Library
Lesson 119: 3 Nephi 8–10


Lesson 119

3 Nephi 8–10

Pambungad

Makalipas ang tatlumpu’t tatlong taon matapos makita ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas, ang mga Nephita ay nagsimulang umasa sa mga palatandaang ipinropesiya ni Samuel, ang Lamanita, tungkol sa kamatayan ng Tagapagligtas. Bagama’t maraming palatandaan ang ibinigay, nagkaroon pa rin ng pag-aalinlangan at pagtatalo sa mga tao. Sa loob ng sumunod na taon, natupad ang propesiya ni Samuel. Matapos ang matitinding unos, lindol, at iba pang mga kalamidad na nagdulot ng malawakang pagkawasak, binalot ng kadiliman ang lupain nang tatlong araw. Sa kadiliman, narinig ng mga taong nakaligtas sa pagkawasak ang tinig ni Jesucristo. Inanyayahan Niya sila na magsisi at bumalik sa Kanya. Nang maglaho ang kadiliman, ang pagdadalamhati ng mga tao ay nauwi sa kagalakan at papuri kay Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 8:1–18

Ang malaki at matinding pagkawasak ay tanda ng kamatayan ni Jesucristo, na katuparan ng propesiya ni Samuel, ang Lamanita

Simulan ang klase sa pagtatanong ng sumusunod:

  • May nalalaman ba kayong anumang mga palatandaan na nangyari na, na nagpapakita na malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (Maaari mong ipaliwanag na marami nang propesiya, tulad ng Panunumbalik ng ebanghelyo, pagdating ng propetang si Elijah, at pangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang dako ng daigdig, ang natupad na o kasalukuyang natutupad.)

  • Ano ang madarama ninyo kapag nakita ninyo ang isang bagay na malinaw na palatandaan na malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag na tayo ay nabubuhay sa panahon na katulad ng panahon noon bago dinalaw ni Jesucristo ang mga Nephita. Tulad ng mga Nephita na nag-abang at nagmasid sa mga palatandaan na ipinropesiya ni Samuel, ang Lamanita, na tanda ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, dapat din tayong mag-abang at magmasid sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 8:3–4 at alamin ang iba-ibang nadama ng mga Nephita tungkol sa mga palatandaan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Bagama’t ang mga tao ay nag-abang sa mga palatandaan “nang buong taimtim,” nagkaroon ng “malaking pag-aalinlangan at pagtatalo” sa kanila.)

  • Sa anong mga paraan natutulad ang kalagayang inilarawan sa 3 Nephi 8:3–4 sa mga kalagayan sa mundo ngayon?

  • Paano natin mapapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo kahit marami sa mga nakapaligid sa atin ang nag-aalinlangan?

Itanong sa mga estudyante kung nakaranas na sila ng malakas na bagyo, lindol, o iba pang kalamidad. Sa pagsagot ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang naramdaman nila nang kasalukuyang nangyayari ito at pagkatapos nitong mangyari.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 8:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nangyari sa ika-34 na taon pagkatapos maisilang si Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 8:8–18 at alamin ang nangyari sa mga naninirahan sa mga lunsod. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipaalala sa mga estudyante na ipinropesiya ni Samuel, ang Lamanita, ang mga bagay na ito (tingnan sa Helaman 14:20–27). Bigyang-diin na ang mga salita ng mga propeta ay matutupad lahat at pananagutin ng Diyos ang masasama sa kanilang mga ginawa.

3 Nephi 8:19–25

Binalot ng kadiliman ang buong lupain nang tatlong araw

Ipaliwanag na matapos huminto ang unos at lindol, binalot ng kadiliman ang buong lupain nang tatlong araw. Patayin sandali ang mga ilaw sa inyong silid-aralan. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante kung napunta na sila sa isang napakadilim na lugar, tulad ng kuweba o silid na walang mga bintana.

  • Ano ang naramdaman ninyo nang naroon kayo sa lugar na iyon?

Ipaliwanag na ang kadilimang iyon na bumalot sa buong lupain nang tatlong araw ay naiiba sa kadilimang dumarating kapag pinatay natin ang mga ilaw o kapag pumunta tayo sa isang lugar na walang mga bintana. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 8:19–23 at ipahanap ang mga parirala na naglalarawan sa kadilimang naranasan ng mga Nephita. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang “makapal na kadiliman,” “ulap ng kadiliman,” “abu-abo ng kadiliman,” at “walang liwanag.”)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 8:23–25 at alamin ang epekto ng kadiliman sa mga Nephitang nakaligtas sa pagkawasak. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

3 Nephi 9:1–14

Sa kadiliman, inanyayahan ni Jesucristo ang mga nakaligtas sa pagkawasak na magsisi at lumapit sa Kanya

Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 9:1–12 at hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito.

Bakit nangyari ang pagkawasak?

