Library
Lesson 116: 3 Nephi 1


Lesson 116

3 Nephi 1

Pambungad

Nang malapit na ang panahon ng katuparan ng propesiya ni Samuel ang Lamanita tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, ang mga naniniwala ay nagbantay at naghintay sa mga palatandaang sinabi ni Samuel na mangyayari. Nagbanta ang mga di-naniniwala na papatayin ang mga naniniwala kung hindi matutupad ang propesiya sa isang itinakdang araw. Si Nephi, na anak ni Nephi, at apo ni Helaman, ay nagsumamo sa Panginoon para sa kapakanan ng mga naniniwala. Bilang sagot sa panalangin ni Nephi, dumating ang tinig ng Panginoon at ipinahayag sa kanya na ang palatandaan ay makikita sa gabing iyon. Nang lumubog ang araw ay hindi dumilim, at lumitaw ang isang bagong bituin. Sa kabila ng patuloy na pagtatangka ni Satanas na wasakin ang pananampalataya ng mga tao, karamihan sa mga tao ay nagbalik-loob sa Panginoon. Ngunit makaraan ang dalawang taon, nagsimulang mahimok ng mga tulisan ni Gadianton ang mga Nephita at mga Lamanita sa kasamaan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 1:1–26

Ang mga propesiya hinggil sa pagsilang ni Jesucristo ay natupad, at maraming Nephita ang nagbalik-loob

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga tao na nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa ebanghelyo. (Ilang halimbawa ay si Jesucristo, si Abinadi, ilan sa mga Anti-Nephi-Lehi, at sina Joseph at Hyrum Smith.) Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay handang gawin ng mga tao ang gayong sakripisyo. Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipang mabuti kung ano ang gagawin nila kung sila ay nasa isang sitwasyon na kailangan nilang ibigay ang kanilang buhay para sa ebanghelyo. Ipaliwanag na limang taon matapos mangaral si Samuel ang Lamanita sa Zarahemla, isang grupo ng matatapat na mga Nephita ang naharap sa ganitong posibilidad.

Ibuod ang 3 Nephi 1:1–3 na sinasabi sa mga estudyante na ibinigay ng anak ni Helaman na si Nephi ang mga sagradong talaan sa kanyang anak na si Nephi at pagkatapos ay lumisan sa lupain. Walang nakaaalam kung saan siya pumunta.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 1:4–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang hamong kinaharap ng matatapat na Nephita.

  • Anong hamon ang kinaharap ng mga naniniwala?

  • Bakit nahirapang manatiling tapat ang ilang tao sa sitwasyong ito?

  • Sino ang kilala ninyo na pinaniniwalaan ninyong mananatiling tapat sa sitwasyong ito? Sa inyong palagay, bakit mananatiling tapat ang mga taong ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 1:10–12, at alamin ang ginawa ni Nephi sa kritikal na sandaling ito.

  • Ano ang hinangaan ninyo sa ginawa ni Nephi sa sitwasyong ito? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 1:13–14, at sabihin sa klase na lubos na pagtuunan ng pansin ang sagot ng Panginoon sa panalangin ni Nephi.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na Kanyang “[ipapakita] sa sanlibutan”? (Dapat makita sa sagot ng mga estudyante na: tutuparin ng Panginoon ang lahat ng salitang ipinasabi Niya sa Kanyang mga propeta.)

  • Nang sabihin ng Panginoon na naparito Siya sa daigidig upang “gawin ang kalooban, kapwa ng Ama at ng Anak,” ang tinutukoy Niya ay ang Kanyang Pagbabayad-sala. Paano nakatulong sa atin ang mensaheng ito na “magalak”?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 1:4, 14–15, 19–21, at ipahanap ang mga parirala na nagbibigay-diin na tinutupad ng Panginoon ang mga salita ng mga propeta.

  • Ano kaya ang madarama ninyo kung kasama kayo sa mga naniniwala nang dumating ang palatandaan?

