ginawang posible ang buhay na walang hanggan, ang buhay na taglay ng Diyos at siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (“Christians in Belief and Action,” Ensign, Nob. 1996, 71).

Itanong sa mga estudyante: Ano ang ilan sa mga pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng kalayaang pumili sa plano ng Ama sa Langit, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kung wala tayong mga pagpipilian, kung wala tayong kalayaang pumili at kung walang pagsalungat, hindi tayo totoong nabubuhay. … Ito ay isang katotohanan na hindi tayo uunlad sa espirituwal ni magiging tunay na maligaya maliban na lamang kung gagamitin natin nang may katalinuhan ang kalayaan nating pumili” (One More Strain of Praise [1999], 80).

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Malaya nating mapipili ang kalayaan at buhay na walang hanggan o pagkabihag at kamatayan.

Patingnan sa mga estudyante ang assignment 4 ng day 3 sa kanilang scripture study journal. Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag ang natutuhan nila mula sa 2 Nephi 2:26–29.

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

“Upang magtamo ng kaligtasan hindi lamang natin dapat gawin ang ilang bagay, kundi lahat ng bagay na inutos ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 187).

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Sa palagay ninyo, bakit binigyang-diin ni Lehi ang pagsunod nang magbigay siya ng huling payo sa kanyang pamilya bago siya namatay?

  • Ano ang mga karanasan ninyo na nakatulong sa inyo na malamang pinagpapala tayo ng Panginoon kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, at hindi Niya tayo binibigyan ng mga pagpapala kapag hindi natin sinusunod ang Kanyang mga kautusan? (Idagdag sa pisara ang katotohanang ito.)

Tapusin ang lesson sa pagbasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, [dating] Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pagsunod ay napakabisang gamot sa kaluluwa. Halos nagagamot nito ang lahat ng uri ng sakit” (“Balm of Gilead,” Ensign, Nob. 1987, 18).

Magpatotoo na mahal ng Diyos ang iyong mga estudyante at nais Niyang tulungan sila na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog at makatanggap ng buhay na walang hanggan.

Susunod na Unit (2 Nephi 4–10)

Nang namatay na si Lehi, hinangad nina Laman at Lemuel na patayin si Nephi. Anong babala ang ibinigay ng Panginoon na nagligtas sa buhay ni Nephi? Gayundin, ano ang mangyayari sa ating mga katawan at espiritu kung walang Pagbabayad-sala? Mahahanap ng mga estudyante ang mga sagot sa tanong na ito sa 2 Nephi 9:7–9.