Library
Lesson 122: 3 Nephi 12


Lesson 122

3 Nephi 12

Pambungad

Itinuro ni Jesucristo sa mga Nephita kung paano nila matatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo at iniutos sa kanila na impluwensyahan ang iba sa kabutihan. Ipinahayag Niya na natupad na Niya ang batas ni Moises, at ibinigay Niya sa mga tao ang isang mas mataas na batas na maghahanda sa kanila na maging katulad Niya at ng ating Ama sa Langit.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 12:1–12

Itinuro ni Jesucristo sa mga tao ang tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag ipinamuhay natin ang Kanyang ebanghelyo

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Inaasahan ba ng Ama sa Langit na maging perpekto tayo?

Kailangan ba nating maging perpekto sa buhay na ito para makapasok sa kahariang selestiyal?

Magiging perpekto ba tayo?

Sa simula ng lesson, sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga tanong habang nagkaklase.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:48. Ituro na ito ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kautusang maging perpekto:

Elder Russell M. Nelson

“Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang taimtim nating mga pagsisikap ay tila nakakapagod [mahirap] at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi darating nang lubusan. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Nakalaan ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan” (“Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 88).

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagiging ganap o perpekto ay darating “sa pamamagitan lamang ng Panginoon”?

Pag-aralang muli ang tatlong tanong sa simula ng lesson. Tanungin ang mga estudyante kung babaguhin nila ang kanilang mga sagot sa mga tanong na iyon pagkatapos nilang mabasa ang 3 Nephi 12:48 at marinig ang paliwanag ni Elder Nelson. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi inaasahan ng Ama sa Langit na maging perpekto tayo habang narito tayo sa mortal na buhay ngunit kapag nagsumigasig tayo nang husto na sundin ang mga kautusan at kapag umasa tayo sa Pagbabayad-sala, ay magiging perpekto tayo sa huli.

Isulat sa pisara ang salitang pinagpala/mapapalad. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 12:1–12 at alamin ang mga katangian na hinihikayat ng Tagapagligtas na taglayin natin at ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa paggawa nito.

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong buhay dahil ipinamuhay ninyo ang mga turo ni Jesucristo sa 3 Nephi 12:1–12?

Bigyang-diin kung gaano kadalas ginamit ang salitang pinagpala/mapapalad sa mga talatang ito. Ibahagi ang iyong patotoo kung paano ka napagpala dahil ipinamuhay mo ang mga turo ng Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang pagpapala na gusto nila na inilarawan sa 3 Nephi 12:1–12. Sabihin sa kanila na isulat ang katangiang dapat nilang taglayin para matanggap ang pagpapalang iyon. Pagkatapos ay ipasulat sa kanila kung ano ang gagawin nila para magkaroon ng katangiang iyon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung ano ang isinulat nila at bakit.

3 Nephi 12:13–16

Hinikayat ng Tagapagligtas ang mga tao na maging mabubuting halimbawa sa sanlibutan

Ipakita ang isang lalagyan ng asin. Sabihin sa klase na tukuyin ang gamit o pakinabang ng asin. Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na ang asin ay pang-timpla at pang-preserba ng pagkain para hindi ito mabulok. Maaari mo ring ipaliwanag na sa ilalim ng batas ni Moises, iniutos sa mga saserdote na timplahan nila ng asin ang kanilang alay na handog (tingnan sa Levitico 2:13). Sa gayon, ang asin ay simbolo ng tipan sa pagitan ng Panginoon at ng Kanyang mga tao.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 12:13 at ipatukoy kung kanino itinulad ng Tagapagligtas ang asin. Sa pagsagot ng mga estudyante, ipaliwanag na hindi lamang ang mga tao sa templo ang tinutukoy ng Tagapagligtas noong araw na iyon kundi ang lahat ng bininyagan sa Kanyang Simbahan at ipinamumuhay ang Kanyang ebanghelyo.

  • Sa paanong paraan tayo, bilang mga disipulo ni Jesucristo, natutulad sa asin? (Dapat tayong tumulong sa pangangalaga o pagliligtas ng mga tao at sa pagpapabuti ng daigdig sa pamamagitan ng pag-impluwensya sa iba sa kabutihan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng asin na nawalan ng lasa?

Sa pagtalakay ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Carlos E. Asay ng Pitumpu:

“Hindi nawawalan ng lasa ang asin lumipas man ang maraming taon. Ang lasa nito ay nawawala kapag nahalo sa ibang sangkap at nakontamina. … Nawawala ang husay at kabutihan ng isang tao kapag nag-iisip siya ng masasamang bagay, nagsasalita ng kasinungalingan, at ginagamit ang kanyang lakas sa paggawa ng masama” (“Salt of the Earth: Savor of Men and Saviors of Men,” Ensign, Mayo 1980, 42).

  • Bakit kailangang dalisay tayo para maimpluwensyahan ang iba sa kabutihan?

