Lesson 117
3 Nephi 2–5
Pambungad
Matapos makita ng mga tao ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo, sila ay nagsimula nang hindi manggilalas sa mga palatandaan, at pinatigas nila ang kanilang puso. Hindi tinanggap ng maraming tao ang mga karagdagang palatandaan at kababalaghan at lalo pa silang naging masama. Bunga nito, dumami ang mga tulisan ni Gadianton kaya napilitan ang mga Nephita at mga Lamanita na humawak ng sandata laban sa kanila. Ang mga Lamanitang nagbalik-loob ay nakiisa sa mga Nephita at nakilala bilang mga Nephita. Si Laconeo, ang punong hukom ng mga Nephita, ay sinabihan ang mga tao na magsisi at inihanda sila para sa digmaan. Dahil sa kanilang pagsisisi, pananampalataya sa Panginoon, at masigasig na paghahanda, nadaig ng mga Nephita ang mga tulisan ni Gadianton. Pagkatapos nilang maligtas, kinilala at pinasalamatan ng mga tao ang kapangyarihan ng Diyos na nagprotekta sa kanila.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 2
Ang mga Lamanitang nagbalik-loob ay nakiisa sa mga Nephita para ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga tulisan ni Gadianton
Sabihin sa mga estudyante na ilista nila sandali sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilan sa kanilang mga espirituwal na karanasan. Ipaalala sa kanila na ang mga espirituwal na karanasan ay hindi kailangang kamangha-mangha o di-karaniwan para maging makabuluhan. Imungkahi na pagnilayan nila ang mga pagkakataon na nadama nila ang pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit o ang impluwensya ng Espiritu Santo. Halimbawa, maaari nilang isulat ang naranasan nila noong sinagot ang kanilang panalangin, noong tumanggap sila ng pagbabasbas ng priesthood, o noong maglingkod sila sa iba. Kapag tapos na silang magsulat, tanungin sila kung bakit sa palagay nila ay magiging mahalaga na maalaala ang mga espirituwal na karanasang ito ngayon at sa sumusunod na 10 o 20 taon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 2:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nangyari nang magsimulang kalimutan ng mga tao ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas.
-
Anong mga katotohanan ang itinuturo ng tala na ito tungkol sa panganib ng paglimot sa mga espirituwal na karanasan?
Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga katotohanang nalaman nila, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kung kalilimutan natin ang mga espirituwal na karanasan na nangyari noon, tayo ay mas madaling matutukso at malilinlang ni Satanas. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na isulat ito sa ilalim ng kanilang listahan ng mga espirituwal na karanasan.
-
Sa inyong palagay, bakit ang paglimot sa mga espirituwal na karanasan ay lalong nagpapahina sa atin at nagiging madali tayong matukso ni Satanas?
-
Ano ang maaari nating gawin upang matiyak natin na hindi natin nalilimutan ang mga espirituwal na karanasan natin? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagbabahagi ng mga karanasan sa iba kung angkop, pagsulat nito sa sariling journal, o pagsulat ng mga karanasan mula sa mga aktibidad sa Tungkulin sa Diyos o Pansariling Pag-unlad.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag kung saan ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung paano nakatulong sa kanya ang pagsulat ng mga espirituwal na karanasan sa kanyang journal. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga pagpapalang dumarating sa pag-iingat ng gayong talaan.
“Ilang taon akong sumulat ng ilang linya araw-araw. Hindi ako pumalya kahit isang araw kahit pagod na pagod ako o maaga pa akong gigising kinabukasan. Bago ako sumulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: ‘Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?’ Habang patuloy ko itong ginagawa, may nagsimulang mangyari. Habang ginugunita ko ang mga nangyari sa maghapon, nakikita ko ang katibayan ng nagawa ng Diyos para sa aming lahat na hindi ko nakita dahil sa kaabalahan sa maghapon. Nang mangyari iyon, at madalas iyong mangyari, natanto ko na sa paggunita ay naipakita sa akin ng Diyos ang Kanyang nagawa.
