Library
Lesson 124: 3 Nephi 14


Lesson 124

3 Nephi 14

Pambungad

Sa patuloy na pagtuturo ni Jesucristo sa templo sa Masagana, binalaan Niya ang mga tao tungkol sa paghatol o paghusga sa iba at iniutos sa kanila na humingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagdarasal at paggawa ng Kanyang kalooban. Binalaan din sila ng Tagapagligtas tungkol sa mga bulaang propeta at binigyang-diin ang kahalagahan ng paggawa ng kalooban ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 14:1–6

Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa paghatol nang makatarungan

Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol nang makatarungan, basahin ang sumusunod na kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“May isang bata pang mag-asawa, sina Lisa at John, na lumipat sa isang bagong lugar. Isang umaga habang nag-aalmusal, tumanaw sa labas ng bintana si Lisa at minasdan ang kanyang kapitbahay na nagsasampay ng mga nilabhan nito.

“‘Hindi malinis ang labada!’ bunghalit ni Lisa. ‘Hindi marunong maglaba ang kapitbahay natin!’

“Tumingin si John pero hindi kumibo.

“Tuwing magsasampay ng labada ang kapitbahay niya, ganoon palagi ang puna ni Lisa.

“Makalipas ang ilang linggo nagulat si Lisa pagtanaw niya sa bintana nang makitang maayos at malinis ang labadang nakasampay sa bakuran ng kapitbahay niya. Sabi niya sa kanyang asawa, ‘Tingnan mo, John—sa wakas ay natuto rin siyang maglaba nang tama! Paano kaya niya ginawa iyon?’

“Sumagot si John, ‘May sagot ako diyan, mahal ko. Matutuwa kang malaman na maaga akong gumising kaninang umaga at hinugasan ko ang mga bintana natin!’” (“Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 122).

  • Anong mga aral ang matututuhan natin sa kuwentong ito?

Ipaliwanag na ang 3 Nephi 14 ay naglalaman ng karugtong ng mga itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa templo. Ipabasa sa isang estudyante ang 3 Nephi 14:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang babala na ibinigay ni Jesucristo tungkol sa paghatol o paghusga sa ibang tao. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang isusukat na matatagpuan sa 3 Nephi 14:2, ay ihahatol. Ang pariralang “sa panukat na isusukat ninyo” ay tumutukoy sa paraang ginagamit ng tao para sukatin o hatulan ang ibang tao.

  • Paano mo ipahahayag ang katotohanan sa 3 Nephi 14:2 gamit ang sarili mong salita? (Ang mga sagot ng mga estudyante ay dapat kakitaan ng sumusunod na katotohanan: Hahatulan tayo ayon sa paraan ng paghatol natin sa iba.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang utos ng Tagapagligtas na “huwag kayong hahatol” 3 Nephi 14:1, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang uri ng paghatol na hindi natin dapat gawin sa ibang tao.

Elder Dallin H. Oaks

“Ang huling paghuhukom … ay isang kaganapan sa hinaharap kung saan lahat tayo ay tatayo sa harapan ng hukumang luklukan ni Cristo upang hatulan ayon sa ating mga gawa. … Naniniwala ako na ang utos sa banal na kasulatan na ‘huwag kayong hahatol’ ay pinakamalinaw na tumutukoy sa huling paghuhukom na ito. …

“… Bakit iniutos ng Tagapagligtas na huwag tayong kaagad na humusga o humatol? Naniniwala ako na ibinigay ang kautusang ito dahil hinahatulan na natin kaagad na mapupunta sa impiyerno (o sa langit) ang isang tao dahil lang sa ginawa niya sa oras na iyon. Kapag ginawa natin ito—at maaaring matukso tayong gawin ito—sinasaktan natin ang ating sarili at ang taong hinahatulan natin. …

“… Ang ebanghelyo ay ebanghelyo ng pag-asa, at walang sinuman sa atin ang may karapatan na ipagkait ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na maglilinis sa mga kasalanan ng bawat tao, magpapatawad, at magpapabago ng buhay tungo sa kabutihan” (“‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 7, 9).

  • Paano nakatulong sa inyo ang pahayag ni Elder Oaks para maunawaan ang utos ng Tagapagligtas na “huwag kayong hahatol”?