Ipaliwanag na gumamit ang Tagapagligtas ng isa pang simbolo upang ituro kung paano dapat maimpluwensyahan sa kabutihan ang iba ng mga pinagtipanang miyembro ng Kanyang Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:14–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang ilaw upang ituro ang responsibilidad ng Kanyang mga pinagtipanang tao sa mundo. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang takalan ay isang basket.

  • Paano maaaring maging isang ilaw ang mga miyembro ng Simbahan sa ibang tao? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng hayaan na ang ating ilaw ay magliwanag? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, tulungan sila na makita kung paano makatutulong sa ibang tao ang kanilang mga halimbawa ng mabuting pamumuhay.)

  • Sa paanong mga paraan tinatakpan ng ilang miyembro ng Simbahan ang kanilang ilaw?

  • Ayon sa 3 Nephi 12:16, bakit nais ng Tagapagligtas na hayaan nating magliwanag ang ating ilaw? (Kapag nagpakita tayo ng mabuting halimbawa, matutulungan natin ang iba na luwalhatiin ang Ama sa Langit. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa sarili nilang salita sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Kaninong mabuting halimbawa ang nakatulong sa inyo para mas mapalapit kayo sa Ama sa Langit at mapatatag ang inyong hangarin na ipamuhay ang ebanghelyo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang halimbawang ipinakita nila sa mga taong nakapaligid sa kanila. Hikayatin sila na isipin kung paano nila mas matutulungan ang iba na mapalalim ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at mapatindi ang kanilang hangarin na sundin Siya.

3 Nephi 12:17–48

Itinuro ni Jesucristo sa mga tao ang mas mataas na batas na tutulong sa kanila na maging katulad Niya at ng Ama sa Langit

Ipaliwanag na patuloy na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita kung paano lumapit sa Kanya at makapasok sa kaharian ng langit. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita na makikita nang maraming beses sa mga talatang ito.

  • Anong mahalagang salita ang ginamit nang tatlong beses ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang paanyaya na lumapit sa Kanya? (Mga kautusan.)

Ipaliwanag na ang 3 Nephi 12:21–47 ay naglalaman ng ilang partikular na kautusan na ibinigay ng Tagapagligtas na tutulong sa atin para makalapit sa Kanya at maging higit na tulad Niya. Nang ituro Niya ang mga kautusang ito sa mga Nephita, binanggit Niya ang mga tuntunin na bahagi ng batas ni Moises at pagkatapos ay itinuro ang mas mataas na batas. Tinukoy Niya ang kaalaman ng mga tao noon tungkol sa batas ni Moises nang gamitin Niya ang mga pariralang tulad ng “sinabi nila noong unang panahon” at “nasulat.” Nang sabihin Niya na “ngunit sinasabi ko sa inyo,” ipinapabatid Niya ang paraang nais Niya para masunod natin ang kautusang iyon ngayon.

Upang matulungan ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga talatang ito, isulat ang sumusunod na chart sa pisara. Hatiin ang klase sa apat na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isang row sa chart at sabihin sa kanila na basahin ang kalakip na mga talata at sagutin ang mga tanong.

Ano ang alam ng mga tao noon sa batas ni Moises?

Ano ang ipinayo sa atin ng Tagapagligtas kung paano tayo mamumuhay?

Ano ang maaaring gawin ng isang kabataang lalaki o babae para maipamuhay ang mga itinuro ng Tagapagligtas?

3 Nephi 12:21

3 Nephi 12:22–26

3 Nephi 12:27

3 Nephi 12:28–30

3 Nephi 12:38

3 Nephi 12:39–42

3 Nephi 12:43

3 Nephi 12:44–46

Para matulungan ang mga estudyante na nagbabasa ng 3 Nephi 12:22, maaari mong ipaliwanag na ang Raca ay isang nakabababa o mapangutyang salita na nagpapakita ng panlalait o panlilibak. Maaari mo ring ipaliwanag na itinuro ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu na ang ibig sabihin ng pariralang “makipagkasundo kayo agad sa inyong kaaway” (3 Nephi 12:25) ay “ayusin nang maaga ang hindi natin pagkakasunduan, at baka mas tumindi pa ang pagtatalo at humantong sa marahas na pagsasakitan at malulupit na pananalita, at madaig tayo ng ating galit” (“Forgiveness Will Change Bitterness to Love,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 11).

Kapag natapos nang pag-aralan ng mga estudyante ang mga naka-assign na talata sa kanila, sabihin sa bawat grupo na ibahagi ang kanilang mga sagot. Maaari mong ipasulat sa kanila ang kanilang mga sagot sa chart na nasa pisara.

  • Ano ang tila pagkakaiba ng batas ni Moises at ng mas mataas na batas na itinuro ni Jesucristo?

Maaari mong ipaliwanag na mas nakatuon ang mas mataas na batas sa ating mga ninanais, iniisip, at intensyon kaysa sa mga ikinikilos natin.