  • Paano makatutulong sa inyo ang kaalamang tutuparin ng Panginoon ang mga salita ng mga propeta kapag may taong nangungutya sa inyong mga pamantayan o inuusig kayo dahil sa inyong mga pinaniniwalaan?

Sabihin sa dalawa o tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 1:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nangyari sa masasama nang makita nila ang mga palatandaan na ipinropesiya.

  • Ano ang nalaman ng masasama matapos maibigay ang palatandaan?

  • Bakit humahantong sa takot ang pagkakasala at kawalang-paniniwala?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 1:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ni Satanas para mahimok ang mga tao na huwag maniwala sa mga palatandaan ng pagsilang ng Panginoon.

  • Ano ang ginawa ni Satanas? (Nagpalaganap siya ng mga kasinungalingan sa mga tao.) Ano ang ilang kasinungalingan na ipinalalaganap ngayon ni Satanas?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa itinugon ng mga tao sa mga kasinungalingan ni Satanas? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag naharap tayo sa mga kasinungalingan ni Satanas, mapipili nating maniwala kay Jesucristo at magbalik-loob. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Bishop Richard C. Edgley ng Presiding Bishopric. Maaari mong bigyan ng kopya nito ang mga estudyante na kakasya sa kanilang banal na kasulatan.

“Dahil sa mga kaguluhan at hamong kinakaharap natin sa mundo ngayon, nais kong magmungkahi ng isang pipiliin—pagpili ng kapayapaan at proteksyon at pagpiling angkop para sa lahat. Ang pagpiling iyan ay ang pananampalataya. … Piliing sumampalataya sa halip na magduda, piliing sumampalataya sa halip na mangamba, piliing sumampalataya sa halip na matakot sa hindi batid o hindi nakikita, at piliing sumampalataya sa halip na mag-isip nang masama. …

“Kapag sumalungat ang katwiran, dahilan, o personal na talino sa sagradong mga turo at doktrina, o inatake ng magkakasalungat na mensahe ang inyong mga paniniwala … , piliing huwag itapon ang binhi ng [pananampalataya sa] inyong puso [dahil] sa kawalang-paniniwala [tingnan sa Alma 32:28]. Tandaan, hindi natin matatanggap ang patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6)” (“Pananampalataya—Kayo ang Pumili,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 31–33).

  • Ano ang maaari nating gawin para piliin natin ang manampalataya sa halip na magduda, matakot, at mag-isip nang masama? (Maaaring kasama sa mga sagot ang manalangin at hingin ang tulong ng Panginoon, mag-aral ng mga banal na kasulatan, sundin ang mga kautusan, dumalo sa mga miting ng Simbahan, at maglingkod sa kapwa.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 1:24–25 at alamin ang isa pang hamon na nakaharap ng ilang naniniwala.

  • Ano ang pinagsikapang patunayan ng ilang tao tungkol sa batas ni Moises?

  • Ano ang natutuhan ninyo sa ginawa ng mga taong ito nang malaman nila na mali sila?

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Kapag inuudyukan ako ng kaaway na magduda, paano ako mananatiling nanampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo? Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang tanong na ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Bigyan sila ng ilang minuto na isulat ang kanilang mga sagot.

3 Nephi 1:27–30

Ang mga tumiwalag na Nephita at ilang kabataang Lamanita ay umanib sa mga tulisan ni Gadianton

Magpapunta ng dalawang estudyante sa harap ng klase. Sabihin sa isang estudyante na pumikit siya at tumayo gamit ang isang paa lamang. Ipaliwanag na ang estudyanteng ito ay kumakatawan sa isang taong nakaaalam ng katotohanan ngunit hindi nananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at hindi masigasig na ipinamumuhay ang ebanghelyo.