Magpakita ng isang napakaliit na piraso ng materyal, tulad ng napakaliit na piraso ng kahoy. Ipaliwanag na ang isa pang salita para sa napakaliit na piraso ay puwing. Pagkatapos ay magdispley (o magdrowing sa pisara) ng isang tahilan o mahabang piraso ng kahoy. Sabihin sa mga estudyante na binanggit ng Tagapagligtas ang puwing at tahilan upang tulungan tayong maunawaan ang mga problema na dumarating kapag hinatulan o hinusgahan natin nang hindi makatarungan ang ibang tao. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang 3 Nephi 14:3–5 at sabihin sa klase na pag-isipan kung ano ang sinasagisag ng puwing at tahilan.

  • Ano ang sinasagisag ng puwing? (Isang pagkakamali na nakikita natin sa ibang tao.) Ano ang sinasagisag ng tahilan? (Ang ating sariling mga kamalian.)

Ipaliwanag na ang analohiya ng Tagapagligtas ay nakatuon sa mga bagay na nakadikit sa mata. Ang mga bagay na iyan ay makakaapekto sa paningin ng isang tao.

  • Paano makakaapekto ang ating mga pagkakamali sa paraan ng pagtingin natin sa iba?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nararapat bang hatulan o husgahan ang ibang tao. Bigyan sila ng ilang sandali na pag-isipan ang tanong na ito. Pagkatapos ay ipaliwanag na sa inspiradong pagsasalin ng Mateo 7:1, nilinaw ni Propetang Joseph Smith ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol sa iba. Ayon kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Tagapagligtas, “Huwag hahatol nang di makatarungan, upang huwag kayong hatulan; datapwat humatol nang makatarungan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:2 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag sa Tapat sa Pananampalataya:

“Kung minsan ipinapalagay ng mga tao na masamang husgahan ang iba sa anumang paraan. Bagama’t totoo na hindi ninyo dapat hatulan o husgahan ang iba nang wala sa katwiran, kakailanganin ninyong husgahan ang mga ideya, sitwasyon, at tao sa buong buhay ninyo. Maraming iniutos ang Panginoon na hindi ninyo matutupad nang hindi kayo humahatol o nanghuhusga” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 128).

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng paghatol nang makatarungan, ipabasa sa kanila nang tahimik ang 3 Nephi 14:6. Ipatukoy sa kanila ang ilang paghatol na iniutos Niyang gawin natin. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ibig sabihin ng ibigay ang anumang banal sa mga aso o ihagis ang mga perlas sa mga baboy? (Ibahagi ang isang bagay na banal sa mga taong hindi pahahalagahan o igagalang ang kasagraduhan nito.)

  • Ayon sa ipinayo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 14:6, paano tayo dapat humatol sa ibang tao?

Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks tungkol sa iba pang mga sitwasyon kung saan kailangan nating humatol nang makatarungan:

“Lahat tayo ay nagpapasiya kung sino ang pipiliin nating kaibigan, kung saan ilalaan ang panahon at ang pera natin, at mangyari pa, kung sino ang pipilin nating makasama nang walang hanggan. …

“… Ang makatarungang paghatol ay ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon, hindi ng galit, paghihiganti, pagkainggit, o pansariling interes” (“‘Judge Not’ and Judging,” 9).

  • Bakit mahalagang humatol nang makatarungan sa mga aspetong tulad ng pagpili ng mga kaibigan, pagpapasiya kung paano gugugulin ang ating panahon at pera, at pagpili ng taong makakasama sa kawalang-hanggan?

  • Ano ang ilan pang mga sitwasyon na kailangan nating hatulan ang iba? (Maaaring banggitin ng mga estudyante ang pagpili sa dalawang trabaho o pagpapasiya kung tatanggapin ang paanyayang makipagdeyt.)

3 Nephi 14:7–11

Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa paghingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 14:7–11 at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kahandaan ng Ama sa Langit na sagutin ang ating mga panalangin. Ipaliwanag na kung ang mga ama sa lupa, na mababait at mapagmahal ngunit hindi perpekto, ay bibigyan ang kanilang mga anak ng tinapay at isda sa halip na mga bato at ahas, ang ating Ama sa Langit, na ganap na mabait at mapagmahal, ay tiyak na sasagutin ang Kanyang mga anak na nagdarasal at humihingi ng tulong.