  • Sa pagsisikap nating maging ganap o perpekto, bakit napakahalagang magtuon sa ating mga ninanais, iniisip, at intensyon?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12 at sumulat ng isang talata kung paano nila mapagbubuti ang aspetong iyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:19–20. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa pamamagitan ng pagsisisi at masigasig na pagsisikap na sundin ang mga kautusan na itinuro ng Tagapagligtas, tayo ay magiging ganap o perpekto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at “maka[pa]pasok sa kaharian ng langit” (3 Nephi 12:20).

Kapag natapos na ng mga estudyante ang mga aktibidad na ito, sabihin sa kanila na ibahagi ang pinakamakabuluhan sa kanila. Ibuod ang kabanatang ito na isinusulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag lumapit tayo kay Cristo at sinunod ang Kanyang mga kautusan, tayo ay magiging higit na katulad Niya at ng ating Ama sa Langit, na mga perpekto. Sabihin sa mga estudyante na upang matamo ang anumang antas patungo sa pagiging perpekto, dapat tayong umasa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng isa o dalawang paraan na gusto nila para maipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas na natutuhan nila ngayon. Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang alituntuning isinulat mo sa pisara.

scripture mastery iconScripture Mastery—3 Nephi 12:48

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang kanilang banal na kasulatan sa 3 Nephi 12:48. Sabihin sa kanila na sabay-sabay na basahin nang malakas ang talata. Bigyan ang mga estudyante ng oras na mapag-aralan ang talata at sabihin sa kanila na isara ang kanilang banal na kasulatan at bigkasin muli ang talata nang kumpleto hangga’t maari. Ipaulit sa kanila ang pagbuklat ng kanilang banal na kasulatan at pagtingin sa talata, pagsara nito, at pagkatapos ay pagbigkas ng talata nang walang kopya.

  • Paano kayo mas humusay nang magsikap kayo?

  • Paano nakatutulong ang aktibidad na ito na maunawaan ang inyong pagsisikap tungo sa pagiging perpekto?

Ituro na ang ating mga pagsisikap sa buhay ay napakahalaga. Gayunman, ipaalala sa mga estudyante na hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa lahat ng bagay sa ating mortal na buhay. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at masigasig nating pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas, maaari tayong maging perpekto sa huli. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang paraan para mapagsikapan nilang masunod ang Tagapagligtas.

Paalala: Dahil sa haba ng lesson na ito, maaari mong gamitin ang aktibidad na ito sa ibang araw, kapag mas marami na kayong oras.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 12:28–30. Ang kasalanan na pagnanasa

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa? Siyempre, maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakadakila at pinakabanal na ugnayan na ibinigay ng Diyos sa atin sa mortalidad—ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan. … Ang pag-ibig ay nagbubunsod sa atin na makipag-ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Ang pagnanasa, sa kabilang banda, ay kahit anong hindi makadiyos at natutuwa sa pagpapasasa ng sarili. Ang pag-ibig ay mapagparaya at mapagkandili; ang pagnanasa ay sariling kasiyahan lang ang nasa isip” (“Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 44–45).

3 Nephi 12:43–44. “Mahalin ninyo ang inyong kapwa” at “mahalin ninyo ang inyong mga kaaway”

Ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga Nephita na dapat nilang mahalin ang isa’t isa at mahalin ang kanilang mga kaaway ay napapanahon at angkop. Pagkaraan ng maraming siglo ng mga digmaang namagitan sa mga Nephita at mga Lamanita, pati na rin ang alitan sa kani-kanyang sariling mga tao, marahil ay namuo na ang galit sa pagitan ng dalawang magkatunggaling ito. Halimbawa, nakasaad sa Mosias 10:17 na ang mga Lamanita ay “tinuruan ang kanilang mga anak na dapat nilang kapootan [ang mga Nephita], at dapat nilang paslangin sila, at dapat nilang pagnakawan at dambungan sila, at gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang lipulin sila.” Kung patuloy sanang sinunod ng mga tao ang mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12:43–44, maaari sanang napanatili nila ang kapayapaan at permanenteng nawakasan ang maling tradisyon ng pagtuturo sa mga anak na mapoot sa kanilang mga kaaway. Gayunman, ang mga taon ng kapayapaan na kasunod ng pagdalaw ng Tagapagligtas ay nagwakas dahil pinili ng ilan sa mga tao na “hayagang naghimagsik laban sa ebanghelyo ni Cristo; at itinuro nila sa kanilang mga anak na huwag silang maniwala.” Pinili nilang gawin ang “kasamaan at karumal-dumal na gawain ng kanilang mga ama, maging katulad sa simula. At sila ay tinuruang mapoot sa mga anak ng Diyos, maging katulad ng itinuro sa mga Lamanita na mapoot sa mga anak ni Nephi mula sa simula” (4 Nephi 1:38–39).