Library
Lesson 118: 3 Nephi 6–7


Lesson 118

3 Nephi 6–7

Pambungad

Kasunod ng kanilang mahimalang pagkaligtas mula sa mga tulisan ni Gadianton, ang mga Nephita ay nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng tatlong taon. Ngunit nagkaroon ng kapalaluan, pag-uuri-uri sa katayuan ng buhay, at pag-uusig sa mga tao. Bagama’t ang ilan ay nanatiling tapat sa Panginoon, marami ang pumasok sa lihim na pagsasabwatan. Dahil sa mga lihim na pagsasabwatan, ang punong hukom ay pinaslang at bumagsak ang pamahalaang Nephita. Ang mga tao ay nahati sa mga lipi at naghirang ng sarili nilang mga pinuno. Nangaral si Nephi sa mga tao nang may kapangyarihan at dakilang karapatan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 6:1–18

Kasunod ng panahon ng pag-unlad, ang mga Nephita ay naging palalo at ang Simbahan ay nahati

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong bago magklase. Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga ito at ipaliwanag ang kanilang mga sagot.

Posible bang ang isang tao ay maging …

Mayaman at mapagpakumbaba?

Mahirap at palalo?

Nakapag-aral at mapagpakumbaba?

Hindi nakapag-aral at palalo?

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na isaisip ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan nila ang 3 Nephi 6. Ibuod ang 3 Nephi 6:1–9 na ipinapaliwanag na matapos matalo ng mga Nephita at mga Lamanita ang mga tulisan ni Gadianton, nagkaroon sila ng kapayapaan sa lupain at nagsimulang umunlad. Ngunit makalipas ang maikling panahon, nagkaroon ng banta sa kanilang kapayapaan at pag-unlad.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 6:5, 10–12 at sabihin sa klase na alamin kung ano ang nagpasimula ng pagkakaroon ng banta sa kapayapaan at pag-unlad ng mga tao.

  • Ano ang nagsimulang mangyari na nagbanta sa kapayapaan at pag-unlad ng mga tao?

  • Nakita na ba ninyo na humantong ang pagkakaroon ng yaman o karunungan sa gayon ding mga problema sa inyong paaralan, komunidad, o bansa? Kung may nakita kayo, sa paanong paraan?

Gumuhit ng patayong linya sa gitna ng pisara para makagawa ng dalawang column. Isulat ang Palalo sa itaas ng isang column, at Mapagpakumbaba sa itaas ng isa pang column. Ipabasa sa mga estudyante ang 3 Nephi 6:13–14, at ipahanap ang mga salita at pariralang naglalarawan kung ano ang ginawa ng mga tao nang magsimulang mahati sila dahil sa mga kayamanan at karunungan. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng dumaing o manghamak ay galit na mangutya o magsalita nang masama sa isang tao.) Kapag tapos nang magbasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na isulat sa angkop na column sa pisara ang mga salita o pariralang nakita nila.

  • Anong katibayan ang nakita ninyo sa 3 Nephi 6:13 na ang ilan sa mga taong inusig ng mga palalo ay gumanti rin ng kapalaluan?

  • Sa palagay ninyo bakit ang pagganti ng “[pagdaing]” (o pangungutya sa pangungutya) ay nagpapakita ng kapalaluan?

  • Ano ang hinangaan ninyo sa ginawa sa panahong ito ng mga Lamanitang nagbalik-loob?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa 3 Nephi 6:13–14? (Maaaring magkakaiba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Mapipili nating maging mapagpakumbaba at tapat anuman ang ating kalagayan.)

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa column na mapagpakumbaba na nasa pisara. Itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang magagawa natin para matulungan ang ating sarili na manatiling mapagpakumbaba at tapat sa anumang kalagayan? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa column na Mapagpakumbaba.)

  • Mag-isip ng isang tao na sa palagay ninyo ay mabuting halimbawa ng pagpili na maging mapagpakumbaba at tapat anuman ang kanyang kalagayan. Paano naging halimbawa ang taong ito ng pagpapakumbaba?

Ipaliwanag na dahil karamihan sa mga Nephita ay hindi nagsisi ng kanilang kapalaluan, naging malala ang kanilang kalagayan. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 6:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano naging dahilan ang kapalaluan ng mga tao para maimpluwensyahan sila ni Satanas.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kaugnayan ng kapalaluan at kapangyarihan ni Satanas na tuksuhin tayo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag palalo tayo, tinutulutan natin si Satanas na tuksuhin tayo at udyukang lalong magkasala. Maaari mo silang hikayatin na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan o sa notebook o scripture study journal.)