“Higit pa sa pasasalamat ang aking nadama. Lumakas ang patotoo ko. Lalo kong natiyak na nakikinig at sumasagot ang ating Ama sa Langit sa mga dalangin. Lalo akong nagpasalamat sa paglambot at pagdalisay ng puso ng tao dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At lalo akong nagtiwala na ipaaalala sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay—maging ang mga bagay na hindi natin napansin o pinansin nang mangyari ang mga ito” (“O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 67).
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang pag-alaala sa mga espirituwal na karanasan—sa pamamagitan ng pagsulat nito sa isang journal o sa iba pang paraan—na manatiling tapat sa kabila ng pagtatangka ni Satanas na matukso o malinlang sila.
Ibuod ang 3 Nephi 2:4–19 na ipinapaliwanag na habang patuloy sa kasamaan ang mga tao, dumami at lumakas ang mga tulisan ni Gadianton. Ang mga tulisan ni Gadianton ay naging mas mararahas at malulupit, at ang mga Lamanitang nagbalik-loob ay nakiisa sa mga Nephita upang labanan sila. Bagama’t bahagya silang nagtagumpay sa pagtaboy sa mga tulisan ni Gadianton palabas sa kanilang mga lupain, nanganib pa rin ang mga Nephita (kasama ang mga Lamanitang nagbalik-loob, na tinatawag ngayong mga Nephita) makaraan ang 15 taon matapos makita ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo.
3 Nephi 3:1–10
Inutos ng pinuno ng mga tulisan ni Gadianton na sumuko na ang mga Nephita
Ipaliwanag na sa 3 Nephi 3:1–10, nakita natin ang isang halimbawa kung paano kumikilos kung minsan ang kaaway sa pamamagitan ng ibang tao para pahinain ang ating pananampalataya at ilihis tayo ng landas. Sumulat si Giddianhi, ang pinuno ng mga tulisan ni Gadianton, kay Laconeo, ang punong hukom ng mga Nephita, para himukin siya na sumuko sa mga tulisan ni Gadianton.
Isulat sa pisara ang Hinimok ni Giddianhi si Laconeo. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at ipabasa nang tahimik sa unang grupo ang 3 Nephi 3:2–5 at sa pangalawang grupo naman ang 3 Nephi 3:6–10. Sa pagbabasa ng mga estudyante, ipahanap sa kanila ang mga salita o parirala na naglalarawan sa mga taktikang ginamit ni Giddianhi para pahinain ang pananampalataya ni Laconeo at ilihis siya ng landas. Matapos magbasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang nahanap nila. Ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara.
Para maibuod ang mga taktika na natukoy ng mga estudyante: sa 3 Nephi 3:2–10, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan sa ilalim ng listahan ng mga estudyante: Si Satanas at ang mga sumusunod sa kanya ay palaging gumagamit ng panghihibok o labis na papuri, mga hindi totoong pangako, at mga pagbabanta para iligaw ang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga taktika ni Giddianhi na nakasulat sa pisara at ipaliwanag kung paano maaaring gamitin ni Satanas at ng mga sumusunod sa kanya ang ganito ring taktika sa mga kabataan ngayon. Upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang ilan sa mga pagkakatulad na ito, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ilang halimbawa ng paraan kung paano maaaring gamitin ng kaaway ang paghihibok (hindi tapat o sobrang pagpuri) sa mga kabataan ngayon? Ano ang ilang hindi totoong pangako o pagbabanta na maaaring gamitin ng kaaway? Sa palagay ninyo, paano mapaglalabanan ng mga kabataan ang mga taktikang ito?