Ipaliwanag na sa demonstrasyong ito, ang pangalawang estudyante ay kumakatawan sa mga impluwensya na nag-uudyok sa isang tao na tumalikod sa katotohanan. Sabihin sa pangalawang estudyante na marahang itulak ang braso ng unang estudyante hanggang sa mawalan ng balanse ang unang estudyante. Bigyang-diin na kapag hindi nagsisikap ang isang tao na ipamuhay ang ebanghelyo, siya ay mas malamang na malinlang ng mga kasinungalingan at tukso ni Satanas.

  • Ano ang kakailanganing gawin ng unang estudyante para hindi siya matumba at manatiling matatag? (Dapat buksan ng estudyante ang kanyang mga mata at tumayo gamit ang dalawang paa.)

Sabihin sa unang estudyante na buksan niya ang kanyang mga mata at tumayo nang matatag gamit ang dalawang paa. Ipaliwanag na kumakatawan ngayon ang estudyanteng ito sa isang taong “matibay at matatag sa pananampalataya” (Helaman 15:8). Pagkatapos ay sabihin sa pangalawang estudyante na muling marahang itulak ang braso ng unang estudyante. Bigyang-diin na kapag nagsisikap ang isang tao na pag-aralan at sundin ang mga kautusan ng Diyos, siya ay matatag pa rin at hindi natitinag kapag dumating ang oposisyon o mga tukso.

Pabalikin na sa kanilang upuan ang dalawang estudyante. Ipaliwanag na ilang taon matapos maganap ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo, patuloy na tinangka ni Satanas na pagdudahin ang mga tao sa katotohanan ng ebanghelyo.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 1:27–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang impluwensya ng masasamang tao sa ilang kabataang Lamanita.

  • Ano ang nangyari sa ilang kabataang Lamanita? (Sila ay “naakay palayo ng ilan sa mga Zoramita,” at umanib sila sa mga tulisan ni Gadianton.)

  • Ayon sa 3 Nephi 1:29, bakit naniwala ang ilang kabataang Lamanita sa mga “pagsisinungaling” at “mahihibok na salita” ng mga Zoramita”? (Kung hindi nabanggit ng mga estudyante ang pahayag ni Mormon na ang mga kabataan ay “nagbago sa kanilang sarili,” ituro ito sa kanila.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “nagbago sa kanilang sarili”?

Kapag natalakay na ng mga estudyante ang sagot sa tanong na ito, basahin ang sinabi ni Sister Kathleen H. Hughes, miyembro ng Relief Society general presidency, tungkol sa pariralang ito:

“Ipinahihiwatig nito sa akin na inuna nila ang kanilang sarili at labis na nagnasa sa mga bagay na pinaiiwasan sa kanila ng mga propeta. Nagpatangay sila sa mga panunukso at pang-aakit ni Satanas” (“Lumaki sa Panginoon,” Liahona, Peb. 2010, 42).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 1:30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang impluwensya ng “sumisibol na salinlahi” (mga kabataan) sa iba.

  • Ano ang epekto ng sumisibol na henerasyon sa pananampalataya ng mga nakapaligid sa kanila?

Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang pangyayaring ito sa mga sitwasyon ngayon sa panahon natin, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilang “pagsisinungaling” at “mahihibok na salita” ang maaaring umakit sa mga kabataan ngayon na makihalubilo sa masasamang grupo?

  • Kailan kayo nakakita ng mga kabataan na nagkaroon ng masamang impluwensya sa pananampalataya ng iba?

Sabihin sa mga estudyante na maglahad ng isang alituntunin na bumubuod sa matututuhan natin sa 3 Nephi 1:29–30. Maaaring iba-ibang salita ang magamit nila sa pagsagot, ngunit tiyaking matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kung magpapadaig tayo sa tukso, ang ating halimbawa ay magkakaroon ng masamang impluwensya sa pananampalataya at kabutihan ng ibang tao. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.