  • Ayon sa 3 Nephi 6:15–18, anong mga salita at parirala ang naglalarawan sa masamang pagbabago ng puso na naranasan ng mga taong ito dahil sa kapalaluan? (Sila ay “[natangay] … ng mga tukso [ni Satanas] kung saan niya nais na dalhin sila, at gawin ang anumang kasamaang nais niyang gawin nila.” Sila ay “nasa kalagayan ng kakila-kilabot na kasamaan” at “hayagang nag[hi]himagsik laban sa Diyos.”)

  • Sa inyong palagay, bakit naaapektuhan ng kapalaluan natin kung gaano tayo kalakas na maiimpluwensyahan ni Satanas?

Pangulong Henry B. Eyring

Bilang karagdagan sa mga sagot ng mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang babala ni Pangulong Eyring na isa sa mga panganib ng kapalaluan.

“Ang kapalaluan ay lumilikha ng ingay sa puso natin na nagiging dahilan upang hindi natin marinig ang banayad na tinig ng Espiritu. At hindi magtatagal, sa ating kapalaluan, hindi na natin ito pinakikinggan. Iniisip natin na hindi na natin kailangan ang paggabay ng Espiritu” (“Prayer,” Ensign, Nob. 2001, 16).

  • Bakit mapanganib na hindi na makinig sa tinig ng Espiritu? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag hindi natin pinakinggan ang mga bulong ng Espiritu Santo, tayo ay madaling matukso ng diyablo.)

Ituon muli ang pansin ng mga estudyante sa nakalistang mga ginagawa ng mapagpakumbaba sa pisara. Sabihin sa kanila na pumili ng isang ginagawa ng mapagpakumbaba na sa palagay nila ay lubos na makatutulong nang personal sa kanila. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na maisulat kung paano nila agad na masisimulang gawin ang pinili nila sa kanilang paaralan o tahanan.

3 Nephi 6:19–7:14

Winasak ng mga lihim na pagsasabwatan ang pamahalaan ng mga Nephita, at ang mga tao ay nahati sa mga lipi

Isulat sa pisara ang sumusunod na time line:

time line

Hatiin sa apat na grupo ang klase, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga scripture passage na nasa pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talatang ibinigay sa kanila, at alamin ang mga pangunahing pangyayari na naganap sa mga Nephita. Matapos ang sapat na oras na makapagbasa ang mga estudyante, ipasulat sa isang estudyante mula sa bawat grupo ang mga pangunahing pangyayari mula sa ibinigay na talata sa kanila sa ilalim ng katugmang timeline (maaaring tumulong ang kagrupo nila). Kapag natapos sila, ipaliwanag na ang listahan ng mga pangyayari ay nagpapakita kung paano naging dahilan ang lihim na pagsasabwatan sa pagbagsak ng pamahalaan ng mga Nephita at pagkakahati ng mga tao sa mga lipi.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 6:27–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang nagtatag at layunin ng mga lihim na pagsasabwatan. Kapag natukoy na ng mga estudyante ang nagtatag ng mga lihim na pagsasabwatan (ang diyablo), itanong:

  • Anong mga salita at parirala ang naglalarawan sa mga layunin ng mga lihim na pagsasabwatan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang “magkaisa laban sa lahat ng kabutihan,” “lipulin” ang mga tao ng Panginoon, “[labagin] ang batas at mga karapatan ng kanilang bayan,” at “ang lupain ay hindi na maging malaya.”)

  • Paano natakasan ng mga pumaslang sa mga propeta ang parusa? (Ang kanilang mga kaibigan at pamilya, na miyembro din ng mga lihim na pagsasabwatan, ay nagkaisa sa pagtulong sa kanila na ilihim ang kanilang masasamang gawain at makaiwas sa parusa sa paggawa nito.)

  • Kunwari ay may mga kaibigan kayo na gustong iwasan ang mga ibinunga ng kanyang mga ginawa. Paano ninyo sila matutulungan na ipamuhay ang ebanghelyo at ang mga pamantayan nito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 7:1–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang epekto ng mga lihim na pagsasabwatang ito sa mga Nephita. Ipaliwanag na inuudyukan ng diyablo ang mga tao na pumasok sa mga lihim na pagsasabwatan sa pagsisikap na sirain ang kabutihan at pag-ibayuhin ang kasamaan. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga pamamaraan at motibo ng lihim na pagsasabwatan ay madalas na tuso at hindi laging madaling mapansin at matukoy. Hikayatin silang umiwas sa pakikihalubilo sa anumang grupo o mga tao na katulad ng mga lihim na pagsasabwatan sa anumang paraan.