3 Nephi 3:11–5:7
Naghanda ang mga tao ni Laconeo upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at natalo nila ang mga tulisan ni Gadianton
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 3:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano sinagot ni Laconeo ang liham ng pagbabanta ni Giddianhi.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa paraan ng pagsagot ni Laconeo kay Giddianhi? (Ang isang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang mabubuting kalalakihan at kababaihan ay hindi dapat matakot at hindi dapat sumuko sa kanilang pagbabanta.)
Hatiin ang klase sa apat na grupo. Bigyan ng papel ang bawat grupo. Sabihin sa mga grupo na hatiin ang kanilang papel sa dalawang column, ang isa ay lagyan ng label na Mga Paghahanda ni Laconeo at ang isa naman ay Mga Pagkakatulad sa Makabagong Panahon. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference, at bigyan ng isa nito ang bawat grupo: 3 Nephi 3:12–15; 3 Nephi 3:16–21; 3 Nephi 3:22–26; 3 Nephi 4:1–4. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang ibinigay na talata sa kanila, at alamin kung paano espirituwal at pisikal na inihanda ni Laconeo ang kanyang mga tao upang makapanaig sa pag-atake ng mga tulisan ni Gadianton. Sa ilalim ng Mga Paghahanda ni Laconeo, ipasulat sa isang estudyante sa bawat grupo ang ginawang paghahanda ng mga tao. (Paalala: Sa pag-aaral ng mga estudyante sa mga talatang ito, tiyaking makita nila ang pagkakaiba ni Giddianhi, ang pinuno ng mga tulisan ni Gadianton, at ni Gidgiddoni, ang dakilang propeta at punong kapitan ng mga Nephita.)
Matapos ang sapat na oras para makumpleto ng mga estudyante ang kanilang listahan sa ilalim ng Mga Paghahanda ni Laconeo, sabihin sa kanila na ilista sa ilalim ng Mga Pagkakatulad sa Makabagong Panahon ang mga espirituwal at temporal na paghahanda na ipinayo sa atin na gawin sa mga huling araw. Pagkatapos ng sapat na oras na makumpleto ng mga estudyante ang assignment na ito, tumawag ng isang estudyante mula sa bawat grupo para magbahagi sa klase ng natutuhan ng kanyang grupo. Para matulungan ang mga estudyante na malaman kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan nila, itanong ang mga sumusunod pagkatapos ng kanilang pagbabahagi:
-
Paano natin mapapatatag ang ating tahanan laban sa mga pag-atake ng kaaway?
-
Bakit ang mga temporal na paghahanda—tulad ng pag-aaral at pag-iimbak ng pagkain sa tahanan—ay mahalaga sa mga huling araw?
-
Paano nagbibigay ng proteksyon sa atin ang sama-samang pagtitipon sa mga pamilya at mga ward o branch?
-
Kailan nakatulong sa inyo ang panalangin para magkaroon kayo ng espirituwal na lakas?
-
Paano tayo inihahanda ng pagsisisi para sa hinaharap?
-
Anong mga pagpapala ang dumarating kapag sinusunod natin ang mga buhay na propeta at apostol?
-
Paano natin maaanyayahan ang diwa ng paghahayag sa ating buhay?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 4:7–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano napagpala ang mga tao dahil sa kanilang espirituwal at temporal na paghahanda.
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo mula sa talang ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag espirituwal at temporal nating inihanda ang ating sarili, palalakasin tayo ng Panginoon na makayanan ang mga hamon at pagsubok.)
Ibuod ang 3 Nephi 4:13–29 na ipinapaliwanag na natalo ni Laconeo at ng kanyang mga tao ang mga tulisan ni Gadianton at pinatay ang kanilang mga pinuno. Basahin nang malakas ang 3 Nephi 4:30–33. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ng mga tao sa tagumpay na ito.
-
Ano ang ginawa ng mga tao matapos silang iligtas ng Panginoon sa kanilang mga kaaway?