Ipaliwanag na bagama’t ang mga kabataan na binanggit sa 3 Nephi 1:30 ay nagkaroon ng masamang impluwensya sa pananampalataya ng iba, ang mga kabataan ay maaari ding magkaroon ng mabuting impluwensya sa mga nasa paligid nila. Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa pisara at siya ang magsulat para sa klase. Ipasulat sa kanya ang mga sagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano kayo magkakaroon ng mabuting impluwensya sa pananampalataya ng inyong pamilya, ward o branch, at komunidad?

Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isa o dalawang ideya sa pisara na kaagad nilang magagawa. Tiyakin sa kanila na mapalalakas nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng epekto ng kanilang mabubuting halimbawa.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 1:2. Mga Nephitang tagapag-ingat ng mga talaan

Ibinigay ni Nephi, na anak ni Helaman, sa kanyang anak na si Nephi ang “lahat ng talaang iningatan, at lahat ng yaong bagay na iningatang banal simula pa sa paglisan ni Lehi mula sa Jerusalem” (3 Nephi 1:2). Sa panahong ito, kabilang sa koleksyon ng mga sagradong talaan ang malalaking lamina ni Nephi, ang maliliit na lamina ni Nephi, ang mga laminang tanso, at ang 24 na laminang ginto na isinulat ni Eter.

Makikita sa sumusunod na chart kung paano nagpasalin-salin ang mga sagradong talaan sa mga propeta noong mga 124 B.C. (ang simula ng aklat ni Mosias) hanggang mga A.D. 1 (ang simula ng aklat ng 3 Nephi).

Haring Benjamin

down arrow

Haring Mosias (tumanggap ng mga lamina noong mga 124 B.C.; tingnan sa Mosias 1:15–16)

down arrow

Nakababatang Alma (tumanggap ng mga lamina noong mga 92 B.C.; tingnan sa Mosias 28:20)

down arrow

Helaman I, anak ni Nakababatang Alma (tumanggap ng mga lamina noong mga 73 B.C.; tingnan sa Alma 37:2)

down arrow

Siblon, anak ni Nakababatang Alma (tumanggap ng mga lamina noong mga 56 B.C.; tingnan sa Alma 63:1)

down arrow

Helaman II, anak ni Helaman I (tumanggap ng mga lamina noong mga 53 B.C.; tingnan sa Alma 63:11)

down arrow

Nephi I, anak ni Helaman II, (tumanggap ng mga lamina noong mga 39 B.C.; tingnan sa Helaman 3:37; 3 Nephi 1:2)

down arrow

Nephi II, anak ni Nephi I (tumanggap ng mga lamina noong mga A.D. 1; tingnan sa 3 Nephi 1:3)

Pansinin na ang pangalang “Helaman I” at “Nephi I” ay hindi nangangahulugang ito ang unang pagkakataon na ginamit ang mga pangalang ito sa Aklat ni Mormon. Ang mga roman numeral sa hulihan ng pangalan ay ginamit lamang para mas malinaw sa chart na ito. Ang anak ni Lehi na si Nephi, na sumulat ng 1 Nephi at 2 Nephi, ay hindi kasama sa chart na ito.

3 Nephi 1:29–30. Ang “kasamaan ng sumisibol na salinlahi”

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang epekto sa pamilya ng isang tao na naligaw ng landas:

“Hawak ng mga kabataan ng Simbahan … ang hinaharap. Ang Simbahan ay palaging may agwat na isang henerasyon mula sa tuluyang paglaho nito. Kung mawala ang isang buong henerasyon, na hindi mangyayari, mawawala sa atin ang Simbahan. Ngunit kahit isang tao lang ang mawala sa ebanghelyo ni Jesucristo, nakakaapekto pa rin ito sa mga henerasyon ng kanyang mga inapo, maliban kung tutulong ang Panginoon na madala ang iba sa kanila pabalik sa Simbahan” (“We Must Raise Our Sights” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 14, 2001], 1, si.lds.org).