3 Nephi 7:15–26

Sa panahong iilan lang ang tapat, patuloy na nangaral si Nephi, at may ilang nagbalik-loob

  • Ano kaya ang madarama ninyo kung naninirahan kayo noon kasama ang mga Nephita matapos bumagsak ang kanilang pamahalaan? Bakit?

  • Sa inyong palagay, sino ang aasahan ninyo na mamumuno at gagabay sa inyo?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 7:15–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan kung bakit maaaring naisin nila na sundin si Nephi sa kalagayang ito. Sabihin sa mga estudyante na huminto pagkatapos ng isa o dalawang talata para masabi mo sa mga estudyante na ipaliwanag nila kung bakit nadama nilang sundin si Nephi.

  • Ano ang mensahe ni Nephi sa mga tao sa panahong ito? (Tingnan sa 3 Nephi 7:16.)

  • Paano natutulad kay Nephi ang mga lider ng Simbahan ngayon?

  • Kailan kayo nakakita ng isang lider ng Simbahan na “nangaral nang may kapangyarihan at dakilang karapatan”? (3 Nephi 7:17).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 7:21–26 at alamin kung paano napagpala ang mga nagbalik-loob dahil sa pagsunod kay Nephi at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa ng mga nagsisi at sumunod kay Nephi?

Maaaring magbahagi ng iba’t ibang katotohanan ang mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay magsisisi at susundin ang mga tagapaglingkod ng Panginoon, matatanggap natin ang paggabay ng Espiritu Santo.

  • Bakit kailangang magsisi para mapasaatin ang paggabay ng Espiritu Santo?

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagsunod sa mga tagapaglingkod ng Panginoon ay tumutulong sa atin upang lalo nating matanggap ang Espiritu Santo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

“Naisip kong halos lahat ng espirituwal na patnubay ay nakasalalay sa pagiging kaisa sa Pangulo ng Simbahan, sa Unang Panguluhan, at sa Korum ng Labindalawa—lahat sila’y sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Hindi ko alam kung paano tayo lubos na makikisa sa Espiritu ng Panginoon kung hindi tayo nakikisa sa Pangulo ng Simbahan at sa iba pang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag” (“Tinawag at Pinili,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 53–54).

  • Kailan ninyo nadama ang impluwensya ng Espiritu Santo dahil pinili ninyong maging masunurin sa mga tagapaglingkod ng Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga impresyong natanggap nila tungkol sa maaari nilang gawin para maipamuhay ang mga katotohanang natutuhan nila sa araw na ito. Bigyang-diin na kahit pinili ng iba na mamuhay nang salungat sa mga kautusan ng Panginoon, tulad ng nangyari sa mga Nephita, maaari nating piliin na mapagpakumbabang sumunod sa Diyos at sa Kanyang mga piling tagapaglingkod.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 6:10–18. Ang mga epekto ng kapalaluan

Sa 3 Nephi 6:10–18, mababasa natin kung paano nagkahati-hati ang mga tao dahil sa kapalauan. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na ang pagkukumpara ng ating sarili sa ibang tao ay nagpapakita ng kapalaluan. Nagbabala rin siya tungkol sa kung paano nakakaapekto ang kapalaluan sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa iba:

“Nagiging kaaway ng palalo ang bawat tao sa pamamagitan ng paggigiit ng kanilang talino, opinyon, trabaho, yaman, talento, o iba pang panukat ng mundo laban sa ibang tao. Sa mga salita ni C. S. Lewis: ‘Ang kapalaluan ay hindi nasisiyahan sa pagkakamit ng isang bagay kundi sa pagkakaroon ng mas higit nito kaysa sa iba. … Ang pagkukumpara ang dahilan kaya ka nagmamalaki: nasisiyahan ka sa pagiging angat mo kaysa sa iba. Kapag inalis ang pakikipagkumpitensya, maaalis ang kapalaluan.’ (Mere Christianity, New York: Macmillan, 1952, p. 109–10.) …

“Masama ang epekto ng kapalaluan sa lahat ng ating pakikipag-ugnayan—sa kaugnayan natin sa Diyos at sa Kanyang mga tagapaglingkod, sa mag-asawa, magulang at anak, amo at empleyado, guro at estudyante, at sa buong sangkatauhan. Makikita ang katindihan ng ating kapalaluan sa pakikitungo natin sa ating Diyos at sa ating mga kapatid” (“Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4, 6).