Ano ang reaksyon ni Satanas sa pagkawasak na ito?

Ano ang itinuturo nito tungkol kay Satanas at paano niya tinatrato ang mga sumusunod sa kanya?

Basahin nang malakas ang 3 Nephi 9:13–14 sa klase. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga taong nakaligtas sa pagkawasak. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa kanilang isipan ang mga Nephitang iyon na nakikinig sa tinig ng Tagapagligtas habang nararanasan ang makapal at matinding kadiliman. Sila ay “naligtas dahil [sila] ay higit na mabubuti kaysa sa” mga taong nalipol, ngunit kailangan pa rin nilang magsisi at magbago (tingnan sa 3 Nephi 9:13; 10:12).

  • Sa palagay ninyo, ano ang nadama ng mga Nephita nang marinig nila ang paanyayang ito mula sa Tagapagligtas? Bakit?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu:

“Si Jesucristo ang Dakilang Manggagamot ng ating kaluluwa. …

“Kapag nagkakasala tayo, sinasabi sa atin ni Satanas na naliligaw tayo. Sa kabilang banda, ang ating Manunubos ay naghahandog ng pagtubos sa lahat—anuman ang nagawa nating mali—maging sa inyo at sa akin” (“Ang Himala ng Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 109).

Patotohanan na ang paanyaya ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 9:13—na lumapit sa Kanya at mapagaling—ay para sa bawat isa sa atin. Upang mapagaling tayo ng Tagapagligtas, dapat nating tanggapin ang Kanyang paanyaya na lumapit sa Kanya, magsisi ng ating mga kasalanan, at magbalik-loob. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga aspeto sa kanilang buhay na nangangailangan ng pagpapagaling ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay ipasulat sa notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang kailangan mong gawin para matanggap mo ang pagpapagaling ng Tagapagligtas sa iyong buhay?

3 Nephi 9:15–22

Ipinahayag ng Tagapagligtas na natupad ang batas ni Moises sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo

Basahin nang malakas ang 3 Nephi 9:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ni Jesucristo na hindi na Niya tatanggapin pa mula sa mga Nephita. Maaaring kailangang ipaalala sa mga estudyante na sinusunod ng mga Nephita ang batas ni Moises noong panahong iyon. Bilang bahagi ng batas ni Moises, iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na mag-alay ng hayop na isasakripisyo bilang simbolo at paglalarawan ng sakripisyong gagawin ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 9:20 at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na iaalay na ngayon ng mga Nephita bilang pinaka-hain. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mag-alay bilang pinaka-hain ng “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu”?

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong lalapit sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu?

Ipaliwanag na itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang paraan para maunawaan ang mga pariralang “bagbag na puso” at “nagsisising espiritu.” Basahin ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga salitang ginamit ni Elder Christofferson na tutulong sa atin na maunawaan ang mga pariralang ito:

Elder D. Todd Christofferson

“Maihahandog ninyo sa Panginoon ang inyong bagbag o nagsisising puso at ang inyong nagsisisi o masunuring espiritu. Ang totoo, paghahandog ito ng inyong sarili—kung ano kayo ngayon at kung ano ang inyong kahihinatnan.

“Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag tinaglay at ginawa ninyo itong bahagi ng inyong pagkatao, naghahandog kayo sa Panginoon” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 12).

  • Anong salita ang ginamit ni Elder Christofferson para matulungan tayong maunawaan ang pariralang “bagbag na puso”? (Nagsisisi.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng nagsisising puso?

  • Anong salita ang ginamit ni Elder Christofferson para matulungan tayong maunawaan ang pariralang “nagsisising espiritu”? (Masunurin.) Paano ninyo ilalarawan ang isang taong may masunuring espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 9:21–22 at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas kung paano tayo makalalapit sa Kanya. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Hawakan at ipakita ang larawan ng isang maliit na bata, marahil isa sa mga kapamilya mo.

  • Paano ninyo mailalarawan sa inyong isipan ang isang maliit na bata na lumalapit sa Tagapagligtas? Paano kayo nito matutulungan na maunawaan kung paano tayo dapat lumapit sa Tagapagligtas?

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Kung lalapit tayo kay Cristo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, tayo ay Kanyang …

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralang muli ang 3 Nephi 9:13–15, 19–22 at tukuyin ang mga paraan para makumpleto ang pahayag sa pisara. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kabilang sa mga sagot na tayo ay Kanyang pagagalingin (tingnan sa 3 Nephi 9:13), bibigyan ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 3 Nephi 9:14), at tatanggapin tayo (tingnan sa 3 Nephi 9:22). Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara: Kung lalapit tayo kay Cristo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, tayo ay Kanyang tatanggapin, pagagalingin, at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

3 Nephi 10

Sinabi ng Panginoon na titipunin Niya ang Kanyang mga tao tulad ng isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw

Ibuod ang 3 Nephi 10:1–3 na ipinapaliwanag na matapos marinig ang tinig ng Tagapagligtas, labis na nanggilalas ang mga tao na sila ay natahimik sa loob ng maraming oras. Pagkatapos ay muli Siyang nangusap sa mga tao.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 10:4–6. Ipaliwanag na sa mga talatang ito, binabanggit ng Tagapagligtas ang sambahayan ni Israel, ang Kanyang mga pinagtipanang tao.