-
Ano ang nalaman ng mga tao na dahilan ng kanilang pagkakaligtas sa mga tulisan ni Gadianton? (Ang kanilang pagsisisi at pagpapakumbaba at ang kabutihan ng Diyos. Maaari mong ipaliwanag na kapag nagsisi tayo at nagpakumbaba ng ating sarili, tutulungan tayo ng Diyos na makayanan ang ating mga pagsubok at ililigtas Niya tayo.)
Maaari mong ibahagi ang isang karanasan sa buhay mo kung saan umasa ka sa Diyos at tinulungan ka Niya na matiis o makayanan ang isang pagsubok. Maaari mo ring anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magbahagi ng gayong karanasan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 5:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ng mga Nephita dahil sa tulong at mga pagpapalang natanggap nila sa kanilang pakikipaglaban sa mga tulisan ni Gadianton. Kapag nasabi na ng mga estudyante ang nalaman nila, bigyang-diin na ang isang ginawa nila ay ipangaral ang ebanghelyo sa ibang tao.
3 Nephi 5:8–26
Naibalik ang kapayapaan sa mga tao; ipinaliwag ni Mormon ang pagpapaikli niya ng mga ulat mula sa mga talaan
Sabihin sa mga estudyante na ang natitirang bahagi ng 3 Nephi 5 ay naglalaman ng paliwanag ni Mormon kung bakit niya pinaikli ang talaang ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 5:12–15, at alamin ang sinabi ni Mormon tungkol sa kanyang responsibilidad na paikliin ang mga talaan ng mga Nephita.
-
Anong katotohanan ang matututuhan ninyo mula sa mga talatang ito na naglalarawan ng ating responsibilidad bilang mga disipulo ni Jesucristo? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay may responsibilidad na ituro sa iba ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ituro na ang isa sa mga pinakamahalagang paraan para maipakita natin ang ating pasasalamat sa Panginoon para sa mga pagpapalang ibinigay Niya sa atin ay tulungan ang iba na lumapit sa Kanya at tumanggap ng mga pagpapala ring iyon. Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng ilang paraan na maituturo nila sa iba, bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Hikayatin ang mga estudyante na pumili ng isa o dalawa sa mga mungkahing ito sa pagbabahagi ng ebanghelyo at mapanalanging hingin ang tulong ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng pinili nila.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
3 Nephi 2:15. “Ang sumpa sa kanila ay inalis mula sa kanila”
Para sa tulong sa pag-unawa sa sumpa na ibinigay sa mga Lamanita, tingnan ang pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith sa lesson 27, sa ilalim ng ideya sa pagtuturo para sa 2 Nephi 5:19–25. Tingnan din ang komentaryo at pinagmulang impormasyon para sa Alma 3:6–17 sa katapusan ng lesson 70.
3 Nephi 2:5–8. Mga kalendaryo ng mga Nephita
Sa buong kasaysayan nila, gumamit ang mga Nephita ng tatlong iba’t ibang pinagbatayan sa pagsukat ng kanilang panahon: (1) ang panahon nang lisanin ni Lehi ang Jerusalem; (2) ang panahon nang baguhin ang pamahalaan mula sa pamamahala ng mga hari at naging pamamahala ng mga hukom; at (3) ang panahon nang ibigay ang palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo. Hindi alam ang eksaktong panahon kung kailan nagsimulang bilangin ng mga Nephita ang kanilang mga araw mula sa panahon ng pagsilang ni Jesucristo, ngunit kinilala ni Mormon ang pagbabagong ito sa 3 Nephi 2:7–8.
Mga Pinagbatayan |
Tinatayang Panahon ng Paggamit |
Scripture Block |
---|---|---|
Mula sa panahong lisanin ni Lehi ang Jerusalem |
600–92 B.C. | |
Mula sa panahong nabago ang pamahalaan mula sa pamamahala ng mga hari ay naging pamamahala ng mga hukom |
92 B.C.–A.D. 1 | |
Mula sa panahong ibigay ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo |
A.D. 1–421 |