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa 3 Nephi 14:7–11? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin. Ang isang alituntunin na maaari mong bigyang-diin ay pinagpapala tayo ng Ama sa Langit kapag nagdarasal tayo na tulungan Niya.)

  • Bakit mahalaga para sa inyo na alam ninyo na sasagutin ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin?

  • Kailan ninyo nadama na mahal kayo ng Ama sa Langit sa paraan ng pagsagot Niya sa inyong mga panalangin? (Maaari mong bigyan ng sandaling oras ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang tanong na ito bago nila sagutin ito. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

3 Nephi 14:12–27

Itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 14:12 at sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti kung paano makatutulong sa kanila ang itinuro ng Tagapagligtas sa talatang ito upang maging higit na katulad sila ng Ama sa Langit.

  • Paano makatutulong sa atin ang payo sa 3 Nephi 14:12 na maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit?

Sabihin sa mga estudyante na habang patuloy na nagtuturo ang Tagapagligtas, gumamit Siya ng mabibisang analohiya para tulungan tayo na maunawaan ang kahalagahan ng paggawa ng kalooban ng Ama sa Langit.

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga analohiya ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 14, gawin ang sumusunod na aktibidad:

Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may 2–4 na katao. Bigyan ng papel ang bawat estudyante. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference, at bigyan ng isa nito ang bawat grupo: 3 Nephi 14:13–14; 3 Nephi 14:15–20; 3 Nephi 14:24–27. (Kung marami kang estudyante, mag-assign ng mga scripture block sa mahigit isang grupo.) Sabihin sa mga estudyante na basahin ang ibinigay na scripture block sa kanila at idrowing ang mga analohiyang ginamit ng Tagapagligtas. Ipasulat din sa kanila ang natutuhan nila mula sa mga analohiya.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipakita ang mga idinrowing nila sa klase at ipaliwanag ang natutuhan nila. Kapag naipaliwanag na ng mga estudyante ang natutuhan nila, itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano natutulad ang pagsunod sa mga turo ni Jesucristo sa paglakad sa isang makitid na daan? Paano natutulad ang hindi pagtanggap sa mga turo ni Jesucristo sa paglakad sa isang malawak na daan? (Tingnan sa 3 Nephi 14:13–14.) Sa paanong paraan naiiba ang mga turo ng Tagapagligtas mula sa mga turo ng sanlibutan?

  • Bakit mananamit-tupa ang isang lobo? (Tingnan sa 3 Nephi 14:15.) Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa mga hangarin at ginagawa ng mga bulaang propeta?

  • Kung ang mga punungkahoy sa 3 Nephi 14:16–20 ay sumasagisag sa mga tao, ano ang sinasagisag ng mga bunga? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga iniisp, sinasasabi, ginagawa at impluwensya ng mga tao sa iba.)

  • Kapag pinakinggan natin ang mga salita ng Tagapagligtas at sinunod ang mga ito, paano tayo natutulad sa isang tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng isang malaking bato? (Tingnan sa 3 Nephi 14:24–25.) Kung pipiliin nating huwag sundin ang mga salita ng Tagapagligtas, paano tayo natutulad sa isang tao na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan? (Tingnan sa 3 Nephi 14:26–27.)

    Matapos maglahad at magpaliwanag ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 14:21–23.

  • Ano ang matututuhan natin sa 3 Nephi 14:21? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan [isulat ang katotohanang ito sa pisara]: Dapat nating gawin ang kalooban ng Ama sa Langit upang makapasok sa kaharian ng langit.)

  • Paano nauugnay ang katotohanang ito sa paglalarawan sa malawak na daan at makitid na daan, punungkahoy na namumunga ng mabuti at punungkahoy na namumunga ng masama, at taong matalino at taong hangal?

Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na mapag-isipan at maipamuhay ang natutuhan nila sa 3 Nephi 14. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila daragdagan ang kanilang pagsisikap na masunod ang mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 14. Kung may oras pa, sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila at ibahagi ang gagawin nila dahil sa mga natutuhan nila. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga pagpapalang natanggap mo nang sundin mo ang kalooban ng Ama sa Langit.