  • Sa paanong paraan na ang Tagapagligtas ay tulad ng inahing manok na pinoprotektahan ang kanyang mga sisiw sa panganib? Bakit hindi natipon at naprotektahan ng Tagapagligtas ang buong sambahayan ni Israel? (Sila ay hindi lumapit sa Kanya.)

  • Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga magsisisi at babalik sa Kanya? (Titipunin Niya sila tulad ng isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang tanong na ito o basahin ito nang marahan para maisulat ito ng mga estudyante.)

  • Kailan ninyo nadama ang paanyaya ng Tagapagligtas na tanggapin ang Kanyang pangangalaga at proteksyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 10:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nangyari matapos magsalita ang Tagapagligtas sa mga tao. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na ang Tagapagligtas ay maawain sa lahat ng lalapit sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Maaari mo ring ipaliwanag na sa susunod na lesson, tatalakayin ng mga estudyante ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga tao at kung paano Siya personal na naglingkod sa bawat isa sa kanila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 9:2. “Ang diyablo ay humahalakhak, at ang kanyang mga anghel ay nagsasaya”

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang reaksyon ng kaaway kapag nagkakasala tayo:

“‘Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.’ [2 Nephi 2:25.]

“Kung minsa’y nalilimutan natin na hangad ng ating Ama sa Langit na magalak tayo. Tanging sa pagpapatangay sa tukso at sa kasalanan tayo hindi magagalak. At iyan mismo ang gusto ni Satanas na gawin natin.

“Minsa’y nagkaroon ako ng pagkakataong samahan si Pangulong Spencer W. Kimball sa malayong lupain. Inilibot kami sa iba’t ibang dako sa lugar, pati na sa mga nitso sa ilalim ng lupa—mga libingan ng mga taong pinagmalupitan ng mga panatikong Kristiyano. Pag-akyat namin sa madidilim at makikipot na hagdan sa lugar na iyon, [itinuro sa akin] ni Pangulong Kimball [ang isang] aral na di-malilimutan. Hinila niya ang laylayan ng amerikana ko at sinabing, ‘Nababahala ako sa tuwina sa paggamit ng kalaban sa pangalan ng ating Tagapagligtas.’ At sinabi niyang, ‘Robert, hindi magagalak ang kalaban kailanman maliban kung kapwa tayo magkasala.’

“Nang mapagmuni-muni ko ang pahayag na ito at mapag-aralan ang mga banal na kasulatan, naunawaan ko rin ang ibig sabihin ni Pangulong Kimball. … Mga kasalanan natin ang nagpapatawa sa dimonyo, mga kalungkutan natin ang nagpapagalak sa kanya.

“Kahit tumatawa ang dimonyo, limitado ang kanyang kapangyarihan. Maaaring maalala ng ilan ang kasabihang: ‘Itinulak ako ng dimonyo [na gawin ito].’ Ngayon nais kong iparating, sa malilinaw na kataga, na hindi tayo mapipilit ng kalaban [na gawin ang isang bagay]. Nariyan siya talaga sa ating pintuan, sabi nga sa mga banal na kasulatan, at sinusundan tayo bawat araw. Tuwing lalabas tayo, tuwing magdedesisyon tayo, pinipili nating sundin siya o ang ating Tagapagligtas. Ngunit [aalis] ang kalaban kapag pinalayas natin siya. Hindi niya tayo maiimpluwensyahan maliban kung papayagan natin siya, at alam niya iyon! [Maiimpluwensyahan] lang niya ang ating isipan at katawan—ang espiritu natin mismo—kapag pinayagan natin siya. Sa madaling salita, hindi natin kailangang patukso sa dimonyo!” (“Kumilos para sa Ating Sarili: Ang Kaloob at Pagpapala ng Kalayaang Pumili,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 5–6).

3 Nephi 9:19–20. “Isang bagbag na puso at nagsisising espiritu”

Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng mag-alay sa Panginoon ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu:

“Ang tunay at personal na sakripisyo ay hindi kailanman pag-aalay ng hayop sa altar. Sa halip, ito ay kusang-loob na paglalagay natin sa altar ng kasamaan na nasa atin at hayaan itong matupok! Iyan ang ‘[paghahandog] … ng hain sa Panginoon [na] bagbag na puso at nagsisising espiritu’ (D at T 59:8)” (“Deny Yourselves of All Ungodliness,” Ensign, Mayo 1995, 68).